Mga Turo ng mga Pangulo
Buod ng Kasaysayan


Buod ng Kasaysayan

Ang aklat na ito ay hindi kasaysayan, kundi kalipunan ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro ni Pangulong John Taylor. Gayunman, upang mailagay ang mga turo sa angkop na mga pangyayaring pangkasaysayan, ang sumusunod na talaan ay inihanda. Hindi ibinilang sa buod na ito ang maraming mahahalagang pangyayari sa kanyang buhay, tulad ng kanyang mga kasal at pagsilang at pagkamatay ng kanyang mga anak, na kanyang pinakamamahal.

1808, ika-1 ng Nobyembre

Isinilang sa Milnthorpe, Westmoreland, Inglatera, ikalawa sa sampung anak nina James at Agnes Taylor.

1819

Lumipat kasama ng kanyang pamilya sa Hale (malapit sa Milnthorpe), kung saan tumulong siya sa mga gawain sa isang maliit na sakahang iniwan sa kanyang ama ng isang tiyuhin (11; ang mga bilang sa panaklong ay nagpapahiwatig ng gulang ni John Taylor).

1822

Namasukan bilang prinsipyante na mangagawa ng bariles sa Liverpool. Sa loob ng isang taon, nalugi ang negosyo ng kanyang amo at siya ay bumalik sa kanyang bayan (14).

1824

Nilisan ang Iglesia ng Inglatera at naging isang Metodista. Ginugol ang kanyang libreng panahon sa pag-aaral ng Biblia, pagbabasa ng mga lathalaing teolohikal, at pananalangin (16).

1825

Naging “tagahikayat” na Metodista, o di-propesyonal na mangangaral. Nakatanggap ng malalim na impresyon na pupunta siya sa Amerika upang mangaral ng ebanghelyo (17).

1830

Ang mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya ay nangibang bansa sa Toronto, Canada, at iniwan siya sa Inglatera upang harapin ang mga bagay-bagay pangpamilya (21–22).

1832

Umalis sa Inglatera patungong New York. Nagsimulang mangaral sa Canada (23–24).

1833–36

Nanungkulan bilang mangangaral sa Simbahang Metodista sa Toronto. Nagpatuloy sa pag-aaral at pananaliksik ng mga banal na kasulatan (24–27).

1836, tagsibol

Dumating si Elder Parley P. Pratt sa Toronto upang ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo (27). Si Elder Pratt ay tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1835.

1836, ika-9 ng Mayo

Bininyagan ni Elder Parley P. Pratt (27).

1836–37

Nanungkulan bilang punong tagapamahala ng Simbahan sa Canada (27–28).

1837, Marso

Pumunta sa Kirtland upang makatagpo si Propetang Joseph (28).

1838

Inordenan bilang Apostol sa Far West, Missouri, noong ika-19 ng Disyembre, nina Brigham Young at Heber C. Kimball, sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith, na nasa Piitan ng Liberty (30).

1840

Dumating sa Great Britain bilang misyonero. Siya ang pinakaunang misyonero na nagturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa Ireland at Isle of Man. Pinamahalaan ang paghahanda at pagli limbag ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon na inilathala sa labas ng Estados Unidos; tumulong din sa paghahanda ng isang himnaryo at paglalathala ng ilang polyetong pang-misyonero (31).

1841

Bumalik sa Estados Unidos kasama ang ilan pang Apostol (32).

1842

Itinalaga ni Joseph Smith upang maging patnugot ng Times and Seasons, isang publikasyon ng Simbahan. Naging patnugot din ng Wasp (1842–43) at ng sumunod dito, ang Nauvoo Neighbor (1843–45), na parehong pahayagan sa Nauvoo.

1842

Pinili bilang miyembro ng Konseho ng Lungsod ng Nauvoo, bilang rehente ng Unibersidad ng Nauvoo, at Hukom-Tagapagtaguyod sa Hukbo ng Nauvoo (33).

1844, ika-27 ng Hunyo

Nasaksihan ang pagpaslang kina Joseph Smith at Hyrum Smith sa Piitan ng Carthage at malubhang nasugatan sa pagsalakay (35).

1846

Tumulong sa pagtatag ng Batalyong Mormon sa Council Bluffs. Pumunta sa Great Britain sa kanyang ikalawang misyon kasama sina Parley P. Pratt at Orson Hyde (37).

1847

Bumalik sa Winter Quarters mula sa Inglatera. Pinamunuan ang isang malaking pulutong ng mga Banal patungong Utah, at dumating nang Oktubre (38).

1850–51

Naglingkod bilang misyonero sa Pransiya. Naghandog ng isang panalangin malapit sa Boulogne upang italaga ang bansa sa pangangaral ng ebanghleyo. Itinatag at pinamatnugutan ang unang pahayagan ng Simbahan sa Pransiya, ang Étoile du Déseret (Bituin ng Deseret). Tumulong sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa salitang Pranses. Inilathala ang unang pahayagan ng Simbahan sa Alemanya, isang buwanang pahayagang tinawag na Zion’s Panier (Sagisag ng Sion). Sa ilalim ng kanyang pamamahala, unang inilimbag ang Aklat ni Mormon sa salitang Aleman. Isinulat ang The Government of God (41–42).

1854

Nahalal bilang mambabatas ng Teritoryo ng Utah (45).

1854–56

Naglingkod ng misyon sa New York, kung saan kanyang pinamahalaan ang mga gawain ng Simbahan sa mga estadong silanganin. Inilathala ang isang pahayagang pinamagatang The Mormon (46–48).

1857

Bumalik sa Utah. Nahalal bilang Ispiker ng Kamara ng Lehislaturang Teritoryal ng Utah, isang pananagutang kanyang ginampanan sa loob ng ilang taon—bilang karagdagan sa kanyang mga tungkulin sa Simbahan (49).

1868–70

Nanungkulan bilang isang Hukom Probeyt ng Utah County (59–61).

1877, ika-29 ng Agosto

Namatay si Brigham Young. Sa loob ng sumunod na tatlong taon, si John Taylor ang namuno sa Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol (68–71).

1878

Itinatag ang organisasyon ng Primary (69).

1880, Oktubre

Sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan, kasama sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith bilang mga tagapayo (71).

1882

Ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang panukalang batas Edmunds, na ginawang krimen ang pag-aasawa nang higit sa isa at pinagbawalan makaboto, manungkulang pampubliko, o maging miyembro ng hurado ang mga kasangkot sa poligamya, (73).

1882

Inilathala ang The Mediation and Atonement (73).

1884, Mayo

Itinalaga ang Logan Utah Temple (75).

1885

Tumanggap ng balita sa kanyang pagdalaw sa California na ipinag-utos ng mga opisyal pederal ang pag-aresto sa kanya dahil sa poligamya. Bumalik sa Lungsod ng Salt Lake noong ika-27 ng Enero. Noong ika-1 ng Pebrero, kanyang ipinahayag ang kanyang kahuli-hulihang pampublikong sermon at sa paniniwalang lulubayan ng mga awtoridad-pederal ang pag-uusig laban sa Simbahan, siya ay nagtago (76).

1887, ika-25 ng Hulyo

Sa gulang na 78, pumanaw sa tahanan ni Thomas Roueché sa Kaysville, Utah. Sa panahon ng kanyang administrasyon, ang mga miyembro ng Simbahan ay umabot nang mahigit sa 150,000.