Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 22: Ginawang Ganap sa pamamagitan ng mga Pagsubok


Kabanata 22

Ginawang Ganap sa pamamagitan ng mga Pagsubok

Kung kailangan nating dumaan sa ilang pagsubok, ilang suliranin, at ilang paghihirap at magkulang sa ilang bagay, paraan lamang ito upang dalisayin ang bakal, alisin ito sa mga tingga, at ihanda ito para gamitin ng Guro.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Maraming pinagdaang pagsubok si John Taylor sa buhay. Marahil ang isa sa mga pinakamabigat niyang pagsubok ay ang karanasan niya sa Piitan ng Carthage. Sa paglusob kay Propetang Joseph at sa kanyang kapatid na Hyrum na kung saan ay namatay ang mga ito, nabaril ng ilang ulit si Elder Taylor. Malubha siyang nasugatan at hindi niya magawang makapaglakbay patungong Nauvoo kaya’t nanatili siya sa Carthage ng ilang araw. Sa loob ng panahong ito dumating ang isang doktor na taga roon upang tanggalin ang isang bala sa may hita niya. Napakalubha ng sugat na tinamo ni Elder Taylor kaya nga’t nang makita ito ng kanyang asawa, na kararating lamang, “nagtungo siya sa ibang silid upang ipagdasal siya na magkaroon siya ng lakas upang kanyang mapagtiisan ito at makabalik sa kanya at kanyang pamilya.” Nang tanungin ng doktor si Elder Taylor kung gusto niyang itali siya para sa operasyon, sinabi ni Elder Taylor na hindi. Ginawa ang operasyon nang hindi siya itinatali at walang anestisya.2

Nang dumating ang ilang miyembro ng Simbahan sa Carthage upang ibalik si Elder Taylor sa Nauvoo, hindi na ito halos nakapagsalita dahil sa panghihina na sanhi ng pagkawala ng maraming dugo. At dahil hindi niya kayang sumakay ng bagon, binu-hat siya sa istretser hanggang Nauvoo. Gayunman, nagdulot pa rin sa kanya ng matinding sakit ang “paggalaw ng mga taong nagbubuhat sa kanya. Kaya’t kumuha sila ng parang kareta at ikinabit ito sa likod ng bagon. Linagyan ng mahihigaan ang kareta, na kasama at nasa tabi niya si Sister Taylor na naghuhugas ng kanyang sugat na gamit ang malamig na tubig,” banayad na hinila ang kareta sa makakapal na damo patungong Nauvoo.3

Nagpatuloy ang paghihirap sa Nauvoo habang sina Elder Taylor at daan-daang pang Banal ay nagsimulang umalis sa lungsod noong Pebrero 1846 upang matakasan ang tumitinding pang-uusig. Isang ulat sa kasaysayan ang naglarawan sa kanilang paghihirap habang nasa kampo sila sa kabilang ilog ng Nauvoo. “Naroroon sila, nakalantad sa masungit na panahon, samantalang sa di kalayuan— halos tanaw nila—ang kanilang komportableng bahay, ang kanilang magandang lungsod at kahanga-hangang templo! Ang mga bahay at lungsod na ito na kanilang iniwan ay pag-aari pa rin nila, na dahil sa kanilang pagmamadali sa pag-alis ay hindi na sila nagkaroon ng oras na maipagbili ang mga ito.”4

Paglipas ng maraming taon, noong 1885, nang naitatag na ng mga Banal ang kanilang sarili sa Lambak ng Salt Lake, humarap si Pangulong Taylor sa pagsubok ng kalungkutan at pag-iisa. Habang nagtatago upang maibsan ang pag-uusig sa Simbahan ng awtoridad-pederal, hindi niya magawang makita ang mga mahal niya sa buhay, na maging ang mga ito ay minamatyagan din. Naging lalong mahirap ang kanyang pag-iisa noong nagkasakit at kalaunan nang mamatay ang asawa niyang si Sophia. Nang dahil sa pag-iingat, hindi niya nagawang dumalaw o kaya’y pumunta sa libing nito. Bagaman nagdadalamhati, mapagkumbaba niyang tinanggap ang kanyang mahirap na kalagayan nang may lakas-loob ng isang Kristiyano na naging katangian na niya sa kanyang buong buhay.”5 Ang pananaw niya ukol sa pagsubok marahil ay pinakamagandang maihahayag sa halaw sa isang liham na isinulat niya para sa kanyang pamilya noong nagtatago siya: “Inaakala ng ilang tao na ang mga pag-uusig at pagsubok ay mga pahirap; ngunit minsan, at sa pangkalahatan, kung ginagawa natin ang kalooban ng Panginoon at sumusunod sa Kanyang mga kautusan, maaari nilang sabihin na ang mga ito’y kunwaring mga pagpapala.”6

Sa kabila ng maraming pagsubok niya sa buhay, nanatiling matapang na tagapaglingkod si John Taylor ng Panginoon at pinuno ng mga Banal, halimbawa ng pananampalataya at pagtitiis sa gitna ng paghihirap.

Mga Turo ni John Taylor

Kinakailangan ang mga pagsubok upang tayo ay maging ganap.

Ang tao ay kinakailangang subukin at dalisayin at gawing banal at ganap sa pamamagitan ng paghihirap. Kaya’t nakakikita tayo ng mga bata man o matanda na dumaraan sa iba’t ibang uri ng pagsubok at paghihirap, at kinailangan nilang magtiwala sa Diyos, at sa Diyos lamang.7

Marami tayong natututuhan sa pamamagitan ng paghihirap. Tinatawag natin itong paghihirap. Tinatawag ko itong paaralan ng karanasan. Kailanman ay hindi ko gaanong pinagkaabalahang pag-isipan ang mga bagay na ito. Maging sa ngayon. Para saan ba ang mga ito? Bakit ba nararapat na subukin ang mabubuting tao? …Ang iniisip ko lamang ay ang layunin ng mga pagsubok na dalisayin ang mga Banal ng Diyos nang sila, tulad ng sinasabi sa banal na kasulatan, tulad ng ginto na pitong ulit na dinadalisay sa pamamagitan ng apoy.8

Dumadaing tayo minsan tungkol sa ating mga pagsubok. Hindi natin kailangan itong gawin. Kinakailangan ang mga bagay na ito upang tayo ay maging ganap. Minsan inaakala natin na hindi tayo pinakikitungahan nang tama, at alam kong tama tayo sa ilan sa mga ito. Inaakala nating may mga patibong na naghihintay sa atin, at alam kong tama nga tayo sa pag-aakalang ito. Gayon man hindi tayo dapat mabigla sa mga bagay na ito. Hindi tayo dapat mamangha sa galit at matinding poot ng iba laban sa atin. Bakit? Dahil namumuhay tayo sa kakaibang panahon ngayon sa mundo; na siyang tinatawag na mga huling araw.9

Alam ko na tulad ng ibang tao, mayroon tayong sariling mga pagsubok, paghihirap, kalungkutan, at kakulangan. Dumaranas tayo ng mga paghihirap; kailangan nating makipaglaban sa mundo, sa mga kapangyarihan ng kadiliman, sa masasamang tao, at sa iba’t ibang uri pa ng kasamaan; gayunman, kailangan nating maging ganap kasabay ng mga ito. Kinakailangan na kilala natin ang ating sarili, ang ating tunay na katayuan at kalagayan sa harap ng Diyos, at nauunawaan ang ating lakas at kahinaan; ang ating kamangmangan at talino, ang ating karunungan at kahangalan, nang sa gayon ay malaman nating pahalagahan ang tunay na mga alituntunin, at maunawaan at pahalagahan nang sapat ang lahat ng bagay na nakakaharap natin.

Kinakailangang malaman natin ang sarili nating kahinaan, at ang kahinaan ng ating kapwa; ang ating lakas at gayon din ang lakas ng iba; at maunawaan ang ating tunay na katayuan sa harap ng Diyos, anghel, at mga tao; nang pakitunguhan natin ang lahat ayon sa nararapat sa kanila, at hindi labis na pahalagahan ang ating sariling karunungan o lakas, o pababain ang halaga nito, o ang iba; kundi lubos na magtiwala sa buhay na Diyos, at sumunod sa kanya, at kilalanin na tayo ay kanyang mga anak, at siya ang ating Ama, na umaasa tayo sa kanya, at lahat ng pagpapalang tinatanggap natin ay mula sa kanyang mapagpalang kamay.10

Sa pagsasalita ni Pedro tungkol sa [mga pagsubok]: “Mga minamahal, huwag kayong mangagtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na dumarating sa inyo upang kayo’y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo’y di karaniwang bagay: Kundi kayo’y mangagalak sapagka’t kayo’y mga karamay sa mga hirap ni Cristo; upang sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian naman ay mangagalak kayo ng malabis na galak.” [I Ni Pedro 4:12–13.] Parang sinabi na rin niya na ganoon na nga, hangga’t may Diyos sa langit, at diyablo sa impiyerno; at talagang kinakailangan na maging ganito nga. Hindi ako nababahala tungkol sa mga bagay na ito. Ano naman kung kailangan tayong dumanas ng mga paghihirap? Pumunta tayo rito para sa layuning ito; pumunta tayo rito para tayo’y dalisayin; at nilayon ito upang bigyan tayo ng Diyos ng kaalaman, tungkol sa ating mga kahinaan at lakas; sa ating mga kasamaan, … upang bigyan tayo ng kaalaman ukol sa buhay na walang hanggan, upang mapanagumpayan natin ang lahat ng masama at dakilain sa mga trono ng kapangyarihan at kaluwalhatian.11

Ganap na nauunawaan ng Tagapagligtas ang ating mga pagsubok.

Kinakailangan na magkaroon si Cristo ng katawan na tulad nang sa atin, at makaranas ng lahat ng kahinaan ng laman, na ibibigay sa kanya ng diyablo, nang siya ay tuksuhin tulad ng ibang tao. At muli, sa Getsemani, iniwan siyang nag-iisa, at dahil sa labis na paghihirap, sinabi sa atin na, ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo [tingnan sa Lucas 22:44]. Sa dakilang araw na iyon nang malapit na niyang isakripisyo ang kanyang buhay, sinabi niya, “Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?” [Mateo 27:46.] Pinagdaanan niya ang lahat nang ito, at kapag nakikita ka niya na dumaraan sa mga pagsubok at paghihirap ding ito, alam niya kung paano siya makikidalamhati sa iyo—kung paano makikiramay sa iyo.12

Kinakailangan na habang nasa mundo ang Tagapagligtas, na siya ay “[tuksuhin] sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin,” at “mahabag sa ating kahinaan,” [tingnan sa Mga Hebreo 4:15] upang maunawaan ang kahinaan at lakas; ang kaganapan at di kaganapan ng kaawa-awang pagkahulog ng buong sangkatauhan; at matapos gawin ang mga bagay na dapat niyang gawin sa mundo, at matapos makipaglaban sa pakunwaring kabanalan, kasamaan, kahinaan, at kamangmangan ng tao—matapos niyang mapagdaan ang tukso at pagsubok sa lahat nang anyo nito, at naging matagumpay, siya ay naging “Isang dakilang sasaserdoteng … tapat” [tingnan sa Mga Hebreo 2:17] upang mamagitan para sa atin sa walang katapusang kaharian ng kanyang Ama. Alam niya kung paano tumantiya, at magpahalaga nang wasto sa kalikasan ng tao, dahil dinanas niya ang kalagayan natin. Batid niya kung paano kukunin ang ating mga sakit, at magdala ng ating mga karamdaman. Ganap na maunawaan niya ang lalim, kapangyarihan, at lakas ng mga hirap at pagsubok na pinapasan ng mga tao dito sa mundo, kaya nga dahil sa kaalamang ito at sa kanyang karanasan, mababata niya ito bilang ama at nakatatandang kapatid.13

Pagpapalain tayo kung pagtitiisan natin ang ating mga pagsubok nang may tiyaga at pagsunod.

Sa lahat ng pangyayari sa buhay natin ngayon nakikita at kinikilala natin ang kamay ng Diyos. May matalinong layunin para sa lahat ng ito, na pagdating ng panahon ay ganap Niyang ihahayag sa atin. Isang bagay ang malinaw, sinusubukan ang mga Banal sa paraang kailanman ay hindi pa natin nararanasan. Nagagalak at nanatiling tapat ang mga Banal, natatakot at nanginginig ang mga di tapat. Ang yaong may mga langis sa kanilang mga ilawan at pinanatili itong tabas at nagniningas ay mayroon ngayong ilawan sa kanilang mga paa at hindi sila natitisod o nabubuwal; yaong walang ilawan o langis ay nalilito at nag-aalinlangan; hindi nila alam kung ano ang gagawin. Hindi ba ito ang kaganapan ng salita ng Diyos at ang turo ng Kanyang mga tagapaglingkod? Hindi ba’t tuwinang tinuturuan ang mga Banal sa mga Huling Araw na kung mananatili silang tapat at magtitiis hanggang huli, nararapat nilang ipamuhay ang kanilang relihiyon sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos? Hindi ba’t sila ay laging binabalaan ukol sa kapalaran na naghihintay sa kanilang mga gumagawa ng kasalanan? Ang mga nakikiapid, nangangalunya, sinungaling, magnanakaw, lasenggero, lumalabag sa Sabbath, lapastangan, o sinumang makasalanan ay makapagtitiis ba ng mga pagsubok, dapat danasin ng mga Banal, at maaasahan na sila’y magtatagumpay? …

Kung ang lahat ng tumatawag sa kanilang sarili na mga Banal sa mga Huling Araw ay tunay at matapat sa kanilang Diyos, sa Kanyang banal na mga tipan at batas, at namumuhay nang nararapat para sa mga Banal, magdaraan sa atin ang mga pag-uusig nang kahit kaunti ay hindi tayo naaabala ng mga ito. Ngunit masakit na malaman na hindi ganito ang nangyayari. … .Sinabi rin Niya na kung susundin ng Kanyang mga tao ang Kanyang mga batas at tutuparin ang Kanyang mga kautusan, tunay na gawin ang mga ito, at hindi lamang sa pangalan, Siya ang kanilang magiging pananggalang at tagapagtanggol at matibay na moog at walang sinuman ang makapananakit sa kanila, sapagkat siya ang kanilang magiging taggulan. Ang mga pagsubok na ito sa ating pananampalataya at katatagan na ating pinagdaraanan ay gagamitin para sa ating kabutihan at pag-unlad sa hinaharap. Sa mga araw na darating tayo’y magbabalik-tanaw at malinaw na mauunawaan na ang pagkalinga ng Diyos ay nakikita sa lahat ng dinaranas natin ngayon. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya na makapamuhay sa harap ng Panginoon, na kung tayo man ay uusigin, ito ay hindi dahil sa paggawa ng mali, kundi dahil sa kabutihan.14

Hindi mo ba nakikita ang pangangailangan na kailangan nating danasin ang mga pagsubok at paghihirap at pangyayaring ito? Panginoon ang naglalagay sa atin sa mga kalagayang ito na nilayon para sa ikabubuti ng kanyang mga tao. Sa aking opinyon, ang mga bagay na nakapaligid sa atin ay hindi para saktan tayo o ang kaharian ng Diyos, ang mga ito ay para mabigyan tayo ng pinakamagandang pagkakataong umunlad, at lahat ay magiging maayos kung tutupad tayo sa mga kautusan ng Diyos. Ano ngayon ang dapat nating maging posisyon—lahat ng lalaki, babae, at bata? Gawin ang ating tungkulin sa harap ng Diyos, igalang siya, at ang lahat ay magiging maayos. At ukol sa mga bagay na mangyayari pa, dapat nating ipagkatiwala ang mga ito sa kamay ng Diyos at isipin na anuman ito, ito ay tama, at ang mga ito ay papangyarihin ng Diyos para sa ating ikabubuti at sa interes ng kanyang simbahan at kaharian sa mundo. …

Kung kailangan nating dumaan sa paghihirap, tiisin natin ito. Darating ang panahon na magiging malinaw sa atin ang mga bagay na sa ngayon ay hindi natin nauunawaan. At masusumpungan natin dito ang karunungan ng Diyos. Bagaman kumikilos siya sa mahiwagang paraan upang papangyarihin ang kanyang mga layunin sa mundo, ang kanyang mga layunin ay angkop sa atin bilang indibidwal at bilang pamilya. Lahat ng bagay ay pinamamahalaan ng karunungang nagmumula sa Diyos at lahat ng bagay ay tama at ginawa upang maghatid ng walang hanggang kabutihan sa bawat tao sa harap ng Diyos.15

Sinasabi namin sa lahat ng Banal sa mga Huling Araw, ang mga pagsubok na dinaranas natin ay para masubok ang mga Banal, at ang mga yaong Banal sa pangalan lamang. Ang mga maingat na nagpapanatili ng langis sa kanilang ilawan, nangangailangan ngayon ng liwanag na gagabay sa kanila; at ang mga yaong namumuhay sa hiram na liwanag, o sa liwanag na nanggagaling sa iba, ay matatagpuan ang kanilang sariling nalilito at nag-aatubili sa daang kanilang babagtasin. Sa lahat ng kalagayang ito ang mga Banal ay nararapat na maging handa. Matapat silang tinuruan at binigyan ng babala na huwag umasa sa tao o sa lakas nito upang mapaglabanan ang mga araw ng pagsubok. Sinabihan na sila, “Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama.” [I Ni Juan 2:15.] Sinabi na sa kanila na walang sinuman ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon; hindi tayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan [tingnan sa Lucas 16:13]. Ang yaong mga sumunod sa mga turong ito at masigasig ding tumupad ng ibang kautusan ng Panginoon, ay makasusumpong sa kanilang sarili ng kinakailangang lakas at pananampalataya upang mapagtiisan nila ang lahat ng pagsubok.16

Nagagalak ako sa paghihirap, dahil kailangan ang mga ito upang tayo ay maibaba at masubukan, nang maunawaan natin ang ating sarili, makilala ang ating mga kahinaan; nagagalak ako kapag pinagtatagumpayan ko ang mga ito, dahil sinasagot ng Diyos ang aking dalangin; samakatwid ninanais kong magalak buong araw.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang ilang layunin ng mga pagsubok? Bakit hindi inaalis ang paghihirap sa mga matwid?

  • Paano maiiba ang buhay ninyo kung wala kayong pagsubok o paghihirap? Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa inyong sarili at sa Diyos mula sa mga bagay na inyong pinaghirapan?

  • Isipin ang inyong mga kasalukuyang pagsubok. Paano makaaapekto sa pagtitiis o pagtatagumpay ninyo sa inyong mga pagsubok ang pananaw ninyo ukol sa mga ito? Paano ninyo pagbubutihin ang paraan ng pagharap ninyo sa inyong mga pagsubok?

  • Bahit ganap na nauunawaan ng Tagapagligtas ang ating mga paghihirap? (Tingnan din ang Alma 7:11–12; D at T 19:16–19; 122:8.) Paano makatutulong ang kaalaman tungkol sa paghihirap ng Tagapagligtas sa ating pagiging matapat sa panahon ng ating mga pagsubok?

  • Ano ang maaari nating gawin upang higit na makabahagi sa aliw at lakas na iniaalay ni Jesus? (Tingnan din sa Mga Hebreo 4:16; I Ni Pedro 5:6–11.) Paano kayo pinalakas ng pag-aaliw ng Tagapagligtas sa oras ng inyong pagsubok?

  • Bakit mahirap kung minsan na manatiling matiisin at masunurin kapag nakadaranas tayo ng paghihirap? Paano natin mauunawan ang paghihirap mula sa walang hanggang pananaw ng Panginoon?

  • Ano na ang nagawa ng iba upang matulungan kayo sa oras ng inyong pagsubok? Paano ninyo matutulungan ang iba sa panahon ng kanilang pagsubok? Ano ang natutuhan ninyo sa mga turo ni Pangulong Taylor na maaari ninyong ibahagi sa iba na dumaranas ng mga pagsubok?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Awit 34:19; II Mga Taga Corinto 4:8–18; I Ni Pedro 4:12–13; Alma 36:3; Eter 12:6; D at T 121:7–8

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-9 ng Ago. 1857, 1.

  2. Tingnan sa B. H. Roberts, The Life of John Taylor (1963), 146.

  3. Tingnan sa The Life of John Taylor, 148–49.

  4. The Life of John Taylor, 169.

  5. Tingnan sa The Life of John Taylor, 389–91, 400.

  6. The Life of John Taylor, 391–92.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, ika-14 ng Okt. 1879, 1.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Okt. 1884, 1.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, ika-28 ng Okt. 1884, 1.

  10. Deseret News (Lingguhan), ika-26 ng Ene. 1854, 1.

  11. Deseret News (Lingguhan), ika-11 ng Abr. 1860, 41.

  12. Deseret News (Lingguhan), ika-11 ng Apr. 1860, 41–42.

  13. Deseret News (Lingguhan), ika-26 ng Ene. 1854, 1–2.

  14. Sa James R. Clark, tinipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 tomo [1965–75], 3:36–37; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  15. Deseret News (Lingguhan), ika-16 ng Dis. 1857, 324; binago ang pagkakaayos ng talata.

  16. Sa Messages of the First Presidency, 3:17.

  17. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 234.

Saints leaving Nauvoo

Paalis ang mga Banal sa Nauvoo noong Pebrero 1846. Itinuro ni Pangulong Taylor na “ang mga pagsubok ay dinaranas natin para masubok ang mga Banal, at ang mga yaong Banal sa pangalan lamang.”

pocket watch

Noong 1844, nailigtas ng kanyang relo sa bulsa si Pangulong Taylor mula sa tama ng bala at siya ay nabuhay pa nang ilang dekada at higit na tinuruan ang mga Banal tungkol sa layunin ng mga pagsubok.