Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo
Ang Diyos ay Nangungusap sa Atin Ngayon
Nais ng Ama sa Langit na tulungan tayo. Nakikinig ba tayo sa Kanya?
Dalawang daang taon na ang nakalipas, ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagpakita sa isang binatilyo na nagngangalang Joseph Smith. Ang Unang Pangitaing ito ay nagtuturo sa atin ng mahahalagang katotohanan. Pinamumunuan muli ni Jesus ang isang Simbahan sa mundo. Mayroong mga propeta ngayon tulad noong unang panahon. At kilala ng Diyos ang pangalan ng bawat isa sa atin at nakikinig Siya sa ating mga panalangin. Pinagpapala tayo kapag sinisikap nating makinig sa Kanyang tinig sa bawat araw.
Ano ang Paghahayag?
Kapag nangungusap ang Diyos sa Kanyang mga anak, ito ay tinatawag na “paghahayag.” May iba’t ibang uri ang paghahayag.
Ang personal na paghahayag ay kapag nangungusap ang Diyos sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Mapapanatag at magagabayan Niya tayo.
Maaari din tayong makatanggap ng paghahayag kung paano tutulungan ang mga taong tinawag na mamuno. Halimbawa, maaaring makatanggap ng paghahayag ang mga magulang tungkol sa kanilang pamilya, at ang bishop tungkol sa kanyang ward.
Tanging ang propeta ang makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan, ngunit maaaring manalangin ang bawat isa sa atin para malaman kung totoo ang itinuturo ng ating mga lider.
Paano Ako Makatatanggap ng Personal na Paghahayag?
Maaari tayong makipag-usap sa mapagmahal, pinakamakapangyarihan, at pinakamarunong na Ama sa Langit anumang oras sa pamamagitan ng panalangin. Nais Niyang pasalamatan natin Siya para sa mga pagpapala, kausapin Siya tungkol sa ating buhay, at hingin kung ano ang ating mga pangangailangan. Pagkatapos ay dapat nating pagtuunan ng pansin ang mga kaisipan at damdamin na nagmumula sa Espiritu Santo, na katulad ng isang sugo mula sa ating Ama sa Langit.
Paano Mailalarawan ang Paghahayag?
Hindi mailalarawan ang paghahayag sa isang paraan. Nangungusap ang Diyos sa bawat isa sa atin sa paraang mauunawaan natin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:24). Kung minsan ay nagkakaroon ng mga panaginip at pangitain ang mga tao. Ngunit mas madalas, nangungusap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng tahimik na mga damdamin mula sa Espiritu Santo, tulad ng pagmamahal, kapayapaan, o kagalakan.
Sa pag-aaral sa buwang ito ng Doktrina at mga Tipan, mababasa natin ang tungkol kay Oliver Cowdery, na tinuruan na ang paghahayag ay darating kapwa sa kanyang isipan at puso (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2).
Ano ang Ilang Halimbawa ng Paghahayag sa mga Banal na Kasulatan?
Maraming kuwento sa banal na kasulatan na naglalarawan sa Diyos na nangungusap sa Kanyang mga tao:
-
Sinabi ng Diyos kay Noe kung paano pananatilihing ligtas ang kanyang pamilya (tingnan sa Genesis 6:17–18).
-
Pinanatag ng Ama sa Langit at ni Jesus ang isang disipulong nagngangalang Esteban (tingnan sa Mga Gawa 7:55).
-
Nakatulong ang paghahayag para masunod ni Nephi ang mga kautusan (tingnan sa 1 Nephi 4:6).
-
Bagama’t ang iba pang mga banal na kasulatan ay nagmumula sa mga sinaunang talaan, ang Doktrina at mga Tipan ay binubuo ng mga makabagong paghahayag. Sa taon na ito mayroon tayong espesyal na pagkakataon na pag-aralan ang isang aklat na puno ng mga salita mismo ng Panginoon.