Kabanata 7
Integridad
Tayo ay maging dalisay, tayo ay maging malinis, tayo ay maging kagalang-galang, ating panatilihin ang ating integridad, tayo ay gumawa ng mabuti sa lahat ng tao, at sabihing palagi ang katotohanan, at tratuhing tama ang bawat isa.1
Mula Buhay ni John Taylor
Nabuhay si John Taylor nang may integridad at isa siyang halimbawa sa lahat ng nakakikilala sa kanya at nanungkulang kasama niya sa Simbahan. Nang sumunod na araw matapos siyang mamatay noong Hulyo 1887, ang kanyang mga tagapayo, sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith, ay nagpadala ng isang liham sa Deseret News upang ipabatid sa publiko ang kanyang pagpanaw. Ang isang bahagi ng kalatas na iyon ay kinabilangan ng parangal kay Pangulong Taylor. Ang sumusunod ay bahagi ng parangal na iyon na naglalarawan sa pambihirang karakter at integridad ng minamahal na propetang ito:
“Iilang kalalakihan lamang ang nabuhay na nagpakita ng ganoong integridad at ganoong walang-tinag na katapangang pisikal at moral gaya ng ating minamahal na Pangulo na yumao na. Hindi siya kailanman nakadama ng pagkatakot na may kinalaman sa gawain ng Diyos. Ngunit sa harap ng galit na mga mandurumog, at sa iba pang pagkakataon kung saan siya ay nasa malubhang panganib sa karahasang pisikal mula sa mga yaong nagtatangka sa kanyang buhay, at sa mga okasyong ang mga tao ay kumaharap sa panganib, siya kailan man ay hindi [natinag]—ang kanyang mga tuhod kailanman ay hindi nangatog at ang kanyang mga kamay kailanman ay hindi nanginig. Batid ng bawat Banal sa mga Huling Araw bago pa man ang lahat, sa mga pagkakataong kinakailangan ang katatagan at katapangan, kung saan matatagpuan si Pangulong Taylor at kung ano ang magiging pasiya niya. Hinarap niya ang bawat usapin nang tahasan at may katapangan at sa paraang nakatawag-pansin sa paghanga ng mga yaong nakakita at nakakilala sa kanya. Ang walang takot na katapangan, walang tinag na katatagan ay kabilang sa kanyang kilalang mga katangian. … Isa siyang lalaking mapagkakatiwalaan ng lahat.”2
Mga Turo ni John Taylor
Ang integridad ay nangangahulugan ng matapat na pamumuhay sa mga alituntunin ng katotohanan at pagkamatwid.
Tayo ay maging mga tao ng katotohanan, dangal at integridad— mga taong may isang salita at tinutupad ito—mga taong ang mga pangako ay nakabuklod magpakailanman. … Nagsisikap tayong magkaroon ng mga taong magiging mga tao ng Diyos, mga tao ng katotohanan, mga tao ng integridad, mga tao ng kalinisan, mga taong karapat-dapat na makaugnay ng Diyos sa mga daigdig na walang hanggan.3
Inaasahan ng Diyos na magkaroon ng mga tao na magiging mga kalalakihang may malilinis na kamay at dalisay na mga puso, na hindi tumanggap ng mga suhol,. … na magiging mga kalalakihan ng katotohanan at integridad, ng karangalan at kalinisan, at tatahak sa isang landas na sasang-ayunan ng Diyos sa mga daigdig na walang hanggan, at gayundin ng lahat ng kagalang-galang at matwid na tao na nabuhay noon o nabubuhay ngayon. At dahil tinanggap natin na tayo ay mga Banal, inaasahan niya tayong maging mga Banal, hindi sa pagkakatawag lamang, hindi sa teorya lamang, kundi sa lahat ng ating iniisip, sinasabi at ginagawa.4
Ang malaking suliranin na nasa atin ay labis tayong mahilig na umangkop sa mga pamantayan ng mundo, at ang labis na impluwensiya ng mundo ay pumasok na sa ating mga puso. Ang diwa ng pag-iimbot at kasakiman—at ano pa ang sasabihin ko?— ang kawalang katapatan ay kumalat na na parang isang salot sa lahat ng hangganan at lugar sa buong mundo, at tayo, humigitkumulang, ay nakibahagi na sa diwa nito. Gaya ng isang salot ay lumaganap na ito sa lahat ng antas ng lipunan, at sa halip na magpasakop tayo sa mga mataas, marangal, at kagalang-galang na alituntuning nananahan sa sinapupunan ng Diyos, tayo ay naghahangad ng maruming salapi na sinasabing siyang ugat ng lahat ng kasamaan [tingnan sa I Kay Timoteo 6:10]. At sa halip na ituon ang ating puso sa Diyos, itinutuon natin ang ating puso sa sanglibutan, at sa mga kalokohan at kapalaluan nito. … Ipakita at patunayan sa sanglibutan, sa mga anghel at sa Diyos na kayo ay nasa panig ng katotohanan at katwiran, ng katapatan, kadalisayan at integridad, at na kayo ay para sa Diyos at sa Kanyang Kaharian.5
Hayaan na ang mundo at kung anuman ang sasabihin at gagawin nito, sapagkat ang kanilang magagawa ay hanggang doon lamang sa kung ano ang ipapahintulot ng Panginoon. … Ipangangaral natin sa kanila ang ebaghelyo, at patuloy na isusulong ang mga alituntunin ng katotohanan, at isasaayos ang ating mga sarili alinsunod sa orden ng Diyos, at maghangad na maging isa—at kung hindi kayo isa ay hindi kayo sa Panginoon at hindi magkakaroon ng mga daigdig na walang hanggan. Pakinggan ito, mga Banal sa mga Huling Araw! Huwag pagtuunan ng pansin ang inyong sarili para sa inyong kapurihan; ngunit sabihin sa inyong puso na, “Ano ang aking magagawa upang makatulong sa pagtatayo ng Sion. Narito ako at ang lahat na mayroon ako ay nasa dambana, at nakahanda akong gawin ang kalooban ng Diyos maging anupaman ito, o saan man ako papupuntahin nito, maging sa mga dulo man ng sanglibutan o hindi.” Ngunit hindi pa natin nagagawa ang ganito; labis pa tayong nakatuon sa sarili nating mga gawain at nakikibahagi sa diwa ng sanglibutan, at nagbibigay-daan at umaangkop sa mga impluwensiya nito. Ngayon, bagama’t naghahangad tayo ng mabuti para sa sanglibutan at nagnanais na masiulong ang kaligayahan nito, hindi maaaring magpasakop tayo sa kanilang mga gawain o magpasailalim sa kanilang mga impluwensiya. Ang Diyos ang Panginoon nating Diyos; siya ang ating hari at mambabatas, at siya ang dapat na mamahala sa atin.6
Ang integridad ay nangangahulugan ng pagiging matapat sa Diyos, sa ating sarili, at sa isa’t isa.
Mayroong isang dakilang alituntunin na sa aking palagay ay dapat na siyang maghikayat sa atin sa ating pagsamba, higit sa anupamang bagay na may kaugnayan sa atin sa buhay, at ito ay ang katapatan ng hangarin. Sinasabi ng Banal na kasulatan— “Kung palayain kayo ng katotohanan, kayo’y magiging tunay na laya, ang mga walang salang anak ng Dios, sa gitna ng isang lahing liko at masama.” [Tingnan sa Juan 8:32, 36; Mga Taga Filipos 2:15.] Sinasabi sa ating muli na ang Diyos ay nagnanasa ng katotohanan sa loob na mga sangkap [tingnan sa Mga Awit 51:6]. Nararapat na maging matapat ang mga tao sa kanilang sarili, na maging matapat sila sa isa’t isa sa lahat ng kanilang salita, pakikitungo [talakayan], pakikipagtalastasan, pakikipag-negosyo at sa lahat ng anumang bagay. Nararapat silang magpasakop sa katotohanan, katapatan at integridad, at tunay ngang hangal ang isang taong hindi magiging tapat sa kanyang sarili, hindi tapat sa kanyang mga paniniwala at damdamin hinggil sa mga bagay na pangrelihiyon.
Maari nating malinlang ang bawat isa … gaya ng isang huwad na barya na nakalulusot sa yaong itinuturing na tunay at mahalaga sa mga tao. Ngunit inaarok ng Diyos ang puso at nagtatangkang hawakan ang renda ng mga anak ng tao [tingnan sa Jeremias 17:10]. Batid niya ang ating mga iniisip at nauunawaan ang ating mga hangarin at damdamin. Batid niya ang ating mga kilos at ang mga motibong nagbubunsod sa atin na gawin ang mga ito. Alam niya ang lahat ng gawain at kalakaran ng sangkatauhan, at ang lahat ng lihim na iniisip at gawain ng mga anak ng tao ay lantad sa harapan niya, at dahil sa mga ito ay hahatulan niya sila.7
Dapat na maging ganap ang ating katapatan sa isa’t isa, at sa lahat ng tao. Tupdin natin ang ating mga binitiwang pangako gaya ng anupamang legal na kasulatan. Iwasan ang lahat ng pagpapakita ng kapalaluan at kayabangan; at maging maamo, mababang-loob at mapagpakumbaba; maging puno ng integridad at dangal; at pakitunguhan nang pantay at matwid ang lahat ng tao.8
Kung ang isang tao ay manghihiram ng limang dolyar, kinakailangan niyang magsangla ng anumang bagay, dahil natatakot ang nagpapahiram na hindi siya mababayaran. Walang tiwala ang mga tao sa salita ng bawat isa. Hindi ko ituturing na may halaga ang isang tao kung hindi ko mapagkakatiwalaan ang kanyang salita. Ang taong iyon ay walang anumang halaga, hindi mapanghahawakan, hindi mapagkakatiwalaan. Gayunman, ang ganitong uri ng mga tao ang sinabi ng propeta na siyang mabubuhay sa mga huling araw. Sila ay nakikipagtipan at hindi kailan man inisip na tuparin ang mga ito. Ang kanilang mga salita ay walang halaga, walang integridad sa kanila.
Sinasabi ko ang mga bagay na ito para sa inyong kabatiran, sapagkat ito ang kalagayan ng sanglibutan. At tayo ba ay malaya mula sa mga ito? Malayong-malayo pa tayo—inaasam kong sana ay gayon na nga. Inaasam ko na mayroong higit na katapatan, kalinisan, integridad at katotohanan, at higit pa sa bawat alituntuning nasa atin na nilayon para padakilain at gawing marangal ang sanglibutan. Sinasabi ko ang mga bagay na ito bilang isang kahihiyan sa sangkatauhan. At kung ang mga ito ay umiiral sa mga Banal, ito ay isang napakatinding kahihiyan, at dapat na tayo ay masuklam; sapagkat kung may tao man sa mundo na nararapat na maging mga tao ng integridad, katotohanan at katapatan, tayo dapat iyon, sa lahat ng dako at sa lahat ng pagkakataon. At kung may anuman tayong sasabihin, ito ay dapat pagkatiwalaan na tila ba sinumpaan ito at tila nakagapos tayo ng sampung libong tali upang tupdin ito.9
Ano ang pinaniniwalaan natin? Naniniwala tayo sa kadalisayan, sa kalinisan, sa katapatan, sa integridad, sa katotohanan, at sa hindi pagbibigay-daan sa kabulaanan. Naniniwala tayo sa pagtatrato sa lahat ng tao nang makatarungan, matwid at marangal; naniniwala tayo sa pagkatakot sa Diyos, at sa pagtalima sa Kanyang mga batas at pagtupad sa Kanyang mga kautusan. Ginagawa ba natin ang lahat ng ito? Hindi, hindi pa lubusan. Inaasam kong sana ay ginagawa na natin. Ngunit malaking bahagi ng mga Banal sa mga Huling Araw ang gumagawa na nito; at kung mayroon mang hindi pa, pag-aralan nila ang ang kanilang kalagayan. … At dahil narito tayo para sa layuning itayo ang Sion, Kanyang inaasahan na magiging matwid at marangal tayo sa lahat ng ating pakikitungo sa isa’t isa at sa lahat ng tao.10
Dapat na mayroon tayong integridad upang mapanagumpayan ang kasamaan at maitayo ang kaharian ang Diyos.
Nabubuhay tayo sa isang kritikal at mahalagang panahon. Nanggigilalas ang mga tao kung minsan kapag nakikita nila ang katiwalian, kasalanan at kasamaan, ang paglihis sa katapatan at integridad, at ang masasamang gawi na makikita sa lahat ng dako. Ngunit bakit sila nanggigilalas? … Hindi ba ipinangaral na sa atin na ang mga bansa sa daigdig ay napapalooban mismo sa kanilang sarili ng mga elemento ng pagkawasak at ang mga ito ay tiyak na babagsak? At kapag nakikita natin ang karangalan na niyuyurakan sa ilalim ng mga paa, at ang integridad at katotohanan ay tumatayo sa malayo, samatalang ang masasama, tiwali at suwail ang siyang nagpapatakbo at nangangasiwa sa mga gawain, maaasahan natin na ang palakol ay nakalagay sa ugat ng punongkahoy at ang punongkahoy ay nabubulok na at hindi magtatagal ay mabubuwal [tingnan sa D at T 97:7]. At ganito ang nagaganap sa mga bansa ngayon. Hindi tayo dapat bumulong-bulong o mag-isip na may anumang bagay na kakaiba o pambihira tungkol dito. Inaasahan na nating magaganap ang mga bagay na ito, at sila ay higit pang malala kaysa ngayon. Gayunman tayo ay gumagawa upang ituro ang wastong mga alituntunin.11
Nabubuhay tayo sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung saan tinitipon ng Diyos ang lahat ng bagay upang maging isa, at tinipon niya tayo mula sa iba’t ibang bansa, bayan, klima, at lipi. Para sa ano? Upang gawin tayong mga hangal? Ang atin bang layunin ay mabuhay gaya ng masasama—ang maging “maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga matitigas ang ulo, mga palalo, hindi mga maibigin sa mabuti, na may anyo ng kabanalan datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito?” [Tingnan sa II Kay Timoteo 3:2–5.] Hindi, pumunta tayo dito upang ating matutuhan ang mga batas ng Makapangyarihan, at ihanda ang ating mga sarili at ang ating mga inapo para sa mga luklukan, mga pamunuan, mga kapangyarihan, at mga nasasakupan sa kahariang selestiyal ng Diyos.
Pinag-uusapan natin kung minsan ang tungkol sa Sion, na dapat maitayo sa Jackson County; gayundin ang tungkol sa isang Bagong Jerusalem na dapat maitayo upang sumalubong sa isang Jerusalem na mananaog buhat sa langit. Paano maitutulad ang ating mga buhay at kilos sa mga bagay na ito? Ang atin bang puso, damdamin, at pagsuyo ay nakatuon sa mga bagay na ito, o nakakalimot tayo at ang ating mga isip ay nagiging abala ngayon sa mga bagay na makalupa?
Atin bang inihahanda ang ating mga anak para sa panahong ito, at nagpapalaganap ng impluwensiya sa ating paligid saan man tayo pumunta upang akayin ang mga tao sa mga landas ng buhay at itaas sila sa Diyos? O tayo ba ay palusong lang nang palusong—na nabubuhay sa araw-araw nang hindi inaalala ang hinaharap at hinahayaan na lang na mangyari ito? Sa aking palagay ay dapat na tayong magising at maging aktibo at magsikap na tumahak ng isang landasin na magbibigay-katiyakang makakamtan ang pagsang-ayon ng Makapangyarihan. …
Dapat na ihanda natin ang ating kabataan na sumunod sa ating mga yapak, kung tumpak ang mga yapak na ito, upang sila ay maging mararangal na miyembro ng lipunan, upang kapag lilisanin na natin ang sanglibutang ito at tumungo sa kabilang daigdig, makapag-iiwan tayo ng isang angkang puno ng integridad, at tumutupad sa mga kautusan ng Diyos. Dapat na turuan natin ang ating mga anak ng kaamuan at kababaang-loob, integridad, kalinisan at ng pagkatakot sa Diyos, upang maituro rin nila ang mga alituntuning ito sa kanilang mga anak. … Maghangad na maitanim sa puso ng inyong mga kabataan ang mga alituntuning maglalayon na sila ay maging marangal, may paninindigan, matalino, malinis, mayumi, dalisay na mga lalaki at babae, na puno ng integridad at katotohanan. … na sila, kasama ninyo, ay magkaroon ng mamanahin sa kaharian ng Diyos.12
Nalilimutan natin kung minsan, na tayo ay gumagawa, kasama ng marami pang iba, sa pagpapalaganap ng katwiran at pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. At minsan hinahayaan natin ang sariling magpakababa at maging makalimutin sa dakila at maluwalhating tungkulin kung saan tayo natawag. Marami sa atin ang nagbibigay-daan sa tukso; natitisod tayo at napapadako sa kadilimam, at nawawalan ng Espiritu ng Panginoon. Nalilimutan natin na ang Diyos at ang mga anghel ay nagmamasid sa atin. Nalilimutan natin na ang mga espiritu ng matwid na mga taong ginawa nang ganap, at ng ating mga ninuno, na umaasam sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa, ay nakatingin sa atin, at na ang ating mga gawi ay nakalantad para sa pagsusuri ng lahat ng binigyang-karapatan na nilalang sa kalangitan.
At, sa paglimot sa mga bagay na ito kung minsan, kumikilos tayong tila mga hangal, at ang Espiritu ng Diyos ay magdadalamhati; lumalayo ito sa atin at tayo ay mangangapa sa dilim. Ngunit kung maipamumuhay natin ang ating relihiyon, matatakot sa Diyos, magiging ganap na matapat, tatalima sa kanyang mga batas at patakaran, at tutupad sa kanyang mga kautusan, iba ang ating madarama. Makadarama tayo ng ginhawa at kaligayahan. Ang ating mga espiritu ay magiging mapayapa at masaya. At sa araw-araw, linggo-linggo, at taon-taon, sisidhi ang ating kagalakan.13
Pagpapalain ng Diyos ang mga yaong ang buhay ay kakikitaan ng integridad at kadalisayan.
Tungkol sa mga pangyayari na magaganap pa lamang at tungkol sa uri ng mga pagsubok, kaguluhan, at paghihirap na dadanasin natin, ang mga ito para sa akin ay hindi dapat alalahanin. Ang mga bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos. … Kapag napatunayan na tayo ay nakahanda at masunurin, at nasa panig ng Panginoon para sa katuwiran, katotohanan, at integridad, para sa kalinisan at kabanalan, na naninindigan sa mga alituntunin ng katotohanan at sa mga batas ng buhay, samakatwid ang Diyos ay sasaatin, at kanyang palalakasin ang lahat ng yaong naninindigan sa mga alituntuning ito. … Ang dalisay at malinis, ang kagalanggalang at matwid, ay hahayong magtatagumpay hanggang sa kanilang maisakatuparan ang lahat ng pinanukala ng Diyos na gawin nila sa mundong ito.14
Maging matapat sa inyong sarili, maging matapat sa harapan ng Diyos. Maging malinis, maging makatotohanan at maging puspos ng intergridad, at matakot sa Panginoon ninyong Diyos sa inyong mga puso, at ang kanyang mga pagpapala ay sasainyo, at ang kanyang Espiritu ay gagabay sa inyo, at sa mga henerasyong susunod sa inyo, sa mga daigdig na walang hanggan. Amen.15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Batay sa inyong mga natutuhan mula kay Pangulong Taylor, paano ninyo bibigyang kahulugan ang integridad? Sa anuanong aspeto ng buhay nagiging lalong mapanghamon ang magpanatili ng integridad?
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng maging matapat sa ating sarili? sa iba? sa Diyos? Bakit mahalaga na maging matapat sa lahat ng aspeto ng ating buhay? Paano tayo pinagpapala kapag tayo ay matapat?
-
Paano magiging iba ang buhay kung ang lahat ay maninindigan sa mga alituntunin ng katapatan at integridad? Paano makaaapekto sa inyong mga kilos ang ganoong paninindigan?
-
Anu-anong hamon sa integridad ang kinahaharap ng mga bata ngayon? Anu-ano ang ating magagawa upang maturuan ang mga bata ng kahalagahan ng katapatan at integridad?
-
Paano maihahambing ang ating mga buhay at kilos sa ating layunin na itayo ang kaharian ng Diyos? Bakit mahalaga na gawing madalas ang paghahambing na ito?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Awit 15:1–5; Mga Kawikaan 20:7; Alma 41:14; D at T 10:28; 136:25–26; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13