Digital Lamang
Isang Maikling Sulat at isang Munting Ningas sa Aking Kaluluwa
Dahil sa isang taong hindi ko kilala, nagsimulang mas bumuti ang lahat sa akin.
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Noong nasa misyon ako, naaksidente ang sinasakyan ko na naging sanhi ng pagsakit ng aking likod at pagkawala ng aking memorya. Nang makauwi na ako, nag-enroll ako sa paaralan, pero nahirapan ako. Hindi ko maalala ang mga simpleng bagay, at ang kaya ko lang dalhin ay isang notebook at bolpen sa aking backpack dahil sa pananakit ng aking likod.
Nagalit ako. Naglingkod ako nang 18 buwan sa Diyos at ibinigay ko sa Kanya ang lahat ng aking makakaya. Bakit hindi Niya ako pagalingin? Nasaan Siya?
Habang patuloy na tumitindi ang sakit, nagsimula kong madama na hindi ko magagawang bumaling sa Diyos. Nagsimula akong mag-alinlangan na tutulungan Niya ako o magagawa Niyang tulungan ako. At kung hindi Niya ako matutulungan, naisip ko na hindi rin makakatulong ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdalo sa templo. Tinalikuran ko ang Diyos dahil napakahirap ng buhay, at hindi ako makahanap ng solusyon.
Sa isang partikular na mahirap na araw, hindi ako pumasa sa isa pang pagsusulit matapos mag-aral nang maraming oras, at lalo pang tumindi kaysa dati ang pagsakit ng aking likod. Lumabas ako, umupo, at umiyak.
Makalipas ang ilang minuto, isang babae ang lumapit sa akin at ngumiti. Binigyan niya ako ng isang maikling sulat na may nakasaad na “‘Kaya’t huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili’ [Mateo 6:34]. Binabantayan ka ng Ama sa Langit. Hiniling ko sa Kanya na bantayan ka. Mahal ka Niya.”
Napuspos ako ng Espiritu. Matagal ko nang hindi naramdaman ang pagmamahal ng Diyos sa akin. Ngunit ang babaeng nagbigay sa akin ng maikling sulat ay nagpaningas ng mga damdamin sa aking kaluluwa, ibinalik ako sa simula ng aking pananampalataya, at ipinaalala sa akin ang marami kong karanasan noon sa Espiritu.
Nagsimula akong bumaling nang mas madalas sa Ama sa Langit sa panalangin. Bagama’t hindi ko alam kung kailan mawawala ang sakit, hiniling ko sa Kanya na ibsan ang sakit o bigyan ako ng lakas na makayanan ito kahit sa maghapon man lang. Mas pinagtuunan ko ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdalo sa templo.
Bagama’t hindi lubos na gumaling ang aking memorya at sakit, natuto akong manatiling malapit sa Panginoon. Bagama’t hindi ko nakikita ang lahat ng mangyayari sa hinaharap, alam kong nariyan Siya. Magagawa kong asamin ang bukas nang may pananampalataya sa Kanya.