Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: Ang Pinagmulan at Kapalaran ng Sangkatauhan


Kabanata 1

Ang Pinagmulan at Kapalaran ng Sangkatauhan

Mga anak tayo ng Diyos, at minarapat ng Diyos na sa mga huling araw na ito ay makipagtalastasan tayo sa kanya. Sa pamamagitan ng paghahayag sa kanyang sarili at sa kanyang anak na si Jesucristo, sa pamamagitan ng ministeryo ng mga anghel at pagpapanumbalik ng banal na priesthood na nagmumula sa Diyos, na kung saan siya man ay napasasailalim, ay inilagay niya tayo sa kalagayang matatamo natin ang layunin ng pagkakalikha sa atin.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Sa isang talumpating kanyang binigkas noong siya ay Pangulo ng Korum ng Labindalawa, naalala ni Pangulong Taylor ang mga pagnanasang espirituwal na kanyang nadama noong siya ay bata pa upang maunawaan ang layunin ng buhay at ang kanyang kaugnayan sa Diyos. Wika niya: “Noong ako ay musmos pa, tinatanong ko sa aking sarili, Sino ako? Saan ako nanggaling? Ano ang ginagawa ko rito? At bakit ako narito? Patuloy tayong nahihiwagaan sa mga bagay na ito, o sa karamihan sa mga ito, at hindi natin maiwasang pag-isipan ang mga ito. Nakikita nating isinisilang ang mga sanggol sa mundong ito, at nakikita natin ang tagsibol, tag-araw, taglagas at taglamig na regular na dumarating nang magkakasunod, at tinatanong natin ang sarili, Sa pamamagitan ng anong kapangyarihan nangyayari ang mga bagay na ito? Bakit tayo narito at ano ang layunin ng mga bagay na nakikita natin sa ating paligid?”2

Masasalamin sa mga turo ni Pangulong Taylor ang galak na kanyang nasumpungan sa mga doktrina ng ebanghelyo na nakatulong sa kanyang maunawaan ang kanyang banal na pinagmu lan at kapalaran bilang isang anak ng Diyos. Kanyang ipinahayag na “kapag pinag-iisipan ito ng Banal ng Diyos, kanyang mauunawaan ang mga larawan ng kawalang hanggan at ang mga layunin ng Diyos na di mababago—kapag pinagbulay-bulayan niya ang kanyang tunay na katayuan sa harapan ng Diyos, mga anghel, at mga tao, kanyang malilimutan ang mga bagay sa lupa at makakalagan ang mga gapos na tumatali sa kanya sa mga makamundong bagay na ito. Kanyang mapagmumuni-muni ang Diyos at ang kanyang kapalaran sa mga plano ng kalangitan at magagalak sa isang umuusbong na pag-asa ng walang hanggang kaluwalhatian.”3

Mga Turo ni John Taylor

Mga anak tayo ng Ama sa Langit at may potensiyal na maging tulad Niya.

“Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? at ang anak ng tao upang iyong dalawin siya?” ( Mga Awit 8:4.)

Sa isang banda, ang tao ay napakaaba, napakahina, at kulang sa pag-iisip, at walang halaga; sa kabilang banda, siya ay marunong, matalino, malakas, kagalang-galang, at dakila. Sa pamamagitan lamang ng inyong pagtanaw sa isang tao ay nakabubuo kayo ng inyong mga opinyon tungkol sa kanya. Sa isang banda, lumalabas na siya, masasabi natin, ay tulad ng damo sa parang, na sa araw na ito ay ganoon, at bukas ay ihahagis sa hurno. Pabago-bago siya sa kanyang mga opinyon, sa kanyang mga iniisip, mga pananaw, at mga kilos. Siya ay tamad, palalo, at mapangitain, at di napasasailalim ng anumang tamang alituntunin. Dumarating siya sa buhay na ito, masasabi natin, na gaya ng isang paru-paro, na lilipadlipad ng ilang panahon, mamamatay, at wala na.

Sa kabilang banda, nakikita natin siya na nagmula sa Diyos— isang binhi ng Diyos—isang walang hanggang nilalang na nabuhay na bago siya pumarito, at patuloy na mabubuhay, kahit na ang kanyang katawan ay bumalik na sa alabok, kung saan siya nagmula at kung saan siya mabubuhay na mag-uli at makikibahagi sa kaligayang nakalaan para sa kanya, o tanggapin ang kabayaran ng kanyang masasamang ginawa, alinsunod sa mga pangyayariu. …

…Ano ba ang [tao]? Nabuhay siya sa mga daigdig na walang hanggan; nabuhay na siya bago siya pumarito. Hindi lamang siya anak ng tao kundi anak din siya ng Diyos. Isa siyang binhi ng Diyos, at sumasakanya ang isang dagitab ng walang hanggang apoy ng Diyos sa daigdig na walang hanggan. At pinaparito ang tao sa lupa upang makamtan niya ang tunay na katalinuhan, tunay na liwanag, at tunay na kaalaman—upang makilala niya kung sino siya—upang makilala niya ang Diyos—upang mabatid niya ang tungkol sa kanya bago siya pumarito—upang mabatid niya ang tungkol sa kasiyahang naghihintay sa kanya sa mga daigdig na walang hanggan.4

Kung pag-aaralan natin ang tao, sinasabing nilikha siya sa imahen ng Diyos, sa simpleng kadahilanang anak siya ng Diyos, at dahil siya ay anak niya, siya ay bungang nagmula sa Diyos, na kung kaninong wangis, sinasabi sa atin, siya ay nilikha. Hindi siya nagmula sa isang kalat-kalat na mga materyal, gumagalaw man o hindi, kundi pumaritong isang binhi ng Diyos, na mayroon ng lahat ng kakayahan at kapangyarihan ng isang Diyos. At kapag siya ay naging ganap na, at makatamo na ng sapat na katandaan, siya ay magiging katulad ng kanyang Ama—isang Diyos, dahil siya ay tunay Niyang bunga. Kagaya ng kabayo, baka, tupa, at bawat nabubuhay na nilalang, kasama na ang tao, na ipinanganganak ang kanyang sariling uri at pinananatili ang kani-kanyang lahi, gayon din namang pinananatili ng Diyos ang kanyang lahi.5

Ang [tao] ay nakatayong tuwid sa lupa na kahawig ng kanyang dakilang Manlilikha; mahusay ang pagkakagawa sa lahat ng kanyang mga bahagi, at ang kanyang katawan ay may kakayahang gumawa ng mga kakailanganin upang mapangalagaan ang kanyang sarili; tumatayo siyang pangunahin sa lahat ng nilalang, hindi lamang dahil karapatan niya ito kundi dahil na rin sa kanyang kakayahang maabot ito, at dahil sa kanyang kagandahan, simetriya at kaluwalhatian. Sumasakanya rin ang kapangyarihan ng isipan at ang kakayahang isipin ang nakaraan, matanto ang dahilan at kalalabasan ng mga bagay-bagay, at sa paraan ng pangangatwiran ng kanyang isipan, sa pamamagitan ng inspirasyon ng Makapangyarihan, ay maunawaan ang pambihirang mga batas ng kalikasan na masasalamin sa mga bagay na nilikha. May kakayahan din siyang gamitin ang mga elemento at puwersa ng kalikasan, at iukol ang mga ito sa sarili niyang kapakinabangan. At sa kanyang kapangyarihan ay magagawa niyang sisirin ang kalaliman ng karagatan, akyatin ang kalawakan, bagtasin nang mabilis ang daigdig, at pakinabangan ang mga puwersa ng kalikasang pumapaligid sa kanya at ipailalim ang mga ito sa kanyang kalooban. Ganoon din naman, sa pamamagitan ng kanyang karunungan, mayroon siyang kapangyarihan sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop.6

Kailangan natin si Jesucristo upang matamo ang ating potensiyal na mula sa langit.

[Ang tao] ay buong karangalang nakatayo nang matwid sa unahan ng lahat ng nilalang at ang siyang kumakatawan sa Diyos dito sa lupa. Ngunit bagama’t nakatayo siya sa dakilang posisyong ito, at nasa imahen ng Diyos, siya ay mayroong mga kapangyarihang patungkol lamang sa tao; at siya ay mapasasailalim sa kahinaan, karamdaman, sakit at kamatayan. At kapag siya ay pumanaw na, malibang siya ay napagkalooban ng tulong ukol sa kawalang hanggan mula sa isang dakilang kapangyarihan, ang kanyang katawang lupa ay tatahimik na at wala nang magagawa, ang mga bahagi nito, na noong nabubuhay pa ay aktibo, kumikilos, at masigla, ngayon ay di na kikilos, wala nang sigla, at wala nang lakas. At paano na ang isip ng tao, na noong buhay pa ay nakapag-iisip ng tungkol sa walang hanggang nakaraan at tungo sa walang hanggang hinaharap? At paano na ang mga kapangyarihan nito? O paano na ang tungkol sa espiritu, na dahil sa lakas nitong tila sa Diyos, ang kaalaman at kapangyarihan nito ay nakauunawa tungkol sa kawalang hanggan? Paano na ito, at nasaan na ito?…

Kapag…sa isang tao ay may espiritung makararating sa hinaharap at makauunawa sa walang hanggang pag-unlad, walang hanggang kasiyahan, walang hanggang kadakilaan; samakatwid ang mga kadakilaan, kakayahan, at kapangyarihang iyon ay kaloob mula sa dakilang nilalang na ang kapangyarihan o awtoridad ay higit na dakila kaysa yaong sa tao. … Tungkol sa kaloob na ito ang sinasabi natin. Isa itong alituntuning nagbuhat sa Diyos. Nagmula ito sa isang higit na mataas na katalinuhan, na ang kung kaninong mga plano, kapangyarihan, at kakayahan ay higit na dinakila kaysa yaong sa tao, kagaya ng langit na mataas kaysa lupa, o kagaya ng dakilang mga gawain ng Dakilang Manlilikha sa kabuuan ng kawalang hanggan na higit na mataas sa mahihinang pagpupunyagi ng mga anak ng mortalidad.

Dahil sa pamamagitan at pagbayayad-sala ni Cristo, maaaring matamo ng tao ang kadakilaan at kalagayang katulad ng sa Diyos; at ang tao, isang marangal na katauhang nilikha sa imahen ng Diyos, ay binigyan ng kakayahan hindi lamang maging isang anak ng tao, kundi maging anak din ng Diyos,… at binigyan ng kakayahang maging isang Diyos, na may kapangyarihan, kamaharlikaan, kadakilaan at kalagayan ng Diyos. Kagaya ng nasusulat, “Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya: sapagka’t siya’y ating makikitang gaya ng kanyang sarili.” [1 Juan 3:2.]

Ang isang tao, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang katawan, ay maaring maabot ang karangalan at kaganapan ng pagiging tao, ngunit hanggang dito na lamang siya; sapagka’t siya ay ipinanganak na tao, nabubuhay na tao at mamamatay na tao. Ngunit sa pamamagitan ng diwa at kapangyarihan ng Panguluhang Diyos na sumasakanya, na napasakanya bilang kaloob ng Diyos mula sa kanyang Ama sa langit, may kakayahan siyang makaalpas mula sa mga limitasyon ng tao patungo sa karangalan ng isang Diyos, at sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo… may kakayahan siyang makatamo ng kadakilaang walang hanggan, mga buhay na walang hanggan, at walang hanggang pagsulong. Ngunit ang pagbabagong ito mula sa pagiging tao patungo sa pagka-Diyos ay mangyayari lamang dahil sa isang kapangyarihang higit kaysa tao— isang walang katapusang kapangyarihan, isang walang hanggang kapangyarihan, samakatwid baga ay ang kapangyarihan ng pagka Diyos: sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamatay, gayon din namang kay Cristo lamang ang lahat ay bubuhayin [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22].

Sa pamamagitan [ni Cristo] nagawa ng sangkatauhan na makipagniig at makipagtalastasan sa Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabayad-sala, nagkaroon sila ng kakayahang kagaya Niya na gapiin ang kamatayan. Sa pamamagitan ng pagbabayadsalang iyon at ng kapangyarihan ng Priesthood na kaakibat nito, sila ay naging mga tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo, at mga tagapagmana ng mga trono, kapangyarihan, kaharian, pamunuan sa mga mundong walang hanggan. At sa halip na mapasailalim sa kamatayan, kapag nawasak na ang pinakahuling kaaway, at kapag nilamon na ng tagumpay ang kamatayan, sa pamamagitan ng pagbabayad-salang iyon ay maaari silang maging mga ama at ina ng mga angkang walang hanggan, at matamo ang walang hanggang pag-unlad.7

Tinutulungan tayo ng Simbahan ni Jesucristo na matamo ang ating potensiyal na mula sa langit.

Nag-ordena ang Diyos sa inyo ng mga pangulo, mga apostol, mga propeta, mga high priest, mga pitumpu, mga bishop at iba pang awtoridad; sila ay kanyang itinalaga, binigyang kapangyarihan at pinapatnubayan niya, at sa ilalim ng kanyang impluwensiya, ay nagtuturo ng kanyang batas, nagpapaliwanag sa mga alituntunin ng buhay, at inihanda at malinaw na inordinahan upang gabayan ang mga tao sa landas ng kadakilaan at walang hanggang kaluwalhatian.8

Katulad ng ibang tao, wala rin tayong alam tungkol sa mga alituntunin ng kaligtasan, at sa kaugnayan natin sa Diyos at sa isa’t isa, hanggang sa ang mga bagay na ito ay ipabatid sa atin ni Joseph Smith.9

Mga anak tayo ng Diyos, at minarapat ng Diyos na sa mga huling araw na ito ay makipagtalastasan tayo sa kanya. Sa pamamagitan ng pagpapahayag sa kanyang sarili at sa kanyang anak na si Jesucristo, sa pamamagitan ng ministeryo ng mga anghel at pagpapanumbalik ng banal na priesthood na nagmumula sa Diyos, na kung saan siya man ay napasasailalim nito, ay inilagay niya tayo sa kalagayang matatamo natin ang layunin ng pagkakalikha sa atin.10

Nais nating kilalanin at bigyang halaga ang katayuan natin sa harapan ng Diyos at ang dakilang mga pagpapapala at pribilehiyong abot-kamay natin. Nagsisimula pa lamang tayo, masasabi natin, sa dakilang gawain… Hindi natin palaging nauunawaan ang mga bagay na ito, samakatwid nahihirapan tayo sa paggawa sa bagay na ito, dahil hindi natin nakikita, at hindi natin nauunawaan ang katayuan at kaugnayan na namamagitan sa atin at sa ating Diyos.

Ang Diyos ang ating Ama; tayo ang kanyang mga anak. Inilagay niya tayo sa tipan na ito, at pribilehiyo natin na umunlad mula sa isang karunungan tungo sa isang karunungan, mula sa isang katalinuhan tungo sa isang katalinuhan, mula sa pagkakaunawa ng isang alituntunin tungo sa pagkakaunawa tungkol sa isa pa, at su mulong at umunlad sa paglikom ng mga katotohanan hanggang sa maunawaan natin ang Diyos. Dahil mga anak niya tayo, mga anak na lalaki at babae, siya ang ating ama. Kanyang binuo ang Simbahang ito upang tayo ay maturuan sa mga alituntunin ng buhay, at upang maunawaan natin ang mga alituntunin na nasa puso ng Diyos. At gayon din naman, upang ating maturuan ng tamang mga alituntunin ang ating mga anak, upang marating natin ang kalagayang maging katulad tayo ng ating Ama sa langit.11

Dapat tayong “makipaglabang masikap” upang matamo ang ating potensiyal na mula sa langit.

Naghayag sa atin ang Panginoon ng maraming pagpapala, at naiisip ko kung minsan na halos hindi natin pinahahalagahan ang ilaw ng katotohanang nagliliwanag, ang kaluwalhatiang kaakibat ng ebanghelyong pinanumbalik, ang liwanag ng paghahayag na natanggap, ang katayuan natin sa harap ng Diyos, mga anghel, at sa ating mga anak at mga ninuno; ang pag-asang inihasik ng ebanghelyo sa dibdib ng bawat matapat na Banal sa mga Huling Araw, na namumukadkad ng imortalidad at buhay na walang hanggan…

Nalilimutan natin kung minsan ang ating mga panalangin, pananagutan, tungkulin at tipan, at madalas na nagbibigay-daan tayo sa mga bagay na maaaring magpadilim sa ating isipan, magpalabo sa ating pang-unawa, magpahina sa ating pananampalataya at magpawalay sa atin sa Espiritu ng Diyos. Nalilimutan natin ang hukay na kinahukayan sa atin, at ang batong kinaputulan natin, at kinakailangan na mapagmuni-muni natin ang katayuan ng ating kaugnayan sa Diyos, sa bawat isa at sa ating mga pamilya upang ang ating mga isipan ay maituong muli sa Diyos na lumikha sa atin – sa ating Ama na nasa kalangitan, na dumidinig sa ating mga panalangin, at nakahanda sa lahat ng panahon na ipagkaloob ang mga pangangailangan ng matatapat na Banal. At kinakailangan din kung minsan na ating pagbulay-bulayin ang ating katayuan na may kaugnayan sa mundo kung saan tayo nananahanan, sa buhay natin noong bago pa tayo pumarito, at sa darating pang mga kawalang-hanggan.

Hindi tayo dapat na maging mabagal at mangmang at walang pag-iingat at walang pakialam; kagaya ng panghihimok sa mga Banal noong sinaunang panahon, gayon din naman hinihimok namin kayo ngayon—makipaglabang masikap para sa pananampalataya na ibinigay na minsan sa mga Banal [tingnan sa Judas 1:3]. …

…Tayo, bilang mga walang hanggang nilalang na may kaugnayan sa isang walang hanggang Diyos at may relihiyon na gumagabay patungo sa Diyos na iyon, ay naghahangad, katulad ng mga nabuhay noong una, na mabatid ang tungkol sa kanya, na makipagtalastasan sa kanya, at magampanan ang layunin ng paglikha sa atin at ang ating kapalaran dito sa lupa. At matulungan ang Panginoon na isakatuparan ang mga bagay na kanyang ipinanukala bago pa man likhain ang mga saligan ng daigdig, tungkol sa buong mag-anak ng tao.…Hindi kailanman binago ng Pinakamakapangyarihan ang kanyang layunin, hindi kailanman pinalitan ang kanyang mga panukala o binawi ang kanyang mga batas. … Ang kanyang hakbangin ay walang hanggang pag-ikot. May iisang layunin lamang siya, at ang layuning iyon na tungkol sa tao at sa daigdig kung saan ang tao nabubuhay ay matutupad.

Ang tanging tanong para sa atin ay kung makikipagtulungan tayo sa Diyos, o kung kanya-kanya nating isasakatuparan ang sarili nating kaligtasan o hindi; kung kanya-kanya nating tutuparin ang iba’t ibang pananagutan na iniatang sa atin o hindi; kung gagawin natin ang mga ordenansang ipinatutupad ng Diyos o hindi, una, para sa ating sarili, para sa ating mga pamilya, para sa mga buhay at para sa mga patay. Kung makikipagtulungan tayo sa pagtatayo ng mga templo at pagganap ng mga ordenansa sa mga ito; kung makikiisa tayo sa Pinakamakapangyarihan, sa ilalim ng pangangasiwa ng banal na priesthood, sa pagsasakatuparan ng mga bagay na sinalita ng banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig. At kung tayo ay makikipaglabang masikap para sa pananampalataya na ibinigay na minsan sa mga Banal. Nasa ating mga kamay ang mga bagay na ito sa ilang bahagi…

…Hinahangad niya ang kanyang mga tao na makipaglabang masikap para sa pananampalatayang ibinigay na minsan sa mga Banal, at bilang mga imortal na nilalang ay kumilos silang kaisa ng Pinakamakapangyarihan, upang makatamo ng inspirasyon mula sa mga alituntunin ng paghahayag; upang kanilang maunawaan ang tungkol sa kanilang dignidad at pagkatao; tungkol sa kanilang kaugnayan sa kawalang hanggan, at sa daigdig kung saan tayo nabubuhay sa kalagayan nito ngayon at sa magiging kalagayan nito, at sa mga daigdig na darating pa…

Ang espiritu ng tao, na mayroong katawan, ay padadakilain sa pamamagitan ng pamamaraan ng walang hanggang ebanghelyo. At ang taong iyon, kung siya ay magiging matapat, ay makakaugnay ng mga Diyos sa mga daigdig na walang hanggan pagdating ng panahon. At bagama’t tayo ay nagtatanim at naghahasik at gumagapas at gumaganap sa iba’t ibang gawain ng buhay, katulad ng lahat ng tao, ang pangunahin nating layunin ay matamo ang mga buhay na walang hanggan at mga kadakilaan. Ang ating pangunahing layunin ay ihanda ang ating mga sarili, ang ating mga anak at mga ninuno para sa mga trono, mga kaharian, at mga kapangyarihan sa mga daigdig na walang hanggan.

Ito ang hinahangad natin, at hinangad ng mga Banal noong una. Ito ang hinangad nina Adan, Noe, Enoc, Abraham at mga propeta, upang kanilang magampanan ang kanilang kapalaran dito sa lupa. Kagaya ng sinabi ng isang propeta noong una, “[tumayo] sa iyong kapalaran sa wakas ng mga araw,” [tingnan sa Daniel 12:13], kapag nabuksan na ang mga aklat, kapag nakita na ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kanyang harapan ang langit at lupa ay tumakas. Sa ganito, tayo at sila ay maaaring makapaghanda, matapos nating magampanan ang layunin ng paglikha sa atin sa lupa, na makisalamuha sa mga karunungan na nandoroon sa mga daigdig na walang hanggan; at muling matanggap sa kinaroroonan ng ating Ama, kung saan tayo nagmula, at makilahok sa mga walang hanggang alituntunin ng katotohanan, na hindi mababatid ng tao kung walang paghahayag tungkol sa mga ito. Naririto tayo para sa layuning iyon… nagtatayo tayo ng mga templo para sa layuning iyon; tumatanggap tayo ng mga endowment para sa layuning iyon; pumapasok tayo sa mga tipan para sa layuning iyon; nangangasiwa tayo ng mga ordenansa para sa mga buhay at para sa mga patay para sa layuning iyon. Ang lahat ng ating la yunin at lahat ng balak, katulad ng layunin at balak ng inspiradong mga tao noong mga unang araw, ay may kinalaman sa mga alituntuning walang hanggan at gayon din naman sa mga alituntunin ng buhay dito sa lupa…

Ito ang hinahangad natin, at atin itong makakamtan, at walang sinumang makapipigil dito, walang anumang samahan, walang anumang lakas, walang anumang kapangyarihan, dahil ang Diyos ang namamatnubay, at ang kanyang kaharian ay patuloy na susulong, at ito ay magpapatuloy, at lalago at lalaki hanggang sa ang mga kaharian sa mundong ito ay maging mga kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo.12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paano nakatutulong sa inyo na mabatid na kayo ay anak ng Diyos? Paano nakaiimpluwensiya ang kabatirang ito sa iyong mga damdamin tungkol sa inyong potensiyal? Sa anu-anong paraan nakaiimpluwensiya ang kabatirang ito sa inyong mga panalangin?

  • Paano nakaaapekto ang katotohanan na ang lahat ng tao ay anak ng Diyos sa inyong pagtingin sa ibang tao? Paano makaaapekto ang kaalamang ito sa mga relasyon natin sa ating kapamilya?

  • Bakit kinakailangang mabuhay tayo sa isang kalagayang mortal? (Tingnan din sa 2 Nephi 2:11–13, 24–27; Moises 5:9–11.) Ano ang ginagampanang tungkulin ni Jesucristo sa pagtulong sa atin na matamo ang ating potensiyal na mula sa langit?

  • Paano nakatulong ang mga doktrina ng Simbahan na inyong maunawaan ang inyong pinagmulan at kapalaran? Sa anuanong paraan tayo tinutulungan ng Simbahan na matamo ang ating walang hanggang kapalaran?

  • Ano ang ibig sabihin ng “makipaglabang masikap” upang matamo ang ating potensiyal na mula sa langit? Anu-anong halimbawa ang inyong nakita sa mga tao na gumagawa nang ganito? Paano tayo “makikipagtulungan sa Diyos” upang matamo ang layuning ito?

  • Itinuro ni Pangulong Taylor na “ang ating pangunahing layunin ay ihanda ang ating sarili, ang ating mga anak at mga ninuno para sa mga trono, mga kaharian, at mga kapangyarihan sa mga daigdig na walang hanggan.” Paano tayo mananatiling nakatuon sa layuning ito habang nabubuhay tayo dito sa lupa?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Genesis 1:26; Mga Awit 82: 6–7; Mga Taga Roma 8:16–17; D at T 76:22–24, 50–70

Mga Tala

  1. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 70–71.

  2. Deseret News: Semi-Weekly, ika-24 ng Hun. 1879, 1.

  3. The Gospel Kingdom, 63.

  4. The Gospel Kingdom, 52–54; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  5. The Gospel Kingdom, 52.

  6. The Gospel Kingdom, 56–57.

  7. The Mediation and Atonement (1882), 139–41; binago ang pagkakayos ng mga talata.

  8. Deseret News (Lingguhan), ika-8 ng Mayo 1872, 186.

  9. The Gospel Kingdom, 33.

  10. The Gospel Kingdom, 70–71.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-1 ng Hun. 1880, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  12. Deseret News (Lingguhan), ika-8 ng Mayo 1872, 186; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

galaxy

“Kapag pinagbulay-bulayan ng banal ng Diyos… ang kanyang tunay na katayuan sa harapan ng Diyos, mga anghel, at mga tao, kanyang malilimutan ang mga bagay sa lupa at makakalagan ang mga gapos na tumatali sa kanya sa mga makamundong bagay na ito.”

baby

Bilang mga anak ng Diyos, tayo ay hindi “nagmula sa isang kalat-kalat na mga materyal, gumagalaw man o hindi, kundi pumaritong isang binhi ng Diyos, na mayroon ng lahat ng kakayahan at kapangyarihan ng isang Diyos.”