Ang Kapangyarihan ng Personal na Paghahayag
Paano makatatanggap ng paghahayag na magpapalakas na akma sa iyo.
“Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakaaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadarama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay ‘uunlad sa alituntunin ng paghahayag.’
“Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo!”
Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95.
“Maaari kayong makatanggap ng personal na inspirasyon at paghahayag, ayon sa Kanyang mga kautusan, na akma sa inyo. Mayroon kayong natatanging misyon at tungkuling gagampanan sa buhay at bibigyan kayo ng natatanging patnubay para matupad ang mga ito.
“Si Nephi, ang kapatid ni Jared, at maging si Moises ay pawang may malawak na karagatang tatawirin—at ginawa nila ito sa magkakaibang paraan. Si Nephi ay gumawa ng ‘mga kahoy na kakaiba ang kayarian.’ Ang kapatid ni Jared ay bumuo ng mga gabara na ‘mahigpit tulad ng isang pinggan.’ At si Moises ay ‘lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.’
“Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng personal na patnubay, na akma sa kanila, at bawat isa ay nagtiwala at kumilos.”
Michelle Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, “Espirituwal na Kakayahan,” Liahona, Nob. 2019, 21.
“Alam ko na ngayon na ang totoong pagpapakabusog ay higit pa sa pagkain ng masarap. Ito ay kagalakan, kalusugan, pagdiriwang, pagbabahagi, pagpapahayag ng pagmamahal sa pamilya at mga mahal sa buhay, pagpapasalamat sa Diyos, at pagpapatibay ng ugnayan habang kumakain ng sagana at napakasarap na pagkain. Naniniwala ako na kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, dapat nating isipin na ganoon din ang ating nararanasan. …
“… Ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo ay magdudulot ng paghahayag na magpapalakas, titiyak ng ating tunay na pagkakakilanlan at halaga sa Diyos bilang Kanyang anak, at aakayin ang ating mga kaibigan kay Cristo at sa buhay na walang-hanggan.”
Elder Takashi Wada ng Pitumpu, “Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo,” Liahona, Mayo 2019, 38–39, 40.
“Ang sakramento ay panahon din para turuan tayo ng Ama sa Langit tungkol sa Pagbabayad-sala ng Kanyang Pinakamamahal na Anak—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo—at para makatanggap tayo ng paghahayag tungkol dito. Panahon na para ‘magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan,’ para hilingin at matanggap ang kaalamang ito. Panahon na para mapitagan nating hingin sa Diyos ang kaalamang ito. At kung gagawin natin ito, wala akong alinlangan na tatanggapin natin ang kaalamang ito, na magbibigay sa atin ng di-masukat na pagpapala.”
Elder Claudio R. M. Costa ng Pitumpu, “Na Sila sa Tuwina ay Aalalahanin Siya,” Liahona, Nob. 2015, 103.
“Maging masunurin, alalahanin ang mga pagkakataon na nadama ninyo ang Espiritu noong araw, at manalangin nang may pananampalataya. Darating ang sagot sa inyo, at madarama ninyo ang pagmamahal at kapayapaan ng Tagapagligtas. Maaaring hindi ito dumating nang kasimbilis o sa paraang gusto ninyo, ngunit darating ang sagot. Huwag sumuko! Huwag sumuko kailanman!”
Elder James B. Martino ng Pitumpu, “Bumaling sa Kanya at Darating ang mga Sagot,” Liahona, Nob. 2015, 59.
“Paulit-ulit na sinabi sa atin ng Panginoon na ‘maghanap ng kaalaman maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.’ Makatatanggap tayo ng liwanag at pang-unawa hindi lamang sa pamamagitan ng lohikal na pangangatwiran ng ating isipan kundi sa pamamagitan din ng patnubay at inspirasyon ng Espiritu Santo. …
“Kapag ang dalawang pananaw na ito ay pinagsama sa ating kaluluwa, isang buong larawan ang nagpapakita sa katunayan ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito.”
Elder Mathias Held ng Pitumpu, “Paghahangad ng Kaalaman sa Pamamagitan ng Espiritu,” Liahona, Mayo 2019, 31, 33.