2021
Itinutuon Tayong Lahat kay Jesucristo
Enero 2021


Itinutuon Tayong Lahat kay Jesucristo

Ang buhay ay isang paglalakbay. Makatutulong ang Liahona.

line drawing of Liahona

Drawing of Liahona [Drowing na Liahona] ni Beth Whittaker

Sa panahon ng Aklat ni Mormon, inihanda ng Panginoon ang Liahona para tulungan si Lehi at ang kanyang pamilya na makapagpatuloy sa kanilang paglalakbay. Ito ay “aguhon … na nagturo sa kanila sa tuwid na daan patungo sa lupang pangako” (Alma 37:44).

Tulad ni Lehi, tayo ay naglalakbay. Makararanas tayo ng saya at lungkot. Liwanag at kadiliman. Kapayapaan at pasakit. Ngunit sa lahat ng ito, may banal na layunin dahil tayo ay may banal na potensyal. Hindi lamang nais ng ating Ama sa Langit na makapiling natin Siya; nais Niya tayong maging lalong katulad Niya sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ngunit kung minsan ay kailangan natin ng tulong.

Sa ilalim ng pamamahala ng mga buhay na propeta, ang magasing Liahona sa ating panahon ay nilayong tulungan tayong malaman ang daan at kung paano ito tatahakin. Ang pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapabago sa atin. At kapag natawid na natin ang sarili nating mga disyerto at karagatan, makikita natin na ang pagsunod sa Kanya sa panahon ng liwanag at kadiliman ay nagtulot sa Kanya na hubugin tayo sa alam Niyang kaya nating kahinatnan noon pa man.

Patuloy na magbasa para malaman ang iba pa tungkol sa bagong Liahona.

photo collage of eight people

Larawan ng babaeng nagsusulat mula sa Getty Images; mga larawan: ikalawang hanay mula itaas (kaliwa) at ikatlong hanay mula itaas (kanan) mula sa Getty Images

Isang Magasin para sa Bawat Puso at Tahanan

Ikaw man ay mula sa Slovenia o Spain, Madagascar o Massachusetts, ang magasing ito ay para sa iyo. Marunong ka mang magsalita ng Korean o Kiribati; ang bahay mo man ay gawa sa ladrilyo o kawayan; ikaw man ay nabinyagan 80 taon na ang nakalipas o kahapon lamang. May-asawa, walang-asawa, matanda, bata—ang mga pahinang ito ay nangungusap at sumasalamin sa iyo. Ang iyong patotoo, iyong karanasan, iyong sambahayan ng pananampalataya. Iyan ang malaking pagpapala ng pagkakaroon ng pandaigdigang magasin para sa mga adult. Pinagkakaisa tayo nito at ipinapaalala sa atin na lahat tayo ay kabilang sa isang pandaigdigang pamilya at isang pandaigdigang simbahan.

Kaya’t halina at sama-sama tayong maging mas malapit kay Jesucristo. Paisa-isang isyu, paisa-isang pahina. Gagabayan tayo ng mga propeta at apostol, at tutulungan ng ating mapagmahal na Tagapagligtas. Tayong lahat. Sama-sama.

Ano ang Aasahan mula sa Bagong Liahona

Mga mensahe mula sa mga Propeta at Apostol

First Presidency

Ang magasing Liahona ay magtatampok ng mga mensahe mula sa mga lider ng Simbahan sa mas napapanahong paraan. Ang mga mensaheng ito, sa print at online, ay itutuon tayong lahat sa Tagapagligtas.

Mas Maraming Suporta para sa Lahat ng Miyembro

Dati-rati, ilang beses lamang nakatatanggap ang mga miyembro ng magasin sa isang taon, depende sa kanilang wika. Ngayon ang tatlong pandaigdigang magasin ng Simbahan ay mapi-print buwan-buwan o tuwing makalawang buwan sa mga wikang sinasalita ng mga 97 porsiyento ng mga miyembro.

Mas Maraming Digital Content

phone screen with Gospel Library

Para matulungan ka na makuha ang nagbibigay-inspirasyong nilalaman na nais mo, ibibigay namin ito sa mas gusto mong paraan. Hanapin ang pinahusay at mas personal na mga karanasan sa liahona.ChurchofJesusChrist.org, sa Gospel Living app at sa Gospel Library app, sa pamamagitan ng email, at sa iba pang mga opsiyon na darating.

Pag-aaral ng Ebanghelyo na Nakasentro sa Tahanan

Bawat buwan magbabahagi kami ng mga karanasan, aktibidad, at turo upang tulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw na matutuhan ang ebanghelyo sa tahanan at ituro ito sa kanilang mga anak at mahal sa buhay.

Mga Totoong Kuwento mula sa mga Totoong Miyembro

girl writing in notebook

Larawan ng babaeng nagsusulat mula sa Getty Images; mga larawan: ikalawang hanay mula itaas (kaliwa) at ikatlong hanay mula itaas (kanan) mula sa Getty Images

Habang binabasa mo ang mga karanasang nagpapalakas ng pananampalataya mula sa mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo, lalakas ang iyong sariling pananampalataya. At maipapaalala sa iyo na kabilang tayo sa grupo na mas malaki pa sa ating ward o branch. Ibahagi ang iyong karanasan sa liahona.ChurchofJesusChrist.org o mag-email sa amin sa liahona@ChurchofJesusChrist.org.

Mga Kuwento at Mensaheng Malapit sa Tahanan

Ang Liahona ay inilalathala sa mahigit 60 panrehiyong bersyon na kinabibilangan ng mga naka-insert na pahina na partikular sa iba’t ibang lugar at wika. Tutulungan ka ng mga lokal na pahina na ito na makaugnay sa mga Banal, mga lider, at mga isyu na malapit sa tahanan.