2021
Gawing Personal sa Iyo ang Doktrina at mga Tipan
Enero 2021


Digital Lamang

Gawing Personal sa Iyo ang Doktrina at mga Tipan

Ang pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa taong ito ay tutulong sa atin na maunawaan kung paano maaaring maging personal sa atin ang mga banal na kasulatan.

Sa taong ito pag-aaralan natin ang Doktrina at mga Tipan sa ating mga lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Ang Doktrina at mga Tipan ay nagtuturo tungkol sa doktrina ng ebanghelyo, mga pagpapala ng pagsunod sa mga kautusan, at paghahangad at pagtanggap ng personal na paghahayag. Katunayan, karamihan sa nilalaman ng aklat ay tuwirang paghahayag mula sa Panginoon, at nagsisilbing makapangyarihang patotoo na maaari din Siyang makipag-usap sa iyo.

Magagawa mong mas mabisa ang iyong personal na pag-aaral ng banal na kasulatan kapag naunawaan mo na ang anumang mahalaga sa iyo ay mahalaga rin sa Panginoon. Siya ay nakasuporta sa lahat ng aspeto ng iyong buhay, ito man ay trabaho, pag-aaral, pakikipag-ugnayan, pagmiministering, o sa iyong pangkalahatang kapakanan. Ang Doktrina at mga Tipan ay “naglalaman ng isang paanyaya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na makinig sa tinig ng Panginoong Jesucristo, na nangungusap para sa kanilang temporal na kabutihan at kanilang walang hanggang kaligtasan” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan).

Sa pahayag na iyan, kung nahihirapan ka kung minsan na makaugnay sa Doktrina at mga Tipan, narito ang ilang tip kung paano mo magagawang mas personal at makabuluhan ang iyong pag-aaral:

1. Manalangin Bago Mag-aral at Mag-aral nang may Layunin

Ang unang salita sa bahagi 1 ay makinig, na isang paanyaya ng Panginoon na masigasig na makinig at tumalima sa Kanyang mga salita. Nais ng Panginoon na pakinggan mo Siya at sundin mo ang Kanyang payo dahil nauunawaan Niya ang iyong mga pangangailangan at kung paano ka tutulungan. Sa pagdarasal bago simulan ang iyong pag-aaral, maaanyayahan mo ang Espiritu Santo, mas mararamdaman mo ang mga pahiwatig, at makapagtutuon ka sa malalimang pag-aaral ng mga scripture verse.

Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa [lahat] ng panahon, binigyang-inspirasyon ng Ama sa Langit ang mga piling lalaki at babae upang mahanap, sa patnubay ng Espiritu Santo, ang mga solusyon sa pinakamabibigat na problema sa buhay. Binigyang-inspirasyon Niya ang mga awtorisadong tagapaglingkod na iyon na itala ang mga solusyon na magsisilbing hanbuk sa Kanyang mga anak na nananalig sa Kanyang plano ng kaligayahan at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.”1 Ang Doktrina at mga Tipan ay isa sa mga aklat na iyon. Kapag naghahanda kang tumanggap ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang nang mabuti kung ano ang pag-aaralan at kung paano mag-aaral, ipinapakita mo sa Panginoon ang iyong kahandaang tumanggap ng patnubay mula sa Kanya.

Ang pagsubok sa iba’t ibang paraan ng pag-aaral ay makatutulong din sa iyo na magkaroon ng mga bagong pananaw. Subukan ang pag-aaral nang ayon sa paksa o ayon sa pagkakasunud-sunod kung kailan ibinigay ang mga paghahayag (tingnan sa Cronolohiyang Pagkakasunud-sunod ng mga Nilalaman), pagkatapos ay markahan ang mga scripture verse sa paraang makatutulong sa iyo na ma-vizualize ang mga alituntuning itinuro.

2. Alamin ang Konteksto ng Kasaysayan

Ang malaman ang dahilan kung bakit ibinigay ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay tutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang itinuturo ng Panginoon.2 “Ang mga banal na paghahayag na ito ay natanggap bilang kasagutan sa panalangin, sa panahon ng pangangailangan, at ito ay mula sa mga pangyayari sa tunay na buhay na kinabibilangan ng mga tunay na tao. Ang Propeta at ang kanyang mga kasama ay naghangad ng banal na patnubay, at ang mga paghahayag na ito ay nagpapatunay na natanggap nila ito. Sa mga paghahayag ay makikita ang pagpapanumbalik at ang paglalahad ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang pagsisimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan).

Ang tab na “Pagpapanumbalik at Kasaysayan ng Simbahan” sa Gospel Library app ay naglalaman ng magagandang sanggunian tungkol sa kasaysayan na humahantong sa mahahalagang pangyayari, tulad ng Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, at mga kuwento tungkol sa pandaigdigang kasaysayan ng Simbahan. Ang pag-unawa sa konteksto ng kasaysayan ay makatutulong sa iyo na malaman kung paano mo Siya pakikinggan.

3. Gawin Itong Personal

Maraming bahagi sa Doktrina at mga Tipan ay para sa iba’t ibang tao na siyang pinatutungkulan ng Panginoon. Habang nagbabasa, subukang ipalit ang iyong pangalan sa kanilang pangalan—maipapaalala sa iyo nito na personal kang kinakausap ng Panginoon kapag inihalintulad mo ang mga banal na kasulatan sa iyong sarili (tingnan sa 1 Nephi 19:23).

Huwag ding kalimutang hanapin ang iyong mga bayani sa Doktrina at mga Tipan! Tulad ni Nephi na maaaring bayani sa iyo, alamin kung kanino ka makakaugnay at kung sino ang magbibigay ng inspirasyon sa iyo sa Doktrina at mga Tipan. Ang aklat na ito ay puno ng mga halimbawa ng mga Banal na bumaling sa Panginoon para mapatnubayan at matulungan—sa maginhawa o mahirap na panahon man.

Nagkaroon ako ng patotoo tungkol sa Doktrina at mga Tipan nang mapanalangin kong hangarin na malaman ang personal na mga mensahe ng Panginoon para sa akin sa bawat bahagi nito. Napalakas ako ng pananampalataya ng mga taong naglatag ng pundasyon para sa Pagpapanumbalik na bahagi ako. Ang pag-aaral ng aklat na ito sa taong ito ay magpapaalala sa iyo kung gaano kamangha-mangha na nakikipag-usap pa rin sa atin ang Panginoon, tulad ng pakikipag-usap Niya noon sa mga naunang henerasyon. Matatanto mo na nagmamalasakit Siya sa iyo at alam Niya ang iyong kalagayan, at papatnubayan ka Niya sa iyong mga natatanging hamon sa buhay. At patuloy na lalakas ang iyong pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya.

Mga Tala

  1. Richard G. Scott, “Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6.

  2. Tingnan sa Revelations in Context: The Stories behind the Sections of the Doctrine and Covenants, Matthew McBride and James Goldberg, eds. (2016), history.ChurchofJesusChrist.org.