Kabanata 17
Paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo
Paghahayag. … ang tunay na saligan ng ating relihiyon.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Sinabi ni Pangulong Taylor: “Tandang-tanda ko ang sinabi sa akin ni Joseph Smith. … Sabi niya, “Elder Taylor, bininyagan ka, ipinatong ang mga kamay sa iyong ulo upang tanggapin mo ang Espiritu Santo, at inordenan ka sa banal na priesthood. Ngayon, kung ipagpapatuloy mo ang pagsunod sa panghihikayat ng espiritung ito, tuwina kang aakayin nito sa tama. Minsan maaaring salunggat ito sa iyong pagpapasiya; huwag mong pansinin ito, sundin mo lang ang sinasabi nito, kung magiging tapat ka sa mga ibinubulong nito, darating ang panahon ito ay magiging alituntunin ng paghahayag upang iyong malaman ang lahat ng bagay.”2
Sinunod ni John Taylor ang payo ni Joseph Smith at nagtiwala sa paghahayag para sa patnubay ng Espiritu Santo para sa kanyang buhay at tungkulin bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sabi ni Pangulong Heber J. Grant, ikapitong Pangulo ng Simbahan, tungkol sa pagiging sensitibo ni Pangulong Taylor sa panghihikayat ng Espiritu: “Tinawag ako sa Konseho ng Labindalawang Apostol sa pamamagitan ng paghahayag ng Panginoon kay Pangulong John Taylor. Mula nang ako ay maging miyembro ng Konseho ng Labindalawa, dalawang taon bago maging Pangulo ng Simbahan si John Taylor, hanggang sa araw nang pumanaw siya, nakikipagkita ako sa kanya, linggu-linggo, … at batid kong siya ay tagapaglingkod ng buhay na Diyos. Batid kong dumarating sa kanya ang inspirasyon ng Panginoon; at batid ko sa lahat ng okasyon, kailanman niya sabihin: “Ito ang nais ng Panginoon,” at sinang-ayunan ang posisyong ito ng kanyang mga kasamahan sa konseho ng mga apostol, na sa bawat pagkakataon ay napatunayan na tama siya, at ipinakita ng inspirasyon ng Panginoon sa kanya, na ang kanyang karunungan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ay higit pa sa karunungan ng ibang tao. …
“Makapagkukuwento ako ng mga sitwasyon na kung saan may ipinagagawa sa mga apostol si John Taylor sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon, na inisip nilang hindi nila kayang gawin. Ngunit bumabalik silang nagpapatotoo na sa pamamagitan at tulong ng Panginoon nagawa nila ang ipinagagawa sa kanila ni Pangulong Taylor, ang propeta ng Panginoon.”3
Mga Turo ni John Taylor
May kaibahan ang Espiritung nag-aakay sa taong gumawa ng tama at ang kaloob na Espiritu Santo.
Ukol sa pagkilos ng Espiritu sa tao, ibabaling ko ang inyong atensiyon sa isang katotohanan na karaniwang nauunawaan ng lahat ng nag-iisip na tao, at ito ay, gaano man kasama ang isang tao, gaano man siya nawalay sa tama, ang taong ito ay hahanga at gagalang sa isang mabuting tao, sa isang marangal na tao, at sa isang mabait na tao; at ang taong ito ay madalas na magsasabi; “Sana magawa ko rin ang ginagawa niya, ngunit hindi ko ito kaya: Sana maging tuwid na ang aking landas, ngunit ako’y nasadlak na sa kasamaan.” Hindi nila magawang hindi igalang ang mabuti at marangal, bagaman hindi sila namumuhay sa mga alitunutunin ng karangalan at kabutihan. Ang espiritung ito na ibinigay sa lahat ng tao sa labas ng ebanghelyo ay makikita sa iba’t ibang yugto ng panahon sa mundo. …
Ngunit may malaking pagkakaiba sa espiritung ito at sa damdaming umaakay sa taong gumawa ng tama, na maliwag na bahagi ng Espiritu ng Diyos, na ibinigay sa lahat ng tao para sa kanilang kapakinabangan, na tinatawag sa mga banal na kasulatan na kaloob na Espiritu Santo.4
Noon pa man ay mayroon nang espiritu sa mundo na siyang bahagi ng Espiritu ng Diyos, na umaakay sa sangkatauhan, sa maraming pagkakataon, upang malaman ang mabuti sa masama, at ang tama sa mali. May budhi silang nagsasakdal o nagbibigay ng dahilan sa kanilang mga kilos; at bagaman ang daigdig ng sangkatauhan ay labis na masama at bulok, gayon pa man ay masusumpungan na halos lahat ng tao, hindi man sila mismo gumawa ng mabuti, ay pinahahalagahan ang mabuting gawa ng iba.
Sinabi ng Diyos sa mga banal na kasulatan “ginawa niya sa isa ang bawa’t bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng boong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan; upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya’y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bata’t isa sa atin.” (Ang Mga Gawa 17:26–27.) Sinabi pa ng banal na kasulatan, na sa bawat isa ay kanyang ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan nila [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 12:7]. Ngunit may malaking pagkakaiba ang posisyon ng mga taong ito sa atin. Mayroon tayong higit pang bahagi ng Espiritu ng Diyos kaysa sa ibinigay sa lahat ng tao, at ito ay tinawag na kaloob na Espiritu Santo, na tinanggap sa pamamagitan ng pagsunod sa mga unang alituntunin ng ebanghelyo ni Cristo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga tagapaglingkod ng Diyos.5
Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, malalaman natin ang mga bagay na tungkol sa Diyos.
Nang ipangaral ang Ebanghelyo sa mga tao noong unang panahon, sinabihan sila na magsisi sa kanilang mga kasalanan; magpabinyag sa pangalan ni Jesus para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at tumanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay [tingnan sa Ang Mga Gawa 2:37–38]. Sinabi rin sa kanila kung ano ang gagawin ng Espiritu Santong ito; na ipakikita nito sa kanila ang mga bagay na tungkol sa Diyos at ipinakita ang mga ito sa kanila; magsisipanaginip ng mga panaginip ang matatanda at ang kanilang mga binata ay mangagkikita ng mga pangitain; at ibubuhos ang kanyang Espiritu sa kanyang lingkod na lalaki at babae sa araw na yaon at magsisipanghula sila [tingnan sa Ang Mga Gawa 2:16–18; tingnan din sa Joel 2:28–29].
Ito ang mga ginagawa ng Espiritu na nananahanan sa Diyos Ama, at sa Diyos Anak, na tinatawag na Espiritu Santo. Ito ang Espiritung nag-uugnay sa atin sa Diyos, at malaki ang pagkakaiba nito sa bahagi ng espiritu na ibinibigay sa lahat ng tao para sa kanilang kapakinabangan. …
Ang kanyang layunin ay akayin tayong lahat sa katotohanan, at ipaalaala sa atin ang mga bagay na nagdaan, nasa kasalukuyan, at sa hinaharap. Minumuni-muni nito ang hinaharap at ipinakikita ang mga bagay na hindi natin kailanman naisip, at ang mga bagay na ito ay maliwanag na inilarawan sa Biblia, sa Aklat ni Mormon, at sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan. Dito nakasalalay ang kaibahan natin sa iba, tulad din noong sinaunang panahon.6
Naniniwala tayo na mahalagang may komunikasyon ang tao sa Diyos; na kailangan niyang makatanggap ng paghahayag mula sa kanya, at maliban na mapasailalim siya sa impluwensiya ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, wala siyang malalaman tungkol sa Diyos. Hindi mahalaga sa akin kung gaano man kaedukado ang isang tao, o kung gaano na kalayo ang kanyang nalakbay. Hindi mahalaga sa akin ang kanyang talento, dunong, o genio, o kung saang kolehiyo siya nag-aral, kung gaano kalawak ang kanyang pananaw o ang pananaw niya sa mga bagay-bagay, hindi niya mauunawan ang ilang bagay nang walang Espiritu ng Diyos. Ipinakikilala nito ang alituntuning tinutukoy ko bago ko pa ito banggitin—ang pangangailangan ng paghahayag. Hindi paghahayag noong sinaunang panahon, kundi ang paghahayag sa kasalukuyan at agad na paghahayag, na aakay at papatnubay sa mga nagtataglay nito sa lahat ng landas ng buhay dito sa lupa, at sa kabilang buhay na walang hanggan.7
Patuloy na paghahayag ang saligan ng ating relihiyon.
Hindi natin tinanggap ang mga ideya natin sa sinumang teologo, sa sinumang siyentipiko, sa sinumang kilalang tao o taong may posisyon sa mundo, o sa anumang grupo o kapulungan ng mga relihiyoso, kundi sa Pinakamakapangyarihan, at sa Kanya ay utang natin ang lahat ng buhay, lahat ng katotohanan, at lahat ng katalinuhan na nauukol sa nagdaan, sa kasalukuyan, o sa hinaharap. Kaya’t tayo’y umaasa sa Kanya. …
Walang sinumang tao ang makaaalam tungkol sa Diyos kundi sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:11]; at kung hindi ipinahayag ng Ama ang mga ito tayo’y tunay na magiging mga mangmang. … Matapos niyang ipahayag ang Kanyang kalooban sa tao, kay Joseph Smith, tulad ng Kanyang ginawa sa ibang tao noong unang panahon, kinakailangan na ipabatid ang habiling ito sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao, upang maipabatid sa tao ang mga bagay na Kanyang ipinahayag para sa kaligtasan at kadakilaan ng sangkatauhan. Kaya nga’t itinalaga ang Labindalawa. Para sa anong layunin? Upang kanilang ipakilala ang Ebanghelyo sa mga bansa ng daigdig at ipangaral ang mga alituntunin ng buhay na galing sa Diyos. …
Nagpapatotoo sila sa mga tao na nagsalita na ang Diyos, na ipinanumbalik na ang Ebanghelyo; ipinaliliwanag nila kung ano ang Ebanghelyo; nananawagan sila sa mga taong magsisi at magpabinyag sa pangalan ni Jesus para sa kapatawaran ng mga kasalanan, nangangakong tatanggapin ng mga masunurin ang Espiritu Santo. … At bilang tagatanggap ng espiritung ito, bukas ang komunikasyon sa pagitan nila at ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo, at dahil binigyang-inspirasyon ng espiritung ito, umaabot ang kanilang mga panalangin sa Diyos ng buong mundo; natutuhan nilang magtiwala sa Kanya at sumunod sa Kanyang mga batas.8
Mahusay ang Biblia. … Mahusay ang Aklat ni Mormon, at ang Doktrina at mga Tipan, bilang tagapagturo ng daan. Ngunit ang isang marinero na papalaot sa dagat ay mangangailangan ng higit pang kaalaman. Dapat marunong siyang tumingin sa mga bituin at konstelasyon sa langit, at kumuha ng impormasyon mula sa kanila, upang mamaneho niya nang wasto ang kanyang barko. Ang mga aklat na iyon ay mahusay bilang batayan, sa pagsusuri at pagpapaunlad ng tiyak na batas at alituntunin. Ngunit hindi nila kayang matalakay ang lahat ng bagay na kakailanganin sa paghahatol at sa pagsasaayos.
Nangangailangan tayo ng buhay ng puno—buhay na bukal— buhay na katalinuhan, na nagmumula sa buhay na priesthood sa langit, mula sa buhay na priesthood sa mundo. … At mula sa panahong nakipag-usap si Adan sa Diyos, hanggang sa panahong tumanggap ng komunikasyon si Juan sa Isla ng Patmos, o noong panahong bumukas ang langit kay Joseph Smith, nangailangan ang mga ito ng bagong paghahayag, na angkop sa partikular na kalagayan ng simbahan o ng indibidwal sa panahong iyon.
Hindi ipinahayag kay Adan na tagubilinan si Noe na gumawa ng arko; o ipinahayag kay Noe na sabihin kay Lot na lisanin ang Sodom, o nagsalita ang isa sa kanila tungkol sa paglisan ng mga anak ng Israel sa Egipto. Ang mga ito ay nakatanggap ng paghahayag para sa kanilang sarili, at gayunin sina Isaias, Jeremias, Ezekiel, Jesus, Pedro, Pablo, Juan, at Joseph. At gayon din tayo, kung hindi, tayo’y mapaririwara.9
Marami rin namang tao, at yaong mga nagsasabing Kristiyano, ang kumukutya sa ideya ng pagkakaroon ng paghahayag sa kasalukuyan. Sino na ang nakarinig tungkol sa isang tunay na relihiyon na hindi nakatatanggap ng paghahayag mula sa Diyos? Para sa akin ang bagay na ito ang pinakawalang kabuluhang bagay na iisipin ng tao. Hindi ako nagtataka, na sa pangkalahatan ay tinatanggihan ng tao ang alituntuning ukol sa paghahayag sa kasalukuyan, dahil sa umiiral na nakagagambalang paglaganap ng kawalang paniniwala at hindi paniniwala sa Diyos. Hindi ako nagtataka na ganoon na lamang ang paghamak ng maraming tao sa relihiyon, at itinuturing na hindi ito marapat sa atensiyon ng isang matalinong tao, ngunit kung walang paghahayag magmimistulang panunuya at huwad ang relihiyon. Kung hindi ako magkakaroon ng relihiyon na maghahatid sa akin sa Diyos, at maglalagay sa akin sa mabuting katayuan sa harap niya, at magpapabatid sa akin ng mga alituntunin ng imortalidad at buhay na walang hanggan, hindi ko gustong magkaroon ng kaugnayan dito.
Ang alituntunin ng paghahayag sa kasalukuyan ang siyang saligan ng ating relihiyon. … Hindi ko lamang sasaliksikin ang mga banal na kasulatan na mayroon tayo ngayon, bagkus sasaliksikin ko rin ang lahat ng paghahayag na ibinigay, ibinibigay, o ibibigay ng Diyos para sa patnubay at direksiyon ng kanyang mga tao, at bibigyan ko ng pitagan ang Tagapagbigay, at ang mga yaong ginamit niya bilang kanyang mararangal na instrumento sa pagpa pahayag at pagpapabatid ng mga alituntuning ito; at hahangarin kong mapamahalaan ako ng mga alituntuning nakasaad sa sagradong salita iyon.10
Nangangailangan ang bawat isa sa atin ng paghahayag upang maunawaan at magampanan ang ating mga pananagutan.
Walang posisyon na maaari nating gampanan sa buhay, bilang mga ama, ina, anak, guro, tagapaglingkod, o bilang elder ng Israel na may hawak ng banal na priesthood sa lahat ng sangay nito, na hindi mangangailangan ng karunungan na nagmumula sa Panginoon at katalinuhan na ipinababatid niya, upang malaman nating gampanan nang wasto ang iba’t iba nating tungkulin at gawain sa buhay, at gawin ang iba’t ibang pananagutan na nakaatas sa atin. At kaya’t may pangangailangan sa buong araw, araw-araw, lingu-lingo, buwan-buwan, at taun-taon, at sa lahat ng pagkakataon, na umasa ang tao sa Panginoon at pamatnubayan ng Espiritu na nagmumula sa kanya, upang hindi tayo magkamali—upang hindi tayo makagawa ng mali, makapagsalita ng mali, o mag-isip ng mali, at sa lahat ng panahon ay mapanatili ang Espiritung ito, na mapapanatili lamang sa pamamagitan ng pagiging dalisay, banal, at mabuti, at tuwinang pagsunod sa mga batas at kautusan ng Diyos.11
Ngayon tanungin ninyo ang inyong sarili, kapag namumuhay kayong marapat sa inyong mga pribilehiyo, at pinupukaw ng Espiritu ng Diyos ang inyong isipan, at binigyang-liwanag ng ilawan ng Panginoon ang inyong kaluluwa, sa pamamagitan ng katalinuhan ng langit, at lumalakad kayo ayon sa liwanag ng walang hanggang katotohanan, kung sa mga sandaling ito, hindi ba’t nararamdaman ninyong handa ninyong gampanan ang anumang obligasyong hinihingi sa inyo, at hindi ba’t masaya at kontento kayo sa pagganap sa inyong mga tungkulin. Ngunit kung abala ang inyong isipan sa mga alalahanin ng mundo, kapag hindi na natin natatanaw ang kaharian ng Diyos at ang mga bagay na nauugnay rito, ang kaluwalhatian nito, ang kaligayahan at kapakanan ng sangkatauhan, at ang mga pangyayaring hinahangad nating mangyari sa mundo, at ang bahaging gagampanan natin dito; kung gayon hindi na natin nagagampa nan ang iba’t iba nating tungkulin bilang ama, ina, asawa, anak …, at nadadala tayo ng ating sariling pag-iisip, ideya, at kasakiman, at nasasangkot tayo sa masama, sa panahong ito mahirap nang maunawaan ang mga bagay tungkol sa Diyos.12
Binigyan tayo ng Panginoon ng mga paghahayag ukol sa ating temporal at espirituwal na gawain. Sinimulan na niyang itayo ang Sion, at itatag ang kanyang kaharian, at isagawa ang kanyang layunin, at tuparin ang mga salita ng mga propeta, at ang kanyang gawain ay magaganap hanggang ang mga layunin ng Diyos ay matupad.13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang kaibahan ng Espiritu ng Diyos na nag-aakay sa ating gumawa ng tama at ng kaloob na Espiritu Santo? (Tingnan din sa D at T 93:2; Juan 14:26.)
-
Anu-ano ang karanasan ninyo kung saan ay tinulungan kayo ng Espiritu upang maunawaan ang mga bagay tungkol sa Diyos? Paano natin makikilala ang personal na paghahayag mula sa Panginoon?
-
Paano makasasagabal ang pagtuon natin sa mga bagay sa mundo sa pagtanggap natin sa mga paghahayag? Ano ang maaari nating gawin upang maihanda ang ating sarili sa pagtanggap ng paghahayag?
-
Paano higit na makatutulong ang paghahayag na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng mga buhay na propeta kaysa mula sa mga banal na kasulatan? Bakit mahalagang mayroon tayong mga banal na kasulatan at patuloy na paghahayag?
-
Anu-anong halimbawa ang maibibigay ninyo na kung saan ay tinulungan kayo ng Espiritu Santo sa inyong pamilya, sa trabaho, o sa paaralan, o sa Simbahan?
-
Bakit minsan ay hindi natin ganap na nagagamit ang kaloob na Espiritu Santo? Paano tayo ganap na makikinabang sa kaloob na ito?
-
Bakit kahanga-hangang pagpapala sa panahon natin ngayon ang kaloob na Espiritu Santo? Ano ang magagawa ninyo upang ipakitang nagpapasalamat tayo sa kaloob na? Paano natin matuturuan ang mga bata at kabataan tungkol sa kaloob na Espiritu Santo?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: 1 Mga Taga Corinto 12:3; Jacob 4:8; Alma 5:46–48; D at T 45:56–57; 76:5–10; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9