Kabanata 24
Ang Kaharian ng Diyos
Itinatayo natin ang sandigan ng kaharian na tatagal nang walang katapusan;—na sisibol sa panahong ito at mamumukadkad sa kawalang hanggan. Nakikibaka tayo sa isang mas dakilang gawain na kailanman ay pinagkaabalahan ng tao.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Matibay na naniniwala si John Taylor na itatatag ang kaharian ng Diyos sa mundo. Naunawaan niya na hindi nakasalalay ang pagpupunyaging ito kay Propetang Joseph Smith o sa kaninumang tao, bagkus ito ay tiyak na pinamamahalaan ng Panginoon. At handa siyang ipaglaban ang pagpupunyaging ito ng kanyang buhay.
Noong 1838, pagkatapos niyang tawagin sa Korum ng Labindalawa, naglakbay si John Taylor sa Far West, Missouri, upang makasama ang mga Banal. Habang patungo roon, magsasalita siya sa isang grupo malapit sa Columbus, Ohio. Bago sumapit ang takdang oras, may ilang kapatid ang naghatid sa kanya ng balita na may ilang kalalakihan ang natitipon sa lugar ng pagpupulungan at may lihim silang pakana na buhusan ng alkitran at balahibo ng manok si Elder Taylor. Pinayuhan siya ng mga kapatid na ikansela ang pulong dahil nakahihigit sa bilang nila ang kalaban at hindi nila kayang ipagtanggol si Elder Taylor. Gayunpaman, ipinilit ni Elder Taylor na pupunta siya roon at mangangaral tulad ng plano at gagawin niya ito kahit na mag-isa.
Nang dumating siya sa maraming taong nagkatipon upang makinig sa kanya, nagsimula siyang magsalita tungkol sa pagbabalik niya mula sa mga bansang pinamumunuan ng mga hari. Sinabi niya sa kanila ang karangalang nadama niya sa pagtayo sa malayang lupain. Bilang pagpapaliwanag kung paano natamo ang kalayaang iyon, sinabi niya: “Mga ginoo, batid ko na nakatayo ako ngayon sa harap ng mga kalalakihang ang mga ama ay nakipaglaban at nakatamo ng isa sa mga pinakadakilang pagpapala na maaaring igawad sa sangkatauhan—ang karapatan na mag-isip, magsalita, magsulat; magpahayag kung sino ang mamamahala sa kanila, at ang karapatang sumamba sa Diyos alinsunod sa mga atas ng sariling nilang budhi—lahat ng ito ay sagrado, karapatang pantao, na ngayon ay ginarantiyahan ng Konstitusyon ng Amerika. Nakikita ko sa harap ko ngayon ang mga anak ng mararangal na amang ito, na sa halip na sumunod sa pinunong malupit, ay inialay ang kanilang buhay, kayamanan at sagradong karangalan upang putulin ang mga tanikala, magtamasa ng kalayaan para sa kanilang sarili, at ipamana ito sa kanilang mga inapo, o mamatay sa pagtatangka.”
Nagpatuloy pa si Elder Taylor: “Nais ko ring sabihin sa inyo, na ipinaabot sa akin ang layunin ninyong buhusan ako ng alkitran at balahibo ng manok dahil sa mga opinyon kong pangrelihiyon. Ito ba ang pagpapalang namana ninyo sa inyong mga ama? Ito ba ang pagpapalang pinagbayaran nila ng dugo ng kanilang mga puso—itong inyong kalayaan? Kung ito nga, may biktima na kayo, mayroon na tayong ihahain para sa kabutihan ng kalayaan.”
Pagkasabi niya nito, pinunit niya ang kanyang tsaleko at bumulalas: “Mga ginoo lumapit kayo na dala ang alkitran at mga balahibo ng manok, handa na ang inyong biktima; at kayong mga kapita-pitagang espiritu ng mga makabayan, masdan ninyo ang mga gawain ng inyong masasamang anak! Halikayo mga ginoo! Halikayo, handa na ako!” Tumigil ng ilang sandali si Elder Taylor, ngunit ni isa ay walang kumilos o nagsalita. Pagkaraan ay nagpatuloy siya sa kanyang pananalita at nangaral sa mga tao nang may tapang at kapangyarihan sa loob ng tatlong oras.2
Tulad ng sinabi ni Elder Matthias F. Cowley ng Korum ng Labindalawa maraming taon pagkatapos mamatay ni Pangulong Taylor, “Nabuhay, gumawa at namatay siyang ganap na halimbawa ng kanyang paboritong kasabihan, “Ang Kaharian ng Diyos at wala nang iba.’”3
Mga Turo ni John Taylor
Ang lupa ay sa Panginoon at Siya ang may karapatang tagapamahala, hukom, at hari rito.
Sino ang gumawa ng mundo? Ang Panginoon. Sino ang nagtataguyod nito? Ang Panginoon. Sino ang nagpapakain at naglalaan ng damit sa milyun-milyong tao na namumuhay dito, kapwa Banal at makasalanan? Ang Panginoon. Sino ang namamahala sa lahat ng bagay sa sanglibutan? Ang Panginoon. … Sino ang nagbigay sa tao ng pang-unawa? Ang Panginoon. Sino ang nagbigay sa pilosopong gentil, mekaniko, atbp, ng bawat piraso ng talino tungkol sa de kuryenteng telegrama, ang husay at ang kakayahan ng makina sa pangangailangan ng sangkatauhan at lahat ng uri ng imbensiyon na ginawa nitong huling siglo? Ang Panginoon. … Sino ang may karapatang pamunuan ang mga bansa, pangasiwaan ang mga kaharian at pamahalaan ang lahat ng tao sa mundo?4
Ang mundong ito ay nararapat na panirahan, at marapat na mana ng mga Banal. Yayamang ito ay kay Jesucristo, ito’y pagmamayari rin ng kanyang mga tagapaglingkod at tagasunod, kaya nga sinabi sa atin. “Ang lupa ay sa Panginoon at ang boong narito,” [Mga Awit 24:1] at kapag nasa tamang kalagayan na ang lahat, “ang mga banal ng Kataastaasan ay magsisitanggap ng kaharian, at aariin ang kaharian, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng boong langit, mabibigay sa bayan ng mga banal ng Kataastaasan.” [Tingnan sa Daniel 7:18, 27.] Kaya’t ito’y kanilang marapat na mana.5
Sa mga banal na kasulatan … inilalarawan si Cristo bilang marapat na tagapamana ng mundo; inilalarawan siyang pumarito minsan upang magbayad-sala sa mga kasalanan ng mundo; at pagkaraan ay darating siyang muli sa mundo upang maging pinuno, hukom, at hari.6
Kinakatawan ng Simbahan ang pagpapakilala ng kaharian ng Diyos sa mundo.
Ang kaharian ng Diyos ay nangangahulugan ng pamahalaan ng Diyos. Ang ibig sabihin nito, may kapangyarihan, awtoridad, pamumuno, pamamahala, at mga taong pamumunuan. Ngunit hindi magaganap ang alituntuning ito, hindi lubos na magaganap, hanggang, tulad ng sinabi sa mga banal na kasulatan, ang mga kaharian sa mundong ito ay maging mga kaharian ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo, at siya ang mamumuno sa kanila [tingnan sa Apocalipsis 11:15], at bawat tuhod ay luluhod, at bawat dila ay magtatapat na siya ang Cristo [tingnan sa D at T 88:104], para sa kaluwalhatian ng Diyos, ang Ama. Hindi pa dumarating ang oras na ito, ngunit may ilang alituntunin na nauugnay rito na dumating na; tulad ng, pagpapakilala sa kahariang ito, at ang pagpapakilalang ito ng kaharian ay magagawa lamang ng Personaheng yaon na siyang Hari at Tagapamahala, at Puno ng pamahalaang ito, una sa pagbibigay-alam ng kanyang mga ideya, ng kanyang mga batas, ng kanyang pamahalaan sa tao, kung hindi, hindi natin malalaman ang kanyang mga batas.7
Ano ang unang pinakamahalagang bagay sa pagtatatag ng kanyang kaharian? Ito ay ang tumawag ng propeta at ipahayag sa kanya ang kalooban ng Diyos; at ang kasunod ay ang ipasunod sa mga tao ang kagustuhan ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta. Kung hindi tayo magkakaroon nito, hindi natin kailanman maitatatag ang kaharian ng Diyos sa mundo.8
Nais ng Diyos na ipakilala ang kaharian niya sa mundo, at kailangan niyang unang itatag ang kanyang simbahan, buuin ang mga taong nakakalat sa mga bansa at tipunin sila, nang magkaroon ng isang kawan at isang pastol [tingnan sa Juan 10:16], at isang Panginoon, isang pananampalataya, at isang pagbibinyag, at isang Diyos, na sumasa sa ibabaw ng lahat at sumasa lahat [tingnan sa Mga Taga Efeso 4:5–6], at kung saan ang lahat ay pinamamahalaan. Upang magawa ang layuning ito, itinatag niya ang kanyang banal na priesthood tulad ng pagkakatatag nito sa mga kalangitan.9
Minsan’y nag-uusap tayo tungkol sa simbahan ng Diyos, at bakit? Nag-uusap tayo tungkol sa kaharian ng Diyos, at bakit? Dahil, bago magkaroon ng kaharian ng Diyos, kailangan munang magkaroong ng simbahan ng Diyos, at kaya nga’t ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay kailangang ipangaral sa lahat ng bansa, tulad noong panahong narito pa ang Panginoong Jesucristo at ang iba pang kasama niya. At bakit? Dahil sa imposibleng maipakilala ang batas ng Diyos sa mga taong hindi pasasailalim at mapapatnubayan sa diwa ng paghahayag.10
Hindi maitatatag ng Diyos ang kaharian sa mundo maliban na lamang kung mayroon siyang simbahan at mga taong sumusunod sa kanyang mga batas at handang sumunod rito; at sa pagtatatag sa mga taong tulad nito na tinipon mula sa kalipunan ng mga bansa sa mundo sa ilalim ng taong binigyan ng inspirasyon ng Diyos, ang tagapagsalita ni Jehova sa kanyang mga tao; sinasabi ko, sa samahang ito, may pagkakataon na ang Panginoong Diyos ay maihayag, may oportunidad na maipakita ang mga batas ng buhay, may pagkakataon ang Diyos na ipakilala ang mga alituntunin ng langit sa mundo at magawa ang kalooban ng Diyos sa lupa at gayon din sa langit.11
Ganap na itatatag ni Jesucristo ang Kanyang kaharian at maghahari sa mundo.
“Dumating nawa ang kaharian mo.” [Mateo 6:10.] … Itinuro ito ni Jesus sa kanyang mga disipulo nang sila ay lumapit sa kanya, na nagsasabing, turuan mo kaming manalangin … Dumating nawa ang kaharian mo. Anong kaharian? Ano ang ibig sabihin ng “dumating nawa ang kaharian mo”? Ang ibig sabihin nito ay pamumuno ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang batas ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang pamahalaan ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang mga taong nakinig sa Diyos at handang makinig at sumunod sa mga kautusan ni Jehova. At ang ibig sabihin nito ay may Diyos na handang pumatnubay at tumagubilin at magtaguyod sa kanyang mga tao. Dumating nawa ang kaharian mo, nang maitatag ang iyong pamahalaan, at ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan na umiiral sa mga kalangitan ay maituro sa mga tao, at kapag ang mga ito ay naituro na sa tao, sila ay mapasasailalim sa mga batas at pamahalaang ito, at mamuhay nang may takot sa Diyos, sumusunod sa kanyang mga kautusan at pumapasailalim sa kanyang patnubay. Dumating nawa ang kaharian mo, nang ang kaguluhan, ang masama, at kasamaan, ang pagpaslang at pagpapadanak ng dugo na ngayon ay umiiral sa sangkatauhan ay mawala na, at ang mga alituntunin ng katotohanan at tama, ang mga alituntunin ng kabutihan, kawanggawa, at pagmamahalan tulad ng umiiral sa dibdib ng mga Diyos, ay umiral din sa atin.12
Ipinakita ko … na ang kaharian ng Diyos ay literal na itatatag sa mundo. Hindi ito magiging isang pangitain na lumulutang sa hangin, ayon sa ilang taong nagkakaroon ng mga pangitain, ngunit ito’y tunay. Itatatag ito nang literal sa mundo, tulad nang sinabi noon pa, at kabibilangan ng mga literal na mga lalaki, babae, at mga bata; ng mga mabubuhay na banal na tumutupad ng mga kautusan ng Diyos, at ng mga taong nabuhay na mag-uli na bumangon mula sa kanilang libingan, at namumuhay sa lupa. Ang Panginoon ang magiging hari sa buong mundo, at ang buong sangkatauhan ay mapasasailalim ng kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at lahat ng bansa sa ilalim ng langit ay kikilalanin ang kanyang kapangyarihan, at yuyukod sa kanyang setro. Ang mga naglilingkod sa kanya sa kabutihan ay makakausap ang Diyos, at si Jesus; at paglilingkuran ng mga anghel, at malalaman ang nagdaan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; at ang ibang tao, na hindi ganap na sumunod sa kanyang mga batas, ni tinagubilinan ng kanyang mga tipan, gayon pa man, ay ganap na susunod sa kanyang pamahalaan. Dahil ito ang paghahari ng Diyos sa mundo, at ipatutupad niya ang kanyang mga kautusan, at ipatutupad ang kanyang mga kautusan sa mga bansa sa daigdig na siyang karapatan niya. Hindi pahihintulutan si Satanas na pamahalaan ang mga naninirahan dito, dahil ang Panginoong Diyos ang magiging hari sa buong daigdig, at ang kaharian at ang kadakilaan ng kaharian sa ilalim ng buong langit ay ibibigay sa mga banal.13
Ano ang magiging epekto ng pagtatatag ng kaharian ni Cristo, o ng paghahari ng Diyos sa lupa? … Ang pagkawala ng digmaan, pagdanak ng dugo, kahirapan, sakit, at kasalanan, at ang pagkakaroon ng kaharian ng kapayapaan, kabutihan, katarungan, kaligayahan, at pag-unlad. Ito ang pagpapanumbalik ng mundo at ng tao sa kanilang kauna-unahang kaluwalhatian at dalisay na kahusayan; ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay na sinalita ng lahat ng propeta buhat pa noon [tingnan sa Mga Gawa 3:21].14
Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Banal upang tumulong sa pagtatatag ng Kanyang kaharian.
May isang ginoo sa Pransiya ang nagsimulang kumausap sa akin, at nais niyang malaman kung inisip nating gumawa ng isang bagay na mahalaga sa mundo? Sinabi ko sa kanya na layon nating ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo; at ito nga ay nakaabot na sa lahat ng sulok ng mundo. Hindi ito gagawin sa isang sulok lamang ng mundo, ngunit ito’y aabot sa buong panahon natin ngayon hanggang sa kawalang-hanggan. Aabot ito hanggang kawalang hanggan, at sasakop sa mga nangamatay libu-libong taon na ang nakararan, upang dalhin sila sa kaharian ng Diyos. Magbubuhos ito ng pagpapala sa mga henerasyong darating, at sa wakas ay pag-isahin ang langit at ang lupa, at ito ay magaganap sa pangalan ng Diyos ng Israel. Tutulungan tayo ng kapangyarihan ng langit, at makikiisa sa atin ang ating mga ninuno sa walang hanggang daigdig; dahil may pangako tayo ng buhay ngayon, at gayundin ng buhay na darating.
Kasisimula pa lamang natin sa ating maluwalhating gawain. Paglipas ng panahon magagampanan natin ang lahat ng sinabi ng ating mga ninuno. … Hahayo tayo mga kapatid, at hindi upang mag-aral ng sarili nating mga hangarin, kundi kung paano maisasakatuparan ang maluwalhating layunin ng Diyos. … Kailangang humayo ang kapangyarihan ng katotohanan, dapat na maputol ang tanikala ng kadiliman, at kailangang maitayo ang kaharian ng Diyos, at walang kapangyarihan ang makapipigil dito.15
Ilang taon na tayong nagsasalita tungkol sa pamumuno at pamahalaan ng kaharian ng Diyos at ang pagtatatag nito sa lupa, sa kapayapaan at kabutihan; at tungkol din sa panahon kung kailan ang lahat ng nilikha sa kalangitan at lupa, sa ilalim ng lupa, at nasa dagat, at sa lahat ng bagay na nasa mga ito ay maririnig na mangasasabi, “Sa kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan kailan man.” (Apocalipsis 5:13.) Nag-usap na tayo tungkol sa mga bagay na ito, ngunit kay rami pang dapat gawin sa kasalukuyan mula ngayon hangang sa hindi mapihong panahon sa malayong hinaharap. Hindi lamang pananampalataya ang nakasalalay dito, kundi kailangan ding kumilos; ito ang bagay na dapat nating pagkaabalahan, bilang indibidwal at bilang mga tao, at hindi ito maliit na bagay lamang.16
May mahalaga tayong misyon na dapat gawin—kailangan nating pamahalaan ang ating sarili ayon sa mga batas ng kaharian ng Diyos, at malalaman nating isa ito sa pinakamaharip na gawaing ating gagawin, ang matutuhang pamahalaan ang ating sarili, ang ating mga pagnanasa, ang ating disposisyon, at ang ating mga gawi, ating mga damdamin, ating buhay, ating espiritu, ating paghuhusga, at ipasailalim ang lahat ng ating pagnanasa ayon sa batas ng kaharian ng Diyos at sa diwa ng katotohanan. Mahalagang bagay ang maging abala sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos—ang simula nito ay nasa atin na ngayon.17
Matakot sa Diyos; gumawa ng gawain ng kabutihan; ipamuhay ang inyong relihiyon, tuparin ang mga kautusan at magpakumbaba sa harap niya; maging isa, at makiisa sa banal na priesthood at sa bawat isa, at sinasabi ko sa inyo sa pangalan ng Diyos na babangon at sisikat ang Sion at mapasasakanya ang kapangyarihan ng Diyos; at makikita ang kanyang kapangyarihan; at magagalak tayo sa kabuuan ng pagpapala ng ebanghelyo ng kapayapaan; at hahayo ang gawain ng Diyos at darami hanggang ang mga kaharian sa mundong ito ay maging kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo [tingnan sa Apocalipsis 11:15], at lahat ng nilikha sa langit at sa lupa at sa ilalim ng lupa ay maririnig na mangagsasabi, Sa kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan kailan man. [tingnan sa Apocalipsis 5:13.]18
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit marapat na tagapagmana at pinuno si Jesucristo ng mundo? Paano naiimpluwensiyahan ng kaalamang ito ang pakikitungo ninyo sa Kanya?
-
Bakit mahalaga ang Pagpapanumbalik sa Simbahan sa pagtatatag ng kaharian ng Panginoon sa mundo? Ano ang natutuhan ninyo bilang miyembro ng Simbahan tungkol sa paghahandang mabuhay na kasama ng Panginoon? Paano makaaambag ang mga paglilingkod natin sa Simbahan sa pagtatatag ng kaharian ng Panginoon?
-
Paano ninyo nakikitang umuunlad ang Simbahan upang ganap na maitatag ang kaharian ng Diyos sa mundo? Ano ang maitutulong ninyo bilang indibidwal at kasama ang inyong pamilya sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mundo?
-
Nagsalita si Pangulong Taylor tungkol sa mga dakilang pagpapala na matatamasa natin sa pagbabalik ng Tagapagligtas upang maghari sa Kanyang kaharian sa Milenyo. Ano ang magiging buhay sa mundo sa panahon ng Milenyo? (Tingnan din sa D at T 29:11; 43:29–32; 101:22–35; mga Saligan ng Pananampalataya 1:10.)
-
Ang personal na salawikain ni Pangulong Taylor ay “Ang kaharian ng Diyos at wala nang iba!” Anu-anong halimbawa ang nakikita ninyo sa mga taong mayroon ding ganitong paniniwala? Ano ang ibig sabihin sa inyo ng salawikaing ito? Ano sa palagay ninyo ang magiging bunga kung tayo bilang mga miyembro ng Simbahan ay ipamuhay ang salawikaing ito?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Daniel 2:26–45; Mateo 6:33; D at T 45:1, 65; 104:58–59