Isang Mas Mabuting Pagpili
Nagulat ako na nakatanggap ako ng gayong mensahe mula mismo sa Espiritu. Alam ko kung ano ang gagawin at hindi ako nag-atubili.
Kapag nakaalis na ang asawa ko para magtrabaho, nakagawian ko nang tapusin ang araw-araw kong gawain sa bahay at pagkatapos ay mahihiga at mag-uukol nang ilang oras sa Facebook, Messenger, at Instagram. Halos 15 oras ang nagagamit ko sa social media kada linggo. Tila hindi ako matigil sa pagbabahagi ng mga nakakatawang video at larawan, pero bihira akong magbahagi ng mga mensahe tungkol sa Simbahan. Madalas sa oras ng pagtulog, kinailangan pa akong tulungan ng aking asawa para mahinto sa paggamit ng social media para makatulog ako.
Sa panahong ito, nagtakda ako ng mithiin na basahin nang buo ang Biblia na makatutulong sa akin na mas maunawaan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat araw itinuon ko ang aking sarili sa pagbabasa ng tatlong kabanata. Sa mga araw na nakakain ng social media ang ilang oras ko, sinisikap kong magbasa pa nang kaunti.
Isang gabi, inilagay ko sa tabi ko ang Biblia para magbasa ng ilang kabanata. Pero bago magbasa, kinuha ko ang aking phone at ginugol ang kasunod na isang oras at kalahati sa social media. Nang matanto ko kung anong oras na, isinantabi ko ang aking phone at lumuhod para manalangin. Hindi tumagal ng kahit 10 segundo ang panalangin ko. Nang tumayo ako, agad akong nakarinig ng isang tinig sa aking isipan, na sinasabing, “Nais kong mag-ukol ka ng maraming oras sa pagdarasal gaya ng ginagawa mo sa social media.”
Nagulat ako na nakatanggap ako ng gayong mensahe mula mismo sa Espiritu. Alam ko kung ano ang gagawin at hindi ako nag-atubili. Agad kong tinanggal ang social media apps sa aking phone at sinimulan kong hindi gumamit ng social media.
Pagkaraan ng isang linggo, natanggap ko ang aking endowment sa banal na templo. Kasama sa mga tipang ginawa ko sa Panginoon, nangako ako sa Kanya na sa libreng oras ko ay magbabasa ako tungkol sa Simbahan at kay Propetang Joseph Smith at patuloy kong babasahin ang Biblia.
Lubos akong pinagpala ng Ama sa Langit dahil sa pasiya kong piliin ang mas mabuti sa pamamagitan ng pag-iwas sa social media at paggugol ng mas maraming oras sa pag-aaral tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.