Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 14: Ang mga Pananagutan at Orden ng Priesthood


Kabanata 14

Ang mga Pananagutan at Orden ng Priesthood

Ang organisasyon ng Simbahan ay … alinsunod sa mga alituntuning inihayag ng Diyos.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Malakas ang paniniwala ni Pangulong Taylor tungkol sa orden at organisasyon sa loob ng priesthood, at nagturo na ang priesthood ay “isang huwaran ng mga bagay sa kalangitan” at siyang paraan “kung paano ang mga pagpapala ng Diyos ay napupunta sa kanyang mga tao sa lupa.”2 Pinasimulan niya ang pagganap ng lingguhang pagpupulong ng priesthood sa mga ward, kasama ang buwanang pagpupulong ng priesthood sa mga stake at pagpupulong ng mga stake bawat tatlong buwan, upang mahikayat ang mga may tangan ng priesthood na matutuhan at gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Dahil sa pagkamatay ni Brigham Young noong Agosto 1877, nabuwag ang Unang Panguluhan, at ang Korum ng Labindalawang Apostol, na pinamunuan ni John Taylor bilang Pangulo, ang naging namumunong katawan ng Simbahan. Bagamat batid ni Pangulong Taylor na sa mga ganitong pagkakataon ang Labindalawa bilang isang korum ay kapantay ng Unang Panguluhan sa karapatan (tingnan sa D at T 107:22–24, batid niya rin na ang nararapat na orden ng priesthood ay nagsasaad na ang Simbahan ay dapat pamunuan ng isang Pangulo at ng kanyang dalawang tagapayo. Sa pagkakataon din iyon, mapagpakumbaba niyang sinikap na gawin lamang ang kalooban ng Panginoon at hindi naghangad na magkamit ng anumang katungkulan para sa kanyang sarili.

Makalipas ang higit tatlong taon pagkaraang mamatay si Brigham Young, muling binuo ang Unang Panguluhan. Noong ika-10 ng Oktubre 1880, sinang-ayunan si Pangulong John Taylor bilang Pangulo ng Simbahan, kasama sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith bilang mga tagapayo. Sa kanyang pagsasalita sa araw ng pagsang-ayon na ito, sinabi ni Pangulong Taylor: “Kung hindi lamang natin tungkulin na iorganisa nang lubos at buo ang simbahan sa lahat ng mga departamento nito, higit kong nanaisin na magpatuloy kasama ng mga kapatid sa labindalawa, at sinasabi ko ito bilang pansariling damdamin lamang. Ngunit may mga katanungang lumalabas hinggil sa mga bagay na ito na hindi para atin upang sagutin kung paano, o kung anong hakbang ang gagawin. Nang pagkalooban tayo ng Diyos ng isang orden at magtalaga ng isang organisasyon sa kanyang simbahan, na may iba’t ibang korum ng priesthood tulad ng inilahad sa atin sa pamamagitan ng paghahayag kay Propetang Joseph Smith, hindi ko inaakalang ang alin man sa Unang Panguluhan, sa labindalawa, sa mga high priest, sa mga pitumpu, sa mga bishop, o sinuman, ay may karapatang palitan o baguhin ang plano na ipinakilala at itinatag ng Panginoon.”

Pagkaraan ay kanyang pinansin na mula sa pagkamatay ni Brigham Young, ang priesthood ay lubos na naorganisa, maliban sa Unang Panguluhan at dahil kailangan na ang korum ng Unang Panguluhan, at ang iba pang korum, ay dapat na punan ang lugar na itinalaga rito ng Makapangyarihan.

Patuloy ni Pangulong Taylor: “Ito ang mga mungkahi ng Espiritu ng Panginoon sa akin. Ipinahayag ko ang aking damdamin sa labindalawa, na sumang-ayon sa akin, at katunayan, ang ilan sa kanila ay mayroong mga damdaming tulad ng sa akin. Hindi ito para atin, o hindi nararapat, na ito ay ituring lamang na isang katayuan, posisyon, o karangalan, bagamat isang malaking karangalan ang maging tagapaglingkod ng Diyos. Isang malaking karangalan ang humawak sa priesthood ng Diyos. Ngunit bagamat isang karangalan ang maging mga tagapaglingkod ng Diyos, o humawak ng kanyang priesthood, hindi marangal para sa isang lalaki o sa isang pulutong ng kalalakihan na maghangad ng posisyon sa banal na priesthood. Sinabi ni Jesus, Hindi ninyo ako tinawag, kundi tinawag ko kayo [tingnan sa Juan 15:16]. At gaya ng nasabi ko noon, kung aking sinangguni ang aking mga pansariling damdamin, aking sasabihing, ang mga bagay-bagay ay tumatakbo nang maganda, maayos, at nang may pagkakasundo; at ako ay may mabuting mga kasama na aking iginagalang at pinahahalagahan bilang aking mga kapatid, at nagagalak ako sa kanilang mga payo. Hayaang manatiling ganito ang mga bagay. Ngunit hindi para sa akin ang sabihin, hindi para sa inyo ang sabihin kung ano ang nanaisin ng bawat isa sa atin, kundi nasa ating mga may tangan ng banal na priesthood ang tiyaking ang mga organisasyon ng priesthood na ito ay nananatiling buo at ang lahat ng bagay sa simbahan at sa kaharian ng Diyos ay naoranisa alinsunod sa plano na kanyang ipinahayag. Samakatwid, ating isinagawa ang hakbang na kung saan ay tinawag kayo upang sang-ayunan sa pamamagitan ng inyong mga boto sa araw na ito.”3

Mga Turo ni John Taylor

May dalawang priesthood, at ang mga ito ay ang Melchizedek at Aaronic.

Una—Nalaman nating may dalawang malinaw na pangkalahatang priesthood, at ang mga ito ay ang Melchizedek at Aaronic. … Pangalawa—Na kapwa sila ipinagkakaloob ng Panginoon; na kapwa sila walang katapusan, at nangangasiwa sa ngayon at sa kawalang hanggan. Pangatlo—Na ang Melchizedek priesthood ang may hawak ng karapatan ng panguluhan, at may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa simbahan sa lahat ng kapanahunan ng daigdig, upang mangasiwa sa mga espirituwal na bagay. Pang-apat—Na ang pangalawang priesthood ay tinatawag na priesthood ni Aaron, sapagkat ito ay ipinagkaloob kay Aaron sa kanyang binhi sa lahat ng kanilang salinlahi. Panglima—Na ang nakabababang [o Aaronic] priesthood ay isang bahagi, o kaakibat ng nakatataas, o Melchizedek priesthood, at may kapangyarihan na mangsiwa sa mga panlabas na ordenansa. … Pang-anim—Na mayroong panguluhan sa bawat isa sa mga priesthood na ito, kapwa sa Melchizedek at sa Aaronic.

Pampito—Na bagamat ang kapangyarihan ng nakatataas, o Melchizedek Priesthood ay humawak sa mga susi ng lahat ng espirituwal na pagpapala ng simbahan; upang magkaroon ng pribilehiyong makatanggap ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, upang mabuksan ang langit sa kanila, upang makipag-usap sa pangkalahatang pagpupulong at simbahan ng Panganay, at upang ikalugod ang pakikipag-usap at pagharap ng Diyos Ama, at ni Jesus, ang Tagapamagitan ng bagong tipan, at ang mangulo sa lahat ng espirituwal na namumuno sa simbahan, gayunman ang panguluhan ng mataas na pagkasaserdote, alinsunod sa orden ni Melchizedek, ay may karapatang gumanap sa lahat ng katungkulan sa simbahan, kapwa espirituwal at temporal.

“Pagkatapos darating ang Mataas na Pagkasaserdote, na siyang pinakadakila sa lahat. Dahil dito, talagang kinakailangan na may isang itatalaga sa Mataas na Pagkasaserdote upang mamuno sa pagkasaserdote, at siya ay tatawaging Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan.” [D at T 107:64–66.]

Malinaw na makikitang ang priesthood na ito ang nangungulo sa lahat ng pangulo, sa lahat ng bishop, kabilang na ang nangungulong bishop; sa lahat ng konseho, mga organisasyon, at awtoridad sa buong simbahan, sa buong mundo.

Ang bishopric ang panguluhan ng Aaronic Priesthood, na kaakibat sa nakatataas o Melchizedek Priesthood [tingnan sa D at T 107:14], at walang tao ang may legal na karapatan na hawakan ang mga susi ng Aaronic Priesthood, na nangungulo sa lahat ng bishop at sa lahat ng nakabababang priesthood, maliban na siya ay literal na inapo ni Aaron. Ngunit, dahil ang isang high priest ng Melchizedek Priesthood ay may karapatang gumanap sa lahat ng nakabababang katungkulan, maaari siyang gumanap sa katungkulan ng bishop. … kung tinawag, inilaan, at inordenan sa kapangyarihang ito sa pamamagitan ng mga kamay ng panguluhan ng Melchizedek priesthood. [Tingnan sa D at T 107:17.]4

Itong mataas na [o Melchizedek] priesthood, sinabi sa atin, ay humawak sa karapatang ng panguluhan sa lahat ng panahon ng mundo [tingnan sa D at T 107:8]. Ngunit may pagkakaiba sa pagitan ng pangkalahatang kapangyarihan ng priesthood, at sa partikular na katungkulan o pagkakatawag kung saan inilalaan ang mga tao. … Dahil ang isang lalaki ay high priest, siya ba ay apostol? Hindi. Dahil ang isang lalaki ay high priest, siya ba ay pangulo ng isang stake, o tagapayo sa pangulo ng isang stake? Hindi. Dahil siya ay isang high priest, siya ba ay isang bishop? Hindi, hindi sa anumang paraan. At ganon din, sa iba pang katungkulan. Ang mataas na priesthood ay may hawak ng karapatan na mangasiwa sa yaong mga ordenansa, katungkulan, at mga lugar, kapag sila ay itinalaga sa pamamagitan ng nararapat na mga awtoridad, at hindi sa alin pa mang panahon; at habang sila ay sinasang-ayunan din ng mga tao. … Hindi dahil ang isang tao ay humahawak sa alinmang klase ng priesthood ay mangangasiwa na siya sa lahat ng katungkulan ng priesthood na iyon. Nangangasiwa lamang siya sa mga ito kung kapag siya ay tinawag at inilaan para sa layuning ito.5

Ang mga katungkulan ng priesthood ay ipinagkaloob para gawing ganap ang mga Banal.

Naglagay ang Panginoon sa Kanyang simbahan ng mga apostol at mga propeta, mga high priest, mga pitumpu, mga elder, atbp. Para sa ano? Para gawing ganap ang mga Banal. [Tingan sa Mga Taga Efeso 4:11–12.] Bilang panimula, tayo bang lahat ay ganap na? Hindi. Ang iba’t ibang may katungkulang ito ay narito para gawing ganap ang mga Banal. Ano pa? Para sa gawain sa ministeryo, upang ang mga tao ay maging kwalipikado at maalam at maging puspos ng katalinuhan, karunungan, at liwanag, at matutong magpahayag ng mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan at ilabas mula sa kabang-yaman ng Diyos ang mga bago at dating bagay, mga bagay na nilayon upang isulong ang kapakanan ng mga tao. Ngayon, samakatwid, dahil ang mga may katungkulang ito ay inilagay sa simbahan, ang bawat isa sa kanila ay dapat na igalang sa kanyang katungkulan.6

Ipinatalastas ng Diyos sa mga Banal sa mga Huling Araw ang mga alituntunin na hindi nauunawaan ng sanglibutan, at dahil hindi nila maunawaan ang mga ito, hindi nila maunawaan ang ating mga damdamin. Tinatawag nilang mabuti ang masama, liwanag ang kadiliman, mali ang tama, at tama ang mali, dahil wala silang kaparaanan upang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng isa’t isa. “Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote,” [tingnan sa I Pedro 2:9] na ibinukod at inilaan ng Makapangyarihan para sa pagsasakatuparan ng kanyang mga layunin. Inordenan ng Diyos mula sa inyo ang mga pangulo, mga apostol, mga propeta, mga high priest, mga pitumpu, mga bishop, at iba pang awtoridad; sila ay sa kanyang pagtatalaga, at binigyang lakas at pinapatnubayan niya, sa ilalim ng kanyang impluwensiya, nagtuturo ng kanyang mga batas, nagbubukas sa mga alituntunin ng buhay, at naorganisa at sadyang inordenan upang akayin ang mga tao sa landas ng kadakilaan at walang hanggang kaluwalhatian.7

O, kung atin lamang mauunawaan ang kaluwalhatian, ang katalinuhan, ang kapangyarihan, ang kamaharlikaan at pamamahala ng ating Ama sa langit! Kung atin lamang mapagmuni-munian ang kadakilaan, ang kaluwalhatian, ang kaligayahan na naghihintay sa matwid, sa dalisay at sa malinis, sa mga yaong may takot sa Diyos, sa siya ring mga Banal ng Pinakamataas! Kung atin lamang mauunawaan ang dakilang mga pagpapala na inilaan ng Diyos para sa mga taong may takot sa Kanya at tumatalima sa Kanyang mga batas at tumutupad sa Kanyang mga kautusan, makadarama tayo nang malaking pagkakaiba sa nadarama natin. Ngunit hindi natin ito magawa. Kinuha tayo ng Panginoon mula sa iba’t ibang bansa upang tayo ay maturuan sa mga bagay sa kaharian ng Diyos. Kanyang ipinagkaloob ang Kanyang Banal na Priesthood para sa layuning ito. Ang mga organisasyon na mayroon tayo, ang mga Stake at mga Ward, kasama ang kanilang mga Panguluhan at mga Bishop, mga Mataas na Konseho, mga High Priest, mga Pitumpu, mga Elder, mga Priest, mga Teacher at mga Deacon, atbp., ay inilagay ng Makapangyarihan sa Simbahan upang turuan at iangat tayo.8

Naorganisa tayong may mga apostol at mga propeta: may mga pangulo at kanilang mga tagapayo, may mga bishop at kanilang mga tagapayo, may mga elder, mga priest, mga teacher, at mga deacon. Naorganisa tayo alinsunod sa orden ng Diyos, at ang mga alituntuning ito na maliit sa ating paningin ay nagbuhat sa Diyos. Mayroon tayong mga pitumpu at mga high priest, at ang lahat ng kalalakihang ito ay humahawak ng mga katungkulan na inaasahan sa kanila na kanilang isasakatuparan at gagampanang matapat, dito sa laman, sa mga interes ng katotohanan at katuwiran; sa mga interes ng kaharian ng Diyos at ng pagtatatag ng tumpak na mga alituntunin sa mga Banal ng Kataastaasan. Narito tayo upang makipagtulungan sa Diyos sa pagligtas ng mga buhay, sa pagtubos ng mga patay, sa pagpapala sa ating mga ninuno, sa pagbuhos ng mga biyaya sa ating mga anak; narito tayo sa layunin ng pagtubos at pagpapabagong-buhay sa daigdig kung saan tayo nananahan, at inilagay ng Diyos ang kanyang karapatan at ang kanyang mga payo dito sa daigdig para sa layuning iyon, upang matutuhan ng mga tao na gawin ang kalooban ng Diyos sa lupa katulad ng sa langit. Ito ang layunin ng ating pagkabuhay. At tungkulin nating maunawaan ang ating katayuan.9

Ang priesthood ay itinatag alinsunod sa orden ng Diyos.

[Ang priesthood] ay isang orden, sa aking pagkakaunawa, na pinasimulan ng Makapangyarihan, at sa pamamagitan Niya lamang. Hindi ito sa tao, o nagbuhat ito sa tao; at dahil hindi ito nagbuhat sa tao, ganoon din naman hindi ito susulong o magagawang ganap ng tao nang walang pamamatnubay ng Makapangyarihan. Sa katunayan, sa kabila ng lahat ng tulong na ito, sa kabila ng lahat ng organisasyong ito, sa kabila ng lahat ng alituntning ito, dahil sa kahinaan at karupukan ng tao, nakikita nating mahirap panatilihin ang kadalisayan ng mga yaong sagradong institusyon na ibinigay sa atin ng Diyos, at nagpapatuloy tayo sa pangangailangan ng pinakamalaking pag-iingat, pagpapakumbaba, pagtanggi sa sarili, pagsusumikap, pagiging mapagmasid at pananalig sa Diyos.10

Kung tumanggap tayo ng anumang katungkulan, o pagkakatawag, o karapatan, o anumang kapangyarihan upang mangasiwa sa alinman sa mga ordenansa, tinanggap natin ito mula sa kamay ng Diyos, at magagawa lamang natin ang mga ordenansang ito alinsunod sa priesthood na ipinagkaloob sa atin upang hawakan. … Kung gagampanan natin ang ating mga tungkulin, ng bawat isa sa atin sa ating angkop na mga posisyon, binibigyan tayo ng Diyos ng kapangyarihan na makamtan ang layuning inaasam natin, maging anuman ito, o anumang priesthood ang hinahawakan natin, maging ito man ay bilang Pangulo ng Simbahan, o Pangulo ng stake, o Bishop, o High Councilor, o High Priest, o Pitumpu, o bilang Elder, Priest, Teacher o Deacon; maging anuman, kapag ginampanan nila ang mga tungkulin na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ang Diyos, sila ay aalalayan niya sa kanilang mga gawain at pamamahala.11

Ikaw at ako ay maaaring lumabag sa ating mga tipan; ikaw at ako ay maaaring yumurak sa mga alituntunin ng Ebanghelyo at lumabag sa orden ng Priesthood at sa mga utos ng Diyos; ngunit mula sa mga hukbo ng Israel ay may libu-libo at sampu-sampong libo na magiging tapat sa mga alituntunin ng katotohanan, at ang Diyos sa kalangitan, at ang mga banal na anghel at ang sinaunang Priesthood na ngayon ay nananahan kung saan nananahan ang Diyos ay nagkakaisa lahat para sa pagsasakatuparan ng layuning ito. Isusulong ng Panginoon ang Kanyang mga layunin sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon. At dahil sa ganitong pagkakaorganisa, gaya ng nasabi ko na, hindi para sa atin ang kumilos ayon sa pansarili nating naiisip, kundi ayon sa pagdidikta ng Diyos.

Mayroon tayong regular na orden sa Simbahan. Kayo mga kapatid, na may tangan ng banal na Priesthood, ay nakauunawa sa mga bagay na ito. Hindi ba nagbigay ang Diyos sa bawat tao ng bahagi ng Kanyang Espiritu upang pakinabangan naman? Oo. Hindi ba gumawa Siya nang higit pa rito para sa mga banal na tunay at matapat? Hindi ba ibinigay Niya sa kanila ang kaloob na Espiritu Santo? Ginawa Niya, at batid at napagtatanto nila ito. Nagawa nito na makipagtalastasan sila sa isa’t isa, at makipagtalastasan sa Diyos at sa mga hukbo ng langit. Ngunit kahit na may Espiritu tayong ganito, nangangailangan pa ba tayo ng iba upang pumatnubay sa atin? Oo, sa lahat ng oras. Bakit? Dahil sa mga kapangyarihan ng kadiliman, sa impluwesiya ni Satanas at sa likas na kahinaan ng tao. Kailangan natin ng mga bantay sa tore ng Sion, na mapagmasid sa pagbantay sa kapakanan ng Israel, at upang tiyakin na hindi naliligaw ang mga tao ng Diyos. … Ang lahat ng namumuno na kinakailangan para sa gawain ng ministeryo ay matatagpuan sa Simbahan, at ang lahat ng bagay ay itinatag alinsunod sa orden ng Diyos.12

Ang priesthood ay dapat na gamitin nang may kabaitan, at may katapatan sa Diyos.

Nararapat na mayroon tayong pagdamay sa isa’t isa, at makadama ng pagpapahalaga sa pinakamaliit sa mga nilikha ng Diyos, at lalung-lalo na para sa mga Banal ng Diyos, nang hindi tinitingnan kung anong posisyon man ang kanilang hinahawakan. Kung mayroon mang nagkakamali, hangaring maiwasto sila sa pamamagitan ng kabaitan; kung sila man ay may hindi magandang espiritu, magpakita sa kanila ng higit na mabuting espiritu; kung mayroon mang hindi gumagawa nang tama, gumawa kayo mismo ng mabuti at sabihing, “Halika, sumunod sa akin, gaya ng aking pagsunod kay Cristo.” Hindi ba ito ang landas na nararapat lakaran? Sa palagay ko ay ito; ganitong paraan ang pagkakaunawa ko sa Ebanghelyo. Hindi sumasaatin, sa sinuman sa atin, ang priesthood para sa pagpaparangya sa ating sarili, o gamitin ito upang apihin o pagsamantalahan ang sinuman, o gumamit ng hindi angkop na pananalita; kundi ng buong kabaitan at mahabang pagtitiis at pagpapahinuhod at hindi pakunwaring pag-ibig. Magbabasa ako mula sa Doktrina at mga Tipan. …

“Masdan, marami ang tinawag, subalit iilan ang napili. At bakit sila hindi napili? Sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito, at naghahangad ng mga parangal ng tao, kaya hindi nila natutuhan ang isang aral na ito—” na siyang bagay na tinutukoy ko mismo—“Na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at na ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.” Sa palagay ninyo ay magbibigay ang Diyos ng kapangyarihan sa tao upang maisagawa lamang ang kanyang makitid o makasariling mga layunin? Sinasabi ko sa inyo hindi niya kailanman gagawin ito, hindi kailanman, hindi magpakailanman. “Na ito ay maaaring igawad sa atin, ito ay totoo; subalit kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote ng taong iyon.” [Tingnan sa D at T 121:34–37.]

Naiisip natin kung minsan, na nakatayo tayo sa sangkalangitan kay Cristo Jesus; at tunay ngang nakatayo tayo. Ngunit walang priesthood ng Anak ng Diyos na nagbibigay karapatan sa isang tao na apihin ang isa pa o panghimasukan ang kanyang mga karapatan sa anumang paraan. Walang ganoong bagay sa ganitong kategorya; hindi ito umiiral; gaya ng nasasabi—“Masdan, bago niya mabatid, siya ay naiwan sa kanyang sarili, upang sumikad sa mga tinik, upang usigin ang mga banal at lumaban sa Diyos.” [D at T 121:38.]13

Walang anumang karapatang may kaugnayan sa Banal na Priesthood malibang ito ay sa alituntunin ng panghihikayat, at walang sinumang tao ang may karapatang ipagmarangya ang kanyang sarili sa anumang posisyon na kanyang hinahawakan sa Simbahan, sapagkat siya ay isa lamang tagapaglingkod ng Diyos, at isang tagapaglingkod ng mga tao, at kung may sinumang tao na magtatangka na gumamit ng anumang di makatarungang karapatan at kumilos sa anumang antas ng kawalang katwiran, pananagutin ng Diyos ang taong yaon sa bagay na ito, at tayong lahat ay hahatulan alinsunod sa mga gawang ginawa sa katawang-lupa. Naririto tayo bilang mga tagapagligtas ng tao, hindi bilang mga maniniil at mang-aapi. …

. … Tungkulin nating mga may tangan ng Banal na Priesthood na maging dalisay. “Kayo’y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.” [Tingnan sa Isaias 52:11.] Katungkulan ng bawat isa sa atin na maging dalisay, at sabihin sa iba, “sumunod sa akin, gaya ng aking pagsunod kay Jesus.” Tungkulin natin na ipamuhay ang ating relihiyon at sundin ang mga batas ng Diyos, at gampanan ang mga tungkuling nakaatang sa atin.14

Hindi ako naniniwala sa anumang anyo ng paniniil. Naniniwala ako sa mahabang pagtitiis, sa pagkahabag, sa kabaitan, sa kahinahunan, at sa pag-ibig at pagkatakot sa Diyos. Hindi ako naniniwala na ang priesthood ay ipinagkaloob sa tao upang gumamit ng lakas o kapangyarihan sa mga kaluluwa ng ibang tao. Ang lahat ng bagay ay dapat gawin nang may kabaitan at mahabang pagtitiis, ngunit may katapatan sa Diyos.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit mahalaga na magkaroon ng orden sa loob ng priesthood? Paano makatutulong ang orden na ito sa bawat isa sa atin na matugunan ang mga pangangailangan ng mga yaong may pananagutan tayo?

  • Anu-ano ang iba’t ibang katungkulan sa priesthood? (Tingnan din sa Mga Taga Efeso 4:11–12.) Paano ninyo nakita ang iba’t ibang katungkulan sa priesthood na tumutulong sa “pagiging ganap ng mga Banal”?

  • Anu-anong karanasan mayroon kayo kung saan kayo ay pinagpala sa pagsunod sa payo ng mga namumuno sa priesthood, kahit hindi ninyo maunawaan o sinang-ayunan ang payo noong una?

  • Sa pagtalakay sa pamumuno na tulad ng kay Cristo, hinikayat ni Pangulong Taylor ang mga may tangan ng priesthood na ipamuhay ang mga salitang, “Halika, sumunod sa akin, gaya ng aking pagsunod kay Cristo.” Paano pagpapalain ng payo na ito ang ating mga ugnayan sa ating pamilya at sa iba? Paano ang paggalang sa kababaihan ay nakatutulong sa kalalakihan na igalang ang priesthood?

  • Bakit pinahihina o sinisira ng kapalaluan ang kapangyarihan ng priesthood? Paano natin mapalalakas ang mga katangian ng kabaitan, mahabang pagtitiis, kahinahunan, at hindi pakunwaring pag-ibig? Sa anu-anong paraan mahihikayat natin ang ganitong mga katangian sa mga yaong kasama natin sa paglilingkod sa Simbahan?

  • Sa anu-anong paraan ninyo matutulungan ang mga may tangan ng Aaronic Priesthood sa inyong pamilya at sa ward na maghanda para sa pribilehiyo na mahawakan ang Melchizedek Priesthood?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Taga Efeso 4:11–15; D at T 20:38–67; 84:18–32, 109–110; 107; 121:33–46

Mga Tala

  1. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 159.

  2. Deseret News (Lingguhan), ika-28 ng Dis. 1859, 337.

  3. The Gospel Kingdom, 141–42.

  4. The Gospel Kingdom, 155–56; binago ang pagkakaayos ng mga talata at pagbabantas.

  5. The Gospel Kingdom, 197–98.

  6. The Gospel Kingdom, 165.

  7. Deseret News (Lingguhan), ika-8 ng Mayo 1872, 181.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, ika-3 ng Ene. 1882, 1

  9. Deseret News: Semi-Weekly, ika-1 ng Hun. 1880, 1.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, ika-8 ng Mar. 1881, 1.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-10 ng Ago. 1880, 1.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, ika-21 ng Okt. 1884, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, ika-19 ng Ago. 1879, 1.

  14. Deseret News: Semi-Weekly, ika-14 ng Ago. 1883, 1.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, ika-24 ng Mar. 1885, 1.

priesthood blessing

“Kung tumanggap tayo ng anumang katungkulan, o pagkakatawag, o karapatan, o anumang kapangyarihan upang mangasiwa sa alinman sa mga ordenansa, tinanggap natin ito mula sa kamay ng Diyos.”

First Presidency 1887

Ang Unang Panguluhan ng Simbahan mula 1880 hanggang 1887: Pangulong John Taylor (gitna) at ang kanyang mga tagapayo, George Q. Cannon (kaliwa) at Joseph F. Smith (kanan).