Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Temporal na mga Pagpapala at ang Batas ng Ikapu


Kabanata 19

Temporal na mga Pagpapala at ang Batas ng Ikapu

Itinuro sa atin na magbayad ng ating ikapu, nang maipakita natin sa Diyos na tayo ay kanyang mga tao, at kung ibinigay niya ang lahat ng hinihiling natin, maaari nating ibalik sa kanya ang ikasampung bahagi, at sa pamamagitan nito ay kinikilala natin ang kanyang pangangalaga.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Naniniwala si John Taylor na ang Diyos ang nagkakaloob ng ating mga temporal na pangangailangan karagdagan pa sa ating mga espirituwal na pagpapala. Kaya nga’t hinihikayat niya ang mga Banal na hangarin at kilalanin ang kamay ng Diyos sa mga gawaing temporal, nagtuturo na “dapat nating ilagay ang ating sarili sa posisyong mapapatnubayan at mapamamahalaan tayo ng Panginoon sa mga bagay na temporal at gayon din sa espirituwal, o kailanman ay hindi natin matatamo ang kaluwalhatian na hinahanap ng marami sa atin.”2

Samantalang kinikilala ang kahalagahan ng mga bagay na temporal para sa pagtataguyod ng buhay, pinananatili rin ni Pangulong Taylor ang wastong pananaw ukol sa mga bagay ng mundo. Tungkol sa pananaw ni Pangulong Taylor sa kayamanang temporal, isinulat ni Elder B. H. Roberts ng Pitumpu: “Hindi niya inilaan ang sarili sa pagkakamit ng kayamanan. …Gayunman ang halaga ng mga ari-ariang natipon niya sa Nauvoo, at kanyang isinakripisyo upang makatakas patungong ilang kasama ng Simbahan ni Cristo, ay sapat na upang patunayan na may abilidad siya sa pananalapi. Ngunit nakatuon ang kanyang mga mata at puso sa higit pang kayamanan, na hindi nasisira ng mga tanga at kalawang, at hindi dinudumog o ninanakaw ng mga nagkakagu-long tao [tingnan sa Mateo 6:19–20]. Pinupuno ng mga ito ang kanyang kaluluwa, sumasakop ng kanyang atensiyon at kaunti lamang ang iniiwan sa kanyang panahon upang siya’y magmahal sa kayamanan ng mundong ito. Ang kawikaan niya ay—‘Di gaanong mahalaga ang salapi kung ang katotohanan ang pag-uusapan.’”3

Para kay Pangulong Taylor, ang pagtupad sa batas ng ikapu ay isang mahalagang bahagi ng pagtupad sa kanyang temporal na responsibilidad at pagkilala sa kamay ng Diyos sa lahat ng pagpapala. Noong panahon kung saan karamihan sa mga ibinabayad na ikapu ay kalakal o kagamitan sa halip na salapi, itinuro niya sa kanyang mga anak ang kahalagahan ng pagbibigay lamang ng pinakamahusay sa Panginoon bilang pasasalamat sa lahat ng kanilang tinanggap. Kapag nag-aani ng mga prutas tuwing taglagas, isinulat ng anak niyang si Moses W. Taylor, “lalapit at titingnan ni Itay ang mga basket at mamimili ng pinakamalalaki at pinakamagagandang prutas at magsasabi: ‘Kunin ang ikapu mula rito at tiyakin na mabayaran ito nang buo.’”4

Mga Turo ni John Taylor

Utang natin sa Diyos ang lahat ng mayroon tayo.

Sino ang lumikha sa atin? Sino ang bumuo sa atin, at sa mga elemento na nakapaligid sa atin at nang tayo ay makahinga? Sino ang bumuo ng sistema ng mga planeta na nakikita natin sa ating paligid? Sino ang nagbibigay ng almusal, pananghalian at hapunan sa milyun-milyong naninirahan sa mundo? Sino ang nagdaramit sa kanila, gaya ng ginagawa niya para sa mga lirio sa parang? Sino ang nagbibigay sa tao ng kanyang hininga, buhay, kalusugan, ang kakayahan niyang kumilos, pag-iisip, at ang lahat ng katangian na tulad ng sa diyos na mayroon siya ngayon? Saan galing ang mga ito? Sino ang namamahala at nangangasiwa sa gawain ng mundo mula nang likhain ito hanggang sa kasalukuyang panahon? Ang Dakilang Ako Nga, ang Dakilang Eloheim, ang Dakilang Diyos na siyang ating Ama.5

[Sinabi ni Jesus], “Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man; na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.” [Tingnan sa Mateo 6:28–29.] Muli, sabi niya, masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila’y pinangangalagaan ng inyong Ama, at hindi baga pangangalagaan din niya kayo, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya? [Tingnan sa Mateo 6:26.] …

Kung tayo’y may buhay, o kalusugan, o ari-arian; kung tayo’y may mga anak, mga kaibigan at tahanan; kung tayo’y may liwanag ng katotohanan, ng mga pagpapala ng walang katapusang ebanghelyo, mga paghahayag ng Diyos, ng banal na priesthood, kasama ang lahat ng pagpapala at pamahalaan at pamamahala nito, lahat ng ito at lahat ng tunay na kaligayahan na nasasaatin ay mula sa Diyos. Hindi natin laging nauunawaan ito, gayunpaman ito ay totoo na utang natin sa Diyos ang mabuting kaloob at bawat sakdal na kaloob [tingnan sa Santiago 1:17]. Binuo niya ang ating katawan sa lahat ng kasakdalan, mahusay na proporsyon, at kagandahan nito. Ayos sa isang makata,

“Mga burol Kanyang pinalamutian,

Mga bukid nama’y Kanyang ginayakan,

Binigyan ang mga hayop ng pagkain,

At ang mga ibon nang hindi gutumin.”

Siya’y maawain at mabait at mapagkawanggawa sa lahat ng kanyang nilalang. Makabubuti sa ating pag-isipan ang mga bagay na ito paminsan-minsan upang maunawaan ang pangangailangan natin sa pagkalinga ng Pinakamakapangyarihan.

Tungkol sa mga gawain ng mundong ito, madalas itong itinatanong ng marami—“Hindi ba tayo dapat maging abala sa mga bagay na ito?” Oo, dapat lang. Hindi ba tayo nag-uusap tungkol sa pagtatatag ng Sion? Oo, nag-uusap tayo tungkol dito. Hindi ba tayo nag-uusap tungkol sa pagtatatag ng mga lungsod at paggawa ng magagandang tirahan, bakuran at halamanan, at paglalagay sa ating sarili sa posisyong maaaring tamasahin natin at ng ating pamilya ang mga biyaya ng buhay? Oo, ginagawa natin ito. Ibinigay sa atin ng Diyos ang lupain at ang lahat ng kinakailangang elemento para sa layuning ito, at binigyan niya tayo ng katalinuhan upang magamit ang mga ito. Ngunit ang mahalagang bagay na minimithi niya, samantalang ginagamit natin ang katalinuhan na ibinigay niya sa atin upang tuparin ang iba’t ibang layunin na kanais-nais para sa ating kapakanan at kasiyahan, ay hindi natin dapat kalimutang siya ang pinanggagalingan ng lahat ng ating biyaya, sa kasalukuyan man o sa hinaharap.6

Ang Diyos ay ang Diyos na ating pinagkakatiwalaan; wala tayong maipagmamalaki. May kayamanan ba tayo? Sino ang nagbigay nito sa atin? Ang Panginoon. May ari-arian ba tayo? Sino ang nagbigay sa atin nito? Ang Panginoon. Ang ating mga kabayo, baka at tupa, kawan, mga alagang hayop at ari-arian, ay kanyang mga kaloob. Ang ginto at pilak at ang mamahaling bagay sa mundo, at gayon din ang mga baka sa libu-libong burol, ay sa kanya, at tayo ay sa kanya, at nasa kanyang mga kamay; at ang lahat ng bansa ay nasa kanyang mga kamay, at gagawin niya sa atin ang inaakala niyang makabubuti sa atin. At bilang isang mabait, matalinong Ama, susubaybayan niya ang kanilang mga interes; at kapag dumating na ang oras ng paghuhukom, hindi ito pipigilin. Dapat nating laging alalahanin na ang Diyos ang ating lakas; wala tayong maipagmamalaki sa ating sarili, wala tayong katalinuhan na hindi sa atin ibinigay ng Diyos; wala tayong anumang bagay sa buhay na ito, o ari-arian, kundi ang ibinigay sa atin ng Panginoon. Lahat ng mayroon tayo sa buhay na ito at sa kawalang hanggan ay ibinigay niya sa atin.7

Lahat ng bagay na nasa atin ay kaloob ng Diyos. Dapat nating kilalanin siya sa lahat ng bagay. Minsan nag-uusap tayo tungkol sa mga taong may ganito o ganoong karapatan. Wala tayong karapatan, kundi ang siyang ibinigay sa atin ng Diyos. At sasabihin ko sa inyo ang ipakikita niya sa mga Banal sa mga Huling Araw. Patutunayan niya na ang mga ginto at pilak ay sa kanya at ang mamahaling bagay sa mundo, at gayon din ang mga baka sa libulibong burol, at nagbibigay siya sa mga taong nais niyang bigyan, at ipinagkakait ang mga ito kung kanino niya nais. Ipakikita pa niya sa inyo ang katunayan ng bagay na ito. Nakasalalay ang ating kaligtasan at ang ating kayamanan sa ating pagsunod sa Diyos at sa kanyang batas, at ang ating kadakilaan sa buhay na ito at sa kawalang hanggan ay nakasalalay rin dito.8

Ang pag-unawa sa ating mga temporal na pagpapala at pananagutan ay bahagi ng ebanghelyo.

Nalulugod akong magsalita tungkol sa mga bagay na ukol sa Kaharian ng Diyos, at gayon din tungkol sa ibang bagay na iniisip ng ilan na hindi gaanong nauugnay sa Kaharian ng Diyos, bagaman ang mga ito ay nauugnay nga; dahil ang lahat ng temporal na bagay at lahat ng espirituwal na bagay, lahat ng bagay na nauugnay sa ating katawan at sa ating espiritu, lahat ng nilayon na magbigay ng kaligayahan at kabutihan sa mundo at kadakilaan para sa atin sa kaharian ng langit, ay mga bagay na nauugnay sa Ebanghelyo at ang mga bagay na ito ay atin bilang mga Banal sa mga Huling Araw.9

Ang layon ng ating mga pulong ay hindi lamang para sa layong pangrelihiyon, kundi gayon din upang talakayin ang lahat ng bagay para sa interes ng simbahan at kaharian ng Diyos sa mundo. …Nagpupulong din tayo upang magtalakay ng pinakamabuting tunguhin na babagtasin natin ukol sa mga temporal na bagay at gayon din ukol sa mga espirituwal na bagay; yayamang mayroon tayong mga katawan at mayroon ding mga espiritu, nabubuhay tayo sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagdadamit, kaya’t kinakailangan na dapat din isaalang-alang at talakayin ang mga temporal na bagay sa ating mga kumperensiya, nang ating matalakay ang lahat ng bagay na nilayon para pagbutihin, pagpalain, at dakilain ang mga Banal ng Diyos, ang mga ito man ay tumutukoy sa ating mga gawaing espirituwal, o sa ating mga trabaho at tungkulin sa buhay bilang asawa, bilang magulang at anak, bilang panginoon at tagapaglingkod. …Ang ideya na mayroon lamang tayong pangrelihiyong damdamin at wala nang iba, ay imposibleng mangyari; ngunit ginagawa natin ang lahat nang may takot sa Diyos. Mas malawak ang sakop ng ating relihiyon kaysa sa daigdig; hindi nito dinidiktahan ang kanyang [mga miyembro] na maynais na “umupo at umawit na lamang hanggang sa walang katapusang kaligayahan,” ngunit sinasakop nito ang lahat ng interes ng sangkatauhan sa lahat ng maaaring isiping kalagayan nito, at lahat ng katotohanan sa daigdig na saklaw nito.10

Nananabik ang Diyos na gawan tayo ng kabutihan, liwanagin ang ating isipan, turuan tayo upang makapagpasiya nang tama, ipahayag sa atin ang Kanyang kalooban, at palakasin tayo at ihanda tayo para sa mga dakilang pangyayari na kinakailangang mangyari sa mga huling araw na ito. Ninanais Niyang ipakita sa atin kung paano natin maililigtas ang ating sarili, kung paano natin mapagpapala ang ating sarili sa temporal at espirituwal, moralidad, pisikal, pulitikal at sa lahat ng maaaring paraan na magagawa Niyang maipagkaloob sa atin ang Kanyang mga pagpapala sa mga nahulog na sangkatauhan.11

Sa pamamagitan ng ikapu, kinikilala natin ang Diyos, ipinakikita natin ang ating katapatan, at inihahanda natin ang ating sarili para sa mas dakila pang mga pagpapala.

Kinikilala natin bilang mga tao na ang batas ng ikapu ay nanggagaling sa Panginoon; ngunit bakit kailangan pa nating magusap nang madalas tungkol dito. Kung hindi tayo tapat sa ating sarili, at tapat sa ating Diyos, anong matatamo natin kung ating sasabihing tayo ay mga kinatawan ng Diyos, mga elder ng Israel, at may hawak ng banal na priesthood, at mga guro ng mga bagay na nauukol sa paraan ng pamumuhay. Ang mga sinaunang Judio, ang mga sinaunang Fariseo sa lahat ng kanilang kasamaan at katiwalian, ay nagyayabang na nagbabayad sila ng ikapu sa lahat ng kanilang pinagkakakitaan. Nagsasabi tayong mas mabuti pa tayo sa mga sinaunang Fariseo, gayon pa man waring napakahirap sa mga tao natin na maging tapat sa kanilang sarili at sa kanilang Diyos ukol sa isang napakasimpleng alituntunin. …

Nais ng [Panginoon] na kilalanin ng tao ang Diyos sa isang simpleng alituntunin dito sa lupa, nais niyang kilalanin siya ng mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang maliit na bahagi, o ikasampung bahagi ng ibinigay niya sa kanila upang kanyang makita kung magiging matapat sila sa isang maliit na bagay na ito, upang makita kung magiging kagalang-galang at marangal sila o hindi, o kung kanilang dadayain siya sa bagay na ito. Kung gagawin natin ito nang tapat hanggang sa magampanan na natin ang ating tungkulin, magiging handa tayo para sa anumang bagay. Ang alituntunin at hindi ang halagang ibinabayad nating ikapu ang mahalaga sa Panginoon; hindi mahalaga sa Kanya ang ating ikapu, kundi ang paggawa natin ng tama. Kung hindi tayo magiging tapat sa kakaunting bagay, hindi tayo maaasahang maging tagapamahala ng maraming bagay [tingnan sa Mateo 25:21].12

[Ang batas ng ikapu] ay pagsubok sa mga tao ng Diyos, o sa atin na nagsasabi na tao Niya tayo upang malaman natin kung susundin ng mga tao ang isang tiyak na batas na ibinigay ng Pinakamakapangyarihan o hindi, nang sa gayo’y magkaroon ng patunay ng kanilang katapatan at pagsunod. Ngayon, kung gagawin natin ito, mabuti, kung hindi, nakasulat na, “Sila ay hindi masusumpungang karapat-dapat na mamalagi sa inyo.” [D at T 119:5

Nag-uusap tayo tungkol sa pagtatatag ng Sion. Narito ang bagay na napakahalaga para sa akin at gayon din para sa inyo, kung nauunawaan ninyo ito mismo at kung nakikita ninyo ito sa pamamagitan ng liwanag ng Espiritu ng Katotohanan. Dahil nasusulat na: “At sinasabi ko sa inyo, kung ang aking mga tao ay hindi susunod sa batas na ito, na pananatilihin itong banal, at sa pamamagitan ng batas na ito gawing banal ang lupain ng Sion sa akin, nang ang aking mga batas at ang aking mga paghuhukom ay mapanatili roon, nang ito ay maging lubos na banal, masdan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ito ay hindi magiging lupain ng Sion sa inyo.” [D at T 119:6.] Nag-uusap tayo tungkol sa pagtatatag ng lupain ng Sion, na isa sa mga bagay kung bakit naririto tayo. At sinabi ng Diyos na kung hindi susunod sa batas na ito, ito ay hindi magiging lupain ng Sion sa atin. …

Ang [ikapu] ang alituntuning mamamahala sa atin. Ako at kayo ay hindi naririto upang gawin ang sarili nating mga mithiin, at damdamin, at layunin. Maging si Jesus ay hindi pumunta rito para gawin ang sarili niyang layunin. Ayon sa kanyang sariling salita, pumunta Siya rito hindi upang gawin ang sarili niyang kalooban, kundi ang kalooban ng Kanyang Ama na nagsugo sa Kanya [tingnan sa Juan 5:30]. Tayo ay hindi narito upang gawin ang sarili nating kalooban, kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa atin, na siyang tumawag sa atin sa ating banal at dakilang tungkulin. …

Inaakala ng ilan na ang temporal na mga bagay ay hindi gaanong mahalaga, hindi sila gaanong mahalaga kung pagbabasihan natin ang mga iginugugol na panahon dito ng karamihan; ngunit napakahalaga ng mga ito kung titimbangin natin ito sa timbangan ng katotohanan, sa mga alituntunin ng walang hanggang buhay na ipinahayag ng Diyos na napakahalaga sa mga Banal, kapwa para sa buhay at sa mga patay, para sa mga di mabilang na mga taong nabuhay at mabubuhay pa, ang mga bagay na ito ay napakahalaga. …

Hinahangad kong makita na sinusunod ng mga tao ang batas ng ikapu dahil isa itong napakapayak at direktang utos sa atin. Hindi ko personal na iniintindi kung nagbabayad ang mga tao ng kanilang ikapu o hindi, at sa palagay ko’y hindi rin Niya ito gaanong iniintindi. Ang mga ginto at pilak ay Kanya, at gayon din ang mga baka na nasa libu-libong burol; at kanya ang lahat ng kapangyarihan na pag-utusan ang lahat ng bagay. Ang ang mga bagay na pag-aari natin sa mundong ito ay ibinigay sa atin upang gamitin natin nang matalino, dahil hindi natin madadala ang mga ito kapag tayo’y tinawag na. Tungkulin natin, bilang mga Banal ng Kataas-taasan, na maging tapat at matwid at tumahak sa tamang landas, na maging puno ng integridad at magpanatili ng tamang alituntunin sa lahat ng dako sa lahat ng oras.13

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Anu-ano ang ilan sa mga temporal na pagpapala na ibinigay sa atin ng Diyos? Bakit mahalagang kilalanin na ang lahat ng pagpapalang ito ay kaloob ng Diyos? Anu-ano ang dahilan kung bakit nalilimutan ng ilang tao na ang mga pagpapalang ito ay galing sa Diyos?

  • Ano ang kaugnayan ng paggamit ng ating mga ari-arian sa mundo at ng ating espirituwal na kalagayan? (Tingnan din sa D at T 104:13–18.) Paano natin mas mabuting magagamit ang mga pagpapalang ibinigay ng Diyos sa atin?

  • Paano naipapakita ng pagbabayad ng ikapu ang ating pagmamahal at pasasalamat sa Panginoon? Paano tayo magkakaroon ng pasasalamat kapag nagbibigay tayo ng mga ikapu at mga handog?

  • Ano ang maaari ninyong gawin upang maturuan ang inyong mga anak at apo na magbayad ng wastong ikapu?

  • Bakit isang hamon kung minsan ang pagbabayad ng ikapu? Ano ang magagawa natin upang mapanagumpayan ang hamong ito?

  • Bakit mahalagang magbayad ng ikapu kahit na naghihirap pa rin tayo sa pinanasiyal sa buong buhay natin? Anu-anong pagpapalang espirituwal o temporal ang natanggap ninyo sa pagiging masunurin sa batas ng ikapu?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Levitico 27:30; Isaias 45:12; Malakias 3:8–12; Mosias 2:20–22; D at T 59:21; 104:13–18; 119:1–7; 120

Mga Tala

  1. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 265.

  2. Deseret News: Semi-Weekly, ika-11 ng Peb. 1879, 1.

  3. B. H. Roberts, The Life of John Taylor (1963), 424–25.

  4. “Stories and Counsel of Prest. Taylor,” Young Woman’s Journal, Mayo 1905, 218; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  5. Deseret News (Lingguhan), ika-1 ng Ene. 1873, 728.

  6. Deseret News (Lingguhan), ika-15 ng Ene. 1873, 760.

  7. In Conference Report, Abr. 1880, 103.

  8. The Gospel Kingdom, 248.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, ika-21 ng Ago. 1883, 1.

  10. The Gospel Kingdom, 168.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-19 ng Nob. 1865, 2.

  12. The Gospel Kingdom, 264–65; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  13. Deseret News (Lingguhan), ika-8 ng Mar. 1881, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

Deseret Store

Ang Deseret Store, katabi ng General Tithing Storehouse. Itinuro ni Pangulong Taylor na “lahat ng bagay na temporal at lahat ng bagay na espirituwal … ay nauugnay sa Ebanghelyo.”

woman and daughter paying tithing

Kapag nagbabayad tayo ng ikapu, kinikilala natin ang mga biyaya ng Panginoon sa atin at ipinakikita natin ang ating kahandaang tumupad sa Kanyang mga kautusan.