Kabanata 15
Kalayaang Pumili at Pananagutan
Isa nating pribilehiyo na pagpasiyahan ang ating sariling kadakilaan o pagbagsak; isa nating pribilehiyo na pagpasiyahan ang ating sariling kaligayahan o kalungkutan sa kabilang buhay.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
“Pinag-uusapan natin kung minsan ang tungkol sa sariling kalooban,” puna ni Pangulong Taylor. “Ito ba ay isang wastong alituntunin? Oo, wasto ito. At isa itong alituntuning sa lahat ng panahon ay nanatili at nagmula sa Diyos, ang ating Ama sa Langit.”2 Binigyang halaga ni Pangulong Taylor ang alituntunin ng moral na kalayaang pumili—ang kapangyarihang ibinigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak na makapamili ng mabuti o masama at gumawa para sa kanilang sarili. Gayunman, kanya ring itinuro na ang bawat indibidwal ay may pananagutan sa Diyos sa kanilang mga ginawa. Ayon sa kanyang pagpapatibay, “Hindi kailanman binigyan ng Diyos ang tao ng walang limitasyong pagkontrol sa lahat ng bagay dito sa sanglibutan; kundi palagi Niyang sinasabi na ang tao ay napasasailalim sa kanyang paggabay, namumuhay sa kanyang teritoryo, at may pananagutan sa kanya sa kanilang mga gawa.”3
Upang bigyang-diin ang kaugnayan ng kalayaang pumili sa pananagutan, ibinahagi ni Pangulong Taylor ang sumusunod na paghahalintulad: “Kapag pinaupahan ng isang tao ang isang taniman ng ubas o sakahan, ang taong umuupa dito ay may ilang mga kalayaan at pagpapasiya na ipinagkaloob sa kanya, ngunit palaging napasasailalim sa ilang kondisyon na ipinaiiral ng may-ari ng lupa. Kung kaya’t pumasok ang Diyos sa isang pakikipagtipan kina Noe, Abraham, sa mga anak ng Israel, at sa sinaunang mga banal. Ang pagpasok sa isang tipan ay likas na nangangailangan ng dalawang partido: sa mga pagkakataong nabanggit, ang Diyos ang isa, at ang mga tao ang ikalawa. Kapag tinutupad ng mga tao ang kanilang mga tipan, kinakailangan sa Diyos na tupdin din ang sa kanya; ngunit kapag lumalabag ang tao, hindi kinakailangan sa Diyos na gawin ang kanyang bahagi. … Samakatwid, ang tao ay may kalayaang gumawa ng mga pasiyang moral para sa kanyang sarili, ang tanggapin o hindi, ayon sa kanyang kagustuhan, ang mga pagpapalang inilagay ng Diyos sa abot ng kanyang mga kamay.4
Noong panahon ni Pangulong Taylor, may mga taong nagsasabi na ang ebanghelyo at priesthood ay nilayon “upang alipinin ang tao o diktahan ang mga konsensiya ng tao.” Buong katapangang pinabulaanan niya ang ideyang ito at ipinahayag na ang layunin ng ebanghelyo ay “gawing malaya ang lahat ng tao gaya rin ng Diyos na malaya; upang sila ay makainom mula sa mga agos ‘na nagpapasaya sa bayan ng Dios’; [Mga Awit 46:4] nang sila ay maiangat at hindi pababain; upang sila ay dalisayin at hindi pasamain; upang kanilang matutuhan ang mga batas ng buhay at sumunod sa mga ito, at hindi tumahak sa mga daan ng kasamaan at mangamatay.”5
Mga Turo ni Pangulong Taylor
Mula sa pasimula, ipinagkaloob na sa atin ng Diyos ang kalayaang pumili.
Ang Ama … ay lumikha ng isang batas … na ang mga mananahan sa langit at mga mananahan sa lupa ay kapwa dapat na magkaroon ng kanilang kalayaang pumili. Dahil sa batas na ito kung kaya’t naghimasik si Lucifer. At hindi siya maaaring maghimagsik laban sa isang batas na hindi ipinaiiral, dahil ang paghihimagsik ay nangangahulugan ng paglabag sa isang batas, kautusan, o kapangyarihan. Siya ay itinapon mula sa langit dahil sa kanyang paghihimagsik. Hindi maaaring mangyari ang paghihimagsik na ito kung walang kalayaang pumili, dahil kung walang kalayaang pumili ay napilitan sana silang lahat na gawin ang kalooban ng Ama. Ngunit dahil may kalayaang pumili, ginamit nila ito, at si Lucifer at ang ikatlong bahagi ng hukbo ng langit ay itinapon dahil sila ay naghimagsik at ginamit ang kalayaang ito sa pagsalungat sa kanilang Ama sa Langit. At hindi lamang dahil sila ay naghimagsik kundi dahil sila, ayon na nakasulat, ay “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao;” [tingnan sa Moises 4:3]. Ang kanilang kalayaan ay maaaring nagamit nila upang salungatin ang mga interes, kaligayahan, at walang hanggang kadakilaan ng sangkatauhan, na pinanukalang matamo sa pamamagitan ng pagbabayad-sala at pagtubos na ipinagkaloob ni Jesucristo.6
[Ang Diyos] ay nagkaloob sa atin ng kakayahang piliin ang mabuti at tanggihan ang masama. Maaari nating gawin ang kasalanan o katuwiran, kung gugustuhin natin. Sinamantala ito ng Diyablo, at tinangkang paligiran ang pag-iisip ng mga tao ng mga impluwensiya na magdudulot ng kanilang pagkawasak, upang akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan. Hindi sila pinagbabawalan o pinipigilan ng Panginoon, ngunit ang kalalabasan ng kanilang mga kilos ay kanyang sinusupil, kapag tumatahak sila sa landas patungo sa ikapapahamak ng kanyang mga tao.
Hahayaan ng Panginoon. … ang sangkatauhan na hanapin ang kaligayahan sa sarili niyang pamamaraan, at alinsunod sa kanilang paghahangad ay hahayaan niya silang uminom sa saro ng sarili nilang kasalanan sa sarili nilang pamamaraan. Sa kabilang dako, kanyang ipinakikita ang kanyang kabutihan at magpapatuloy na gawin ito sa lahat ng kanyang anak. Ano ang nilalayon niyang maisakatuparan? Ang pagtatatag ng kahariang ito dito sa lupa, ang pagtatatag ng pagkamatwid, ang pagpapalayas sa kaaway at ang pagtatapon kay [Satanas] mula sa lupa. Sa ganitong paraan, ang mga alituntunin ng katotohanan ay mapalalaganap sa kabuuan ng daigdig, at ang lahat ay yuyukod sa Diyos at sa kanyang Cristo, at ang mga pinili ay mangangasiwa sa mga ordenansa sa kanyang tahanan magpakailanman man. Ang Makapangyarihan ay may ganitong layunin sa kanyang isipan noon pa man.7
Binigyan tayo ng Diyos ng gabay, ngunit hindi Niya pipilitin ang isipan ng tao.
Tinanggap natin ang ebanghelyo. Mayroon bang isa sa atin na pinilit na sundin ito? Mayroon bang anumang anyo ng pamumuwersa na ipinakita sa atin? Wala akong nalalaman na ganoon. Si Oliver Cowdery ba, na siyang ikalawang elder ng simbahan, ay inobligang tanggapin ang ebanghelyong ito? Hindi ito ginawa sa kanya. Si Hyrum Smith ba ay inobligang tanggapin ito? Hindi ito ginawa sa kanya. Ang mga Saksi sa Aklat ni Mormon—ang mga Whitmer at iba pa? Hindi. At makaraang sumanib sila sa simbahang ito, pinilit ba sila na manatili dito? Hindi. May isa ba sa mga miyembro ng korum ng labindalawa, sa mga pitumpu, sa mga mataas na saserdote, o sa mga miyembro ng mataas na konseho, o sa mga pangulo ng pitumpu, o sa alinmang klase ng kalalakihan sa simbahang ito ang pinilit na tanggapin ang katungkulan kung saan sila tinawag? Wala akong alam na ganito, kayo ba mayroong alam? Batid kong walang pamimilit na ginamit sa akin nang higit pa sa lakas ng katotohanan sa nagrekomenda nito sa aking isipan. Wala rin namang pamimilit sa inyo nang higit pa sa kapangyarihan ng katotohanan na gumagana sa inyong mga isipan.8
Hindi ko nais na kontrolin ang isipan ng tao. Hindi ko kokontrolin ang kilos ng mga tao. Hindi ito ginagawa ng Diyos. Hinahayaan niya sila sa sarili nilang kalayaang pumili upang makipaglaban sa mga pagsubok, mga tukso, mga kaaway, at mga kasamaan ng bawat uri na nasa sanglibutan na maaaring makaharap ng tao. Gayunman, kanyang inilalagay sa maaabot ng kanilang makakaya ang ilang alituntunin at ninanais na akayin sila patungo sa kanya kung sila ay magpapaakay. Kung hindi nila nais, kanyang ginagawa ang pinakamainam na magagawa niya para sa kanila.9
Ang tao ay may moral na kalayaang pumili, at sa kanyang pagkilos sa ilalim ng Panginoon, siya, samakatwid, ay may pananagutan sa kanyang sarili para sa kanyang mga kilos, bilang isang may kalayaang gumawa ng mga pasiyang moral. Ngunit kanya bang hinahayaan siyang mag-isa at walang tulong upang maisakatuparan nito ang kanyang mga layunin? Hindi. Sa kanyang pagkilala sa tao bilang kanyang anak, inaalok niya tuwina ang kanyang pagtulong at mga tagubilin bilang isang ama. Kanyang ibinigay ang mga paghahayag upang tagubilinan at bigyang babala ang kanyang mga tao. Kanyang pinangakuan ang mga masunurin, at binalaan ang mga di masunurin. Kanyang tinagubilinan ang mga hari, pinuno, at propeta. Kanyang iningatan ang mga matwid, at pinarusahan, sa pamamagitan ng paghuhukom, ang masasama. Kanyang ipinangako kay Abraham at sa iba pa ang mga lupain at ari-arian. Kanyang iniabot ang pangako ng buhay na walang hanggan sa matatapat, ngunit kailanman ay hindi niya pinilit o pinuwersa ang isipan ng tao.10
Pananagutin tayo ng Diyos sa paggamit ng ating kalayaang pumili at gagantimpalaan tayo alinsunod sa ating mga desisyon.
Hindi ba tayo ang mga tagahubog ng sarili nating kapalaran? Hindi ba tayo ang nagpapasiya kung ano ang ating magiging tadhana? Isa nating pribilehiyo na pagpasiyahan ang ating sariling kadakilaan o pagbagsak; isa nating pribilehiyo na pagpasiyahan ang ating sariling kaligayahan o kalungkutan sa kabilang buhay. 11
Sa pamamagitan ng isang maingat na pagsusuri sa mga Banal na Kasulatan, makikita nating may ilang kapangyarihang ipinagkaloob sa kamay ng tao, na kanyang pinanghahawakan sa ilalim ng kontrol at paggabay ng Panginoon. At kung siya ay kikilos nang walang pagpapayo, paggabay, o pagtatagubilin ng Diyos, siya ay lumalagpas sa mga hangganang itinakda para sa kanya ng Panginoon, at ituturing na nagkasala, gaya ng [isang opisyal ng pamahalaan] na nagkakasala kapag siya ay lumalagpas sa mga hangganan ng pagkakatalaga sa kanya. O gaya ng isang taong nangungupahan sa isang sakahan o taniman ng ubas, kung kanyang babale-walain ang mga kondisyon ng pangungupahan, at sirain ang sakahan o taniman ng ubas, sapagka’t ang daigdig ay sa Panginoon, at inilagay ang tao dito ng Panginoon. Hindi ito pagaari ng tao kundi pinahahawakan lamang sa kanya ng Diyos. … Kapag ang isang tao ay itinalagang kinatawan upang kumilos para sa Panginoon, at para sa kanyang sarili, at kanyang ipagwawalang-bahala ang Panginoon, tiyak na pananagutin siya ng kanyang Manlilikha.12
Magbalik-tanaw kayo, at inyong matatandaan ang panahong nakagawa kayo ng mabuting bagay at inyong matatandaan ang panahong nakagawa kayo ng masamang bagay. Ang mga bagay na ito ay nakakintal sa inyong alaala at kaagad ninyo silang mapagbabalikang-tanaw at matitingnang muli kailan man ninyo naisin. … Kapag nag-aral kayo ng lenguwahe, maaalala ninyo nang napakadali at maipakikita ninyo nang mabilis ang pagkakaiba ng mga bahagi ng pananalita. Kung nag-aral kayo ng pagka-mekaniko, babalikan ng inyong isipan ang isang lugar kung saan may nakita kayong isang makina, at makagagawa kayo ng isang katulad nito. Kung kayo ay nakapaglakbay sa mga lungsod, masasabi ninyo kung anong uri ng mga bahay at lansangan ang bumubuo sa iba’t ibang lungsod na inyong napuntahan, at ang karakter ng mga taong inyong nakasalamuha. At ang mga ito ay inyong mapagbabalikang-tanaw at matatandaan sa araw man o sa gabi kung kailan ninyo nais isipin, at maaalala ang mga bagay na inyong nakita o ginawa. Saan ninyo nababasa ang lahat ng bagay na ito? Sa inyong mga alaala. Hindi na ninyo kailangang pumunta sa aklatan ng ibang tao o manghiram ng kanyang aklat dahil ito ay nakaukit sa sarili ninyong talaan, at doon ninyo ito mababasa. Itinala ito ng inyong mga mata at tainga, nahawakan ito ng inyong mga kamay, at ang inyong pagpapasiya, na siya ninyong kapangyarihang magmuni-muni ay nakapagdesisyon dito.
Ngayon, kung kayo ay may diwa o katalinuhang gaya nito, kung saan nagagawa ninyong basahin ang sarili ninyong kilos, hindi ba ninyo ipinapalagay na ang nilalang na siyang nagbigay sa inyo ng ganitong diwa at katilinuhan ay hawak ang mga susi ng katalinuhang iyon, at magagawa niya itong basahin kung kailan niya gugustuhin? Hindi ba ito naaayon sa pilosopiya, katuwiran, at sa mga banal na kasulatan? Sa pananaw ko ay naayon ito…
Ang tao ay natutulog ng tulog na kamatayan ngunit ang espiritu ay nabubuhay kung saan nakatago ang talaan ng kanyang mga ginawa—ito ay hindi namamatay—hindi ito maaaring kitilin ng tao, walang anumang pagkalusaw na mangyayari rito, at mapananatili nito ang kalinawan, ang pagkakaalala sa mga bagay na naganap bago ang paghihiwalay ng katawan sa walang kamatayang espiritu.13
Mga tao tayo ng Diyos, at kinakailangan Niyang tupdin ang lahat ng bagay na pinanukalang kailangang tupdin ng alin man sa tao o sa Diyos. Kinakailangan niyang pangalagaan ang kanyang mga tao, kung kanilang pangangalagaan ang kanilang sarili, kung kanilang igagalang ang kanilang mga tungkulin at priesthood, kung kanilang gagampanan at bibigyang dangal ang lakas at kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanila. Kung hindi sila lilihis sa wastong mga alituntunin, kinakailangang tupdin ng Diyos ang lahat ng bagay alinsunod sa mga tungkuling pinasasailaliman niya, at ang isa sa mga ito ay ipagkaloob ang pangangailangan ng mga Banal. … Sino ba ang nakaaalam na lumilihis ang Diyos mula sa mga wastong alituntunin?. … Hindi ko kailanman nalaman ito, at naniniwala akong walang sinuman sa inyo ang nakaaalam nito.14
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit lubhang mahalaga para sa ating kadakilaan ang kalayaang pumili? Paano magkaugnay ang kalayaang pumili at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
-
Sa anu-anong paraan nagpapatuloy na magtangka si Satanas na maimpluwensiyahan ang ating kalayaang pumili? Paano natin mapaglalabanan ang mga pagtatangkang ito?
-
Anu-anong uri ng paggabay ang ibinibigay sa atin ng Panginoon upang matulungan tayong gamitin nang matwid ang ating kalayaang pumili? Paano niya binibigyang gantimpala ang ating matwid na paggamit ng kalayaang pumili?
-
Bakit mahalaga sa mga tao na magkaroon ng pagkakataon na gumawa ng sarili nilang desisyon? Paano natin maigagalang ang kalayaang pumili ng mga miyembro ng pamilya at kasabay nito ay mahikayat sila na gumawa ng wastong mga desisyon? Paano ninyo matutulungan ang mga miyembro ng pamilya na maunawaan ang kalalabasan ng kanilang mga desisyon?
-
Bagama’t malaya tayong gumawa ng mga desisyon, paano malilimitahan ng mga desisyong di matwid ang ating kalayaan? Paano ninyo nadamang lumaki ang inyong kalayaan dahil sa mga desisyong matwid?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Josue 24:15; Mga Taga Galacia 6:7; 2 Nephi 2:14–16, 26–27; Helaman 14:30–31; D at T 58:26–28; 101:78; Moises 4:1–4; 6:33