2021
Kabilang ang Lahat
Enero 2021


Pagiging Kabilang

Kabilang ang Lahat

Paano tayo makakatulong para hindi mangamba at mapag-isa ang mga taong nagpapasiyang dumalo sa mga miting ng Simbahan?

young man

Bilang mga disipulo ni Cristo, marami sa atin ang pinipiling literal na “tatayo sa mga banal na lugar” kada linggo kapag dumadalo tayo sa mga miting natin sa araw ng Linggo (Doktrina at mga Tipan 45:32). Sa pagdalo para maibahagi ang Espiritu at ibilang ang isa’t isa, marami ang gustong makihalubilo, matanggap, at madamang kabilang sila. Dala ng bawat isa sa atin ang pag-asa na “hindi na [tayo] mga dayuhan at banyaga, kundi [tayo’y] mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos” (Mga Taga Efeso 2:19).

Ngunit para sa ilan, ang pagpapasiyang dumalo sa mga miting ng Simbahan ay may kalakip na damdamin na pagiging di-komportable, may pangamba, o lungkot. Ang kanilang mga karanasan, kalagayan o sitwasyon ng pamilya ay maaaring hindi “ideyal.” Madalas itong humahantong sa pakiramdan na hindi sila kabilang, kahit na ang “ideyal” na iyon ay hindi kumakatawan sa realidad para sa sinuman sa atin.

Ang kahalagahan natin sa Diyos ay hindi naaapektuhan ng ating mga kalagayan, at sa maraming pagkakataon, ang di-gaanong ideyal na mga sitwasyong ito ang nagtutulak sa atin na umunlad at matuto. Ngunit dahil sa mga kalagayang ito, marami ang tila nakadaramang mahirap mapabilang o lubos na maunawaan. Ano ang magagawa natin para mabuksan ang mga pintuan na humahadlang sa iba na madama na kabilang sila sa atin, bagama’t maaaring nadarama rin natin ito?

mother and son

Larawan ng ina at anak mula sa Getty Images

Ang Panawagan na Ibilang ang Lahat

Ang gawing kabilang ang lahat ay bahagi ng pagtupad sa ating mga tipan. Sa binyag, nangangako tayo na hindi natin hahayaang magdusa ang sinuman nang mag-isa kundi makikidalamhati tayo sa kanila, aaliwin sila, at papasanin ang kanilang mga pasanin (tingnan sa Mosias 18:8–10).

Ang gawing kabilang ang lahat ay bahagi ng ating Simbahan. Dapat nating ibilang ang lahat sa ating pagsamba tulad ng masayang pagtanggap ng Tagapagligtas sa lahat ng makikibahagi sa Kanyang kaligtasan (tingnan sa 2 Nephi 26:24–28, 33; 3 Nephi 18:22–23).

Ang gawing kabilang ang lahat ay mahalagang bahagi ng ating paglalakbay upang maging katulad ng Tagapagligtas. Ang mahalin ang ating kapwa at tulutan sila na mapabilang sa atin pati ang mga taong naiiba sa atin ay bahagi ng pagsisikap natin na maging perpekto (tingnan sa Mateo 5:43–47).

Sa huli, upang maging Kanya, dapat tayong maging isa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:27).

mother and daughter

Walang Pagsusumigasig na Nakakalimutan

Ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak ay hindi para sa isang partikular na grupo kundi para sa lahat ng tao. Inaanyayahan Niya ang lahat na “lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33).

Kilala at pinahahalagahan Niya:

  • Ang sister, na kamakailan ay nakipagdiborsyo, na nasasaktan ang damdamin nang talakayin ang tungkol sa kasal.

  • Ang young adult na may mga katanungan, at sumasamo ng mga kasagutan.

  • Ang sister na dumaranas ng pagkabalisa, na matindi ang kalungkutan at takot.

  • Ang brother na bata pa at may lahing itim, na naasiwa nang talakayin sa kanilang klase ang maling pagkaunawa tungkol sa lahi at priesthood.

  • Ang sister na wala pang asawa at nadaramang ang kahulugan nito ay wala siyang halaga.

  • Ang ina ng isang bata na may mga kapansanan, na nag-aalala na nakagagambala sa iba ang mga ikinikilos ng kanyang anak.

  • Ang brother na naaakit sa kapareho niya ang kasarian, na nag-iisip na umalis sa Simbahan dahil nahihirapan siyang unawain ang kanyang magiging bukas.

  • Ang sister na nag-aalala kung paano siya huhusgahan ng iba sa pagsisimula niyang bumalik sa Simbahan.

Walang kalagayan, walang sitwasyon, walang indibiduwal na nakakalimutan. “Naaalaala niya … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33) dahil, tulad ng Kanyang mga naunang disipulo, tayong lahat ay “kay Cristo” (Marcos 9:41; tingnan din sa Mosias 5:7).

Kaya Ano ang Magagawa Natin?

Ano ang magagawa natin upang makabuo ng mga ugnayan at matanggap ang mga taong may mga kahinaan gayon din ang mga taong may mga kalakasan?

Maaari nating simulang pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano ko higit na matutulungan at makikilala ang mga hindi ko kilala sa aming ward o branch?

  • Anong paanyaya ang maibibigay ko sa isang taong maaaring nangangailangan ng isang kaibigan?

  • Paano ako magiging halimbawa ng isang taong ibinibilang at minamahal ang kanyang mga kapwa?

  • Sino ang maaari kong lapitan at kumustahin?

  • Ano ang naiisip ko kapag nagdarasal ako para sa inspirasyon upang malaman kung paano ko tutulungan ang isang tao?

Napakaraming matututuhan mula sa ibang tao habang nakikilala natin sila.

Sa darating na mga buwan, ibabahagi namin ang mga kuwento ng kababaihan at kalalakihan na nahihirapang malaman na kabilang pala sila. Nawa’y makapagbigay-inspirasyon ang mga kuwentong ito sa bawat isa sa atin upang mas masunod natin ang dalawang dakilang kautusan ng Diyos: ang mahalin Siya at ang lahat ng Kanyang mga anak.