2021
Munting Langit sa Missionary
Enero 2021


Munting Langit sa Missionary

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang kumatok kami sa pintuan ng pamilya Bautista, hindi namin inakala ang mga pagpapalang makikita namin sa mga susunod na taon.

illustration of missionaries standing at a door in the rain

Mga paglalarawan ni Dilleen Marsh

Isang maulang gabi noong mga huling araw ng Nobyembre 1973, kami ng kompanyon ko ay nagbahay-bahay sa Maynila, sa Pilipinas, at kumatok kami sa pintuan nina Romeo at Naty Bautista. Pinapasok nila kami at magalang na nakinig sa maikling mensahe namin. Hindi marunong magsalita ng Ingles si Naty (at nagtuturo lang kami sa wikang Ingles noong panahong iyon), pero marunong ng Ingles si Romeo at nais niyang bumalik kami. Sinabi rin niya na ang nakababata niyang kapatid na si Avelia, na nakatira sa kanila habang nag-aaral sa kolehiyo sa Maynila, ay baka maging interesado rin.

Napakasaya namin bilang mga batang missionary dahil sa aming mga bagong investigator, sabik naming hinintay na makabalik kami makalipas ang ilang araw. Naging maayos ang pagtuturo namin at hindi kami makapaniwala. Nakinig nang mabuti sina Romeo at Avelia at nagtatanong sila. Nakinig si Naty pero hindi niya gaanong maunawaan ang sinasabi namin. Lahat sila ay handang makinig sa simula pa lang—na pangarap ng isang missionary!

Pagkatapos naming umalis matapos ang bawat lesson, itinuturo ni Romeo sa kanyang asawa ang lesson sa wikang Tagalog. Binasa nila ang Aklat ni Mormon sa Ingles nang magkasama, nang paunti-unti. May dalawa silang anak na babae noong panahong iyon: si Ruth, isang toddler, at si Namie, isang sanggol.

Bautista family in 1973

Noong Disyembre 1973, mapalad akong mabinyagan at makumpirma si Romeo at ang kanyang kapatid na si Avelia. Tuwang-tuwa kami ng kompanyon ko sa pananampalataya at interes ng pamilya sa ebanghelyo, ngunit hindi namin inakala ang walang-hanggang epekto ng kanilang desisyon at ang di-mabilang na buhay na mapagpapala agad at sa mga panahong darating.

Sina Romeo at Avelia ay naging tapat at matatag na mga miyembro ng Makati Branch mula sa simula. Hindi nagtagal matapos silang mabinyagan, bumalik na ako sa Salt Lake City, Utah. Sa kasabikan kong umuwi, ni hindi ko nakuha ang mailing address ni Romeo para masulatan ko siya. Walang Internet o mga cell phone noong panahong iyon.

Hindi naglaon at nakilala ko si Susan, ang aking asawa sa kawalang-hanggan. Tinuruan, bininyagan, at pinakasalan ko siya noong 1975, at nabuklod kami sa Salt Lake Temple noong 1976. Nagkaroon kami ng tatlong anak at ginampanan namin ang iba’t ibang tungkulin sa Simbahan. Abala rin ako sa negosyo ng aming pamilya. Madalas kong maisip ang pamilya Bautista at kung ano na ang nangyari sa kanila, pero hindi ko alam kung paano ko sila kokontakin.

At isang espesyal na araw noong 1997, nakatanggap ako ng liham mula sa isang Gng. Avelia Wijtenberg, mula sa MacKay, Queensland, Australia! Wala akong kilalang tao roon, pero nang mabasa ko ang sulat, nalaman ko na ang kapatid ni Romeo na si Avelia ay may nakilalang isang lalaking Dutch-Australian at pinakasalan ito at naninirahan na sa Queensland nang ilang taon. Nakita niya ang lumang mailing address ko sa kanyang notebook isang araw habang naglilinis.

Nagsimula kaming magsulatan ni Avelia, gusto naming malaman ang nangyari sa isa’t isa sa nakaraang ilang dekada. Naibigay din niya sa akin ang mailing address ni Romeo, na lumipat sa Tiwi, sa dakong timog ng Isla ng Luzon sa Pilipinas.

Sa taon na iyon, nang magsulatan kami ni Romeo, makalipas ang 24 na taon na walang balita sa isa’t isa, napatibay muli ang aming ugnayan. Sinabi ni Romeo na mayroon na silang limang anak ni Naty. Si Naty at ang iba pa sa pamilya ay nabinyagan sa mga sumunod na taon pagkatapos kong umuwi. Ang kanilang panganay, si Ruth, ay nakapagmisyon sa Philippines Davao Mission, at ang pangalawa at pangatlong anak na babae, sina Namie at Joan, ay nagmimisyon sa hilagang Luzon at sa Guam. Ang pang-apat nilang anak na babae, si Lyn, na kalaunan ay naglingkod sa Philippines Baguio Mission, at ang huli, ang anak na si John, ay naglingkod kalaunan sa Philippines Cagayan de Oro Mission.

illustration of writing and reading a letter

Hiningi naming mag-asawa ang mga address nina Namie at Joan at sumulat kami sa kanila sa kanilang mga misyon. Hindi pa namin sila kailanman nakita at hindi namin sila personal na kilala ngunit agad kaming nagkapalagayang-loob na mahirap ilarawan sa salita. Halos parang sarili namin silang mga anak! Sa pagsusulatan namin, mas napamahal sa amin ang pamilya Bautista at lalo na sina Namie at Joan—na puspos ng Espiritu, na nagsusumigasig nang husto bilang mga full-time missionary. Sa isang liham, itinanong ni Namie kung puwede niya kaming tawagan sa araw ng Pasko, dahil walang telepono ang mga magulang niya noong panahong iyon. Sa pahintulot ng kanyang mission president, tumawag siya sa araw ng Pasko noong 1997, at pareho kaming umiyak nang ilang minuto. Pagkatapos ay ipinaalala ko sa kanya na masyadong mahal ang long-distance collect call sa ibang bansa para sayangin lang sa pag-iyak namin. Nagtawanan kami at nagkaroon ng masayang pag-uusap, kahit limitado ang kasanayan niya sa Ingles. Inanyayahan niya kaming pumunta sa Pilipinas nang sumunod na tag-init para sa kanyang homecoming talk.

Noong tag-init ng 1998, nang pauwi na si Namie mula sa kanyang misyon, nagplano kami ng aking 16-taong-gulang na anak na babae na pumunta sa Pilipinas. Dumating kami sa Maynila at sinalubong kami ni Ruth. Magkasama kaming dumalo sa Manila Philippines Temple. Pagkatapos ay lumipad kami patungo sa tahanan ng kanyang pamilya sa Tiwi. Hindi ko mailarawan ang kagalakan nang makita kong muli si Romeo at ang kanyang pamilya. Agad na nanumbalik ang malalim naming pagsasamahan. Nag-usap kami at nagyakap at ginunita ang nakaraan; magkasama kaming kumain at nagbasa ng mga banal na kasulatan kasama ang kanyang pamilya sa bawat gabi na naroon kami. Sila ay parang matitibay na bato ng patotoo sa maliit nilang branch. Dumalo kami sa sacrament meeting sa Tiwi Branch at nakinig sa pagsasalita ni Namie tungkol sa kanyang misyon. Napakasaya niyon. Halos parang nasa langit ka. Talagang parang langit ito sa missionary.

Steven Hunt and Romeo Bautista

Noong panahong iyon, si Romeo ang branch president ng Tiwi branch. Naging kasangkapan siya sa pagdadala ng ebanghelyo sa kanyang mga kamag-anak sa hilagang Luzon. Dinala ni Romeo ang kanyang pamilya sa templo, kung saan nabuklod si Naty at kanilang mga anak. Ngayon lahat ng limang anak ay ikinasal at nabuklod sa Manila Temple. Ilan sa kanila ay ikinasal sa mga returned missionary. Si Joan ang naging kasangkapan para maging miyembro ang kanyang nobyo. Naghintay siya sa kanya nang isang taon matapos itong mabinyagan at pagkatapos ay nagpakasal sa kanya sa Manila Temple. Biglaan ang pagkamatay ni Naty noong 2007, ngunit nanatiling matatag ang pamilya sa ebanghelyo. Nagpapasalamat sila para sa tipan ng pagbubuklod at alam ni Romeo na makikita niyang muli ang kanyang magandang asawa at makikita ng kanyang mga anak ang kanilang ina kung sila ay tapat.

Bautista family on the day of their sealing

Ngayon mahigit 70 na ang miyembro sa pamilya Bautista na aktibo sa Simbahan. Ang pamilya at kamag-anak ay may 17 full-time mission at 14 na kasal sa templo. Ang mga miyembro ng pamilya ay naglingkod din bilang mga bishop at branch president; mga stake at district president; at mga pangulo at tagapayo sa Relief Society, Young Women, at Primary! Ang anak ni Romeo na si John ay bishop noon sa Quezon City area. Ang asawa ni Ruth ay naging high councilor sa stake ding iyon. Ang asawa ni Lyn ay isa ring branch president sa Tiwi. Talagang ang pamilya Bautista ay nagtatatag ng isang matibay na pamana ng paglilingkod at katatagan sa Pilipinas.

Nagmisyon kaming mag-asawa sa Philippines San Pablo Mission mula 2008 hanggang 2010. Isang araw sa templo sa Maynila, karamihan sa pamilya Bautista ay nagtipon para sa kasal nina John Bautista (anak ni Romeo) at Sister Victorino, isa sa mga sister missionary mula sa San Pablo Mission na nakatapos ng kanyang misyon at kauuwi pa lamang.

Itinanong ng mission president namin kung gusto naming dumalo sa masayang kaganapang iyon, at kaagad kaming nagplano na pumunta roon. Alam ng asawa ko ang kaugnayan ko sa pamilya Bautista ngunit namangha siya kung gaano karami ang naroong mga miyembro ng pamilya at kung gaano nila siya kamahal. Nagkaroon siya ng 70 bagong kaibigan na panghabambuhay.

Madalas kong isipin ang Doktrina at mga Tipan 18:15: “At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” Tulad ng mumunting alon sa isang lawa, ang impluwensya ng isang tao, si Romeo, ay nagdala ng matibay na patotoo at paglilingkod sa Simbahan sa Pilipinas.

Mapalad ako na nakatulong ako sa paghagis ng maliit na bato sa lawa apat na dekada na ang nakalipas sa pamamagitan ng pagbibinyag kina Romeo at Avelia. Nakadama ako ng di-masambit na kagalakan sa kaugnayan ko sa mabait na pamilyang ito, na ngayon ay nasa ikatlong henerasyon na namumuhay ayon sa ebanghelyo. Tunay ngang ito ang tuluy-tuloy na pamana at kagalakang dulot ng gawaing misyonero. Ito ay munting langit sa missionary!