2021
Pagbubukas ng Pintuan sa Personal na Paghahayag
Enero 2021


Digital Lamang

Pagbubukas ng Pintuan sa Personal na Paghahayag

May mga pagkakataon noon na nadarama ko na parang kumakatok ako sa isang saradong pintuan na hindi magbubukas.

Nitong nakaraang ilang taon, inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson at ng maraming lider ng Simbahan na humingi ng mas marami pang personal na paghahayag at matutuhang makilala ang tinig ng Tagapagligtas upang “[ma]pakinggan Siya” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Ngunit para sa akin, ang personal na paghahayag kung minsan ay medyo nakakalito. Natuwa ako na maaaring direktang makipag-usap sa akin ang Diyos, ngunit bilang isang young adult na naharap sa maraming malalaking desisyon, paminsan-minsan nadarama ko na parang kumakatok ako sa pintuan ng langit nang walang nagbubukas.

Sa mga sandaling ito, lagi kong ginagawa ang mga pangunahing bagay—pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, pagsisimba, at pagsunod sa mga kautusan—kaya ano pa ang kulang?

Sa nakaraang ilang buwan, natanto ko na kung minsan ang pagtanggap ng paghahayag ay nangangailangan ng mas malaking pagsisikap natin. Narito ang ilan sa natuklasan kong paraan para pag-ibayuhin ang aking pagsisikap.

1. Huminto at Magkaroon ng Oras na Makinig

Mahirap para sa akin ang huminto. Lagi akong may mahabang listahan ng mga gagawin. Bagama’t marami akong nagagawa, madalas akong ma-stress at manlumo dahil sa dami ng mga bagay na ipinangako ko sa aking sarili na gagawin ko. Kapag naghahanap ako ng mga paraan para mas madaling mahiwatigan ang personal na paghahayag, natatanto ko na namumuhay akong tulad ni Marta sa halip na tulad ni Maria.1 Hindi ko binibigyan ang aking sarili ng oras na huminto muna. Matapos basahin ang mga mensahe sa kumperensya na nagpapayo sa atin na humanap ng lugar at mag-ukol ng oras na regular na pakinggan ang Espiritu, alam ko na kailangan kong gawin iyan.2 Ginagawa ko na ngayon ang aking pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa isang desk (sa halip na sa kama) tuwing umaga, at ginagamit ko ang aking paper scriptures para hindi ako maistorbo ng aking phone.

2. Paghandaan ang Oras na Gugugulin sa Templo

Mapalad ako dahil nakatira ako malapit sa ilang templo, at palagi akong nakakapunta sa templo kada linggo. Itinuro ng maraming General Authority na ang pagsamba sa templo ay makatutulong sa atin para lalo pang mapasaatin ang Espiritu,3 kaya naisip ko na sapat na ang ginagawa ko. Pero hindi pa rin dumating ang mga sagot. Nang suriin ko ang mga nakagawian ko, napagtanto ko na isang aspeto ang kailangang baguhin: Madalas akong antukin sa loob ng templo. Sabi ko sa mga kaibigan ko, “Kung sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf na ‘ang pagtulog sa simbahan ang isa sa mga talagang nakakapagpalusog na tulog,’4 kung gayon ang pagtulog sa templo ay mas mainam pa!” at nangatwiran ako na hindi ko maiwasang hindi antukin dahil napakatahimik sa templo. Ngunit ang templo ay hindi spa o parlor. Pumupunta ako sa templo para magtrabaho—upang isagawa ang mga ordenansa para sa mga yumaong kapamilya ko para mabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng buhay na walang hanggan.5

Natanto ko na oras na para “[gumising]” (Alma 32:27) at maging mas handa sa pagsamba ko sa templo. Sinisikap kong ihanda ang aking espiritu at isipan bago magpunta sa templo sa halip na ituring ito na isang bahagi lamang ng mga karaniwang ginagawa ko.

3. Makibahagi sa Gawain sa Family History

Maraming beses na tayong hinikayat ng mga lider ng Simbahan na makibahagi sa gawain sa family history at binanggit nila ang maraming pagpapala sa pakikibahagi natin sa gawaing ito.6 Gayunman, kumpleto na ang mga ordenansa sa templo ng karamihan sa mga ninuno ko. Kaya ano pa ang maaari kong gawin? Maaari kong alamin ang tungkol sa buhay ng bawat tao na ang pangalan ay dinala ko sa templo—talagang isaisip na sila ay totoong tao at miyembro ng aking pamilya. Sinimulan ko ring itala ang kasaysayan ng sarili kong buhay, mag-indexing, at magbahagi ng mga nagbibigay-inspirasyong kuwento mula sa kasaysayan ng aking pamilya.

4. Ibahagi ang Ebanghelyo

Kapag ibinabahagi ko ang ebanghelyo—sa mga di-miyembro at miyembro—madalas na ako ang natututo. Siguro naranasan mo na ito sa iyong misyon o habang naghahanda ka ng lesson sa Sunday School. Pinatototohanan ng maraming lider ng Simbahan na ang pagpapahayag ng ating pananampalataya at paghihikayat sa iba na maging tapat ay tutulong sa atin na makatanggap ng mas marami pang personal na paghahayag.7 Kapag tayo ay “nagsasalita sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu Santo,” tayo ay “palaging may matututuhang isang bagay sa sinabi [natin].”8 Sinimulan kong magbahagi ng marami pang bagay tungkol sa ebanghelyo sa social media, at binabanggit ko ito sa araw-araw na pakikipag-usap ko sa aking mga kaibigan at pamilya.

5.Unawain na ang Personal na Paghahayag ay Dumarating nang Paunti-unti

May mga taong nakatatanggap ng malilinaw na kasagutan kapag nagtanong sila sa Panginoon tungkol sa malalaking desisyon sa kanilang buhay, pero para sa akin, tila nananatiling tahimik ang Ama sa Langit tungkol sa aking malalaking katanungan. Pagkatapos ay natanto ko na baka mali ang mga itinatanong ko.

Talagang nais ng Ama sa Langit na makipag-usap sa akin,9 ngunit nagbibigay Siya ng sagot sa akin nang “taludtod sa taludtod,” hindi nang minsanan lang.10 Natanto ko na inaasam ko ang pagtatapos ng aking paglalakbay—umaasam ng ilang palatandaan na napakaringal na lulutas sa lahat ng problema ko11—gayong ang kinakailangan kong itanong ay, “Ano ang susunod na hakbang?”

Hindi pa rin nasasagot ang lahat ng aking malalaking katanungan, ngunit nakikita ko na marahan akong pinapatnubayan ng Diyos patungo sa malalaking kasagutang ito, nang paunti-unti. Ang pagkaunawang ito ay nagpalakas sa aking pananampalataya at tiwala na patuloy Niya akong aakayin sa tamang landas.

Pagbubukas ng Pintuan ng Personal na Paghahayag

Kapag sinusunod natin si Jesucristo at nasa atin ang kaloob na Espiritu Santo, makatatanggap tayo ng personal na paghahayag araw-araw. Ngunit kadalasan ay hindi natin napapansin o hindi tayo nag-uukol ng oras na mahiwatigan ang Kanyang presensya at impluwensya sa atin sa tuwina. Gayunman, ang mundo ay lalo pang nagiging magulo, at tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, “Hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”12

Kapag mas lalo nating pinakikinggan at nahihiwatigan ang Espiritu, mas handa tayong harapin at daigin ang ating mga hamon. Tayong lahat ay makakahanap ng mga paraan para lalo pang makatanggap ng personal na paghahayag sa ating buhay, maging ito man ay pag-aayuno, paglilingkod sa kapwa, o paggawa ng anumang bagay na mas naglalapit sa atin kay Cristo. Maaaring hindi magbukas ang pinto ng langit para sagutin tayo matapos ang pagkatok nang isang minuto—o nang isang buwan—ngunit kung magsisikap tayong magkusang anyayahan at pakinggan ang Espiritu, maririnig natin ang Kanyang banayad na tinig na nagsasabi sa atin kung saan mahahanap ang susi.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Lucas 10:38–42.

  2. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95; at sa Michelle D. Craig, “Espirituwal na Kakayahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 19.

  3. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 95; Neil L. Andersen, “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 21; Laudy Ruth Kaouk, “Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 57; Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 46–49; at sa Ronald A. Rasband, “Huwag Kayong Mabagabag,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 19.

  4. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 104.

  5. Tingnan sa David A. Bednar, “‘Ang Bahay na Ito ay Itayo sa Aking Pangalan’” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 85.

  6. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 95; at sa Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” 46–49.

  7. Tingnan sa Ronald A. Rasband, “Huwag Kayong Mabagabag,” 20; Neil L. Andersen, “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay,” 21–22; at sa Michelle D. Craig, “Espirituwal na Kakayahan,” 19–21.

  8. Marion G. Romney, sa Boyd K. Packer, Teach Ye Diligently (1975), 304.

  9. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 95.

  10. Tingnan sa Isaias 28:9–10; 2 Nephi 28:30; Doktrina at mga Tipan 98:11–12; at sa Quentin L. Cook, “Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 96–100. Tingnan din sa David A. Bednar, “Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87–90.

  11. Tingnan sa Neil L. Andersen, “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay,” 20–21.

  12. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 96.