Digital Lamang: Mga Young Adult
Ang Aking mga Tanong at ang Pagmamahal ni Cristo
Nalaman ko na kapag itinuring ko na isang “kahinaan sa pag-unawa” ang aking pagtatanong, nakakatulong ito sa akin na sumulong nang may pananampalataya kay Cristo.
Sa pagtatapos ng debosyonal na ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga young adult, binasbasan niya tayo na “mahiwatigan ang tama at mali, ang mga batas ng Diyos at ang magkakasalungat na tinig ng mundo.” Binasbasan Niya tayo “ng kakayahang makita ang mga panlilinlang ng kaaway … [at] ng mas malaking kakayahang tumanggap ng paghahayag.”1 Napakalaking pagpapala nito para sa ating mga young adult! May sarili akong karanasan sa pagtanggap ng paghahayag hinggil sa mga tanong.
Ako ay likas na mausisang tao na karaniwang pinag-iisipan nang husto ang lahat ng bagay. Ang pagtatanong at pag-asam sa mga sagot ay bahagi na ng aking pagkatao, at ang katotohanan ay napakahalaga sa akin noon pa man. Ngunit sa paglipas ng mga taon, nadarama ko kung minsan na nag-iisa ako o nahihiya ako sa pagkakaroon ng mga tanong at pag-aalinlangan tungkol sa ebanghelyo at sa Simbahan. Totoong nakasaad sa mga banal na kasulatan na “huwag mag-alinlangan” (Doktrina at mga Tipan 6:36). At itinanong ng Tagapagligtas kay Pedro, “Ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” (Mateo 14:31).
Pagkatanto sa mga Kahinaan sa Ating Pag-unawa
Minsan, parang nanghihina ang aking pananampalataya. Subalit tinuruan ako ng Diyos ng isang magandang aral habang binabasa ko ang Aklat ni Mormon. Matapos mangaral ni Cristo sa mga Nephita, may napansin Siya sa kanila. Sinabi Niya, “Nahihiwatigan ko na kayo ay mahihina, na hindi ninyo nauunawaan ang lahat ng salitang inuutos sa akin ng Ama na sabihin sa inyo sa panahong ito” (3 Nephi 17:2).
Pakiramdam ko ay tila sinasabi ni Cristo ang mga salitang iyon sa akin. Ako rin ay nakadarama ng panghihina, at hindi ko maunawaan ang lahat ng bagay na nais Niyang ipabatid sa akin. Naantig ako sa tugon ni Cristo sa kahinaang ito: Nakita ni Cristo ang pagmamahal ng mga Nephita, at bagama’t sila ay napakahina para maunawaan ang Kanyang mga salita, Siya ay nagministeryo sa kanila at minahal sila sa paraang kaya nilang maunawaan.
Sa mga sandaling nakadarama rin ako ng labis na panghihina, labis na pagod, o pagiging marupok para maunawaan ang mga salita ni Cristo, Siya ay nahabag sa akin at biniyayaan ako ng pang-unawa. Ang Kanyang pagmamahal ang nagbibigay ng lakas sa akin na sumulong at patuloy na saliksikin ang mga katotohanang hinahanap ko.
Pagdama sa Pagmamahal ni Cristo Habang Hinahanap Natin ang Katotohanan
Kung nahihirapan kayong unawain ang katotohanan o doktrina ngayon, huwag mag-alala. OK lang na mahirapang unawain ang mahihirap na bagay at magkaroon ng mga tanong o alalahanin na kung minsan ay nagiging dahilan para suriin mo ang mga bagay na pinaniniwalaan mo. Habang sinasaliksik mo ang katotohanan, alalahanin na nauunawaan at minamahal ka ng Diyos, at masaya Siya kapag ginagamit mo ang iyong kalayaan para hanapin ang liwanag. Hindi iyan dapat ikahiya. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pakikipaglaban sa kadiliman at kawalang-pag-asa at pagsamo sa liwanag ang nagbukas sa dispensasyong ito. Ito ang siyang nagpapanatili rito, at ito ang magpapanatili sa inyo.”2
Malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 10:5), ngunit bihira itong dumating kaagad o kapag kailangan natin ito. Sa halip natututo tayo nang “taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Dumarating ang katotohanan sa takdang panahon ng Panginoon. Alam Niya kung kailan tayo handang tumanggap ng kaalaman, at alam Niya kung ano ang kailangan nating maranasan bago ito matanggap.
Nagpapasalamat ako sa Diyos na tinuturuan tayo sa ating mga kahinaan at tinutulutan tayong magkaroon muna ng pag-asa, pagkatapos ay maniwala, at matuto. At alam ko na makatatanggap tayo ng katotohanan sa pamamagitan ng personal na paghahayag, tulad ng ipinangako ni Pangulong Nelson. Nauunawaan ng Ama sa Langit ang ating mga tanong, at papatnubayan Niya tayo na mahanap ang mga sagot sa mga ito. Kung minsan ang sagot Niya ay baguhin ang ating puso para makita natin ang mga bagay-bagay sa iba pang aspeto, at kung minsan naman ay iniuutos Niya sa atin na maging matiyaga at tapat at “ihanda ang [ating] mga isip para sa kinabukasan” para sa Kanyang pagdating kalaunan para turuan tayo (tingnan sa 3 Nephi 17:3).
Alam ko na kahit nagkukulang tayo ng pag-unawa, patuloy pa rin tayong makasusulong nang may pag-asa at pananampalataya na ang lahat ng bagay balang-araw ay maihahayag. At hanggang sa dumating ang araw na iyon, maaari tayong patuloy na lumapit kay Cristo, na siyang nakakakita ng ating mga kahinaan at nagmamahal pa rin sa atin.