Mga Young Adult
Paghihintay sa mga Sagot nang Walang Pag-aalinlangan
Ang pagtatamo ng mga pagpapala ng Panginoon ay nangangailangan ng pagtitiis, ngunit tulad ng alam nating lahat, hindi masaya ang maghintay.
Noong bata pa ako, ayaw na ayaw kong naghihintay sa pagsapit ng umaga. Nasasabik at naiinip ako sa mangyayari sa susunod na araw kaya pabiling-biling at pabali-balikwas ako sa aking higaan, nakakatulog at nagigising at madalas dumungaw sa bintana, napapabuntong-hininga sa pagkadismaya sa tuwing matatanto ko na madalim pa sa labas. Para sa akin, laging napakatagal dumating ng umaga.
Minsan sa kalagitnaan ng gabi, pupuntahan ko ang aking mga magulang at magtatanong kung anong oras na. Titiyakin nila sa akin na darating ang umaga. Lagi akong nakakatulog nang mas mahimbing pagkatapos niyon.
Parang ganoon ang pakiramdam kapag naghihintay ng mga ipinangakong pagpapala. Tayo ay nananalangin nang taimtim, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at nakadarama ng katiyakan. Ngunit pagkatapos kung hindi agad nagbago ang ating mga kalagayan—kung hindi agad dumating ang mga sagot o pagpapala—nagsisimula tayong mag-alinlangan kung darating pa ang mga iyon.
Pag-aalinlangan na Darating ang mga Sagot
Mula sa aking karanasan, natutuhan ko na ang pag-aalinlangan ay kadalasang nagmumula sa pagtutuon ng pansin sa mga kalagayan sa halip na sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal sa atin.
Kapag mas pinagtutuunan natin ang ating mga kalagayan at kawalan ng pag-asa tungkol sa mga bagay na hindi pa dumarating sa atin, hindi natin gaanong matatanto na mahal tayo ng Tagapagligtas at kasama natin Siya sa bawat pagsulong natin. Alam ito ni Satanas, kaya nga nagtatanim siya ng mumunting pag-aalinlangan sa ating isipan para pagdudahan natin ang pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas, ang ating walang-hanggang kahalagahan, at kung gaano tayo kahalaga sa Ama sa Langit.
Paghihintay nang Walang Pag-aalinlangan
Ang paghihintay ay bahagi ng buhay. At ang paghihintay sa mga sagot at pagpapala at pangako ng Panginoon ay maaaring mahirap kung minsan. Ngunit may ilang bagay tayong magagawa upang mahintay ang mga pagpapala nang hindi nagpapadaig sa pag-aalinlangan:
Una, maaari nating gunitain ang mga sandaling iyon noong nakatanggap tayo ng mga sagot o impresyon. Alalahanin ang naramdamang kasiglahan o kagalakan na iyon na bumulong ng kapayapaan sa inyong puso at isipan. Ang mga damdamin at sagot na iyon ay mula sa Diyos. Hindi nagbabago ang mga katotohanan at mga pangakong iyon sa paglipas ng panahon. Masusunod natin ang payo ng Apostol na “alalahanin ang inyong mga sagradong alaala. Paniwalaan ang mga ito. Isulat ang mga ito. … Magtiwala na dumarating ang mga ito sa inyo mula sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Hayaang maghatid ng pagtitiis [ang mga ito] sa inyong mga pagdududa at pag-unawa sa inyong mga paghihirap.”1 Sa pagtutuon sa Espiritu at sa mga bagay na alam nating totoo, hindi na matutuon ang pansin natin sa mga pag-aalinlangan natin. At maaari tayong magkaroon ng kumpiyansang kailangan natin upang makasulong nang may pag-asa.
Pangalawa, kailangan nating tandaan na upang makatanggap ng personal na paghahayag, kailangang handa tayong magpatuloy nang may pananampalataya sa kabila ng hindi natin pagkakaroon ng ganap na kaalaman. Tulad noon na lagi akong naghihintay sa pagdating ng umaga, matatanto natin na bagama’t naghihintay tayo sa mga ipinangakong pagpapala, mayroong paghahandang gagawin, maliliit na hakbang na gagawin, at kaalamang matatamo. Habang naghihintay tayo, maaari tayong patuloy na matuto at magsikap na maging karapat-dapat sa mga pagpapalang inilaan para sa atin.
Ang huli, panatilihin natin ang pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw, na isinasaisip na “may mga pagpapalang dumarating kaagad, may ilang huli na, at may ilang hindi dumarating hangga’t hindi tayo nakararating sa langit; ngunit para sa mga taong tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito,” tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol.2 “Inaasahan ng Diyos na magkakaroon kayo ng sapat na pananampalataya at determinasyon at sapat na tiwala sa Kanya upang patuloy na kumilos, mamuhay, at magalak.”3 Ang mga pagpapala ng Panginoon ay laging dumarating, tulad ng pagsikat ng araw tuwing umaga. Asamin ang kawalang-hanggan sa halip na ang bukas.
Natututo mula sa Paghihintay
Sa panahon ng pag-aalinlangan kapag nadarama natin na tayo ay tila nasa isang madilim na silid na walang liwanag ng langit, alalahanin natin na ang mga bisig ng Tagapagligtas ay laging nakaunat sa atin, sabik na naghihintay na lumapit tayo sa Kanya. Titiyakin Niya sa atin na mahal Niya tayo, tulad ng ginawa ng aking mga magulang tuwing nag-aalala ako na hindi na darating ang umaga.
Kapag nakatuon tayo sa Tagapagligtas, hindi gaanong nakakapagod maghintay sa mga ipinangakong pagpapala at mga sagot. Ang paghihintay ay nagiging panahon ng makabuluhang pag-aaral at paghahanda. Matututuhan natin kung paano magtuon sa kalooban ng Ama sa Langit at hindi sa kagustuhan natin. Malalaman natin nang may katiyakan na mahal Niya tayo at tutuparin Niya palagi ang Kanyang pangako sa atin. At dadaigin ng katiyakang iyon ang lahat ng pag-aalinlangan at kadiliman. Ang umaga ay laging darating, at gayon din ang Kanyang mga pangako.