Deneto Forde
Saint Catherine, Jamaica
Hindi ako gaanong nakapag-aral, kaya hindi ako gaanong marunong magbasa o magsulat. Ang nagagawa ko lamang ay isulat ang aking pangalan. Ibinigay ng isang kaibigan na katrabaho ko ang isang numero ng telepono at sinabing dapat kong tawagan ito. Tumawag ako at babae ang sumagot na isang guro sa high school. Inanyayahan niya ako sa isang klase sa pagbabasa. Kalaunan, inimbita niya ako sa simbahan at sa mga aktibidad.
Isang araw, nagpunta ako sa simbahan at nakilala ko ang mga missionary. Sinabi nila na gusto nilang ituro sa akin ang ebanghelyo. Ang isang bagay na nakatawag ng aking pansin ay ang plano ng kaligtasan. Nagkaroon ng kahungkagan sa puso ko dahil lagi kong sinasabi sa sarili ko na dapat mayroon pang higit na kabuluhan ang buhay kaysa sa mga bagay na nakamulatan ko na.
Nagtanong ako. “Saan nagsimula ang lahat ng ito?” “Saan ako nanggaling?” Sinabi sa akin ng mga missionary, “Nabuhay ka na bago pa man ang buhay na ito. Kapiling mo noon ang iyong Ama sa Langit. Narito ka para subukin kung gagawin mo ang ipinagagawa sa iyo para makabalik sa piling Niya.” Nasagot nito ang mga tanong ko!
Itinuro din sa akin ng mga missionary na naipanumbalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo. Wala akong alam tungkol doon. Ang tanging alam ko ay namatay si Jesucristo para sa akin. Pagkaraan ng isang buwan, nabinyagan ako sa edad na 25.
Gusto kong magmisyon. Isang taon matapos akong mabinyagan, nagpunta ako sa Dominican Republic para matanggap ang aking endowment sa Santo Domingo Dominican Republic Temple dahil walang templo sa Jamaica. Kung may isang templong malapit sa akin sa Jamaica, pupunta ako roon araw-araw kung kaya ko.
Dumalo ako sa missionary training center sa Dominican Republic at natutuhan ang dapat gawin para maging mas mahusay na missionary. Bumalik ako sa Jamaica at naglingkod nang dalawang taon bilang missionary. Kung makakapagmisyon pa akong muli, gagawin ko ito dahil kasiya-siya ito. May mga panahong masaya at malungkot sa misyon at marami pang dapat matutuhan, ngunit naging masaya ako roon.
Noong magmisyon ako, halos hindi ko mabasa ang Aklat ni Mormon o ang Biblia. Sa oras ng pag-aaral naming magkompanyon, nagpapatulong ako sa aking kompanyon sa pagbabasa ng isang banal na kasulatan na hindi ko maunawaan. Tinutulungan niya akong malaman ang kahulugan niyon. Kalaunan, mas marami pa akong natutuhan. Sa pagtatapos ng aking misyon, nabasa ko na ang Aklat ni Mormon, ang Bagong Tipan, ang ilan sa Lumang Tipan at Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ngayon nababasa ko na ang anumang ibigay sa akin. Matutulungan ko ang aking sarili at patuloy kong matututuhan pa ang tungkol sa ebanghelyo. Alam ko na isang pagpapala iyan sa akin dahil nagmisyon ako.
Ang ebanghelyo ang nagbibigay sa akin ng dahilan para magpatuloy at asamin ang mas magagandang araw.
Magandang ibahagi ito. Kung minsan may nakikilala akong isang tao na hindi maganda ang araw o taong nag-aalala sa buhay. Marahil pumanaw ang kanilang lola, ama, o taong malapit sa kanila. Kinakausap ko sila tungkol sa Pagpapanumbalik at ipinababatid sa kanila ang plano ng kaligtasan. Dahil sa Pagpapanumbalik kaya alam natin ang tungkol sa plano ng kaligtasan.