Kabanata 16
Pagpapatatag ng Ating Relasyon sa Diyos
Mas nanaisin ko pang maging kaibigan ko ang Diyos kaysa magkaroon ng anupamang impluwensiya at kapangyarihan ng iba.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Malalim at personal ang pagmamahal ni John Taylor sa ating Ama sa Langit. Siya ay tinawag niyang “ating ama, kaibigan at tagapagtaguyod.” Sabi niya, “Umaasa tayo sa kanyang lakas, alam nating gagabayan at pangangasiwaan, iimpluwensiyahan at pamamahalaan niya ang mga kapakanan ng kanyang mga tao, kaya nga’t nagtitiwala kami sa kanya.”2
Sa pagpapatotoo sa pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos para sa Kanyang mga Tao, sinabi ni Pangulong Taylor, “Walang sinumang tao sa mundo na nagtiwala sa Diyos, saan mang bahagi ng mundo siya naroroon, na makapagsasabi na hindi siya iniligtas ng Panginoon. Tiyak akong ganito ang naging kalagayan ko. Nasisiyahan ako, na habang nasa ibang lupain at bansa ako, na kung saan ay wala akong mabalingan kundi ang Pinakamakapangyarihan, nasa tabi ko siya, at alam kong sinagot niya ang mga dalangin ko.”3
Naging malinaw ang pagtitiwala niyang ito sa Diyos noong 1839, nang magtungo sina Elder Taylor at Elder Wilford Woodruff sa misyon sa British Isles. Malubhang nagkasakit si Elder Taylor sa paglalakbay nila mula Nauvoo patungong New York na kung saan ay sasakay sila ng barko patungong Inglatera. Nauna nang pumunta si Elder Woodruff sa New York at naghintay kay Elder Taylor, na naantala sa kanyang paglalakbay dahil sa kanyang pagkakasakit.
Nang dumating si Elder Taylor sa New York, naiinip nang umalis si Elder Woodruff at agad na bumili ng sarili niyang tiket patungong Inglatera. Bagaman walang pera si Elder Taylor, sinabi niya kay Elder Woodruff, “Kung gayon Kapatid na Woodruff, kung sa tingin mo’y makabubuti sa aking umalis, sasama ako sa iyo.” Tinanong ni Elder Woodruff kung saan siya kukuha ng salapi para sa paglalakbay, sumagot si Elder Taylor nang ganito, “Ah, walang magiging problema tungkol diyan. Umalis ka at ibili mo ako ng tiket sa barkong sasakyan mo, at ibibigay ko sa iyo ang pambayad.”
Nang marinig ni Kapatid na Theodore Turley ang pag-uusap nina Elder Taylor at Elder Woodruff, nagpahayag siya ng pagnanais na sumama sa mga Apostol sa kanilang paglalakbay bagaman wala rin siyang salapi at nag-alok na magluto para sa kanila. Bilang kasagutan sa pagnanais ni Kapatid na Turley na makibahagi sa gawain, sinabi ni Elder Taylor kay Elder Woodruff na bumili rin ng tiket para kay Kapatid na Turley.
Sa sandaling panahon, naglaan ang Panginoon ng salapi para sa paglalakbay. Isinulat ni Elder B. H. Roberts ng Pitumpu: “Noong ginawa ni Elder Taylor ang mga paghahandang ito, walang salapi si Elder Taylor, ngunit ibinulong ng Espiritu na darating na ang panustos. At kailan ba siya binigo ng banayad at marahang tinig! Dito’y nagtitiwala siya, at hindi siya nabigo sa kanyang pagtitiwala. Bagaman hindi siya nanghingi ni isang kusing kaninuman, tumanggap siya ng donasyon mula sa iba’t ibang tao na sapat lamang na matustusan ang paglalakbay nila ni Kapatid na Turley.”4
Mga Turo ni John Taylor
Ama natin ang Diyos at kinakalinga at minamahal niya tayo tulad ng isang ama.
Hindi itinuturo ng ating relihiyon na … ang Diyos ay malupit na ama na hindi natin malalapitan, kundi sinasabi nito sa atin na siya ay ating Ama, at mga anak niya tayo, at sa puso niya ay minamahal niya tayo bilang ama natin; at nakaranas na tayo ng damdaming tulad nito na umiiral sa pagitan ng ama at anak na lalaki, ng ina at anak na babae, ng mga magulang at anak.5
Ano ang damdamin ng Diyos para sa sangkatauhan? Sila ay itinuturing niya bilang mga anak. Lahat sila? Oo, ang mga puti, itim, pula, Judio, gentil, pagano, Kristiyano, at lahat ng uri at grupo ng tao. Interesado siya sa lahat sa kanila noon pa sa simula at magpapatuloy ito hanggang sa katapusan. Gagawin niya ang lahat ng Kanyang makakaya para sa kapakinabangan, pagpapala, at kadakilaan ng sangkatauhan, sa panahon natin ngayon at sa kawalang hanggan.6
Tayong lahat ay anak ng Diyos. Ama natin siya at may karapatan siyang pamahalaan tayo, at hindi lamang tayo. May ganap siyang karapatan na pamahalaan at pangasiwaan ang mga gawain ng buong sangkatauhan sa mundo dahil sila ay kanyang mga anak.7
Layon ng Diyos na mapabuti ang kalagayan ng sangkatauhan hanggang sa abot ng Kanyang kapangyarihan. Nagsasalita tayo minsan tungkol sa paggawa sa abot ng ating makakaya sa ibabaw ng lupa at sa itaas ng langit ngunit ginawa na ito ng Diyos upang maisakatuparan ang layuning ito. … Hangad ng Diyos ang ating kapakanan, at nagtakda Siya ng mga batas para sa layuning ito. Ipinakilala Niya ang walang katapusang Ebanghelyo para sa layuning ito; at ipinanumbalik Niya ang Banal na Priesthood na umiral noong sinauna, kasama ang lahat ng alituntunin, pagpapala, kapangyarihan, seremonya, ordenansa, at pribilehiyo na umiral sa mundo mula pa noong nagsimula ang panahon.8
Kung tunay na nauunawaan lamang natin ang ating sarili, dapat nating kilalanin ang ating sarili bilang mga walang hanggang nilalang, at Ama natin ang Diyos, dahil tinuruan tayo na kapag tayo’y mananalangin ating sasabihin, “Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.” [Tingnan sa Mateo 6:9.] “Tayo’y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman, at sila’y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo’y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo’y mabubuhay.” [Tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:9.] Hindi ko na kailangan pang patunayan ito, dahil lubos na nauunawaan ng mga banal na ang Diyos ang ama ng kanilang espiritu, na kapag bumalik tayo sa kanyang kinaroroonan, makikilala natin siya, tulad ng pagkakakilala natin sa ating mga magulang sa lupa. Tinuruan tayong lumapit sa kanya upang humingi ng mga pagpapalang kailangan natin tulad nang ginagawa natin sa ating magulang sa lupa; at sinabi niya “kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay; o kung siya hingan ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?” [Tingnan sa Mateo 7:9–11.]9
Pagpapalain tayo ng ating Ama sa Langit kung mapagkumbaba tayong mananalangin sa Kanya.
Dapat nating malaman na ang Diyos ay ating Ama at tayo ay kanyang mga anak, at nangako siyang makikinig sa ating mga panalangin, at inatasan tayong sumunod sa kanyang kalooban at gumawa ng kanyang layunin. At upang maging mabisa ang ating mga panalangin, kailangan nating gawin ang iba’t ibang tungkulin na nakaatas sa atin, tulad ng mga tinukoy natin, at dapat tayong maging tapat at kagalang-galang sa mga pakikitungo natin sa bawat isa. Kung dadayain natin ang ating kapwa, paano natin maaasahang pagpapalain tayo ng Diyos sa bagay na ito, dahil ang ating kapwa ay anak din ng ating Ama sa Langit, gaya rin natin. Dahil siya ay kanyang anak, may interes siya sa kanyang kapakanan, at kung magsasamantala tayo sa anak ng Panginoon, sa inyong palagay ay matutuwa siya sa atin?10
Naaalala ko noong ako’y bata pa. Noong bata pa ako natutuhan ko nang lumapit sa Diyos. Maraming ulit akong nagtungo sa bukid at nagtago sa mga palumpong ng mga halaman para lumuhod at manawagan sa Diyos upang ako’y patnubayan at turuan ng daan. At dininig niya ang aking panalangin. Minsan miyayaya ko ang ilang bata ring lalaki na samaham ako. Mga bata, makabubuti sa inyo na manawagan sa Panginoon sa inyong mga lihim na lugar, tulad ng ginawa ko. Ganoon ang aking gawain noong bata pa ako. At inakay ako ng Diyos sa iba’t ibang paraan. … Ang aking espiritu ay palagiang naghahanap sa Diyos noon; at ganoon pa rin ang aking pakiramdam ngayon.11
Sasabihin ko sa inyo ang unang bagay na ginagawa ko bago ako mangaral, lalo na kung ako’y nasa [isang bagong] lugar— at ito ay ang nagtungo muna sa isang pook, kahit saan na mapupuntahan ko, sa bukid, sa kamalig, sa kakahuyan, o sa aking maliit na silid, upang magsumamo sa Diyos na basbasan ako at bigyan ako ng karunungan upang aking maharap ang lahat ng kalagayang kakaharapin ko; at binigyan ako ng Panginoon ng karunungan na kakailanganin ko at itinaguyod niya ako. Kung gagawin din ninyo ang bagay na ito, pagpapalain din niya kayo. Huwag magtiwala sa inyong sarili, bagkus pag-aralan ang pinakamabubuting aklat—ang Biblia at ang Aklat ni Mormon—kunin ang lahat ng impormasyong kaya ninyo, at pagkatapos ay mangunyapit sa Diyos at panatilihing malinis ang inyong sarili mula sa lahat ng uri ng kasamaan at karumihan, at ang pagpapala ng Kataas-taasan ay mapasasa inyo.12
Huwag limuting tumawag sa Panginoon bilang pamilya, iniaalay ang inyong sarili at ang lahat ng mayroon kayo sa Diyos sa araw-araw ng inyong buhay; at hangaring gumawa ng tama at maghasik ng diwa ng pagkakaisa at pagmamahal, at ang kapayapaan at pagpapala ng Buhay na Diyos ay mapasasaatin, at aakayin Niya tayo sa mga landas natin sa buhay; at tayo’y itataguyod at ipagtatanggol ng lahat ng banal na anghel at ng mga sinaunang patriyarka at ng mga tao ng Diyos, at ninipis ang tabing sa pagitan natin at ng ating Diyos, at mas malalapit tayo sa kanya, at pupurihin ng ating kaluluwa ang mga hukbo ng Panginoon.13
Kailangan nating magtiwala at magkaroon ng pananampalataya sa Diyos.
Hindi ako naniniwala sa isang relihiyon na hindi ko ganap na mapag-aalayan ng aking pagmamahal, bagkus naniniwala ako sa isang relihiyon na maaari kong pagtuunan at pag-alayan ng aking buhay. Hindi ako nagsasalita tungkol sa mga bagay na hindi ko nauunawaan; nakibaka na ako sa kamatayan, at pinagbalakan na ako ng diyablo, hindi ko inaalintana ang mga bagay na ito. Kung hindi ako makaaasa rito magiging walang saysay ang aking relihiyon. … Dahil tungkulin natin na tumupad sa alituntunin na pinasimulan natin; ang magtiwala at manampalataya sa Diyos; ang impluwensiyahan nito ang ating mga kilos sa bawat isa.14
Kung gagawin natin ang ating bahagi, gagawin ng Panginoon ang Kanyang bahagi. Bagaman kahangalan ang ikinikilos ng iba hindi natin sila dapat tularan. Nagsasabi tayo na tayo ang Sion ng Diyos, ang dalisay ang puso. Nagsasabi tayo na tayo ay mga lalaki at babaeng may integridad, katotohanan at kabutihan, at pananampalataya sa Diyos. Hindi ito dapat sa salita lamang, dapat nating gawin ito; dapat nating gawin at isakatuparan ang salita at kalooban at batas ng Diyos.15
Dahil ang pananampalatayang walang gawa ay patay [tingnan sa Santiago 2:17, 26], malinaw na ang pamumuhay ng pinaniniwalaan natin at ng mga bagay na katanggap-tanggap sa Diyos, ay hindi lamang paniniwala sa Diyos, kundi ito’y paggawa rin ng mga bagay na pinaniniwalaan natin. Hindi lamang ito dahilan sa pagkilos, kundi ito ang dahilan at ang kilos. Sa ibang salita ito ang paniniwala o pananampalataya na ginawang ganap sa pamamagitan ng mga gawa.16
Kailangan nating magtiwala sa Diyos, anumang maging bunga nito. Habang ginagawa natin ito, at habang tinutupad ang mga banal na tipan natin sa kanya at sa bawat isa, magtatagumpay ang Sion. …
Ngunit sasabihin ko sa inyo ang dapat nating gawin, mga kapatid, dapat tayong matakot sa Diyos sa ating puso; dapat nating isaisantabi ang ating kasakiman at ang ating katigasan ng ulo, ang pagkamakasarili natin, at lahat ng uri ng kahangalan. … Dapat tayong magpakumbaba sa harap ng Diyos, magsisi sa ating mga kasalanan, at pagkatapos ay panatiling dalisay ang ating katawan at espiritu, nang sa gayon ay maging marapat tayong sisidlan ng Espiritu ng Diyos, at upang pamatnubayan niya ang lahat ng ating gawain para sa mga buhay at mga patay. Ang ating mga hangarin ay dapat nauukol sa Diyos at sa kanyang kabutihan, hanggang makasigaw tayo nang sabay sa mga sinauna: Siyasatin mo ako, O Dios, at subukin mo ako, kung ay anomang lakad ng kasamaan sa akin, nawa’y ito’y palisin [tingnan sa Mga Awit 139:23–24]. Tungkulin natin bilang mga ama o ina na magpakumbaba sa Panginoon at magsumamo sa kanya na mapasapuso natin ang kanyang kapayapaan; at saan man tayo nagkamali, aminin ang pagkakamali at itama ito hangga’t kaya natin; sa ganitong paraan ayusin ng bawat lalaki at babae ng Israel ang kanyang tahanan, at maghasik ng diwa ng kapayapaan, diwa ng pagkakaisa at pagmamahal magpakailanman.
At kung gagawin ito ng mga pamilya ng Israel sa buong lupain ng Sion, natatakot lahat sa Diyos at gumagawa ng kabutihan, may diwa ng pagpapakumbaba at kaamuhan, at nagtitiwala sa kanya, walang kapangyarihan na maaaring makapinsala sa atin.17
Ang kapayapaan ay kaloob ng Diyos sa mga taong lumalakad ayon sa Kanyang liwanag.
Ang kapayapaan ay kaloob ng Diyos. Nais ba ninyo ng kapayapaan? Lumapit sa Diyos. Nais ba ninyong magkaroon ng kapayapaan sa inyong pamilya? Lumapit sa Diyos. Nais ba ninyong mangibabaw ang kapayapaan sa inyong pamilya? Kung gayon, ipamuhay ang inyong relihiyon, at mapasasainyo at mananatili sa inyo ang siyang kapayapaan ng Diyos, dahil dito nanggagaling ang kapayapaan, at [hindi] saan man. … Mabuti ang kapayapaan, at sinasabi kong hangarin ninyo ito, pahalagahan ito sa inyong puso, sa inyong kapitbahayan, at saanman kayo magtungo ng inyong mga kaibigan at mga kasamahan. Kung makukuha lamang natin ang kapayapaan na siyang nananahan sa puso ng Diyos magiging tama ang lahat. …
Sa pagsasalita ng ilang tao tungkol sa mga digmaan at kaguluhan, nagtatanong sila, hindi ba kayo natatakot? Hindi, ako’y tagapaglingkod ng Diyos, at ito ay sapat na, dahil ang Ama ang nasa timon. Tungkulin ko na maging tulad ng malagkit na putik sa mga kamay ng magpapalayok, maging masunurin at lumakad sa liwanag ng Espiritu ng Panginoon, anuman ang mangyari. Gumuhit man ang kidlat sa langit at dumagundong ang mga lindol, ang Diyos ang nasa timon, at wala akong kailangang sabihin, dahil naghahari ang Panginoong Diyos at ipagpapatuloy niya ang kanyang gawain mula sa mga ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.18
Ang dapat lamang natin gawin ay ipamuhay ang ating relihiyon, sundin ang payo ng ating Pangulo, magpakumbaba at maging matapat at hindi dakilain ang sariling lakas, humingi ng karunungan sa Diyos at tiyakin na mayroon tayong kapayapaan sa Diyos, sa ating pamilya, sa isa’t isa, upang maghari ang kapayapaan sa ating puso at sa ating komunidad.19
Kapag ipinamumuhay natin ang ating relihiyon, kapag lumalakad tayo ayon sa liwanag ng Espiritu ng Diyos, kapag inaalis natin sa ating sarili ang karumihan at kabulukan, at ibinubuhos sa ating puso ng matamis na bulong ng Espiritu ng Panginoon ang katalinuhan, pinangangalagaan tayo na, nagdudulot ng kapayapaan at kaligayahan sa atin. Kahit paano ay nasisilip natin ang mga bagay na nakalaan para sa matatapat, at nadarama natin na tayo at lahat ng bagay na nasa atin ay nasa kamay ng Panginoon, at handa nating ialay ang ating sarili [bilang] sakripisyo para sa kaganapan ng kanyang mga layunin sa mundo.20
Kanais-nais ang kapayapaan; ito ay kaloob ng Diyos, at ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos sa tao. May higit pa bang bagay na kanais-nais kaysa sa kapayapaan? Kapayapaan sa mga bansa, kapayapaan sa mga lungsod, kapayapaan sa mga pamilya. Tulad ng mahinang ihip ng hangin, pinapayapa nito ang balisang isipan, tinutuyo ang luhaang mata, at pinapalis ang mga suliranin sa puso; kung daranasin ito ng buong mundo, maaalis ang kalungkutan sa daigdig, at gagawing paraiso ang mundong ito. Tanging Diyos ang nagkakaloob ng kapayapaan.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa anu-anong paraan ipinakikita sa atin ng Diyos ang kanyang pagmamahal bilang ating Ama? Paano makatutulong ang kaalamang minamahal Niya tayo bilang Ama sa oras ng espirituwal at pisikal na pangangailangan natin?
-
Bakit tayo minsan nabibigong magkaroon ng makabuluhan, regular na panalangin? Ano ang maaari nating gawin upang higit na maging makabuluhan ang ating mga panalangin?
-
Ano ang matutuhan natin sa mga karanasan ni John Taylor ukol sa panalangin? Paano natin matuturuan ang mga bata na manalangin sa Diyos tulad ng ginawa ng batang si John Taylor?
-
Paano tayo magkakaroon ng tiwala sa Diyos? Paano kayo pinagpala nang nagtiwala kayo sa Diyos?
-
Ano ang ibig sabihin ng, “handang isuot ang singkaw at gawin ang lahat ng hihilingin sa inyo ng Diyos”? Paano maaapektuhan ng pananampalataya ang antas ng ating kahandaang gumawa? Ano ang ilang tiyak na mga paran na maaarin ninyong gawin upang maipamuhay ang inyong pananampalataya?
-
Sa anu-anong paraan ninyo naranasan ang kapayapaan bilang kaloob ng Diyos? Paano naimpluwensiyahan ng kapayapaang ito ang pagmamahal ninyo sa Kanya?
-
Paano ninyo madaragdagan ang antas ng kapayapaan sa inyong pamilya?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 3:5–6; Mga Taga Filipos 4:6–7; 2 Nephi 32:8–9; Mosias 4:9–10; D at T 19:23; 20:17–18; 59:23–24