2021
Simbahang Nakasentro sa Tahanan Habang Malayo sa Tahanan
Enero 2021


Simbahang Nakasentro sa Tahanan Habang Malayo sa Tahanan

Paano ko matutulungan ang aking mga anak na magkaroon ng pundasyon sa ebanghelyo gayong malayo ako sa aming tahanan?

Culver family

Larawang inilaan ng awtor; iba pang mga larawan mula sa Getty Images

Nang ilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang Simbahan na nakasentro sa tahanan sa pangkalahatang kumperensya noong 2018, at nang ibalita ang programang Mga Bata at Kabataan noong 2019, tuwang-tuwa ang aming pamilya.

Gayunman, pagsapit ng 2020, naharap kami sa isang malaking balakid. Simula noong Enero, kinailangan kong lisanin ang aming tahanan dahil nadestino ako nang anim na buwan sa ibang lugar. Alam naming mag-asawa na mayroon kaming sagradong responsibilidad na isentro ang pag-aaral ng ebanghelyo sa aming tahanan para sa aming limang anak, at inisip ko kung paano ko magagawa ang aking responsibilidad habang malayo ako sa aking pamilya.

Nagsimulang mag-isip at magbahagi ng mga ideya ang aming mga anak para sa kanilang mga mithiin na makatutulong sa kanila na umunlad “sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52), tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. Sinabi sa akin ng walong-taong-gulang kong anak na babae na isa sa mga mithiin niya ang matutong magluto kasama si Itay. Nang may lungkot sa aking puso, kinailangan kong ituon muna ang kanyang mithiin sa isang bagay na magagawa niya kahit wala ang tulong ko. Gusto ng mga anak kong lalaki na maging mas mahusay sa basketball at pagtakbo—dalawang bagay na gustung-gusto naming ginagawa nang magkakasama. Hinikayat ko sila sa kanilang mithiin, batid na wala ako roon para tulungan sila. Bilang pamilya, naghanda kami sa abot ng aming makakaya.

Ang pagkawalay sa pamilya ay palaging isang pagsubok, ngunit ang kombinasyon ng teknolohiya at ng tagubilin ng isang buhay na propeta ang naging daan para makasali ako sa pag-aaral ng ebanghelyo ng aming pamilya na nagawa pa rin namin.

Nadama naming nagkakaisa kami, kahit 10 time zone ang layo namin, habang pinag-aaralan namin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Kapag may oras pa, nagbi-video chat ako nang umagang-umaga sa oras ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya ko sa gabi at pag-uusapan namin ang tungkol sa mga kabanata sa Aklat ni Mormon na pinag-aaralan namin. Sa telepono, kinakausap ko ang mga anak ko tungkol sa mga video ng Aklat ni Mormon, at pinag-uusapan naming mag-asawa ang mga ideya para sa family home evening.

Sa kagustuhang matulungan ko ang aking mga anak gamit ang programang Mga Bata at Kabataan, nagtakda ako ng sarili kong mga mithiin at nagpadala ng maiikling liham sa mga anak ko linggu-linggo na ibinabahagi ang aking pag-unlad at itinatanong ko rin sa kanila ang tungkol sa kanilang mga mithiin. Sa mga regular na tawag sa telepono, nakakasali rin ako kung minsan sa pagdarasal ng aming pamilya.

Sa pagkawalay ko sa aking pamilya, agad kong nakita ang mga pagpapala ng pagsunod sa tagubilin ng propeta. Nalaman ko rin na ang pagkakaroon ng isang tahanan na nag-aaral ng ebanghelyo ay posible kahit na kalahati pa ng mundo ang layo ko sa kanila!