Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Ang Kahalagahan ng Edukasyon


Kabanata 10

Ang Kahalagahan ng Edukasyon

Narito tayo, bilang mga tao. … upang mapasaatin ang bawat katotohanan, ang bawat kabutihan, ang bawat alituntunin ng katalinuhan na batid ng mga tao, kasama ang mga yaong ipinahayag ng Diyos para sa tanging paggabay sa atin, at gamitin ang mga ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, at samakatwid ay maturuan ang ating sarili at ang ating mga anak sa lahat ng bagay na makapagpapadakila sa tao.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Noong 1887, si Pangulong John Taylor ay nahirang sa katungkulan bilang superintendente ng mga paaralang pandistrito ng teritoryo ng Utah. Sa katungkulang ito, sinikap niyang italaga ang pinakamahusay na mga guro upang magturo sa kabataan at sa maliliit na bata. Palagian niya ring nirerepaso ang mga estadistikang pang-edukasyon—hindi lamang ang galing sa Utah, kundi pati rin ang galing sa lahat ng estado at teritoryo ng Estados Unidos—upang matulungan siyang higit na maunawaan ang antas ng edukasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw. Para sa pagpapatakbo niya ng sistemang pampaaralan, tumanggap siya ng liham ng papuri mula sa tumatayong komisyonado ng edukasyon ng Estados Unidos.2 Ang sulat ay isang angkop na pagkilala kay Pangulong Taylor, na ang buhay ay sumasalamin sa kanyang pagmamahal sa pag-aaral at sa pagtuturo.

Sa kanyang pag-aaral mula pagkabata sa Inglatera hanggang sa kanyang paglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan, si John Taylor ay parating nag-aaral at gumagawa upang mapalawak ang katalinuhan na ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon. Ang kanyang kasigasigan sa pag-aaral ay nagbigay sa kanya ng kakayahang makatulong sa pagpapalakas ng Simbahan sa maraming paraan. Ang isang pagkakataong ganito ay naganap habang siya ay nagmimisyon sa Pransiya. Bagamat hindi pa siya gaanong nagtatagal sa bansang iyon, sumali siya sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa mga wikang Pranses at Aleman at pinasimulan ang paglalathala ng dalawang buwanang peryodiko ng Simbahan sa mga wikang ito.3

Ang maraming akda ni John Taylor tungkol sa mga paksang pangebanghelyo ay kinabilangan ng mga liham, kartel, himno, polyeto, artikulong pampahayagan, at aklat. Ang isa sa kanyang mga aklat, na pinamagatang The Government of God [Ang Pamahalaan ng Diyos] ay pinapurihan ng isang kilalang mananalaysay na Amerikano, na sumulat: “Isang akda hinggil sa isang pangkalahatan at mahirap na paksa, wala na marahil itong kapantay sa larangan ng panitikang Mormon. Mahusay at malinaw ang estilo, at ang bawat salita ay kababakasan ng malaking kaalaman ng may-akda. Bilang isang mag-aaral ng sinauna at modernong kasaysayan, isang teologo, at isang pilosopong moral, si Pangulong Taylor ay nararapat na mapabilang sa pinakamagagaling.”4

Bilang karagdagan sa marami niyang naisulat, ang husay ni Pangulong Taylor sa wika, kasama ang kanyang patotoo sa ebanghelyo, ay nagbunga ng maraming sermon na nakapagbigay ng inspirasyon at tagubilin. Sumulat si Elder B. H. Roberts: “Ang mga Banal na nakapakinig sa kanya sa loob ng kalahating daan taon ay maaalala habang sila ay nabubuhay ang kanyang nakatatawag-pansing presensiya, ang kanyang personal na magnetismo, ang sigla at lakas ng kanyang mga talumpati at ang dakilang mga alituntuning tinalakay niya sa mga ito. … Ang kanyang kahusayan sa pagsasalita ay tila isang ilog na halos umapaw sa mga pampang, at mabilis na umaagos tungo sa mayayamang lupalop ng pag-iisip.”5

Mga Turo ni John Taylor

Dapat tayong maging “buhay na buhay sa pagsusulong” ng edukasyon para sa ating sarili at sa ating mga anak.

Nais nating. … maging buhay na buhay sa pagsusulong ng edukasyon. Inutusan tayo ng Panginoon na magkamit ng kaala man, sa pamamagitan ng pag-aaral at sa pamamagitan ng pananampalataya, at hanapin ito mula sa pinakamabubuting aklat [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:118]. Katungkulan natin na turuan ang ating mga anak, at pagkalooban sila ng pagtuturo sa bawat sangay ng edukasyon na nilayon upang isulong ang kanilang kapakanan.6

Narito tayo, bilang mga tao. … hindi upang gayahin ang sanglibutan, maliban na ito ay sa kabutihan. … kundi upang mapasaatin ang bawat katotohanan, ang bawat kabutihan, ang bawat alituntunin ng katalinuhan na nalalaman ng mga tao, kabilang ang mga yaong ipinahayag sa atin ng Diyos para sa tanging paggabay sa atin, at gamitin ang mga ito sa pang-araw-araw nating pamumuhay, at samakatwid ay maturuan tayo at ang ating mga anak sa lahat ng bagay na makapagpapadakila sa tao … Dapat nating higit na malaman ang tungkol sa ating sarili at sa ating mga katawan, ang tungkol sa kung ano ang pinakamainam sa ating kalusugan at malaman ang pagpapanatili ng mabuting kalusugan at pag-iwas sa sakit, at malaman kung ano ang dapat na kainin at inumin, at kung ano ang hindi dapat na gamitin sa ating katawan. Dapat na maging pamilyar tayo sa pisiyolohiya ng katawan ng tao, at mamuhay alinsunod sa mga batas na sumasaklaw sa ating mga katawan, upang ang ating mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ipinagkaloob sa atin ng ating Panginoong Diyos. At upang lubos na maunawaan ang ating sarili, dapat tayong mag-aral mula sa pinakamabubuting aklat at sa pamamagitan ng pananampalataya. At hayaang maisulong at mahikayat ang edukasyon sa ating kalipunan.

Sanayin ang inyong mga anak na maging matalino at masipag. Una, turuan sila sa kahalagahan ng malulusog na pangangatawan, at kung paanong pananatilihin ang lakas at sigla ng mga ito. Turuan silang isaisip ang pinakamataas na pagpapahalaga sa kabutihan at kalinisang-puri at gayon din naman ay hikayatin sila na patalasin ang mga kakayahang intelektuwal na ipinagkaloob sa kanila. Dapat din silang maturuan hinggil sa daigdig kung saan sila nabubuhay, at sa mga katangian nito, at sa mga batas na sumasaklaw dito. At dapat silang maturuan tungkol sa Diyos na lumikha sa daigdig, at ang Kanyang mga panukala at layunin sa paglikha nito at sa paglalagay ng tao dito. … At kung anumang bagay ang gagawin nila, dapat silang maturuan na gawin ito nang may katalinuhan, at ang bawat gantimpala na maibibigay ng mga magulang sa mga anak upang gumawa sila nang may katalinuhan at pagkakaunawa, ay dapat na ibigay sa kanila. …

Kinakailangang lubos na matuto tayong magbasa at sumulat at magsalita nang wasto sa sarili nating wika. At kung saan ang mga tao ay may kakulangan sa edukasyon, dapat na lalo silang magsumikap na ang kakulangang iyon ay hindi rin mangyari sa kanilang mga anak. Dapat na higit tayong magpakasakit sa pagtuturo at pagbibigay edukasyon sa ating kabataan. Ang lahat ng magagawa natin upang maipantay man lamang sila sa antas ng sangkatauhan ay dapat na kasiyahan nating gawin. Sapagkat sa pagtataas sa kanila ay nagbibigay tayo ng karangalan sa ating pangalan, at kaluwalhatian sa ating Diyos Ama. Ang paggawa nito ay mangangailangan ng pagsusumikap at kaparaanan, at mangangailangan din ito ng kasigasigan at determinasyon sa bahagi ng lahat ng may kinalaman dito.7

Ano man ang inyong ginagawa, maging maingat sa pagpili ng mga guro. Hindi natin nais na ang mga yaong kumakalaban sa Kristiyanismo ang magmulat sa kaisipan ng ating mga anak. Ang ating mga anak ay napakahalagang mga kaloob na ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon, at hindi tayo maaaring maging pabaya sa pagpapalaki at pagtuturo sa kanila. Higit kong nanaisin na maturuan ang aking mga anak sa pangunahing mga elemento ng edukasyon ng mga taong may takot sa Diyos at mapasailalim sila sa impluwensiya ng mga ito, kaysa maturuan sila ng tungkol sa mahihirap na siyensiya ng mga taong walang takot sa Diyos sa kanilang mga puso. …

Dapat nating higit na pagtuunang pansin ang mga bagay na may kinalaman sa edukasyon, at gawin ang lahat ng magagawa natin upang makuha ang serbisyo ng mahuhusay na guro. May mga taong maaaring magsabi na hindi natin sila kayang bayaran. Hindi maaring hindi natin kukunin ang mga gurong ito. Nais nating lumaking matatalino ang ating mga anak na at kapantay sa kaalaman ng mga tao sa anumang bansa. Inaasahan ng Diyos na gagawin natin ito, at samakatwid ay tinatawagan ko ang inyong pansin sa bagay na ito. May narinig akong matatalino at praktikal na mga taong nagsabi na parehas lang ang halaga ng pagaalaga sa isang mabuting kabayo at isang masamang kabayo, o sa pagpapalaki ng isang mahusay na hayop at isang mahinang klaseng hayop. Hindi ba’t parehas din lang ang halaga ng pagpapalaki sa mga anak na mabubuti at matatalino at sa mga anak na mangmang?8

Ang lahat ng tunay na katalinuhan ay nagbuhat sa Diyos at nagpapalawak sa ating mga isipan at kaluluwa.

Ang tao, sa pamamagitan ng pilosopiya at ng kanyang likas na katalinuhan, ay maaaring makatamo ng pagkakaunawa, sa ilang bahagi, tungkol sa mga batas ng Kalikasan. Ngunit upang maunawaan ang Diyos, ang makalangit na karunungan at katalinuhan ay kinakailangan.9

Mabuti para sa mga tao na maturuan tungkol sa kasaysayan at mga batas ng mga bansa, na maging pamilyar sa mga panuntunan ng katarungan at pagkamakatao, sa kalikasan ng mga sakit at sa katangiang medisinal ng mga tanim, atbp. Ngunit hindi maaari sa kanila ang walang kaalaman sa Diyos, dahil sa katunayan ang bawat sangay ng tunay na kaalaman na batid ng tao ay nagbuhat sa Diyos, at napasatao ang mga ito mula sa kanyang salita at mula sa kanyang mga gawa. … Ang lahat ng katalinuhan na natamo ng mga tao sa lupa, maging tungkol sa relihiyon, siyensiya, o pulitika— ay nagbuhat sa Diyos. Ang bawat kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa kanya, ang bukal ng liwanag at katotohanan, na walang pagbabago o anino man ng pag-iiba. Ang kaalaman tungkol sa sistema ng gobyerno at ng mga batas ng tao ay nanggaling sa mga ito, na siyang itinatag ng Diyos.10

Walang sinumang taong nabubuhay, at walang sinumang taong nabuhay, ang nakapagturo ng mga bagay ng Diyos malibang siya ay tinuruan, tinagubilinan, at pinatnubayan ng espiritu ng paghahayag na nagbubuhat sa Pinakamakapangyarihang Diyos. At walang sinumang tao ang may kakayahang tumanggap ng tunay na katalinuhan at makabuo ng wastong pagpapasiya na may kinalaman sa mga sagradong alituntunin ng buhay na walang hanggan, malibang sila ay nasa ilalim ng impluwensiya ng ganoon ding espiritu. Samakatwid, ang mga nagsasalita at nakikinig ay kapwa sumasakamay ng Pinakamakapangyarihang Diyos.11

Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay nilayon upang palawakin ang isipan, palakihin ang puso, at buksan ang kakayahan at ipadama sa lahat ng tao ang kanilang kaugnayan sa Diyos at sa isa’t isa, upang tayong lahat ay maging kabahagi ng yaon ding mga pagpapala. At upang tayong lahat ay maging matalino, upang tayong lahat ay maging maalam sa mga bagay ng kaharian ng Diyos at lahat ay maging handa para sa manang selestiyal sa mundong walang hanggan. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng sistema na ating tinanggap at sa sistema ng mundo—ang mga iyon ay sa tao, ito ay sa Diyos. … Ang kaharian ng Diyos ay dumadakila sa mabuti, pinagpapala ang lahat, binibigyang liwanag ang lahat, pinalalawak ang isipan ng lahat at inilalagay sa maaabot ng lahat ang mga pagpapala ng kawalang hanggan. … Pinahahalagahan ko ang lahat ng tunay na katalinuhan, maging moral, siyentipiko, pulitikal, o pilosopikal. …

Ang katotohanan at katalinuhan ay humihilig na palawakin ang kakayahan, palakasin ang kaluluwa at ipakita sa tao ang tunay niyang katayuan, ang kanyang kaugnayan sa kanyang sarili at sa kanyang Diyos, kapwa tungkol sa kasalukuyan at sa hinaharap, upang kanyang mabatid kung paano mabuhay sa mundo at makapaghandang makihalubilo sa mga Diyos sa mga daigdig na walang hanggan. …

Ang mga alituntunin ng katotohanan ang nagbibigkis sa atin at nagbubunsod sa ating kumilos nang may pagkakaisa at lakas. Ang mga alituntuning ito ang nagpapagaan sa ating pakiramdam, nagpapasigla sa ating mga kaluluwa, at nagbibigay sa atin ng kagalakan at kasayahan sa lahat ng pagkakataon. Ito ay liwanag, ito ay katotohanan, ito ay katalinuhan, ito ay nagbuhat at mag-aakay pabalik sa Diyos, kadakilaan at kaluwalhatiang selestiyal. Nagagalak tayo dahil sumasaatin ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan. Ito ay dahil nakibahagi tayo sa bukal ng buhay, at batid ang ating kaugnayan sa ating Panginoon.12

Tinutulungan tayo ng Simbahan na maturuan tungkol sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.

Kailangan nating palagiang maturuan, taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon. Kung kaya’t mayroon tayong iba’t ibang organisasyon sa priesthood. … upang magturo, magbigay tagubilin, at magbigay kaalaman sa lahat ng aspeto ng buhay, maging ang mga ito ay tungkol sa daigdig na ito o sa daigdig na darating.13

Mayroon tayong mga Relief Society. … nasa Nauvoo ako noong panahong itatag ang Relief Society ni Propetang Joseph Smith, at naroon ako sa okasyong iyon…

Tungkol sa mga Samahang iyon, sasabihin ko, maganda ang kanilang ginagawa at napalaki nilang tulong sa ating mga bishop. At sila ay angkop na angkop sa pagdamay, pagbibigay biyaya, at paghihikayat sa mga kapatid nilang nangangailangan ng kanilang kalinga, sa pagdalaw sa maysakit, at gayundin naman sa pagbibigay payo at tagubilin sa kabataang kababaihan sa mga bagay tungkol sa kanilang tungkulin bilang mga anak at banal ng Kataastaasan. Natutuwa akong sabihin na maraming tayong kagalang-galang at marangal na kababaihan na gumaganap sa gawaing ito ng pag-ibig, at pinagpapala sila ng Panginoon sa kanilang mga gawain, at binabasbasan ko sila sa pangalan ng Panginoon. At sasabihin ko sa ating mga kapatid na babae, magpatuloy sa pagiging masigasig at matapat sa paghahangad ng kapakanan at kaligayahan ng kababaihan, bigyang tagubilin at sanayin ang inyong mga anak na babae na matakot sa Diyos, at turuan ang kababaihan na gawin din ang mga ito, nang pagpalain tayo ng Panginoon kasama ng ating mga anak.14

Pagkatapos ay mayroon din tayong Sunday School, at marami sa ating mga kapatid na lalaki at babae ang gumagawa nang maganda sa larangang ito. Nais kong bigyang payo ang mga pangulo ng Sunday School na pagsumikapang makuha ang pinakamahuhusay na talento na makukuha nila na magtuturo at magbibigay tagubilin sa ating mga anak. Ano pa bang higit na dakila o marangal na gawaing magampanan natin kaysa magturo sa mga bata ng mga alituntunin ng kaligtasan? Kayo na masisipag at ibinibigay ang lahat ng inyong makakaya sa bagay na ito, pagpapalain kayo ng Diyos, at darating ang araw na babangon ang kabataan ng Israel at tatawaging kayong mapalad.15

Ang edukasyon, kapag ginamit nang matwid, ay makatutulong sa atin na itayo ang Sion.

Mainam para sa mga elder na maging pamilyar sa mga lenguwahe, sapagkat maaari silang pumunta sa ibayong dagat, at maaari silang makipag-usap sa mga tao, at huwag magmukhang mga hangal. … Maari ninyong sabihin, akala ko ba ibibigay sa atin ng Panginoon ang kaloob na mga wika. Hindi niya ito gagawin kapag napakatamad natin na pag-aralan ang mga ito. Hindi ko kailanman hiniling sa Panginoon na gawin ang isang bagay na kaya kong gawin para sa aking sarili.

Dapat tayong maging pamilyar sa lahat ng bagay, at dapat na makatamo ng katalinuhan sa pamamagitan ng pananampalataya at sa pamamagitan ng pag-aaral. Inutusan tayong tipunin ang mga ito mula sa pinakamabubuting aklat, at maging pamilyar sa mga bagay na nauukol sa mga pamahalaan, mga batas, at mga bansa. Kinakailangang pag-aralan ng mga elder ng simbahang ito ay ang mga bagay na ito, upang kung pupunta sila sa mga bansa, hindi nila hahangarin na umuwi na bago sila makagawa ng isang mabuting bagay.16

Inaasahan ng Diyos ang Sion na siyang maging kapurihan at kaluwalhatian ng buong daigdig, upang ang mga hari, kapag marinig ang kanyang katanyagan, ay lalapit at pagmamasdan ang kanyang kaluwalhatian. … Nais niyang tumalima tayo sa kanyang mga batas at matakot sa kanya, at bilang mga kinatawan ay humayo sa mga bansa, na puspos ng kapangyarihan ng priesthood na ipinagkaloob sa atin na hinahangad “muna ng kaharian ng Diyos, at ng kanyang katuwiran;” [Mateo 6:33], at hinahangad muna ang kapakanan at kaligayahan ng ating kapwa-tao. …

Dahil ganito nga, nararapat nating isulong ang bawat uri ng edukasyon at katalinuhan; palawakin ang pagkakahilig sa panitikan, at dapat na palawakin ng mga tao sa larangan ng panitikan at agham ang kanilang mga talino, at dapat na pagyamaning lalo ang lahat ng mga kaloob na ibinigay sa kanila ng Diyos. Bigyan ng edukasyon ang inyong mga anak, at para sa mga magtuturo sa kanila, hanapin ang yaong mga may pananampalataya sa Diyos at sa kanyang mga pangako, at may katalinuhan. … Kung mayroon mang mabuti at kapuri-puri sa moralidad, relihiyon, agham, at anupamang nilayon upang mapadakila ang tao, hinahangad natin ito. Ngunit sa lahat ng ating nakukuha ay dapat na makakuha tayo ng pagkakaunawa [tingnan sa Mga Kawikaan 4:7]; at ang pagkakaunawang iyon na nagbubuhat sa Diyos.17

Ang dakilang alituntunin na dapat nating alamin ay ang kaalaman tungkol sa Diyos, tungkol sa mga ugnayan natin sa isa’t isa, tungkol sa iba’t ibang tungkulin na dapat nating gampanan sa iba’t ibang kalagyan ng buhay kung saan tayo natawag na gumawa bilang mga mortal, imortal, matatalino, at walang hanggang nilalang. Ito ay upang ating magampanan ang ating mga tungkulin at gawin tayong karapat-dapat sa harapan ng Diyos at ng banal na mga anghel, at kung makatatamo tayo ng ganitong uri ng kaalaman, magiging mabuti para sa atin, sapagkat ito ang pinakamainam na ating matatamo sa lahat ng ating ginagawa, at nasasaklawan nito ang lahat ng nanaisin natin.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Para sa inyo, ano ang ibig sabihin ng maging “buhay na buhay na pagsusulong ng edukasyon”? Anu-anong karanasan ang nagpakita sa inyo ng kahalagahan ng edukasyon?

  • Anu-anong pagkakataon mayroon kayo upang palawakin ang inyong edukasyon? Paano ninyong higit na mapakikinabangan ang mga pagkakataong ito? Bakit mahalaga na magpatuloy tayo sa pag-aaral sa buong buhay natin? Paano makatutulong ang ating edukasyon at pagkakatuto sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos?

  • Bakit mahalagang maturuan ang ating sarili at ang ating mga anak tungkol sa mabuting kalusugan? Sa anu-anong paraan natin magagawa ito?

  • Bakit mahalaga na magkaroon ng mabubuting guro para sa ating mga anak? Ano ang ating magagawa upang matiyak na ang ating mga anak ay may mga gurong kwalipikado at may moralidad? Anu-ano pa ang maaari nating gawin upang maging bahagi ng edukasyon ng ating mga anak?

  • Anu-anong kaalaman ang inyong natamo sa inyong paglahok sa iba’t ibang organisasyon sa Simbahan? Bakit may mga taong tila kakaunti ang nakukuha mula sa mga pagtuturo sa kanila sa Simbahan, samantalang ang iba naman ay napakalaki? Paano natin matitiyak na tayo at ang ating mga anak ay nakukuha ang lahat ng maaari nating makuha mula sa mga klase at programa ng Simbahan?

  • Anu-ano ang inyong magagawa upang maipakita ang inyong pagpapahalaga sa mga masigasig na nagtuturo sa inyo at sa inyong mga anak?

  • Itinuro ni Pangulong Taylor na “ang dakilang alituntunin na dapat nating alamin ay ang tungkol sa kaalaman sa Diyos.” Bakit ang Panginoon at ang Kanyang mga turo ang nararapat na maging sentro ng lahat ng ating pag-aaral at pagkatuto? Para sa inyo, ano ang ibig sabihin ng matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at sa pamamagitan ng pananampalataya”?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 4:7; Juan 8:31–32; D at T 88:77–80; 93:36; 130:18–21

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-12 ng Hun. 1883, 1.

  2. Tingnan sa B. H. Roberts, The Life of John Taylor (1963), 323.

  3. Tingnan sa The Life of John Taylor, 228–32.

  4. Hubert Howe Bancroft, History of Utah (1980), 433.

  5. Tingnan sa The Life of John Taylor, 430–33.

  6. Deseret News: Semi-Weekly, ika-4 ng Hun. 1878, 1.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, ika-12 ng Hun. 1883, 1.

  8. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 273.

  9. The Gospel Kingdom, 73.

  10. The Gospel Kingdom, 271.

  11. The Gospel Kingdom, 275.

  12. Deseret News (Lingguhan), ika-30 ng Set. 1857, 238.

  13. The Gospel Kingdom, 134.

  14. The Gospel Kingdom, 178–79.

  15. The Gospel Kingdom, 276.

  16. The Gospel Kingdom, 78–79; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, ika-24 ng Set. 1878, 1.

  18. Deseret News (Lingguhan), ika-30 ng Set. 1857, 238.

John Taylor

Lubos na naniwala si Pangulong Taylor sa edukasyon at sa habang buhay na pagaaral. Isa siyang mahusay na artisano, negosyante, manunulat, at mananalumpati.

students

Mga mag-aaral at guro sa Paaralan ng Plain City, Utah noong 1884. Hinikayat ni Pangulong Taylor ang mga Banal na “isulong ang bawat uri ng edukasyon at katalinuhan. … at pagyamaning lalo ang mga kaloob na ibinigay sa kanila ng Diyos.”