2021
Ang Itinuro sa Akin ng Pagwawalis Tungkol sa Pagiging Magulang
Enero 2021


Tulong sa mga Magulang

Ang Itinuro sa Akin ng Pagwawalis Tungkol sa Pagiging Magulang

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nakatulong ang mga gawaing-bahay ng mga anak ko sa pagsagot sa aking panalangin.

illustration of children sweeping

Paglalarawan ni David Green

Nagising ako isang umaga na nagugulumihanan. Naramdaman kong mabigat ang mga responsibilidad ko bilang magulang, at alam ko ang mga kahinaan ko. Tila malaki ang pagkakaiba sa nakalarawan sa isipan ko kung paano ako bilang isang magulang at kung paano talaga ako bilang isang magulang sa totoong sitwasyon ng buhay.

Lumuhod ako para magdasal at sinabi ko sa Ama sa Langit kung gaano ko Siya kamahal. Sinabi ko sa Kanya kung gaano ko kamahal ang mga anak ko na ipinagkaloob Niya sa aming pamilya. At sinimulan kong sabihin sa Kanya kung paano ako nagsisikap na maging mabuting magulang, ngunit parang hindi ko ito nagagawa nang sapat. Habang nagdarasal ako, naisip ko na naging mas maayos sana ang mga anak ko kung ang Diyos na lang ang nagpalaki sa kanila.

Pagkatapos ay pumasok sa isipan ko ang isang larawan. Nakinita ko na nagwawalis ang mga anak ko sa sahig ng kusina. Isa ito sa maraming trabaho na ipinagagawa sa kanila para matulungan ang aming pamilya. Kung minsan ay napapatungo ako habang minamasdan ko sila sa paggawa nito dahil natututo pa lang sila at may naiiwan pang dumi sa sahig. Pero hinahayaan ko sila na gawin iyon, pati na rin ang ibang mga gawaing-bahay, dahil may mas dakilang hangarin ako para sa kanila. Alam ko na sa pamamagitan ng lahat ng di-perpektong ginagawa nila, sila ay matututo at uunlad. Kalaunan, magagawa rin nila ito nang mabilis at maayos gaya ng ginagawa ko. Ang hangaring iyon na maging responsable sila at di-umaasa sa iba ay magiging mas kasiya-siya kaysa ako ang gagawa ng lahat. Hindi ako nagpapalaki ng mga anak para magtagumpay sila nang panandalian lamang—sinisikap kong matulungan sila na maging matagumpay habambuhay.

At naisip ko kung ganito rin kaya ang ating mga magulang sa langit. Alam ng Ama sa Langit na hindi natin magagawa nang perpekto ang pagiging magulang. Marahil napapatungo Siya kung paano natin ginagawa ang ilang bagay, ngunit hinahayaan Niya tayo dahil alam Niya na natututo at umuunlad tayo. Ang pananaw Niya ay pangwalang-hanggan. Nakikinita Niya na magiging magulang tayo na tulad Niya balang-araw, lubos na nagmamahal, nagtuturo nang epektibo, at perpektong huwaran. Kapag nagkukulang tayo, alam Niya na magkakaroon tayo ng mga katangiang tulad ng pagtitiis at pag-ibig sa kapwa-tao. Kaya nga, sa Kanyang karunungan, hinahayaan Niya tayong gumawa at mabigo at sumubok muli.

Sana ay talagang maging perpektong magulang na ako! Tulad ng isinulat ni Joseph Smith, madalas akong makagawa “ng maraming kamalian” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28). Ngunit napapanatag ako dahil alam kong nauunawaan ng Diyos ang aking puso, na ibig sabihin ay alam Niya na sinisikap kong makinig at sumunod. Natutuwa ako kapag itinatanong ng aking mga anak, “Paano ko ito mas mabuting magagawa?” at tila nais ko ring magpakabuti. Nais ko rin namang maging gaya ng aking mga anak at magpakabuti para sa Ama sa Langit.

Habang naiisip ko ang lahat ng ito, may isa pa akong pinangangambahan. “Pero paano kung ang mga pagkakamali ko bilang magulang ay makasakit sa aking mga anak?” tanong ko. “Ayaw kong limitahan ang kanilang pag-unlad, kahit ako pa ang maging kahanga-hanga sa prosesong ito.”

Muli kong nakinita sa aking isipan ang mga anak ko na naglilinis. Matapos sikaping malampaso nang maigi ng anak kong babae ang sahig at pagkatapos ay umalis para maglaro o tapusin ang ibang gawain, palagi kong kinikiskis ang mga natitirang dumi na nakadikit sa sahig. At naisip ko ang walang-hanggang awa at kapangyarihan ni Jesucristo, na ang Pagbabayad-sala ay sumasaklaw sa mahihirap na kalagayan ng buhay ng bawat isa. Ang Kanyang biyaya ang pumupuno sa aking mga pagkukulang bilang magulang, gayon din sa pighating nararanasan ng aking mga anak dahil sa aking mga pagkukulang. Sa paraang hindi mauunawaan ng sinuman sa atin, mapagagaling ng Kanyang Pagbabayad-sala ang lahat ng ito.

Napanatag ako sa personal na paghahayag na natanggap ko noong araw na iyon. Nadama ko na itinuturo sa akin ng Espiritu na ang mga pagsisikap ko sa abot ng aking makakaya, sa pakikipagtulungan sa Panginoon, ay sapat na. Alam ko na patuloy na kikilos ang Ama sa Langit sa buhay ng aking mga anak, nang paunti-unti, para perpektong magawa ang hindi ko perpektong nagagawa. Sa tulong Niya, magagawa nang mag-isa ng mga anak ko ang mga bagay-bagay balang-araw, na para bang ang Ama sa Langit ang nagpalaki sa kanila. Ang Kanyang plano ay nagpabago rin sa akin—pinababanal at hinuhubog ako na maging higit na katulad Niya. Napakadakila ng karunungan ng ating Diyos!