Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Ang Ating Tungkuling Pangmisyonero


Kabanata 8

Ang Ating Tungkuling Pangmisyonero

Hindi ko kailanman nakita ang mga elder na humayong magmisyon upang ipangaral ang ebanghelyo [nang hindi itinuturing] na sila ay umaalis upang lumahok sa isa sa pinakadakilang gawaing pinagagampanan sa sangkatauhan.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Si Elder John Taylor ay naglingkod bilang isang misyonero sa loob ng Estados Unidos at sa ibayong dagat, at nakaganap ng ilang full-time na misyon sa pagitan ng 1839 at 1857. Kanyang ipinakita ang kanyang malakas na pananampalataya at patotoo habang nangangaral sa kadalasan ay mapaghamong mga pagkakataon, na kung minsan ay walang salapi o pagkain. Nanalig siya na iingatan siya at ang kanyang pamilya ng Panginoon at pagkakalooban siya ng mga pamamaraan upang maipangaral ang ebanghelyo.

Isa sa mga ganoong pagkakataon ng pagtataguyod ng Panginoon ay naganap hindi nagtagal makaraang lisanin ni Elder Taylor ang kanyang pamilya sa Montrose, Iowa, upang gampanan ang isang misyon sa Inglatera. Habang naglalakbay siya sa Indiana, nagkasakit siya nang malubha at napilitang magpalipas ng ilang linggo sa isang otel upang magpalakas. Sa panahong ito, itinuro ni Elder Taylor ang ebanghelyo sa mga pagpupulong na ginaganap sa katabi ng otel, kahit na kailangan niyang umupo paminsan-minsan habang nagsasalita. Napansin ng kanyang mga tagapakinig na sa kabila ng mahirap niyang kalagayan, hindi siya kailanman nanghingi ng pera. Sa wakas, isa sa kanila ang lumapit sa kanya at nagsabi, “G. Taylor, hindi ka kumikilos gaya ng karamihan sa mga mangangaral; wala kang binabanggit tungkol sa iyong kalagayan o pananalapi, ngunit namalagi ka dito ng ilang panahon na may sakit; ang mga bayarin sa iyong manggagamot at sa otel ay tiyak na malaki. Pinag-usapan namin ng ilang kaibigan ko ang mga bagay na ito at nagpasyang tulungan ka.”

Mapagpasalamat na tinanggap ni Elder Taylor ang tulong na ito at hindi nagtagal ay naipagpatuloy ang kanyang paglalakbay matapos maayos ang lahat ng kanyang bayarin. Tungkol sa karanasang ito, sinabi ni Elder Taylor, “Higit kong nanaisin na ilagay ang aking pagtitiwala sa Panginoon kaysa sinuman sa mga hari sa daigdig.”2 Dahil sa kanyang pananalig sa Panginoon at sa kanyang katapatan sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba, si John Taylor ay isang matibay na halimbawa kung paano natin dapat na gampanan ang gawaing misyonero.

Mga Turo ni John Taylor

Ang gawaing misyonero ay nagdadala ng kaalaman tungkol sa buhay at imortalidad sa buong sangkatauhan.

Narito tayo para sa isang tiyak na layunin; ang mundo ay nilikha para sa isang tiyak na layunin;…ang ebanghelyo ay ipinakilala para sa isang tiyak na layunin sa iba’t ibang yugto ng panahon at sa iba’t ibang tao kung kanino ito inihayag at ipinatalastas, at tayo, sa ngayon, ay napasasailalim din sa ganitong mga layunin. Ginagabayan tayo ng Panginoon gaya ng ginawa niya noon sa Israel, at gaya ng paggabay niya sa mga Nephita mula sa lupain ng Jerusalem, at sa sampung tribo, at sa iba pang mga tao, na pumunta sa iba’t ibang lugar. Ginagabayan niya tayo, at ang unang bagay na ginawa niya sa atin…ay ipadala ang kanyang ebanghelyo, makaraang ihayag muna ito kay Joseph Smith, at siya, matapos bigyang-karapatan ng Pinakamakapangyarihang Diyos, at matapos matanggap ang pagkakatalaga sa kanya sa pamamagitan ng banal na priesthood na umiiral sa kalangitan, at dahil sa pagkakatalagang iyon ay nagkaroon ng karapatang ipagkaloob ito sa iba, ay ipinagkaloob ito sa iba, at sila naman ay ipinagkaloob din ito sa iba, at samakatwid ay naipadala ang ebanghelyo sa iba’t ibang bansa kung saan tayo naninirahan.

At nang magsihayo ang mga taong ito upang ipahayag ang ebanghelyong ito, umalis sila, tulad ng sinabi ni Jesus, hindi upang gawin ang kanilang “kalooban, kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa kanila,” [tingnan sa Juan 5:30] at makipagtulungan sa mga may tangan ng priesthood dito sa lupa sa pagtuturo ng tamang mga alituntunin. Kung kaya’t humayo sila sa mga bansa, at libu-libo at sampu-sampung libo at milyun-milyon ang nakapakinig sa kanilang mga patotoo; ngunit tulad noong mga sinaunang araw, gayon din naman sa mga huling araw. Sinabi ni Jesus, “Makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangagkakasumpong noon; samantalang malapad ang daang patungo sa pagkapahamak at marami ang doo’y nagsisipasok.” [Tingnan sa Mateo 7:13–14.] Ganito palagi ang nangyayari sa lahat ng panahon at sa lahat ng tao, kung saan at kailan ipinangangaral ang ebanghelyo sa kanila.3

Ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo sa layuning ibalik ang buhay at imortalidad sa kaalaman ng sangkatauhan; at kapag walang kaalaman sa ebanghelyo ay walang kaalaman sa buhay at imortalidad; sapagkat hindi mauunawaan ng mga tao ang mga alituntuning ito malibang ang mga ito ay ihayag sa kanila. … Nang buksan ang kalangitan at magpakita ang Ama at Anak at ipahayag kay Joseph ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at nang ang banal na Priesthood ay maipanumbalik at ang Simbahan at kaharian ng Diyos ay maitatag sa lupa, ang mga ito ang pinakadakilang pagpapala na ipinagkaloob sa henerasyong ito na maaaring matanggap ng tao. Kung mauunawaan nila ito, ito ang pinakadakilang pagpapala na maipagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan.4

Isa nating tungkulin ang tumulong sa Panginoon sa pamamagitan ng gawaing misyonero.

Samakatwid ngayon, naghahangad ang Panginoon, sa panahong ito gaya rin noong ibang panahon, na magtipon para sa kanya ng mga tao na gagawa ng kanyang kalooban, tutupad sa kanyang mga kautusan, makikinig sa kanyang payo, at magsasakatuparan sa kanyang mga utos. … Ang Panginoon, sa panahong ito tulad din noong mga naunang pagkakataon, ay ipinadadala ang kanyang mga salita sa nais niyang magdala nito; pinipili niya ang kanyang mga tagahatid-balita at ipinadadala ang mga ito sa kanyang mga tao. At nang humayo ang mga elder ng Israel, sinabi niya sa kanila sa isang paghahayag—“Humayo, at ang aking mga anghel ay nasa inyong harapan, at ang aking espiritu ay sasama sa inyo.” [Tingnan sa D at T 84:88.] At sila ay humayo, at tinupad ng Diyos ang kanyang mga salita, at marami sa inyo, na sa panahong iyon ay nasa malalayong bansa, ang nakinig sa mga salita ng buhay, at nang marinig ninyo ang mga iyon, nabatid at naunawaan ninyo ito, tulad ng sinabi ni Jesus—“Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig at nakilala nila ako, at sumunod sila sa akin, nguni’t sa iba’y hindi sila nagsisisunod sapagka’t hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba.” [Tingnan sa Juan 10:5, 27.] Napakinggan ninyo ang tinig ng katotohanan na sinamahan ng espiritu ng Diyos, at ang mga ito ang siyang pumukaw ng masisidhing damdaming espirtuwal sa inyong mga puso, at kayo ay nagsisunod. …

Ngayon, samakatwid, nagkakatipon tayo upang tumulong, para sa anong layunin? Upang pangalagaan ang sarili nating mga kapakanan? Hindi. Upang makalikom ng kayamanan? Hindi. Upang magkaroon at magpakasasa sa magagandang bagay sa buhay na ito? Hindi, kundi gawin ang kalooban ng Diyos at ituon ang ating sarili, ang ating mga talino at kakayahan, ang ating katalinuhan at impluwensiya sa lahat ng maaaring paraan upang maisakatuparan ang mga layunin ni Jehova at tumulong na magpalaganap ng kapayapaan at katwiran dito sa lupa. Ito, sa aking pagkakaunawa, ang dahilan kung bakit tayo narito, at hindi upang atupagin ang ating mga pansariling gawain at hayaan ang Diyos at ang kanyang kaharian na gawin ang nais nila. Tayong lahat ay may interes sa dakilang gawaing ito ng Diyos sa mga huling araw, at nararapat na magtulung-tulong tayong lahat sa gawaing ito.5

Naordenan akong Elder ng mga may karapatan, at humayo ako upang ipangaral ang Ebanghelyong ito. Ang ibang mga Elder ay humayo, tulad ko, sa sibilisadong mga bansa, na ipinangangaral ang ganoon ding doktrina at nag-aalok ng ganoon ding mga pangako. Ang ilan sa kanila ay hindi gaanong maalam; ang ilan ay hindi gaanong nakapag-aral. Nagpapadala tayo ng kakaibang uri ng mga tao bilang mga Elder. Kung minsan, ang isang misyonero ay isang mangangalakal, kung minsan ay isang mambabatas, isang panday, isang tagagawa ng adobe, isang taga-palitada, isang magsasaka, o pangkaraniwang trabahador, depende sa kanilang gawain. Ngunit ang lahat ay nasa ilalim ng iisang impluwensiya at espiritu, at lahat ay nagsisialis bilang mga misyonero upang ipangaral ang Ebanghelyo ng liwanag, ng buhay at ng kaligtasan. Tinanggap nila ang mga kayamanan ng buhay na walang hanggan, at binigyan sila ng kakayahan na ipatalastas ang mga ito sa iba; at iniaalok nila ang ganoon ding mga pangako.

Kayo na mga nakikinig sa akin sa hapong ito at ganoon din ang libu-libo pang iba, ay nakapakinig na sa mga ganitong alituntunin, at naalukan na ng ganitong mga pangako; at nang sundin ninyo ang Ebanghelyo, tinanggap ninyo ang ganoon ding espiritu; at kayo ang aking mga saksi sa katotohanan ng mga bagay na akin ngayong ipinahahayag sa inyong harapan, at sa Espiritu at kapangyarihan ng Diyos na kalakip ng pagsunod sa Ebanghelyo, at hindi ninyo ito pabubulaanan. Hindi ito pabubulaanan ng kongregasyong ito. Nang magpakita kayo ng pagsunod sa mga batas ng Diyos, sumunod sa Kanyang mga kautusan, at mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan at mapatungan ng mga kamay para sa pagtanggap sa Espiritu Santo, natanggap ninyo ito; at kayo ang mga buhay na saksi ng Diyos. Ito ang isang lihim na hindi maunawaan ng sanglibutan. … Sumasaatin ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, at gumagawa tayo sa isang layuning pang walang hanggan; at gumagawa tayo upang itatag ang Sion ng Diyos, kung saan maituturo ang katwiran, at kung saan maiingatan ang mga tao, at kung saan maipahahayag ang kasarinlan sa lahat ng tao ng bawat lahi, ng bawat pananampalataya, at ng bawat bansa.6

Ang ating tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng tao. … At ginagawa natin ito sa kabila ng pagsalungat ng mga tao, at sa pangalan ng Diyos ay gagawin natin ito. … At kung mamahalin nila ang diyablo nang higit sa Diyos, hayaan silang gawin ito at mapapasakanila ang kaguluhan at kalungkutan at kapahamakan at digmaan at pagdanak ng dugo. Sapagkat magsisitindig ang bansa laban sa bansa, bayan laban sa bayan; at ang mga luklukan ay pababagsakin; at ang mga kaharian ay pangangalatin sa apat na hangin, at ang mga kapangyarihan ng daigdig sa lahat ng dako ay matitigatig; at ang Panginoon ay darating hindi magtatagal upang hatulan ang mga bansa; at kinakailangan para sa atin ang mabatid kung ano ang ating ginagawa, at habang ipinahahayag natin na tayo ay mga banal ng Diyos, hindi tayo dapat maging mapagkunwari, kundi maging puspos ng katotohanan at puspos ng integridad at gampanang matapat ang ating mga tungkulin at igalang ang ating Diyos.

Ganito ang inaasahan sa atin ng Diyos. At pagkatapos ay magtayo ng mga templo, at pagkatapos nito ay ano? Mangasiwa sa mga ito. Ipadala ang ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig. At pagkatapos ay tipunin ang mga tao. Pagkatapos ay ano? Magtayo ng marami pang mga templo. Pakatapos ay ano? Ipangasiwa ang mga ito sa mga tao.7

Ang mga misyonero ay nagtuturo ng walang hanggang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan at karapatan ng Diyos.

May napakalaking kaibahan sa pagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ng yaong ginagawa ng sanglibutan. Ang karamihan sa mga kalalakihang ito ay malamang na hindi maging mga kasangkapan sa pangangaral ng ebanghelyo alinsunod sa mga opinyon ng sanglibutan; ngunit ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan natin at ng mga taong ito ay humahayo tayo sa pangalan ng Diyos ng Israel, na inaalalayan ng Kanyang kapangyarihan, karunungan at katalinuhan, upang ipahayag ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan na ipinatalastas Niya sa atin; samantalang sila ay humahayo upang ipahayag ang kanilang mga natutuhan sa mga kolehiyo.

Ang ating mga elder ay humahayo sa kahinaan. … Kapag [sila] ay humahayo, walang silang paghahanda na lalagpas sa mga pangunahing elemento ng edukasyon sa ipinapalagay na dapat matutuhan ng lahat; ngunit hindi mga salita ang kanilang itinuturo, ito ay mga alituntunin. At bagamat sa harapan ng mga tagapakinig na nag-aral sa mga batas ng Diyos, maaari silang makadama ng pagkatakot at pagkahiya na ipahayag ang kanilang sarili, gayunman, kapag sila ay humahayo upang tumayo sa harap ng mga kongregasyon sa mundo, ang Espiritu ng Panginoong Diyos ay hahayong kasama nila, ang Panginoon ay aalalayan sila at bibigyan sila ng karunungan, “na hindi maaaring masalangsang o matutulan man ang lahat ninyong mga kaalit.” [Tingnan sa Lucas 21:15.] Ganito ang pangako na ibinibigay sa mga tagapaglingkod ng Panginoon na humahayong may pananalig sa Kanya.8

Ang mga kabataang lalaking ito ay tulad ng iba pa sa atin; kanilang tinanggap ang espiritu ng buhay, liwanag at katalinuhan, ang kaloob na Espiritu Santo, at sila ang mga tagahatid-balita ng Dakilang Jehova, na Kanyang pinili, inilaan, at inordenan upang humayo at ipahayag ang Kanyang kalooban sa mga bansa ng daigdig. Umaalis sila hindi sa sarili nilang pangalan o lakas, kundi sa pangalan, lakas at kapangyarihan ng Diyos ng Israel. Ganito ang kanilang katayuan, at kung sila ay mangungunyapit sa Diyos at matapat na gagampanan ang kanilang mga tungkulin, tatalima sa mga alituntunin ng katotohanan, at iwawaksi ang bawat uri ng mga panunukso at katiwalian, ang kapangyarihan ng Diyos ay mapasasakanila, at bubuksan ng Diyos ang kanilang mga bibig, at bibigyan sila ng kakayahan na lituhin ang karunungan ng marunong, at magsasalita sila ng mga bagay na ipanggigilalas ng mga ito at ng yaong mga nakikinig sa kanila.

Nais kong sabihin sa mga kapatid na ito, maging masigasig na maghanda at gumawa upang magampanan ang inyong misyon. Huwag pansinin ang sanglibutan; huwag pansinin ang mga dolyar at sentimo, ang mga libra, at ang mga selin, at mga peseta. Mangunyapit kayo sa Diyos, ipamuhay ang inyong relihiyon, matapat na gampanan ang inyong mga tungkulin, magpakumababa sa harap ng Diyos, at tumawag sa kanya nang palihim at Kanyang ihahanda ang inyong landas sa inyong harapan.9

Kailangan nating ihanda ang ating sarili sa espirituwal upang maging mabisang mga misyonero.

Sasabihin ko, gayunman, sa mga yaong magmisyon na dapat silang mag-aral ng Biblia, Aklat ni Mormon, Aklat ng Doktrina at mga Tipan, at iba pang pamantayang banal na kasulatan, upang sila ay maging pamilyar sa mga alituntunin ng ating pananampalataya. Sasabihin ko rin sa ibang kabataang lalaki na hindi pa aalis sa ngayon upang magmisyon, ngunit malamang na umalis sa ibang panahon sa hinaharap, na ang mga bagay na ito ay may higit na halaga sa kanila kaysa kanilang pagkakaalam sa kasalukuyan. Kinakailangan nating mapatatag at mapalakas ng katotohanan. Kinakailangan nating maging pamilyar sa mga alituntunin, doktrina, at ordenansa na nauukol sa Simbahan at Kaharian ng Diyos.

Sinasabi sa atin sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan na hanapin ang karunungan tulad ng nakatagong mga kayamanan, kapwa sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya; na maging pamilyar sa mga kasaysayan at batas ng bansa kung saan tayo nakatira, at ng mga bansa sa daigdig [tingnan sa D at T 88:78–80, 118]. Alam ko na kapag ang mga kabataang lalaki ay nagtatrabaho dito sa paligid-ligid, pumupunta sa bangin, gumagawa sa sakahan, pumupunta sa teatro, at kung anu-ano pa, ang kanilang mga pag-iisip ay hindi ganap na nakatuon sa mga bagay na ito; ngunit kapag sila ay natawag na maging kalahok mismo sa gawaing misyonero, marami sa kanila ang maghahangad na sana ay higit nilang binigyangpansin ang mga tagubilin na kanilang tinanggap, at ginawang higit na pamilyar ang Biblia, sa Aklat ni Mormon, at sa Aklat ng Doktrina at mga Tipan.10

Ang uri ng kalalakihan na nais nating maging mga tagapagdala ng mensaheng ito ng ebanghelyo ay kalalakihang may pananampalataya sa Diyos; kalalakihang may pananampalataya sa kanilang relihiyon; kalalakihang iginagalang ang kanilang priesthood; kalalakihang pinagkakatiwalaan ng mga taong nakakikilala sa kanila at nananalig sa Diyos. … Nais natin ng kalalakihang puspos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. … Ang kalalakihang magdadala ng mga salita ng buhay sa mga bansa ay dapat na kalalakihang may karangalan, integridad, kalinisan at kadalisayan; at dahil ito ang ipinag-utos ng Diyos sa atin, sisikapin nating maisakatuparan ito.11

Dapat na mayroong tayong pananampalataya at katapangan upang magampanan ang ating tungkuling pangmisyonero.

May isang kakila-kilabot na panahon na parating sa mga bansa sa daigdig. … higit na masama kaysa anupamang maisasaisip ng tao—digmaan, pagdanak ng dugo, at kapanglawan, pagdadalamhati, paghihinagpis, salot, kagutuman, at mga lindol, at ang lahat ng yaong sakuna na sinalita ng mga propeta ay may katiyakang matutupad. … At nasa sa atin, mga Banal sa mga Huling araw, na maunawaan ang ating mga ginagampanan at resposibilidad. …

.… May ilang bagay na lubhang nagpapahirap kung minsan sa mga tao na magampanan ang uri ng misyon na nagawa na nila noong kanilang kabataan dahil sa katandaan, karamdaman, at mga pangyayari. Gayunman, ikinahihiya ko kung minsan kapag nakikita ko ang kilos ng marami sa mga korum na ito na aking tinutukoy, kapag sila ay tinatawag upang magmisyon. Ang isa ay may ganitong dahilan, at ang isa ay may ganoong dahilan. Higit na madali mga dalawampung taon na ang nakalilipas, ang tumawag ng dalawa o tatlong daang kalalakihan kaysa ngayon sa libu-libong kalalakihang ito ng Israel. Paano ninyo ito maipaliliwanag? Isang dahilan ang kawalang pakialam na umiiral ngayon.12

Napakaraming kalalakihang may malakas na pangangatawan na, kung mayroon lamang sila ng kaunti pang pananampalataya sa Diyos, at mapagtatanto ang mga kapahamakang darating sa sanglibutan, at ang mga pananagutan ng yaong priesthood ng Diyos na ipinagkaloob sa kanila, ay magiging handa sila na mapanagumpayan ang lahat ng balakid at magsasabing, Narito ako, inyo akong ipadala; nais kong makinabang ang sangkatauhan. Kung si Jesus ay pumarito upang hanapin at iligtas ang mga yaong naliligaw, nais kong magkaroon ng ganoon ding hangarin.13

Ako mismo ay naglakbay ng daan-daang libong milya upang ipangaral ang ebanghelyo; at walang supot ng salapi o tunika, na nagtitiwala sa Panginoon. Kanya ba akong pinabayaan kailanman? Hindi, hindi kailanman. Palagi akong pinagkakalooban ng panustos, at dahil dito ay nagbibigay-puri ako sa Diyos, ang aking Ama sa Langit. Ginampanan ko ang kanyang gawain, at kanyang sinabi sa akin na ako ay aalalayan niya dito. Tinupad niya ang pananalig na inilagay ko sa kanya; at kung hindi ko man natupad ang sa akin, umaasa akong kanya akong patatawarin at tutulungan akong makagawa nang higit na mabuti. Ngunit ang Panginoon ay tunay at matapat, at hindi ako kailanman nagkulang sa pagkain o inumin o isusuot, at hindi kailanman natigil sa paglakbay kung saan ako dapat pumaroon dahil sa kakulangan ng pamamaraan.14

May higit akong pananalig sa mga kalalakihang umaalis sa pagpupulong na ito dahil nadarama nila ang kahinaan at kawalang kakayahan, kaysa doon sa mga nag-aakala na marami silang nalalaman at may kakayahang magturo ng anuman at ng lahat ng bagay. Bakit? Dahil kapag ang mga tao ay nananalig sa kanilang sarili, nananalig sila sa isang baling tambo; at kung sila ay nananalig sa Panginoon, sila kailanman ay hindi mabibigo. … Ang Panginoon ay sumasalahat, Kanyang binabantayan ang Kanyang mga tao, at kapag ang mga kapatid na ito ay magpapatuloy na manalig sa Diyos…,ang Kanyang Espiritu ay mananahan sa kanila, magpapaliwanag sa kanilang mga isipan, magpapalawak sa kanilang mga kakayahan, at magbibigay sa kanila ng karunungan at katalinuhan sa panahon ng pangangailangan. Hindi sila dapat na mapasailalim sa pagkatakot sa karunungan ng mundo; sapagkat walang anumang karunungan sa mundo na papantay sa yaong ibinibigay ng Panginoon sa Kanyang mga Banal; at hangga’t ang mga kapatid na ito ay lumalayo sa masama, ipinamumuhay ang kanilang relihiyon, at nangungunyapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang mga kautusan, walang dapat katakutan sa anumang kalalabasan nito; at ang mga bagay na ito ay para sa lahat ng Banal at gayon din sa mga kapatid na ito.15

Anuman ang kanilang mga nararamdaman, ang [mga misyonero] ay humahayo bilang mga anghel ng pagkahabag na nagdadala ng mahahalagang binhi ng ebanghelyo, at sila ang magiging mga kasangkapan sa pagdadala sa marami mula sa kadiliman tungo sa liwanag, mula sa pagkakamali at mga maling paniniwala tungo sa buhay, liwanag, katotohanan, at katalinuhan, at sa wakas, sa kadakilaan sa kahariang selestiyal ng ating Diyos.

Kapag humahayo ang mga kapatid na ito, maaaring isang bagong gawain ito para sa kanila. Kailangan nilang makidigma sa mga pagkakamali na naroon na sa napakahabang panahon, makilaban sa mga maling akala na sasabihin nila mismo sa inyo na ito ay may napakalaking impluwensiya sa kanila; kailangan din nilang mangaral at mangatwiran sa mga taong walang pakialam sa katotohanan, lalung-lalo na sa relihiyon na ating tinanggap, gayunman humahayo ang mga elder na ito bilang ipinadalang mga tagahatid-balita ng Panginoong Jesucristo. Umaalis sila upang ipahayag na itinatag ng Diyos ang kanyang gawain sa lupa, at na siya ay nagsalita mula sa kalangitan, at na ang pangitain tungkol sa Panakamakapangyarihang Diyos ay binukasan sa ating paningin; ang walang hanggang liwanag ng ebanghelyo ay inihayag na sa mga tagapaglingkod ng Kataas-taasan, ang kadiliman na bumalot sa mundo sa loob ng maraming panahon ay inalis na; at ang mga piniling elder na ito ng Israel ay ipinadala upang ipahayag ang magandang balita ng kaligtasan sa madidilim at makasalanang mga bansa sa daigdig. … Hahayo sila at sila ay magbabalik na nagagalak, dala ang mahahalagang ani, at kanilang pagpapalain ang pangalan ng Diyos ng Israel, dahil nagkaroon sila ng pribilehiyong maging bahagi sa pagbibigay-babala sa henerasyong ito.16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paano nakatutulong ang gawaing misyonero sa pagsasakatuparan sa mga layunin ng Panginoon? Bilang isa sa tumanggap ng ebanghelyo, anu-ano ang inyong tungkuling pangmisyonero sa plano ng Panginoon?

  • Bakit nagpapadala ang Simbahan ng bata at walang karanasang mga tao bilang mga full-time na misyonero?

  • Bakit ang pananampalataya sa Panginoon ay pangunahin sa gawaing misyonero?

  • Paano nakaaapekto ang ating pansariling paghahanda at pagiging karapat-dapat sa ating kakayahang maging mabisang instrumento para sa Panginoon?

  • Bukod sa pagmimisyon, anu-anong pagkakataon pa mayroon tayo upang maibahagi ang ebanghelyo?

  • Anu-ano ang ilan sa mga dahilang ibinibigay ng mga miyembro sa hindi paglahok sa gawaing misyonero? Anu-ano ang inyong magagawa upang mapanagumpayan ang sarili ninyong mga balakid sa bagay na ito?

  • Paano ninyo nakitang pinagpala ng Panginoon ang mga yaong nagbibigay ng kanilang panahon, talino, lakas, at kaparaanan upang maibahagi ang ebanghelyo?

Mga kaugnay na talata sa Banal na Kasulatan:Alma 26:5–7; 3 Nephi 20:29–31; D at T 1:18–23, 4:1–7; 75:2–5; 133:7–9

Mga Tala

  1. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 238.

  2. Tingnan sa B. H. Roberts, The Life of John Taylor (1963), 69–71.

  3. Deseret News: Semi-Weekly, ika-9 ng Mayo 1876, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, ika-4 ng Okt. 1881, 1.

  5. Deseret News: Semi-Weekly, ika-9 ng Mayo 1876, 1.

  6. Deseret News: Semi-Weekly, ika-18 ng Abr. 1882, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  7. The Gospel Kingdom, 234–35; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, ika-15 ng Hun. 1867, 2.

  9. Deseret News (Lingguhan), ika-19 ng Hun. 1867, 194.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, ika-15 ng Hun. 1867, 2. Paunawa: Sa panahon ng pagbibigay ng pahayag na ito, ang Mahalagang Perlas ay hindi pa opisyal na kinikilala bilang isang aklat ng mga banal na kasulatan; naging isa lamang ito sa mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan noong 1880.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-15 ng Mar. 1881, 1.

  12. The Gospel Kingdom, 237.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, ika-24 ng Set. 1878, 1.

  14. The Gospel Kingdom, 234.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, ika-15 ng Hun. 1867, 2; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  16. The Gospel Kingdom, 238–39.

missionaries

Tungkol sa mga misyonero, sinabi ni Pangulong Taylor, “Kapag humahayo ang mga kapatid na ito, maaaring isang bagong gawain ito para sa kanila. … ngunit humahayo ang mga elder na ito bilang ipinadalang mga tagahatid-balita ng Panginoong Jesucristo.”

Millennial Star office

Tanggapan ng Millennial Star sa Liverpool, mga taong 1885. Sa unang bahagi ng kanyang ministeryo, naglingkod si John Taylor bilang isang misyonero sa Kapuluan ng Britanya, kung saan kanyang ginamit ang kanyang mga talino sa pagsusulat at pananalita upang maisulong ang gawain ng Panginoon.