Mga Naunang Kababaihan ng Pagpapanumbalik
Ginamit ni Lucy ang Kanyang mga Espirituwal na Kaloob
Tulad ni Lucy Mack Smith, bawat isa sa atin ay makatatanggap ng paghahayag. Lahat tayo ay may mga natatanging espirituwal na kaloob na maaaring magpala sa ating pamilya at sa Simbahan.
Oktubre 1838 noon, at mahigpit na hinawakan ni Lucy Mack Smith ang mga kamay ng kanyang mga anak na sina Hyrum at Joseph bago kinuha ang mga ito. Iniutos ng mga lider ng pamahalaan sa mga Banal na lisanin ang lugar. Ilang lider ng Simbahan ang inaresto ng mga kawal, at isang ilegal na korte-militar ang nag-utos na barilin sila. Inisip ni Lucy kung makikita pa ba niyang buhay ang kanyang mga anak.
Ano kaya ang nakatulong sa isang ina na matiis ang pagsubok na tulad nito? Makalipas ang ilang taon, ginunita ni Lucy ang panahong iyon at naalala na pinalakas siya ng isang mensahe ng kapanatagan na natanggap niya “sa pamamagitan ng kaloob na propesiya”: “Mapanatag ang iyong puso hinggil sa iyong mga anak; hindi sila masasaktan ng kanilang mga kaaway.”1
Ang karanasang ito ay nagbigay kay Lucy at sa kanyang pamilya ng “kaaliwan, na higit pa sa lahat ng kaaliwang maibibigay ng mundo.”
Ang mga Smith at marami pang mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw ay pinaalis sa Missouri. Matapos makahanap ng kanlungan sa katabing estado ng Illinois, sinikap nina Lucy at Joseph Smith Sr. na makahanap ng impormasyon tungkol sa kanilang mga anak ngunit wala silang nakuhang anuman. Muling nangusap ng kapayapaan ang Espiritu sa kaluluwa ni Lucy, sinasabi sa kanya na darating sina Hyrum at Joseph kinabukasan nang gabi.
Si Bishop Edward Partridge, na kasama ni Lucy nang matanggap niya ang paghahayag na ito, ay nagpahayag ng pag-aalinlangan: “Noon pa man ay naniniwala na ako sa iyo; ngunit hindi ko makitang posibleng mangyari ang propesiyang ito; ngunit kung mangyari nga ito, hindi ko na muling sasalungatin ang mga sasabihin mo.”
Tulog nang gabing iyon, nakakita si Lucy ng isang pangitain na naglalakbay sa kaparangan ang kanyang mga anak na hinang-hina at nagugutom. Naghanda si Lucy para sa pag-uwi nila—at talagang dumating sila kinabukasan. Inilarawan nila ang isang paglalakbay na tugma sa nakita ni Lucy. Pagkatapos niyon, sinabi ni Bishop Partridge na kikilalanin niya magpakailanman si Lucy “na isang tunay na propetisa.”