Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: Ang Walang Hanggang Ebanghelyo


Kabanata 2

Ang Walang Hanggang Ebanghelyo

Ang walang hanggang ebanghelyo … ay hindi nabatid hanggang sa ipahayag ito ng Panginoon mula sa kalangitan sa pamamagitan ng tinig ng kanyang anghel, at kung tatanggapin natin ang mga alituntuning ito at ang mga ito ay manahan sa atin, samakatwid ay makatatamo tayo ng mga alituntunin ng buhay na walang hanggan.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Noong 1836 sa Toronto, Canada, si John Taylor at ilan pang kasama ay nagtitipon nang ilang ulit sa isang linggo upang mag-aral ng Biblia at masumpungan ang pagkakaunawa sa katotohanan. Matibay silang naniwala sa pagtitipon ng Israel, sa mga kaloob ng Espiritu, sa paghahari ng Panginoon nang isang milenyo, sa pangangailangan ng mga apostol at mga propeta, at sa kahalagahan ng paggawa ng mga ordenansa sa pamamagitan ng wastong kapangyarihan mula sa Diyos. Gayunman, noong mga panahong iyon ay wala silang alam na anumang simbahan na nagtuturo ng ganitong mga bagay. Tungkol sa kanilang paghahanap sa katotohanan, sinabi ni John Taylor, “Nanalangin kami sa Panginoon at nag-ayuno at nanalangin na tuturuan kami ng Diyos ng wastong mga alituntunin, na Kanyang panunumbalikin ang dalisay at sinaunang Ebanghelyo, at na kung mayroon mang tunay na simbahan sa balat ng lupa ay magpadala siya sa amin ng isang tagahatid balita.”

Hindi nagtagal ay tinugon ang kanilang panalangin sa pagdating ni Elder Parley P. Pratt. Bago umalis si Elder Pratt patungo sa kanyang misyon, nagpropesiya sa kanya si Elder Heber C. Kimball, “Kalooban ng Diyos na pumunta ka sa Canada, may mga tao roon na masigasig na naghahanap ng katotohanan, at marami sa kanila ang maniniwala sa iyong mga salita at tatanggap sa Ebanghelyo.”

Nagsimulang mangaral si Elder Pratt sa Toronto, at pagkaraan ng ilang panahon ay ipinakilala kay John Taylor at sa mga yaong nag-aaral na kasama niya. Sumulat si Pangulong Taylor kinalaunan, “Nakadama kami ng labis na kagalakan sa kanyang pangangaral; ngunit nang magbahagi siya ng patotoo tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon, hindi namin malaman kung ano ang sasabihin. Itinala ko ang unang walo sa mga sermon na kanyang ipinangaral at inihambing ang mga ito sa banal na kasulatan. Akin ding sinaliksik ang mga ebidensiya hinggil sa Aklat ni Mormon at binasa ang Doktrina at mga Tipan. Araw-araw kong ginawa ito sa loob ng tatlong linggo at sinundan si [Kapatid na] Parley sa kung saan-saang lugar.”2

Hindi naglaon ay nakumbinsi si John Taylor na ang walang hanggang ebanghelyo ay ipinanumbalik na. Nabinyagan siya noong ika-9 ng Mayo 1836. Bilang misyonero, Apostol, at sa huli bilang Pangulo ng Simbahan, ikinagalak niyang ituro ang walang hanggan at di nagbabagong mga katotohanan sa ebanghelyo.

Mga Turo ni John Taylor

Tumutulong ang ebanghelyo sa atin na maunawaan ang mga katangian ng Diyos at inihahanda tayo na tumanggap ng kadakilaan.

Tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala, una, sa ebanghelyo, at napakalaking bagay na sabihin ito sapagkat ang ebanghelyo ay sumasaklaw sa mga alituntuning malalalim ang kahulugan, malalawak ang nasasakupan, at malalayo ang pinatutungkulan, kaysa anupamang bagay na maiisip natin. Tinuturuan tayo ng ebanghelyo hinggil sa pag-iral at mga katangian ng Diyos. Tinuturuan din tayo nito ng ating kaugnayan sa Diyos at ng iba’t iba nating mga pananagutan sa kanya bilang kanyang mga anak. Tinuturuan tayo nito ng iba’t iba nating tungkulin at pananagutan sa ating mga pamilya at mga kaibigan, sa komunidad, sa mga buhay at mga patay. Ipinahahayag nito sa atin ang mga alituntuning tungkol sa hinaharap. Sa katunayan, ayon sa sinabi ng isa sa mga sinaunang disipulo, ito ang “nagdala sa liwanag ng buhay at ng kawalang hanggan,” [tingnan sa II Kay Timoteo 1:10]. Ito ang nag-uugnay sa atin sa Diyos, at naghahanda sa atin para sa kadakilaan sa daigdig na walang hanggan.3

Ang Ebanghelyong ito ay nagbibigay-daan sa tao na makipagtalastasan sa Diyos, ang kanyang Ama sa Langit; ang Ebanghelyong ito ay “nagdadala sa liwanag ng buhay at ng kawalang hanggan; ang Ebanghelyong ito ay ipinahahayag alang-alang sa kapakanan ng lahat ng tao sa lahat ng dako ng daigdig. … Ito ay isang mensahe ng kaligtasan sa mga bansa sa daigdig. … Nakadarama ang Diyos ng interes sa kapakanan ng buong sangkatauhan, at sa dahilang ito ay Kanyang itinatag dito sa lupa ang mga alituntuning itinatag na noon sa kalangitan—isang Ebanghelyong ipinatupad na sa mga Diyos doon sa mga daigdig na walang hanggan, na naglalaman ng mga alituntuning pinanukala upang maitaas, mapadakila, at mapaangat ang sangkatuhan.4

Ang Ebanghelyo ay walang hanggan at di nababago.

Ang dakilang mga alituntunin ng ebanghelyo ay iba’t iba at napakalawak. … Umiral na ang mga ito noon, umiiral sa ngayon, at aabot hanggang sa hinaharap. Ang lahat ng katotohanan ay napapaloob sa ebanghelyo ni Jesucristo kung ang pag-uusapan ay ang kaligtasan ng sangkatauhan, kung kaya’t binabanggit ito sa banal na kasulatan bilang walang hanggang ebanghelyo. …

… Ang Diyos, kagaya ng kanyang anak na si Jesucristo, ay “siya rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman.” [1 Nephi 10:18.] Ganoon pa rin ang kanyang katalinuhan, ganoon pa rin ang kanyang kadalisayan, ganoon pa rin ang kanyang mga gawain, plano, at layunin; sa madaling salita, siya ay hindi nagbabago. At naniniwala ako na kung ang mga Banal na may pakikipagtalastasan sa kanya noong sinaunang panahon ay magpapakita sa daigdig na ito sa ngayon, masusumpungan nila ang ganoon pa ring paraan ng pakikipagtalastasan, ang ganoon pa ring paraan ng pagbabahagi ng katalinuhan, at ang ganoon pa ring di nagbabagong nilalang na naroon na noong 1,800, 4,000, o 6,000 taon na ang nakalilipas.

Totoong ang sangkatauhan, hindi sa lahat ng pagkakataon, ay nagawang tanggapin at pahalagahan ang gayon ding antas ng liwanag, katotohanan, at katalinuhan na nagawa nila sa ibang pagkakataon. Ginawa ng Diyos sa ilang pagkakataon na ang kanyang liwanag—ang kanyang Banal na Espiritu—ang liwanag at katalinuhan na nagmumula sa Kanya—ay bawiin sa ilang antas nito mula sa sangkatauhan; ngunit ganoon pa rin ang kanyang mga batas at siya pa rin ang walang hanggan at di nagbabagong nilalang.

Hindi nagbabago ang katotohanan. Kung ano ang totoo 1,800, 4,000, o 6,000 taon na ang nakalipas ay totoo pa rin ngayon, at kung ano man ang mali sa anumang panahon ay mali pa rin ngayon. Ang katotohanan, kagaya ng dakilang Elohim, ay walang hanggan at di nagbabago, at tungkulin natin na alamin ang mga alituntunin nito, alamin kung paano bibigyan ito ng halaga, at mamuhay alinsunod dito.

Dahil ang ebanghelyo ay isang alituntunin na nagbuhat sa Diyos, ito, kagaya ng may-akda nito, ay “siya rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman,”—walang hanggan at di nagbabago. Inordenan na ito ng Diyos bago pa man “magsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga” o bago pa man nabuo ang mundong ito, para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sinasaisip na ito ng Diyos, at habang lalo itong sinasaliksik ay higit na napapatunayang ito ay isang planong walang hanggan, di nagbabago, at di lumilihis para iligtas, pagpalain, dakilain at igalang ang tao.5

Ang ganito ring Ebaghelyo ang ipinangaral kay Set, at sa lahat ng Patriyarka bago dumating ang delubyo [o bago mangyari ang Malaking Baha], at nangasiwa sila sa ilalim ng kapangyarihan nito. Sa pamamagitan ng kapangyarihan nito, kagaya ng ipinakita na natin, ay binago ang kalagayan ni Enoc at ng kanyang mga tao. Tungkol kay Noe ay isinulat ang ganito: “At inordenan ng Panginoon si Noe alinsunod sa kanyang sariling orden, at inutusan siyang humayo at ipahayag ang kanyang Ebanghelyo sa mga anak ng tao, maging gaya ng pagkakabigay kay Enoc.” [Moises 8:19.] At dagdag pa rito, ating sipiin ang patotoo ni Noe bago ang baha: “At ito ay nangyari na si Noe ay nagpatuloy sa kanyang pangangaral sa mga tao, nagsasabing, Makinig at bigyang-pansin ang aking mga salita; maniwala at magsisi ng inyong mga kasalanan at magpabinyag sa pangalan ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos, maging gaya ng ating mga ama, at kayo ay makatatanggap ng Espiritu Santo, upang magawang ipaalam sa inyo ang lahat ng bagay; at kung hindi ninyo gagawin ito, ang mga baha ay tatabon sa inyo.” [Tingnan sa Moises 8:23–24.]

Mula rito ay natutuhan natin na ang mga alituntunin ng Ebanghelyo sa mga unang yugto ng mundo ay katulad ng mga yaong itinuturo sa ating panahon.

Nagpatuloy ang Banal na Priesthood mula kay Noe tungo kay Abraham. “Tinanggap ni Abraham ang pagkasaserdote mula kay Melquisedec, na tinanggap ito sa pamamagitan ng angkan ng kanyang mga ama, maging hanggang kay Noe.” [D at T 84:14.] … Ang kaalaman tungkol sa Ebanghelyo at pagtupad dito ay nagpatuloy kina Isaac, Jacob, Jose at iba pang Patriyarka, hanggang sa panahon ni Moises. …

Ang ganito ring Ebanghelyo ang ipinag-utos ng Manunubos na ipinako sa krus, na ipangaral ng Kanyang mga disipulo nang “sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. At lalakip ang mga tandang ito sa mga magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng mga demonyo sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika; mangagsisihawak sila ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na nakamamatay, sa anumang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila’y magsisigaling.” [Marcos 16:15–18.] …

Kung kaya’t mababasa natin na si Pedro, ang pangunahin sa mga Apostol, sa pagmamakaawa ng mga tao sa araw ng Pentecostes ng, “Mga kapatid, anong gagawin namin?” ay tumugon sa pamamagitan ng mga salitang sinipi na natin: “Mangagsisi kayo, at mangabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at ta tanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Diyos sa kaniya.” [Tingnan sa Mga Gawa 2:37–39.]

Muli, ang ganito ring walang hanggan, di napapalitan, di nagbabagong Ebanghelyo na ang pagpapanumbalik sa lupa ay sinalita ni Juan, ang Apostol, nang ganito:

“At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan; At sinasabi niya nang malakas na tinig, Matakot kayo sa Diyos at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka’t dumating ang panahon ng kaniyang paghatol; at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.” [Apocalipsis 14:6–7.]

Mula sa Biblia, bumaling tayo sa Aklat ni Mormon, at masusumpungan natin sa mga pahina nito ang ganito ring Ebanghelyo na ipinag-utos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na ipangaral sa buong sanglibutan, ipinangaral ito sa kontinenteng ito, mula pa sa mga pinakaunang panahon. Nakilala ito ng mga Jaredita sa pamamagitan ng mga patotoong ibinigay sa kapatid ni Jared. Sa isa sa mga patotoong ito, sinabi sa kanya ni Jesus:

“Masdan, ako ang siyang inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao. Masdan, ako si Jesucristo. Ako ang Ama at ang Anak. Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan; at sila ay magiging aking mga anak na lalaki’t babae.” [Eter 3:14.] …

Nang magpakita si Jesus mismo sa mga Nephita, Siya ay nangaral ng mga alituntuning tulad ng nauna na Niyang ipinangaral sa mga Judio, at paminsan-minsan ay sinasamahan pa ng karagdagang mga katotohanan dahil higit na malakas ang pananampalataya ng mga Nephita. “At kanyang ipinaliwanag ang lahat ng bagay maging mula sa simula hanggang sa panahon na siya ay paparito sa kanyang kaluwalhatian.” [Tingnan sa 3 Nephi 26:3.] Kabilang sa iba pang bagay, Kanyang sinabi: “At sinuman ang makikinig sa aking mga salita at magsisisi at mabibinyagan, siya rin ang maliligtas. Saliksikin ang mga propeta, sapagkat marami roon ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito.” [3 Nephi 23:5.]

At ang ganoon ding Ebanghelyo, na may kaakibat na ganoon ding lakas at diwa, na binasbasan ng ganoon ding inspirasyon, at dinadala ng ganoon ding Priesthood, ang siya ring ipinangangaral ngayon bilang pagpapatotoo sa sanglibutan.6

Ginagabayan tayo ng ebanghelyo sa isang landas ng kaligayahan, pag-unlad, at kalayaan.

Sa hindi nananampalataya, ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay walang kuwenta at walang bisa. Ngunit sa atin, na naniniwala sa mga ito, sumasaklaw ang mga ito sa lahat ng bagay patungkol sa kapakanan ng tao sa ngayon at sa kawalang hanggan. Para sa atin, ang ebanghelyo ang alpha at ang omega, ang simula at ang katapusan. Dito nakasalalay ang lahat ng ating interes, kaligayahan, at kasiyahan, maging sa buhay na ito sa lupa o sa kabilang buhay.

Isinasaalang-alang natin na kapag sumapi tayo sa simbahang ito at tinanggap ang isang bago at walang hanggang ebanghelyo, ito ay isang panghabang-buhay na paglilingkod at may epekto sa lahat ng usapin sa ngayon at sa kawalang hanggan. At habang umuunlad tayo, ang mga ideyang ito, na sa simula ay tila malabo at di maunawaan, ay higit na nagiging malinaw, tunay, buhay na buhay, mapanghahawakan at maliwanag sa ating pagkakaunawa. At napagtatanto natin na tayo ay naririto sa lupa bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos, bilang mga kinatawan ng kalangitan. Nadarama nating inihayag sa atin ng Diyos ang isang walang hanggang ebanghelyo, at kaakibat nito ang mga tipan at ugnayang walang hanggan.

Ang ebanghelyo, sa panimulang yugto nito, ay nagsimula, ayon sa sinabi ng isang propeta na “papagbaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang.” [Tingnan sa Malakias 4:6.] Hindi na natin kailangang magtanong, gaya noong una ng, “Sino ako?” “Saan ako nanggaling?” “Ano ang ginagawa ko dito?” o “Ano ang layunin ng aking buhay?” sapagkat may katiyakan na tayo hinggil sa mga bagay na ito. Ginawa itong maliwanag sa atin ng mga bunga ng ebanghelyo. … Ang kabatiran ng mga bagay na ito at marami pang katulad nito ang gumagabay sa ating tahakin ang daang nilalakaran natin. Ito ang pumipigil sa atin na paniwalaan ang mga pag-aakala, kapritso, ideya, at kalokohan ng mga tao.

Matapos na mabigyang liwanag ng espiritu ng walang hanggang katotohanan, matapos na makibahagi sa Espiritu Santo, at matapos na makapasok ang ating pag-asa sa tabing kung saan pumasok si Cristo, na siya nating pangunahin, at sa pagkakabatid na mga anak tayo ng Diyos at ang lahat ng ikinikilos natin ay may kaugnayan sa kawalang hanggan, patuloy nating tinatahak ang ating landas maging ito man ay sang-ayunan ng mga tao o hindi.7

Ibinigay sa atin ng Diyos ang ebanghelyo at ang mataas na priesthood na hindi nilayon, gaya ng akala ng iba, upang alipinin ang tao o diktahan ang mga konsensiya ng tao, kundi gawing malaya ang lahat ng tao gaya rin ng Diyos na malaya; upang sila ay makainom mula sa mga agos “na nagpapasaya sa bayan ng Dios;” [Mga Awit 46:4] nang sila ay maiangat at hindi pababain; upang sila ay dalisayin at hindi pasamain; upang kanilang matutuhan ang mga batas ng buhay at sumunod sa mga ito, at hindi tumahak sa mga daan ng kasamaan at mangamatay.8

Sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, nalalagay tayo sa isang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kagaya ng sinabi ng isang sinaunang apostol: “Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya; sapagka’t siya’y ating makikita gaya ng kaniyang sarili.” [Tingnan sa 1 Ni Juan 3:2.] Ang Diyos ang ating Ama, at isang paraan ng pakikipagtalastasan ang nabuksan sa pagitan natin at ng Diyos; at yayamang ating ipinamumuhay ang ating relihiyon, makapaghahanda tayo sa lahat ng panahon na tumanggap ng mga pagpapala mula sa Kanya, at matutong makaunawa ng mga wastong alituntunin tungkol sa ating kaligtasan bilang mga indibidwal, at sa kaligtasan ng sangkatauhan.9

Ating natanggap ang walang hanggang ebanghelyo, na siya ring ebanghelyo noong mga araw ni Jesus; at ito ang siyang nag bigay-liwanag sa ating mga isipan, nagpalawak sa ating mga kakayahan, at nagbigay sa atin ng kaalaman tungkol sa nakaraan at sa hinaharap. At inihayag nito sa atin ang mga layunin ng Diyos, at sa pamamagitan ng orden at organisasyon ng priesthood, tayo ay pinagpala, nailigtas, nabigyang proteksiyon, at naipagtanggol sa ating kalagayan sa araw na ito.10

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paano isinalarawan ni Pangulong Taylor ang ebanghelyo? Sa anu-anong paraan magiging iba ang inyong buhay kung wala kayong kaalaman sa ebanghelyo? Anu-anong bagay ang naranasan ninyo na nagpapakita kung paano ginagawa ng mga alituntunin ng ebanghelyo na “maitaas, mapadakila, at mapaangat ang sangkatuhan”?

  • Paano nakatutulong sa atin ang ebanghelyo na maunawaan ang mga katangian ng Diyos at ang ating kaugnayan sa Kanya? Bakit kinakailangan ang kaalamang ito para sa ating kaligtasan? (Tingnan din sa Juan 17:3.)

  • Paano makatutulong sa inyo ang kaalamang ang ebanghelyo ay walang hanggan at di nagbabago? Paano nakaimpluwensiya ang kaalamang ito sa inyong mga paniniwala at mga pasiyang inyong ginagawa?

  • Itinuro ni Pangulong Taylor na ang ebanghelyo ay nilayon upang “gawing malaya ang lahat ng tao.” Mula sa anong bagay ginagawa tayong malaya ng ebanghelyo? Ginagawa tayong malaya nito upang makagawa ng ano? Paano natin matutulungan ang iba na maunawaan na ang ebanghelyo ay nagdudulot ng kalayaan sa halip na mga pagbabawal?

  • Anu-ano na ang inyong nagawa upang makatanggap ng patotoo tungkol sa ebanghelyo? Anu-anong karanasan ang nagpalakas sa inyong patotoo? Anu-ano ang magagawa natin upang matiyak na ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay magpapatuloy na “manahan sa atin”?

  • Paano tayo inilalagay ng ebanghelyo “sa isang pakikipag-ugnayan sa Diyos”?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Juan 8:31–32; II Kay Timoteo 1:8–10; 1 Nephi 10:18–19; 3 Nephi 27:13–22; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4

Mga Tala

  1. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 84.

  2. “History of John Taylor: By Himself,” Histories of the Twelve, The Family and Church History Department Archives ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 9–10.

  3. The Gospel Kingdom, 93–94.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, ika-20 ng Dis. 1881, 1.

  5. Deseret News (Lingguhan), ika-8 ng Peb. 1860, 385.

  6. The Mediation and Atonement (1882), 183, 185–86, 188.

  7. The Gospel Kingdom, 85–86; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  8. The Gospel Kingdom, 123.

  9. Deseret News: (Lingguhan), ika-8 ng Peb. 1860, 386.

  10. Deseret News: (Lingguhan), ika-8 ng Peb. 1860, 386.

Noah preaching

Itinuro ni Pangulong Taylor na ang ebanghelyong ipinangaral ni Noe at ng lahat ng iba pang sinaunang propeta ay “ganoon din … ang ipinangangaral ngayon sa pagpapatotoo sa buong sanglibutan.”