Pambungad
Bawat kabanata sa aklat na ito ay may apat na bahagi: (1) isang panimulang sipi na nagbibigay ng maikling paglalarawan sa paksa ng kabanata; (2) ang “Mula sa Buhay ni John Taylor,” na naglalarawan sa mga mensahe ng kabanata na may kasamang kuwento o payo mula kay Pangulong Taylor; (3) “Mga Turo ni John Taylor,” na naglalahad ng mahahalagang doktrina mula sa marami niyang mensahe at sermon; at (4) “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan,” na, sa pamamagitan ng mga tanong, ay naghihikayat ng personal na pagbabalik-aral at pag-aaral, karagdagang talakayan, at paggamit ng mga ito sa ating buhay.
Paano Gamitin ang Aklat na Ito
Para sa pansariling pag-aaral at sa pamilya. Ang aklat na ito ay nilayon na makaragdag sa pagkakaunawa ng bawat miyembro sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro ni Pangulong John Taylor. Sa pamamagitan ng pagbabasa nang may panalangin at ng mapag-isip na pag-aaral, ang bawat miyembro ay makatatanggap ng sariling patotoo sa mga katotohanang ito. Makadaragdag din ang aklat na ito sa aklatang pang-ebanghelyo ng bawat miyembro at magsisilbing mahalagang mapagkukunan sa pagtuturo sa pamilya at pag-aaral sa tahanan.
Para sa talakayan sa mga pulong sa araw ng Linggo. Ang aklat na ito ang teksto para sa pulong sa araw ng Linggo ng korum ng Melchizedek Priesthood at Relief Society. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na ang mga aklat sa seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan ay “naglalaman ng mga doktrina at alituntunin. Sagana at angkop ang mga ito sa mga pangangailangan ng ating panahon, at napakainam sa pagtuturo at talakayan.”1 Dapat pagtuunan ng pansin ng mga guro ang nilalaman ng teksto at kaugnay na mga banal na kasulatan at gamitin ang mga turong ito sa mga kalagayang pamilyar ang mga miyembro ng klase.
Ang mga guro ay dapat sumangguni sa mga tanong sa hulihan ng kabanata upang makahimok ng talakayan sa klase. Ang pagrerepaso sa mga tanong bago pag-aralan ang mga salita ni Pangulong Taylor ay maaaring magbigay ng karagdagang ideya sa kanyang mga pagtuturo.
Ang mga pulong sa araw ng Linggo ay dapat nakatuon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sariling karanasan na nagtuturo sa mga alituntuning ito, at patotoo sa katotohanan. Kung mapagpakumbabang hahangarin ng mga guro ang Espiritu sa paghahanda at pangangasiwa sa aralin, ang kaalaman sa katotohahan ng lahat ng makikibahagi ay mapalalakas. Dapat himukin ng mga pinuno at guro ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga kabanata bago talakayin ang mga ito sa mga pulong sa araw ng Linggo. Dapat nilang paalalahanan ang mga miyembro ng klase na dalhin ang kanilang mga aklat sa mga pulong at dapat nilang kilalanin ang paghahanda ng mga miyembro sa pamamagitan ng pagtuturo mula sa mga salita ni Pangulong John Taylor. Kapag nabasa ng mga miyembro ng klase ang kabanata bago magklase, magiging handa silang magturo at mapalalakas ang bawat isa.
Hindi kinakailangan o iminumungkahi na bumili ang mga miyembro ng klase ng karagdagang mga teksto ng komentaryo o sanggunian upang suportahan ang mga materyal sa tekstong ito. Hinihikayat ang mga miyembro na basahin ang mga banal na kasulatan na iminungkahi para sa karagdagang pag-aaral ng doktrina.
Dahil ang tekstong ito ay nilayon para sa pansariling pag-aaral at sanggunian sa ebanghelyo, maraming kabanata ang naglalaman ng mas maraming materyal na hindi kayang ilahad nang buo sa mga pulong sa araw ng Linggo. Samakatwid, kailangan ang pag-aaral sa tahanan upang matanggap ang kabuuan ng mga turo ni Pangulong Taylor.
Mga Pinagkunan ng mga Sipi sa Aklat na Ito
Ang mga turo ni Pangulong John Taylor sa aklat na ito ay direktang sinipi mula sa iba’t ibang mapagkukunan. Hangga’t hindi naman kinakailangan sa pagpapaganda ng paglalahad, isinama sa mga sipi ang mga bantas, pagbabaybay, at malalaking titik sa orihinal na mga pinagkunan. Dahil dito, ang mga mambabasa ay maaaring makapansin ng bahagyang mga pag-iiba-iba sa teksto.