Kabanata 20
Ang Templo, ang Pintuan patungong Kadakilaan
Narito tayo upang makipagtulungan sa Diyos para sa kaligtasan ng mga buhay [at] sa pagtubos ng mga patay.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Dahil sa lumalalang pag-uusig sa Nauvoo, nangamba si Propetang Joseph Smith na maaaring hindi na niya makitang matapos ang Nauvoo Temple. Dahil sa pagnanais niyang matiyak na naipagkaloob na niya ang kinakailangang mga susi at kaalaman sa iba, naghanda siya ng isang silid sa itaas ng isang tindahan sa Nauvoo kung saan kanyang mapangangasiwaan ang mga ordenansa sa templo para sa ilang piling tao.2 Isa sa mga napili ay si John Taylor, na nagkaroon ng partikular na interes sa mga ordenansa sa templo mula noong ihayag ang alituntuning ito sa Simbahan. Mula dito at sa iba pang mga karanasan, nagkaroon si Pangulong John Taylor ng pag-unawa at pagpapahalaga sa templo at sa mga ordenansang ginaganap doon.
Habang nagsasalita sa paglalaan ng lugar para sa Logan Utah Temple, ibinahagi ni Pangulong Taylor sa kongregasyon ang mga damdaming naranasan niya nang dumalaw siya sa St. George Utah Temple, ang unang templong natapos sa Teritoryo ng Utah:
“Nang dalawin namin ang banal na Templong iyon, kasama ang ilang kapatid, nakaranas kami ng isang sagradong kaligayahan at kapita-pitagang damdamin. Nang pumasok kami sa sagradong pinto, nadama naming nakatayo kami sa banal na lugar, naranasan ang siyang ring naranasan ng mga yaong sinauna, ‘Ito’y hindi iba kundi bahay ng Dios, at ito ang pintuan ng langit.’ [Tingnan sa Genesis 28:17.] Hindi lamang ito metapora, kundi ito’y katotohanan, dahil sa Bahay na ito, at mapapasa Bahay na ito na itatayo sa lupang ito, gaganapin ang pinakasagradong ordenansa ng Diyos, na nauugnay sa interes at kaligayahan ng sangkatauhan, buhay at patay. Nagagalak ang puso ko na naging matagumpay tayo sa pagtatayo ng isang templo sa pangalan ng ating Ama at Diyos.”3
Karagdagan pa sa pag-unawa ng kahalagahan ng templo, batid din ni Pangulong Taylor na patuloy na darami ang bilang ng mga templo at ng mga taong nangangasiwa sa mga ito habang isinasagawa ang plano ng Diyos. Samantalang ipinakikita ang kasalukuyang itinatayong Salt Lake Temple sa isang panauhing mula sa ibang bansa, nagpropesiya si Pangulong Taylor sa pagdami ng mga templo sa mundo: “Inaasahan namin ang pagtatayo ng daan-daang katulad nito, at pangasiwaan sa loob ng mga ito ang gawain ng Diyos.”4
Mga Turo ni John Taylor
Interesado ang Diyos sa kadakilaan ng mga patay at gayon din ng mga buhay.
May dakila at malawakang planong ginawa ang Pinakamakapangyarihan kaugnay sa kaligtasan ng sangkatauhan, na kanyang mga anak, dahil siya ang Diyos at Ama ng mga espiritu ng lahat ng laman. Ang ibig sabihin nito ay interesado Siya sa kanilang kapakanan, sa kanilang pag-unlad, sa kanilang kaligayahan, at sa lahat ng bagay na nauukol sa kanilang kaligtasan sa buhay na ito at sa buong kawalang hanggang darating. Dahil interesado Siya, at dahil kakaunti lamang sa ebanghelyo ang ipinahayag sa iba’t ibang panahon, at dahil sa labis na kapangyarihan ng kadiliman at kasamaan na umiiral sa mga tao, kinailangan na may gawin para sa mga patay at gayon din sa mga buhay. Interesado ang Diyos sa mga patay at gayon din sa mga buhay. 5
Narito tayo upang makipagtulungan sa Diyos para sa kaligtasan ng mga buhay [at] sa pagtubos ng mga patay, sa pagpapala ng ating mga ninuno, sa pagbubuhos ng mga pagpapala sa ating mga anak; narito tayo para sa layunin ng pagtubos at pagpapanibago ng mundo na ating pinaninirahan, at inilagay ng Diyos ang kanyang awtoridad at kanyang mga payo rito sa lupa para sa layuning ito, upang matutuhan ng tao na gawin ang kalooban ng Diyos kung paano man sa langit, gayon din sa lupa. Ito ang layon ng ating buhay; at tungkulin natin na maunawaan ito.6
Nabubuhay tayo, tulad ng sinabi ko, sa mahalagang araw at yugto ng panahon sa mundo. … inilaan tayo ng [Diyos] para sa mga huling araw na ito, upang ating gampanan ang gawain na ipinag-utos Niya bago pa itatag ang daigdig. Kung may anumang biyaya na tinamasa ang mga tao noong unang dispensasyon ng daigdig, ibibigay rin ang mga ito sa inyo, mga Banal sa mga Huling Araw, kung inyong ipamumuhay ang inyong relihiyon at magiging masunurin sa mga batas ng Diyos. Walang bagay na malilihim maliban sa ito ay ipahahayag, sinabi ng Panginoon. Handa Siyang isiwalat ang lahat ng bagay; lahat ng bagay na ukol sa kalangitan at lupa, lahat ng bagay ukol sa mga taong nabuhay na, mga nabubuhay ngayon at mabubuhay pa, nang tayo ay matagubilinan at maturuan ng lahat ng alituntunin ng katalinuhan na nauugnay sa daigdig na ating pinaninirahan o sa mga Diyos sa mga walang hanggang daigdig.7
Nagtatayo tayo ng mga templo para sa kadakilaan ng lahat ng sangkatauhan.
Nang nagpakita ang propetang si Elijah kay Joseph Smith, ipinagkatiwala niya ang mga susi ng dispensasyong ito; at kaya nga nagtatayo tayo ng mga templo. … May mga ordenansa na nauugnay sa mga bagay na ito na nagmula pa noong kawalang hanggan; at magpapatuloy hanggang sa kawalang hanggan; …na inilaan para sa kapakanan, kaligayahan, at kadakilaan ng sangkatauhan; para sa mga nabubuhay at para sa mga patay at para sa mga mabubuhay pa, kapwa ukol sa ating mga ninuno at sa ating inapo. At isa iyon sa mga susi na ibinigay. 8
Bakit tayo nagtatayo ng mga templo? Dahil ipinagkatiwala ni Elijah ang ilang susi na hawak niya kay Joseph Smith. At kapag ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa mga elder na ipinagkakaloob ang banal na priesthood, tinataglay nila ang mga alituntunin na ibinahagi ni Elijah kay Joseph at sa iba pa. … At pagkaraan ng panahon habang nagsisimulang magtipon ang simbahan, nagsimula tayong mag-usap tungkol sa pagtatayo ng mga templo kung saan tatanggapin at pangangasiwaan ang mga ordenansa na inihayag kay Joseph Smith, ukol sa kapakanan ng mga buhay at ng mga patay at sa kinakailangan sa ating kaligtasan at kadakilaan sa kaharian ng ating Diyos, gayon din sa mga taong pinangangasiwaan natin. At hindi lamang tayo nag-usap tungkol dito marami na rin tayong ginawa para dito.9
Ngayon ay natapos na natin itong templo ng [Logan Utah], at itinatanong ng ilang tao kung na para saan ba ito? Para sa maraming bagay: upang maisagawa ang ating mga pagbubuklod at ordenansa sa paraang katanggap-tanggap sa harap ng Diyos at ng mga banal na anghel; na anuman ang tatalian sa lupa ayon sa batas ng walang hanggang priesthood ay tatalian sa langit; nang hindi magkaroon ng putol ang mga ugnayan sa pagitan ng mga buhay at mga patay, sa pagitan ng mga nabuhay, lahat ng sinaunang ninuno na binanggit ko na interesado sa kapakanan ng kanilang mga inapo; nang magkaroon ng maharlikang pagkasaserdote, banal na mga tao, dalisay na mga tao, mabubuting tao sa mundo upang mangasiwa at gumawa para sa interes ng mga buhay at mga patay; hindi lamang abala para sa kanilang sarili, kundi para sa Diyos, para sa gawain ng Diyos, at pagkatapos magampanan ang mga bagay na pinanukala ng Diyos na magawa sa dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon [tingnan sa D at T 128:18] kapag ang lahat ng bagay ay pinag-isa, magiging handa silang mangasiwa sa priesthood sa kalangitan para sa pagtubos ng mga naninirahan sa daigdig na ito mula sa mga araw ni Adan maging hanggang sa kasalukuyang panahon.10
Dapat tayong maging marapat sa pagpasok sa banal na templo ng Diyos.
Ang mga taong nagnanais na pumunta at dumalo sa mga ordenansa sa mga bahay na ito, ay kinakailangang magkaroon ng rekomendasyon sa kanilang bishop. … Pagkatapos kapag nakakuha na sila ng rekomendasyong ito mula sa kanilang bishop, kailangang pirmahan ito ng stake president. … Ang bagay na ito ay mahirap gawin para sa maraming tao. Para sa kalalakihan at kababaihang matatapat, mabubuti, at mararangal, napakasimple lamang ng bagay na ito; wala silang anuman hirap dito kailanman. Ngunit para sa mga hindi naging maingat sa kanilang mga tungkulin, mga tumalikod sa mga batas ng Diyos, at mga nakialam o lumabag sa mga ordenansa ng ebanghelyo—sa mga taong ito, ito ay mahirap na panahon.
Gayunpaman, may mas mahirap pang bagay na kasunod ito. Ito pa lamang ang simula. Higit pang mas mahirap magampanan ang mga bagay na darating. Anu-ano ito? Darating ang oras na hindi lamang tayo kinakailangang dumaan sa mga pinunong ito na aking tinukoy—ang pahintulot at pagsang-ayon ng ating bishop [at] ng stake president…, gayon din sinabi ng aklat na ito (Ang Doktrina at mga Tipan) na dadaan tayo sa mga anghel at mga Diyos. Maaaring makalusot tayo sa iba, maaaring hindi pa tayo gaanong nahihirapan, nakadaan at nakapasa tayo sa kanila nang “nahirapan” nang kaunti. Ngunit paano na kapag nakarating tayo sa kabilang panig, at kailangan nating dumaan sa mga anghel at mga Diyos bago tayo makapasok sa kadakilaan? Kung hindi tayo makadaan, paano na? Hindi na nga tayo makadaraan pa, at ganoon nga iyon. Kung hindi tayo makadaraan, makakamit kaya natin ang ating kadakilaan? Sa palagay ko ay hindi.11
Maaari ninyong malinlang ang Bishop at maaari ninyong malinlang ang Stake President, at maaari ninyong malinlang ang mga General Authority ng Simbahan, ngunit hindi ninyo malilinlang ang Panginoong Jesucristo o ang Espiritu Santo. Kayo, higit kaninuman, ang lubos na nakakikilala sa inyong sarili at kung may anumang bagay na mali sa inyo, ngayon na ang panahon para magsisi at magtapat sa Panginoon; at kung hindi kayo magsisisi, darating ang panahon na ibababa kayo, at kung gaano kataas ang inyong narating gayon din kalalim ang inyong kahuhulugan.12
Pananagutan nating maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.
Narito tayo upang maghandang mabuhay, at turuan ang ating mga anak kung paano mabubuhay pagkawala natin; at turuan ang mundo ng gayon ding aral kung tatanggapin nila ito. Batid nating umiral na ang ating espiritu na kasama ang Ama bago pa tayo isinilang sa lupa. Batid nating imortal at mortal ang ating katauhan, na nabuhay na tayo sa ibang daigdig na katulad nito. Batid natin na laganap sa mundo ang katiwalian; pananagutan nating ilayo ang ating sarili rito, at umunlad sa kabutihan, katotohanan, integridad at kabanalan.
Isinilang tayo rito upang maging tagapagligtas. “Ano, mga tagapagligtas?” “Oo.” “Akala namin na may isa lamang na Tagapagligtas.” “Hindi, may napakaraming tagapagligtas. Ano ang sinasabi ng mga banal na kasulatan tungkol dito?” Sinabi ng isa sa mga sinaunang propeta tungkol sa mga bagay na ito, sinabi niya na ang mga tagapagligtas ay magsisisampa sa bundok ng Sion [tingnan sa Obadias 1:21]. Mga tagapagligtas? Oo. Sino ang ililigtas nila? Una, ang kanilang sarili, pagkatapos ang kanilang pamilya, pagkatapos ang kanilang kapwa, kaibigan at kakilala, pagkatapos ang kanilang mga ninuno, pagkatapos ay ibubuhos nila ang mga pagpapala sa kanilang mga inapo. Ganito nga ba talaga? Oo. …
Hangad nating pagpalain ang ating mga inapo. Nababasa nating tinawag nina Abraham, Isaac at Jacob, bago sila pumanaw, ang kanilang pamilya, at sa ilalim ng inspirasyon ng diwa ng propesiya at paghahayag ay ipinatong ang kanilang mga kamay sa kanilang mga ulo at binasbasan sila, na yaring basbas ay mapapasa kanilang mga inapo sa mga darating na panahon. Nasa atin ang gayon ding ebanghelyo at priesthood, ang gayon ding liwanag at katalinuhan, at hangad natin ang kaligtasan at kadakilaan ng ating pamilya na mabubuhay sa susunod na henerasyon, na tulad nila, hangad din natin na mabuhos ang mga pagpapala ng Diyos sa kanila. At kung namatay ang ating mga ninuno nang walang kamalayan tungkol sa ebanghelyo, na hindi nagkaroon ng pagkakataong makinig dito, hangad nating tulungan sila, at magpapabinyag tayo para sa kanila, nang maligtas at madakila sila sa kaharian ng Diyos kasama natin.13
Nang pumarito si Jesus, pumarito Siya upang gampanan ang isang gawain na sa maraming detalye ay katulad ng mga ginagawa natin, at kapag natapos na Siya sa Kanyang gawain rito, Siya ang magiging Tagapagligtas ng daigdig, at ng sangkatauhan. Isinilang siya upang ipangaral ang Ebanghelyo sa mga dukha, upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, at upang itanyag ang kaaya-ayang taon ng Panginoon, at iba pa. Nauugnay ang gawaing ito sa mga taong nabuhay noong panahon ng baha at napahamak at ibinilanggo hanggang itakda ng Panginoon na panahon na upang ipakita ang Kanyang awa sa kanila. Kaya nga’t nababasa natin, “Sapagka’t si Cristo man ay nagbata ring minsan dahil sa mga kasalanan, ang matuwid dahil sa mga di matuwid upang tayo’y madala niya sa Dios; siyang pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu; na iyan ang kaniyang iniyaon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, na nang unang panahon ay mga suwail, na ang pagpapahinuhod ng Dios, ay nanatili noong mga araw ni Noe.” [Tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20.] Nang tapusin Niya ang gawain sa lupa para sa mga buhay, nagtungo Siya’t naglingkod sa mga patay; tulad ng sinabi sa atin, “[Siya ay] yumaon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan na nang unang panahon ay naging suwail noong mga araw ni Noe.”
Inilaan sa atin na gampanan ang gawain para sa mga yaong pumanaw na hindi sumunod o hindi nagkaroon ng Ebanghelyo noong nabubuhay pa sila. Narito tayo upang gampanan ang gawaing may kinalaman sa pagtubos sa mga patay. Nang ipag-utos na magtayo ng Templo sa Nauvoo, pagkayari ng Templo sa Kirtland, at pagkatapos ipanumbalik ang napakaraming susi, at pagkatapos ng maraming pagpapakita, pangitain at pagmiministeryo, binanggit pa rin na wala pang lugar sa lupa na maaaring pagganapan ng mga ordenansa para sa mga patay, at inutusan si Joseph na magtayo ng bahay para sa layuning ito.14
Maraming nasa kabilang buhay ang naghihintay na gampanan natin ang ating mga tungkulin.
Higit pa sa iniisip natin ang kahalagahan ng gawaing pinagkakaabalahan natin. Ang mga kilos at gawain natin ngayon ay may kinalaman sa nagdaan at sa hinaharap. Minsan sa isang okasyon sinabi ni Napoleon sa kanyang hukbo noong sila ay nasa Egipto, na may apatnapung henerasyong nagmamasasid sa kanilang mga kilos. Ngunit sa atin ang mga hukbo sa langit ang siyang magmamasid sa atin. Pinagmamasdan tayo ng Priesthood na nangasiwa sa iba’t ibang henerasyon at iba’t ibang dispensasyon, mula nang itatag ang mundo; ang ating mga kapatid na nakasama natin sa mundo na ngayo’y nasa kabilang buhay na, ay pinagmamasdan din tayo. Pinagmamasdan din tayo ng maraming patay na walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo na natutulog sa mga tahimik na libingan, at umaasa silang gagampanan natin ang mga tungkulin at pananagutang inatas sa atin, na nauukol sa kanila.
Ang lahat ng banal na priesthood—mga sinaunang patriyarka, propeta at apostol at mga tao ng Diyos na nabuhay sa iba’t ibang henerasyon ay pinagmamasdan tayo at umaasang gagampanan natin ang dakila at mahahalagang kahilingan sa atin ni Jehova ukol sa kapakanan at pagtubos sa daigdig: ang kaligtasan ng mga buhay at mga patay. Pinagmamasdan din tayo ng Diyos, ang ating Ama sa Langit, at ng kanyang anak na si Jesucristo, ang ating Manunubos, at umaasa na tayo ay magiging tapat sa ating mga tipan.15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “makipaglungan sa Diyos para sa kaligtasan ng mga buhay [at] sa pagtubos ng mga patay”? Ano ang nadama ninyo habang pinagpala ninyo ang inyong mga ninuno sa pamamagitan ng pagganap ng mga gawain sa templo?
-
Ano ang layunin ni Elijah nang magpakita siya kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland Temple? (Tingnan sa D at T 110:13–16.) Anu-anong pagpapala ang mayroon tayo ngayon dahil sa ipinanumbalik na mga susi ni Elijah?
-
Bakit mahalagang maging tapat tayo sa mga interbyu sa atin para sa rekomendasyon sa templo? Anu-anong biyaya ang ipinangako sa atin kapag pumupunta tayo nang karapat-dapat sa templo? (Tingnan din sa D at T 97:15–17.) Paano ninyo naranasan ang mga pagpapalang ito? Ano ang magagawa natin para maihanda ang mga bata at kabataan upang maging marapat sila sa pagpasok sa templo?
-
Sa papaanong paraan tayo magiging “tagapagligtas sa Bundok ng Sion”? Bakit mahalaga ang paglilingkod natin sa kaligtasan ng mga patay?
-
Ano ang nararamdaman ninyo kapag iniisip ninyong “pinagmamasdan tayo ng mga hukbo sa langit. … umaasa na gagampanan natin ang ating mga tungkulin at pananagutan”? Anu-ano ang ating tungkulin at pananagutan ukol sa gawain sa templo at kasaysayan ng mag-anak? Paano ninyo mapahuhusay pa ang inyong gawain sa templo at sa kasaysayan ng mag-anak?
-
Basahin ang D at T 135:3. Paano nadaragdagan ang kaalaman ninyo tungkol sa talatang ito sa ginampanang papel ni Propetang Joseph sa pagpapanumbalik ng templo?
-
Bakit kailangang madalas tayong pumunta sa templo? Sa inyong sariling palagay, ano ang ibig sabihin ng templo? Paano natin madaragdagan ang impluwensiya ng templo sa sarili nating buhay at sa buhay ng ating pamilya?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: D at T 109; 124:39–41; 128:15–25; 138