Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 3: ‘Iibigin Ninyo ang Inyong Kapwa na Gaya ng sa Inyong Sarili’


Kabanata 3

“Iibigin Ninyo ang Inyong Kapwa na Gaya ng sa Inyong Sarili”

Dapat na mabuhay tayong laging iniisip ang kawalang hanggan, na puno ng buong kabaitan, kabutihan, pagkakawanggawa at mahabang pagtitiis para sa lahat.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Madalas na ituro ni Pangulong John Taylor sa mga Banal ang kahalagahan hindi lamang ng paniniwala, kundi ng pamumuhay sa hiling ng Panginoon na ibigin ang ating kapwa. “Mag-ibigan sa bawat isa,” panghihikayat niya, “at gawin ang mga gawain ng katuwiran, at pangalagaan ang kapakanan ng lahat, at hangarin ang kaligayahan ng lahat. Ganito ang ginagawa ng Diyos.”2 Matibay siyang naniwala sa tungkulin ng Espiritu sa pagpapalakas ng ating pag-ibig sa kapwa. “Kapag sumainyo ang Espiritu ng Diyos,” itinuro niya, “madarama ninyong puno kayo ng kabaitan, pagkakawanggawa, mahabang pagtitiis, at nakahanda kayo sa buong maghapon na ipagkaloob sa bawat tao ang yaong nais ninyo para sa inyong sarili. Madarama ninyo sa buong maghapon na hangad ninyong gawin sa lahat ng tao ang nais ninyong gawin nila sa inyo.”3

Mula sa pagkakabinyag sa kanya noong 1836 hanggang sa kanyang pagkamatay noong 1887, nasaksihan ni John Taylor ang napakaraming pag-uusig at di makatarungang pagtrato sa mga Banal. Nakita niyang pinalayas ng mga mandurumog ang mga miyembro ng Simbahan mula sa kanilang mga tahanan; saksi siya sa pagkamartir nina Joseph at Hyrum Smith (at siya mismo ay malubhang nasugatan sa paglusob); at kasama siya ng mga Banal sa Utah nang patuloy silang usigin. Gayunpaman, hindi siya nagbago sa panghihikayat sa mga miyembro ng Simbahan na ibigin ang lahat ng tao. Sa isang talumpating kanyang binigkas sa Utah habang siya ay Pangulo ng Korum ng Labindalawa, kanyang sinabi:

“Nanalangin si David na mabilis na ipadadala ng Diyos ang kanyang mga kaaway sa impiyerno [tingnan sa Mga Awit 55:15]. Si Jesus, habang siya ay nakapako sa krus, at nagdurusa sa sakit ng isang malupit na kamatayan ay nagsabi, … Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.’[Lucas 23:34.] Mas gusto ko ang panalanging ito kaysa doon sa una. … Dapat na magkaroon tayo ng ganitong damdamin. Dapat na mayroon tayo nito para sa isa’t isa at tratuhin ang bawat isa nang may kabaitan at hindi ang lumikha ng masasamang kalooban. … Naririnig kong sinasabi ng tao kung minsan, … Galit ako sa taong ito.’ Bakit? Wala akong galit sa kaninumang kilala kong tao sa mundo. Ang utos ay mag-ibigan ang isa’t isa.”4

Mga Turo ni John Taylor

Dapat na magpakita tayo ng pag-ibig sa isa’t isa bilang magkakapatid.

Ang Diyos ang ating Ama, tayo ang Kanyang mga anak, at nararapat sa ating lahat na maging magkakapatid; nararapat na tayo ay makadama at kumilos bilang magkakapatid, at habang nagsisikap tayo na paglingkuran ang Panginoon nating Diyos nang buo nating puso, isip, kaluluwa at lakas, nararapat na kasabay nito ang hangarin nating ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili. Dapat na makadama tayo ng interes sa kanyang kapakanan, kaligayahan at kaunlaran, at sa anuman at sa lahat ng bagay na magsusulong sa kanyang kabutihan dito sa lupa at sa kawalang hanggan.5

Kung dadayain natin ang ating kapwa, paano natin maaasahang pagpapalain tayo ng Diyos sa bagay na ito, dahil ang ating kapwa ay anak din ng ating Ama sa Langit, gaya din natin. Dahil siya ay kanyang anak, may interes siya sa kanyang kapakanan, at kung magsasamantala tayo sa anak ng Panginoon, sa inyo bang palagay ay matutuwa siya sa atin? … Nais nating maging makatarungan at mapagbigay sa isa’t isa. “At iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo.” Ito ang itinuro sa ating unang kautusan. At ang pangalawa ay gaya nito, na, “Iibigin mo ang inyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” [Marcos 12:30–31.] Ginagawa ba natin ito? Kung oo, magiging kalugudlugod tayo sa harapan ng Panginoon. …

… Dapat tayong mamuhay sa paraang mapag-iibayo pa natin ang ating pagmamahal sa isa’t isa sa paglipas ng panahon, at hindi nababawasan ito, at magkaroon ng pagkakawanggawa sa ating mga puso upang mapasan natin ang kahinaan ng isa’t isa, na nadaramang mga anak tayo ng Diyos na naghahangad na magawa ang kanyang salita at batas. Samakatwid ay tratuhing tama ang bawat isa.6

Dapat na maging puspos tayo ng pag-ibig sa kapwa, ng kabaitang tulad ng sa kapatid at pagsuyo at pag-ibig sa bawat isa at sa lahat ng tao. Dapat nating madama ang nadarama ng ating Ama sa Langit.7

Hangarin ang kapakanan ng bawat isa, gaya ng sinasabi ng banal na kasulatan: “Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa’t isa ang iba.” [Tingnan sa Mga Taga Roma 12:10.] Sasabihin ninyong tila mahirap ito; gayunman, dapat ninyong gawin ito. Sinabi sa ating ibigin ang kapwa gaya ng ating sarili. Kung magagawa natin ito, at uunahin ang ating kapwa kaysa ating sarili, at kung may anumang kalamangan ay ililipat ito sa kanilang panig, hindi lamang natin tinutupad ang batas at ang mga propeta kundi ang ebanghelyo. Ating palakasin ang diwa ng pag-ibig at kabaitan, at kalimutan ang bawat maliliit na bagay na di kanais-nais.8

Tinutulungan tayo ng ebanghelyo na palakasin ang pag-ibig at pagkakaisa.

Ang relihiyon na ating tinanggap, sa espirituwal na pagpapakahulugan nito, ay naglalagay sa atin sa isang pakikipagtalastasan sa isa’t isa at tumutulong sa atin na ibigin ang bawat isa. At umaasam ako na may higit na ganitong disposisyon sa atin, at iibigin natin nang higit ang bawat isa, at pag-uukulan nang higit na pansin ang kapakanan ng isa’t isa. Umaasam akong higit nating dadamayan ang ating mga kapatid, at mapuno ng mapagmahal na kabaitan at pagiging mapagbigay sa isa’t isa. Umaasam akong ating madarama na nagpapatuloy ang kapatiran, at ito ay lumalaganap at lumalakas, at umaagos mula sa bukal ng buhay—mula sa Diyos, mula sa puso tungo sa puso gaya ng langis na ibinubuhos mula sa sisidlan tungo sa sisidlan, at na ang pagkakasundo, pagdadamayan, kabaitan at pag-ibig ay maging laganap sa ating lahat. Ito ang magagawa ng ebanghelyo sa atin kung susundin lamang natin ito.9

Sa isang pagtitipon [sa Simbahan] mga ilang panahon na ang nakalilipas, may kanya-kanyang kinatawan ang dalawampu’t limang bansa. May pagkakaiba-iba ba ng sentimyento sa magkakaibang taong ito? Wala.

Kamakailan, sa pakikipag-usap sa isang ginoo hinggil sa di pagkakaunawaan ng mga taong Ingles at Irlandes, nasabi ko sa kanya na nakalulungkot na nangyayari ang ganito. Buweno, sabi niya, sila ay magkaiba ng lahi at hindi sila magkakasundo, dahil ang isa ay liping Celtic at ang isa ay liping Anglo-Saxon, at ang kanilang mga damdamin at katapatan ay magkakaiba. Magkakaiba ang kanilang mga ideya at damdamin; magkakaiba ang kanilang edukasyon at katutubong gawi. Tunay na totoo ang ganito. Ngunit paano tayo? Nagkakatipon tayo sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, at ito tulad ng nasabi ko na noon, ay lumilikha ng pagkakaisa ng damdamin at diwa, isang pagkakasundo at katapatan na hindi umiiral sa mundo, at sinabi ni Jesus na, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35.)…

At bakit ganito, mga kapatid? Tayo ba ay mga Eskandinabo; tayo ba ay mga Ingles; tayo ba ay mga Eskoses, Suwiso o Olandes, o kung ano pa man tayo? Hindi; ang Espiritu ng Diyos, na ating natamo sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa mga kinakailangan ng ebanghelyo, matapos na maipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay ginawa tayong may iisang puso, iisang pananampalataya, iisang bautismo. Wala tayo ng ganoong uri ng pagkakahati-hati dahil sa lahi o sa klase.10

Hindi tayo magkakatulad. Magkakaiba ang ating mukha, magkakaiba ang ating pag-uugali, bagama’t tayo ay nilikha sa iisang sangkap at mayroong iisang balangkas ng pangangatawan. Lubhang magkakaiba tayo kung kaya’t napakahirap na makatagpo ng dalawang taong magkatulad. Ayokong tularan ng bawat isa ang aking pag-iisip, ngunit nakahanda akong bigyan ng malaking kaluwagan ang mga tao sa mga bagay na ito. Gayunman nais kong makita ang bawat isa na mangunyapit sa Diyos. At tungkol sa iba pang maliliit na bagay, wala akong masyadong pakialam sa mga ito.11

Ipinakikita natin ang pag-ibig sa pamamagitan ng aktibong pagkalinga sa iba.

Kung ang mabubuting tao ay naghahanap ng pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay, sinabi ng banal na kasulatan, “Datapuwa’t ang sinomang mayroong mga pag-aari sa sanglibutang ito, at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan, at doo’y ipagkait ang kaniyang awa, paanong mananahan ang pagibig ng Dios sa kaniya?” [Tingnan sa I Ni Juan 3:17.] At tungkol sa mga bagay na ito, dapat nating tingnan ang pangangailangan ng bawat isa. … Huwag nating hahayaang maging dahop sila, kundi tratuhin natin silang mga kapatid na lalaki at babae, bilang mabubuti at kagalang-galang na lalaki at babae. Tiyakin nating napangangalagaan natin sila.

May nakikita akong mga tao na lumuluhod at buong pusong nananalangin sa Diyos na pakainin ang mahihirap at damitan ang mga hubad. Ngayon, hindi ako kailanman hihiling sa Panginoon ng isa mang bagay na hindi ko gagawin. Kung mayroong mga ganito sa atin, kumilos tayo at tugunin ang kanilang mga pangangailangan. … At kung may mga taong makararanas ng anumang kasawiang-palad, pangalagaan sila at ipagkaloob sa kanila ang anumang mga bagay na kinakailangan para sa kanilang kapakanan at kaligayahan. At pagpapalain tayo ng Diyos sa paggawa ng ganito.

Higit na nanaisin ko na magdala, halimbawa, ng isang sakong harina, karne, … asukal, mantikilya at keso, at mga damit, at panggatong, at iba pang kaginhawaan at kaluwagan sa buhay, at paligayahin ang mga tao, kaysa mananalangin ka lamang Panginoon tungkol dito; at kanya ring higit na nanaisin ang ganito. Ito ang wastong paraan ng paggawa ng mga bagay. Sa pagtanggap natin ng mga biyaya, sikaping maipamahagi ang mga ito, at pagpapalain at gagabayan tayo ng Diyos sa mga landas ng kapayapaan.12

Minsan may isang lumapit kay Jesus at tinanong siya, alin ang dakilang kautusan. Sinagot siya ng Tagapagligtas, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” [Mateo 22:37-39.] Magagawa ba natin ito? Mahirap gawin ito kung minsan, hindi ba? Madalas nating madama na mas nanaisin nating magsilid ng dalawang dolyar sa ating bulsa kaysa maglagay ng isa sa bulsa ng ating kapwa? Higit na nanaisin nating magkaroon ng dalawa o tatlong baka kaysa ibigay ang isang sa ating kapwa na wala kahit isa? …

Tratuhin nang wasto ang bawat isa, at gumawa nang mabuti sa bawat isa, at palakasin ang diwa ng kabaitan sa lahat ng tao. At kung makikita ninyo ang mga baka ng isang tao na nangiginain sa taniman ng trigo ng isa pa, magkaroon nang sapat na interes na itaboy ang mga ito para sa kanyang kapakanan. At sikaping maisulong ang kapakanan ng inyong kapwa at bigyan sila ng kaginhawaan kung magagawa mo, at pagpapalain tayo ng Diyos, at pagpapalain natin ang isa’t isa.13

Ipinakikita natin ang pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba at sa paghingi ng kanilang kapatawaran.

Tratuhin nang tama ang isa’t isa. Kayo ba ay nagkasala laban sa iba? Samakatwid ay humayo at saulian siya. Nandaya ba kayo laban sa isa? Humayo at itama ito. Nakapagsalita ba kayo nang hindi maganda sa inyong kapatid na lalaki o babae? Samakatwid ay humayo at tanggapin ang inyong pagkakamali at humingi ng kapatawaran, na nagangakong gagawa kayo ng higit na mabuti sa hinaharap. At maaaring sabihin niya, sa kabilang dako, na “Oo, at sinabi ko ganito ganyan noong isang araw, maaari bang patawarin mo ako?” Kay inam at kay angkop sa tungkulin ng isang banal ng Diyos ang ganitong hakbang kaysa panatilihin ang mga hinanakit sa puso.14

Tratuhin natin ang isa’t isa nang may kabaitan at ang pangalan ng kapwa nang may paggalang, at magmalasakit sa kapakanan ng bawat isa, na tinatrato ang lahat gaya ng pagtrato sa atin ng Diyos. At pagkatapos, kapag humarap na tayo sa Panginoon, maaari nating sabihin, “Ama, ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin,” [tingnan sa Mateo 6:12, 14] dahil kung hindi natin patatawarin ang ating kapatid, paano natin maaasahan sa ating Ama sa Langit na patawarin tayo. Kung may anumang suliranin tayo sa ating kapwa, pagsumikapan nating maayos ito. Sabihing, “Kapatid na ganito ganyan, binabagabag ako ng aking konsensiya tungkol sa isang bagay na nasabi ko tungkol sa iyo, o nagawa ko sa iyo, o sa isang transaksiyong nadaya kita, at narito ako para iwasto iyon, sapagkat napagpasiyahan kong gumawa ng tama, anupaman ang gawin ng ibang tao.”15

Kung ang mga tao, sa paggawa ng maling pasiya, ay kumilos nang walang pag-iingat at hangaring mapinsala tayo, hahangarin ba nating pinsalain sila? Hindi, sisikapin nating makagawa ng lahat ng mabuti sa kanila. “Ngunit hindi likas ang ganito.” Gayunman nararapat nating baguhin ang mga katangian ng likas na tao tungo sa mas banal na katangian. Sinabi ni Jesus, “Narinig ninyong sinabi, Iibigin mo ang iyong kapuwa, at kapopootan mo ang iyong kaaway: Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Iibigin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ang sa inyo’y sumusumpa, gawan ninyo ng mabuti ang sa inyo’y napopot, at idalangin ninyo ang sa inyo’y may masamang hangarin sa paggamit sa inyo, at nagsisiusig sa inyo,” atbp. [Mateo 5:43–44.] Kung nagawa ninyo ang lahat ng ito at natugon ang lahat ng kinakailangan ng batas, ano pa ang maaaring hilingin sa inyo? Wala na. …

… Kung mayroon mang hindi pagkakasundo sa pagitan ko at ninuman, makikipagkasundo ako, oo, sasalubungin ko sila sa ikatlo ng apat na bahagi ng daan o sa pinakadulo nito. Magpapakumbaba ako. Sasabihin ko, ayokong makipag-away, nais kong maging Banal. Nagsusumikap ako para sa kadalisayan, kalinisan, pakikipagkapatiran, at para sa pagsunod sa mga batas ng Diyos sa lupa, at para sa mga luklukan at mga pamunuan at mga nasasakupan sa mga daigdig na walang hanggan. At hindi ko hahayaan ang walang kuwentang mga bagay na makasagabal sa mga pagkakataon ko na maabot ang mga layuning iyon. Naghahangad ako ng buhay, mga buhay na walang hanggan at mga kadakilaang walang hanggan sa kaharian ng Diyos.16

“Ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.” Palagi ba ninyong iniisip ito? Lumuluhod tayo at marami sa atin ang nag-aakalang tayo ay mga disenteng tao. Ngunit nandiriyan si Kapatid na ganito ganyan, at hindi tama ang kanyang mga ginagawa, at hindi ko siya masyadong nagugustuhan, at nagkukuwento ako ng tungkol sa kanya nang kaunti, dahil may pinsala siyang ginawa sa akin, at nais ko ng ganap na kabayaran, ngunit, O, Diyos, mapatatawad mo ba ako sa aking mga kasalanan? Gagawin ko, wika ng Panginoon, sa pasubaling patatawarin mo ang inyong kapatid, at sa pasubaling ito lamang. “Kaya’t kung ihahandog mo ang inyong hain sa dambana, at doo’y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo; iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain.” [Mateo 5:23–24.] Kapag nasunod ang batas na ito, samakatwid ay masasabi natin, ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.

Sa ating kasalukuyang kalagayan, kung tutugunin ng Panginoon ang ating mga panalangin, marami sa atin ang hindi mapatatawad. Kung nais nating maging mabubuting banal ang lahat ng tao, maging mabubuting banal din tayo mismo. Siya na nagsasabi sa isa, “Hindi ka dapat magnakaw” ay huwag din siyang magnanakaw mismo. Kayo na nagtuturo sa inyong kapatid na huwag magsasalita ng masama tungkol sa kanyang kapwa, kayo ba ay umiiwas ding gawin ang bagay na iyon? …

Dapat na kumilos tayo para sa interes ng bawat isa, na may mga damdaming madamayin para sa isa’t isa. Tayo ay dapat na magturingang magkakapatid sa simbahan at sa kaharian ng Diyos, na binibigkis ng di mapatid na mga tali ng walang hanggang ebanghelyo, hindi lamang para sa panahong ito, kundi para sa kawalang hanggan. Samakatwid, ang lahat ng ating pagkilos ay dapat na nakatuon sa layuning ito, na nakasalig sa mga alituntunin ng pagkamatwid at pagkakaibigan.17

Dapat natin sundin ang ganap na halimbawa ng pag-ibig ng Tagapagligtas.

Ang ating mga damdamin tungo sa mundo ng sangkatauhan, sa pangkalahatan, ay dapat na maging tulad ng ipakita ni Jesus sa kanila. Kanyang hinangad na maisulong ang kanilang kapakanan, at ang ating kasabihan ay dapat na tulad ng sa Kanya—“At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.” [Tingnan sa Lucas 2:14.] Maging sinuman o anuman sila ay dapat na hangarin nating maisulong ang kaligayahan at kapakanan ng lahi ni Adan.18

Kapag nakagagawa tayo ng maliliit na kasalanan, ang Tagapagligtas ay hindi kumikilos tulad ng isang hangal, o mapaghiganting tao, upang ibagsak ang kapwa. Siya ay puspos ng kabaitan, mahabang pagtitiis, at pagpapahinuhod, at tinatrato ang lahat nang may kabaitan at paggalang. Sa ganitong mga damdamin nais nating magpakasiya at magpasakop. Ang mga ganitong alituntunin, at ang ganitong diwa ang dapat na magpakilos sa bawat elder ng Israel, at dapat na sumakop sa kanyang buhay at mga gawi.19

Kung si Jesus, noong nasa lupa pa, ay napagtiisan ang mga panlalait, pangungutya, at paninira ng mga tao na walang patumanggang ipinukol sa kanya, tayo man, kapag sumasaatin ang mga alituntunin na sinalita Niya, ay magagawa ring ipakita ang ganoong mararangal at mapagbigay na damdaming nananahan sa Kanyang dibdib. …

Pumarito si Jesus alinsunod sa plano at panukala na noon pa inordenan ng Diyos tungkol sa sangkatauhan bilang Bugtong na Anak ng Ama na puspos ng biyaya at katotohanan. Pumarito Siya upang ihandog ang Kanyang sarili na isang hain para sa mga matwid at sa mga di matwid; upang matugon ang mga hinihingi ng isang nilabag na batas, na hindi magawang tugunin ng sangkatauhan, upang iligtas sila mula sa pagkawasak sanhi ng pagkahulog, upang iligtas sila mula sa kapangyarihan ng kamatayan kung saan napasasailalim ang lahat ng tao bunsod ng paglabag sa batas, Siya mismo … ang naghandog ng Kanyang sarili, ang Anak ng Diyos, bilang isang nararapat na pagbabayad-salang sakripisyo para sa mga kasalanan ng sanglibutan. At nang siya ay salungatin, tanggihan, palayasin, duraan at siraan, at muli, nang Siya ay ipako sa krus, … Kanyang [sinabi], “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” [Lucas 23:34.]

Kanyang itinuro na nakasulat sa batas noong sinaunang panahon na dapat na magkaroon ng “mata sa mata, at ngipin sa ngipin:” ngunit, sinabi Niya, “Sinasabi ko sa inyo … Iibigin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ang sa inyo’y sumusumpa, gawan ninyo ng mabuti ang sa inyo’y napopoot, at idalangin ninyo ang sa inyo’y may masamang hangarin sa paggamit sa inyo, at nagsisiusig sa inyo: upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagka’t pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti.” [Tingnan sa Mateo 5:38–39, 44–45.] Ang mga ito ay mga alituntuning karapat-dapat sa isang Diyos; ito ay mga damdaming kapag pinagyaman ng sangkatauhan, ay mag-aangat sa kanila mula sa yaong mababa at walang halagang kalagayan kung saan sila gumagawa, maglalagay sa kanila sa isang higit na maatas na katayuan, maghahatid sa kanila sa pakikipagkaisa sa Ama sa Langit at maghahanda sa kanila sa isang pakikihalubilo sa mga Diyos sa mga daigdig na walang hanggan.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit mahalaga na sa ating mga pakikitungo sa iba ay maalaala na ang lahat ng tao ay anak ng ating Ama sa Langit? Ano ang ating magagawa upang matulungan ang ating sarili na “madama ang nadarama ng ating Ama sa Langit” tungo sa iba? Anuano ang ilan sa paraang nakita ninyong ginagawa ng mga tao upang “hangarin ang kapakanan ng bawat isa”?

  • Paano tayo dapat mamuhay upang “mapag-iibayo pa natin ang ating pagmamahal sa isa’t isa sa paglipas ng panahon at hindi nababawasan ito”? Anu-ano ang ating magagawa upang maisakatuparan ito sa ating mga pamilya?

  • Sa anu-anong paraan nakatulong sa inyo ang ebanghelyo na mapag-ibayo ang inyong pag-ibig sa kapwa?

  • Anu-anong pagkakataon mayroon kayo upang makatulong sa mga yaong “naghahanap ng pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay”? Paano natin mababatid ang pinakamainam na paraan upang makatugon sa mga ganitong sitwasyon?

  • Paano natin aayusin ang mga hindi pagkakasundo sa iba? Paano natin higit na mapag-iibayo ang ating pag-ibig sa mga yaong hindi sumasang-ayon sa atin?

  • Bakit mahalagang patawarin ang kapwa? Paano nakaiimpluwensiya ang ating pagpapatawad sa iba sa ating kakayahang madama ang Espiritu? Paano nakaaapekto sa atin ang pagtangging patawarin ang iba?

  • Paano tayo makaiiwas na makasakit ng damdamin ng iba o masaktan mismo ang damdamin natin? Paano natin mapananagumpayan ang ating kapalaluan sa paghingi ng pagpapatawad mula sa iba?

  • Anu-anong halimbawa ang ipinakita ng Tagapagligtas tungkol sa pag-ibig at pagpapatawad? Paano nakatulong sa inyo ang Kanyang halimbawa upang ibigin o patawarin ang iba?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Mateo 22:35–40; Juan 13:34–35; Mosias 23:15; Moroni 7:45–48; D at T 12:8; 64:8–10

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-14 ng Ene. 1879, 1.

  2. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 341.

  3. Deseret News (Lingguhan), ika-24 ng Dis. 1862, 201.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, ika-1 ng Hun. 1880, 1.

  5. Deseret News: Semi-Weekly, ika-29 ng Mar. 1870, 2.

  6. Deseret News: Semi-Weekly, ika-25 ng Hun. 1878, 1.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, ika-24 ng Hun. 1879, 1.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, ika-8 ng Abr. 1879, 1.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, ika-26 ng Ene. 1875, 1.

  10. The Gospel Kingdom, 247; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-18 ng Mar. 1879, 1.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, ika-10 ng Ago. 1880, 1.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, ika-4 ng Okt. 1881, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  14. The Gospel Kingdom, 339.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, ika-8 ng Hun. 1880, 1.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, ika-18 Okt. 1881, 1.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, ika-19 ng Dis. 1876, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  18. Deseret News: Semi-Weekly, ika-29 ng Mar. 1870, 2.

  19. Deseret News: Semi-Weekly, ika-7 ng Set. 1867, 2.

  20. Deseret News: Semi-Weekly, ika-9 ng Hul. 1881, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

Savior teaching

Sa pamamagitan ng Kanyang mga turo at mga gawa, ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang isang ganap na halimbawa kung paano ibigin ang bawat isa.