Para sa mga Magulang
Mga Propeta at Paghahayag
Minamahal Naming mga Magulang,
Ang Doktrina at mga Tipan ay tinipong mga paghahayag mula sa Panginoon. Ang pag-aaral ng mga ito ay nagbibigay sa atin ng natatanging pagkakataon na makilala ang tinig ng Tagapagligtas kapag nangungusap Siya, hindi lamang sa Kanyang mga propeta, kundi sa mga miyembro ng Simbahan na kagaya natin sa pamamagitan nila.
Sa buwang ito, binibigyan kayo ng mga magasin ng iba-ibang pagkakataon na kausapin ang inyong mga anak, kabilang ang tungkol sa paghahayag, kung paano ito nakakatulong, at na handang mangusap sa kanila ang Diyos.
Mga Talakayan Tungkol sa Ebanghelyo
Kapayapaan sa Kanyang mga Pangako (Doktrina at mga Tipan 6)
Ipakita ang poster sa pahina 2 at basahin ang mga salita ng Tagapagligtas mula sa bahagi 6. Ang pangakong ito ay ibinigay kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Abril 1829. Noong panahong iyon, si Joseph ay 23 taong gulang pa lamang ngunit naranasan na niya ang ipagtabuyan at usigin. Paano kaya nakatulong ang mga salitang ito kina Joseph at Oliver? Paano kaya makakatulong ang mga salitang ito sa mga hamon sa inyong buhay? Ano ang magagawa natin para matanggap ang mga ipinangakong pagpapala na ito?
Mga Propeta at Personal na Paghahayag (Doktrina at mga Tipan 1)
Nangungusap ang Panginoon sa bawat isa sa atin at sa pamamagitan ng mga propeta (tingnan sa bahagi 1). Gamitin ang “Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo” sa pahina 10 para matulungan ang inyong mga anak na matutuhan pa ang tungkol sa paghahayag. Maaari ninyong basahin nang magkakasama ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson sa pahina 6. Ano sa palagay ninyo ang sinasabi ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng Kanyang propeta? Ang pagsunod sa kanyang payo ay hahantong sa pagtatakda ng mga mithiin sa programang Mga Bata at Kabataan. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, maaari din ninyong panoorin o basahin ang mensahe ni Pangulong Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 93–96.)
Suporta sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Gawin ang mga ideya sa pahina 26 na susuporta sa iyong lingguhang pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.
Masayang Pag-aaral ng Pamilya
Paghahanap kay Cristo
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Halos lahat ng pahina ng … Doktrina at mga Tipan … ay nagtuturo tungkol sa Panginoon.”1
-
I-set ang timer nang dalawang minuto.
-
Ang mga miyembro ng pamilya ay mabilis na maghahanap sa simula ng Doktrina at mga Tipan at bibilangin ang mga reperensya na mahahanap nila tungkol kay Cristo. Magsimula sa pambungad at magtapos sa bahagi 9.
-
Pagkatapos ng oras, magbigay pa ng karagdagang oras para makapili ang bawat tao ng isa sa mga talata sa banal na kasulatan na espesyal sa kanila. Maghalinhinan sa pagbabahagi.
Talakayan: Paano natin maisesentro kay Cristo ang pag-aaral natin ng Doktrina at mga Tipan sa taong ito? Ano ang maaari nating gawin para “makinig” sa tinig ng Panginoon?
1, 2, 3, Siya ay Nangungusap sa Akin
Kasama ng Biblia at Aklat ni Mormon ang Doktrina at mga Tipan sa pagtuturo sa atin tungkol kay Cristo at sa Kanyang mga paghahayag sa atin. Ipinapaliwanag ng pambungad sa Doktrina at mga Tipan na maririnig natin “ang magiliw subalit matatag na tinig ng Panginoong Jesucristo” sa mga paghahayag na nasa aklat na ito.
-
Palihim na atasan ang bawat miyembro ng pamilya ng isang numero: (1) Biblia, (2) Aklat ni Mormon, o (3) Doktrina at mga Tipan.
-
Maghahanap ang bawat tao ng isang mahalagang talata sa banal na kasulatan sa aklat na iyon na may “magiliw at matatag na tinig” ng Panginoon sa pagtuturo o pagpapaliwanag ng mga alituntunin sa atin.
-
Nang hindi sinasabi ang mga reperensyang banal na kasulatan, maghalinhinan sa pagbabahagi nang malakas ng mga talata sa banal na kasulatan. Ang iba naman ay sesenyas ng 1, 2, o 3 daliri para hulaan kung sa aling aklat ng mga banal na kasulatan nanggaling ang bawat talata sa banal na kasulatan.
Talakayan: Paano nagtutulungan ang mga banal na kasulatan mula sa mga sinaunang panahon at ang mga makabagong paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan upang matulungan tayong malaman pa ang tungkol kay Cristo at marinig ang Kanyang tinig? Paano natin mapagbubuti ang kakayahan nating marinig ang tinig ng Panginoon habang pinag-aaralan natin ang Doktrina at mga Tipan sa taon na ito?