Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Ang Sabbath ay Isang Banal na Araw


Kabanata 12

Ang Sabbath ay Isang Banal na Araw

Ipinag-utos sa atin na alalahanin ang araw ng Sabbath at ipangilin ito.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Kagaya ng nabanggit sa nakaraang kabanata, mula noong huling bahagi ng Hunyo 1847, pinamunuan nina Elder John Taylor at Elder Parley P. Pratt ang isang pulutong ng mahigit sa 1,500 na Banal mula sa Winter Quarters patungo sa Lambak ng Salt Lake. Sa pagsasalarawan sa pagsisimula ng paglalakbay na ito, isinulat ni Elder B. H. Roberts:

“Huli na sa panahon upang magsimula nang ganoong ekspedisyon. Lubha nang huli upang makapaghasik sila ng mga pananim para sa taong iyon, kahit na patungo lamang sila sa silangang paanan ng Rocky Mountains. Halos sapat lamang ang kanilang mga probisyon para sa isa at kalahating taon, at kung hindi magiging maganda ang ani ng unang pananim, magugutom sila sapagkat sila ay mga 1,600 hanggang 2,400 kilometro mula sa pinakamalapit na lugar kung saan makakukuha ng pagkain. …

“Kanilang isinakripisyo ang lahat (gayon din ang kanilang buhay), kasama na ang kanilang mga kabiyak at mga anak, na dapat na makibahagi sa kanilang paghihirap at sa kanilang kapalaran. Hindi nila batid ang kanilang destinasyon, ipinagkatiwala nila ang lahat sa isang paglalakbay na wala nang balikan pa. Kung hindi sila makatatagpo ng isang mahusay na lugar upang makapaghasik sa unang panahon ng pagtatanim, wala nang panustos na makararating sa kanila, at wala silang mapagkukunan ng mga ito. Kinakailangang magtagumpay sila, o mangamatay sa ilang kung saan nagsimula ang kanilang paglalakbay.”

Sa kabila ng ganitong mapanganib na kalagayan at ng pangangailangan na marating nila ang Lambak ng Salt Lake bago sumapit ang taglamig, itinitigil ang paglalakbay tuwing Linggo para sa paggunita sa araw ng Sabbath. Nagpatuloy si Elder Roberts, “Ipinangilin ang Sabbath bilang araw ng pamamahinga, ginanap ang mga serbisyong pangrelihiyon sa bawat kampo, at ang katahimikan ng malawak na ilang ng Kanluran ay binasag ng awitan ng mga Banal na inaawit ang mga himno ng Sion.” Noong ika-5 ng Oktubre 1847, ang mga pangkat nina Taylor at Pratt ay maluwalhating nakarating sa Lambak ng Salt Lake at nagsimula sa mga kinakailangang paghahanda para sa pagsapit ng taglamig.2

Para kay Pangulong John Taylor, ang Sabbath ay araw ng pagsamba, pamamahinga, at pagbubulay-bulay. Kanyang hinikayat ang mga Banal na “panatilihing banal ang araw ng Sabbath, italaga ito bilang araw ng pahinga, isang araw ng pagtitipon upang tanggapin ang sakramento at pakinggan ang mga salita ng buhay, at masumpungan kayong tumutupad sa mga kautusan, at nagpapakita ng magandang halimbawa sa inyong mga anak.”3

Mga Turo ni John Taylor

Ang Sabbath ay araw ng pagsamba sa Diyos nang buo nating puso.

Ang pinakamagaling sa atin ay hindi pa sapat; higit na mainam na magkakasama tayo, at makagagawa tayo nang higit na magaling at higit na masiyahan sa buhay, dahil higit na mananahanan ang Espiritu ng Panginoon sa ating mga tahanan at sa ating mga puso, at makagagawa ng higit pa upang maisulong ang kapakanan ng lahat nang lumalapit sa atin. Ang paglingkuran ang Panginoon ay isa sa mga pinakamahalagang layunin ng ating buhay, at tinatanggap kong malaking pribilehiyo ang pagkakataong tinatamasa natin upang makasamba sa Diyos sa araw ng Sabbath. At kapag tayo ay sumasamba sa Diyos, nais kong makita na ginagawa natin ito nang buo nating puso. Sa aking palagay ay tunay na wala sa lugar sa mga ganitong okasyon ang marinig ang mga tao na pinag-uusapan ang mga makamundong bagay. Dapat na sa mga panahong ito, higit sa anupamang panahon, ang ating mga damdamin at ang ating mga pag-aalala ay nakatuon sa Diyos. Kapag umaawit tayo ng mga awitin ng papuri sa Diyos, gawin natin ito sa tamang diwa. Kapag nananalangin tayo, dapat na sumabay ang lahat ng kaluluwa sa pagdarasal, at ginagawa ito ng buo nating puso upang sa pamamagitan ng ating pagkakaisa ay magkaisa rin ang ating mga espiritu, at upang ang ating mga panalangin at ang ating pagsamba ay mapasa-Diyos, na ang Espiritu ay sumasalahat ng mga bagay, at palagiang nananahan sa pagkakatipon ng mabubuti at matatapat na Banal.

Sasabihin ko sa inyo kung ano ang aking nadarama sa umaga ng Sabbath. Napagtanto kong ito ay araw na itinalaga sa pagsamba sa Makapangyarihang Diyos, at nararapat na sa araw na ito ay sambahin ko mismo ang Diyos, at dapat na tingnan ko ang aking pamilya at alamin kung ganito rin o hindi ang kanilang ginagawa. Sapagkat ipinag-utos sa atin na panatilihing banal ang araw ng Sabbath at mamahinga sa lahat ng ating gawain, gaya ng ginawa ng Diyos nang Kanyang likhain ang lupa kung saan tayo nananahan. Binigyan Niya tayo ng anim na araw upang gampanan ang iba’t ibang gawain at tungkulin sa buhay, at kung ating ipangingilin ang Sabbath, gawin natin itong katanggap-tanggap sa Diyos na ating Ama, na inilalaan ang ating sarili sa kanya, kahit man lang sa araw na iyon, at itinutuon ang ating mga damdamin at pag-aalala sa kanya. Ang mga Elder ng Israel sa buong sanglibutan ay gumagawa sa araw na ito sa pagtatangka na maituro ang mga alituntunin ng kaligtasan, at nadarama kong nais ko silang ipanalangin, at pati rin ang mga misyonerong pumupunta sa mga Banal sa lupaing ito, at pati rin ang mga nagsasalita, gaya ng mga yaong nagtuturo sa pagkakatipon ng mga Banal sa lupaing ito at sa lahat ng lupain. Dahil ang araw na ito ay itinalaga para sa pagsamba sa Diyos, ang buong Israel sa lahat ng dako ay mapasailalim nawa sa impluwensiya at paggabay ng Espiritu ng buhay na Diyos, at ang mga yaong nagsasalita ay mapasailalim nawa sa banal na impluwensiya ng Espiritu Santo, at maibahagi sa mga kongregasyon ang mga salita ng buhay na walang hanggan.4

Ang Sabbath ay araw upang magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu.

Kasiya-siya para sa mga Banal ang magtipon at makipag-usap sa isa’t isa, ang pakinggan ang mga salita ng buhay, ang pagbulay-bulayan ang kanilang katayuan at kaugnayan sa Diyos, sa Kanyang Simbahan at Kaharian, at gayon din naman ay suriin ang sarili nilang mga damdamin. At sa pamamagitan ng paggabay ng Panginoon at ng Kanyang Banal na Espiritu ay mabatid kung anong kaugnayan ang nananatili sa pagitan nila at ng Diyos, at kung kanilang ginagampanan ang iba’t ibang tungkuling nakaatang sa kanila, at kung kanilang sinisikap na magawa ang salita, ang kalooban, at ang batas ng Diyos.5

Kapag tayo … ay nagkakatipon, maaasahan nating tumanggap ng paggabay at mga pagpapala mula sa Diyos, na kung kanino ito nanggagaling ay ipinababatid sa atin ng Banal na Kasulatan na “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas;” at sa Kanya, ipinabatid din sa atin na, “walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.” [Tingnan sa Santiago 1:17.] Sa ating mga pagkakatipon, ang yaong mga nagsasalita at ang yaong mga nakikinig ay dapat na nasa ilalim ng paggabay at pamamatnubay ng Panginoon, ang Bukal ng Liwanag. Sa lahat ng tao sa ilalim ng kalangitan, tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay palagiang napagtatanto ang pangangailangang manalig sa Diyos sa lahat ng bagay. Ang nakikita ko dito ay, gaano man ang katalinuhang ibinabahagi, gaano man kahusay ang pagkakabigkas at kay sigla man ng idinudulot ng pakikipagtalastasan, hindi sila pakikinabangan ng mga nakikinig malibang sila ay nasa ilalim ng paggabay at inspirasyon ng espiritu ng Diyos.6

Walang sinumang taong nabubuhay, at walang sinumang taong nabuhay, ang nakapagturo ng mga bagay ng Diyos malibang siya ay tinuruan, tinagubilinan, at pinatnubayan ng espiritu ng paghahayag na nagbubuhat sa Makapangyarihang Diyos. At walang sinumang tao ang may kakayahang tumanggap ng tunay na katalinuhan at makabuo ng wastong pagpapasiya na may kinalaman sa mga sagradong alituntunin ng buhay na walang hanggan, malibang sila ay nasa ilalim ng impluwensiya ng ganoon ding espiritu. Samakatwid, ang mga nagsasalita at mga nakikinig ay kapwa sumasakamay ng Makapangyarihang Diyos.7

Madalas tayong magkatipon, bilang matatalinong tao, na may paghahangad na makaunawa sa mga bagay tungkol sa iisa nating pinagmulan, sa pangkasalukuyan nating buhay, at sa ating kapalaran sa hinaharap. Nagpupulong tayo upang masumpungan ang mga bagay na may kinalaman sa ating Ama sa Langit, na may kinalaman sa kanyang makalangit na pakikitungo sa sangkatauhan, na may kinalaman sa kanyang mga patakaran at panukala para sa atin, at may kinalaman sa layunin ng pagkakalikha sa atin. At ang malaman, kung maaari, ang tungkol sa sanglibutan sa kabila ng ating kinalalagyan ngayon. Ang mga bagay na ito ang ilan sa marami na hinahangad nating mabatid, maunawaan, matuklasan, kung maaari.8

Wala akong nalalamang ibang paraan upang tayo ay maturuan, matagubilinan, at gawing makaunawa sa ating tunay na katayuan, maliban sa ilalim ng impluwensiya ng Espiritu ng Diyos na buhay. Ang isang tao ay maaaring magsalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, ngunit nangangailangan din ito na ang isang bahagi ng Espiritung yaon ay pumaroon sa mga nakikinig, upang magawa nilang tumpak na maunawaan ang mga kahalaghan ng mga bagay na inilalahad sa kanila, samakatwid ito ang suliranin tuwina ng Panginoon at ng kanyang mga banal sa pagpapaunawa sa mga tao sa mga bagay na tanging para sa kanilang mga interes. Itinuturing natin na kung matuturuan tayo ng Diyos ay napakainam nito. Naniniwala akong ituturing ng buong sanglibutan na isang malaking biyaya. At pagkatapos ang tanong na papasok sa kanilang isipan ay kung ang mga turong kanilang tinatanggap ay nagmula sa Diyos o hindi. Paano nila ito malalaman? Wala akong alam na ibang paraan maliban sa yaong nakasaad sa Banal na Kasulatan, “Nguni’t may espiritu sa tao, At ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa.” (Job 32:8). At muli, sinabi sa atin sa Bagong Tipan na “Ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios. [Tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:11.] Samakatwid, ang lahat ng karunungan, ang lahat ng katalinuhan, ang lahat ng katuwiran, ang lahat ng pilosopiya, at ang lahat ng argumentong mapasasaisip ng tao ay mawawalang halaga malibang ang isip ng tao ay nakahandang tanggapin ang pagtuturong ito—na inihanda ng Espiritu ng Panginoon, ang ganoon ding Espiritu na nagdadala ng katalinuhan.9

Tumatanggap tayo ng sakramento kung Sabbath sa pag-alaala kay Jesucristo.

Tila bang ang pagparito ng Tagapagligtas sa sanglibutan, ang kanyang pagdurusa, kamatayan, pagkabuhay na mag-uli, at pagakyat sa kanyang kinalalagyan sa mundong walang hanggan sa harapan ng kanyang Ama sa Langit ay may napakalaking kinalaman sa ating mga interes at kaligayahan. Dahil dito ay nagpapatuloy tayo sa alaala na tinatanggap natin sa bawat Sabbath. Ang sakramentong ito ang katuparan ng hiling ni Jesucristo sa kanyang mga disipulo. “Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.” (1 Mga Taga Corinto 11:26.) Ang pananampalataya sa ordenansang ito ay dapat na mangahulugan na may pananampalataya tayo kay Jesucristo, na siya ang Bugtong na Anak ng Ama, na siya ay pumarito sa lupa mula sa langit upang isakatuparan ang isang tiyak na layunin na pinanukala ng Diyos—ang tiyakin ang kaligtasan at kadakilaan ng sangkatauhan. Ang lahat ng ito ay may napakalaking kinalaman sa ating kapakanan at kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Hindi sana naganap ang pagkamatay ni Jesucristo kung hindi ito kinakailangan. Na ang seremonyang ito ay dapat na ganapin upang maalaala ng mga tao ang pangyayaring ito, ay nagpapahiwatig sa kahalagahan nito.10

Nagtitipon tayo upang makibahagi sa sakramento ng hapunan ng Panginoon, at dapat na magsumikap tayong maituon dito ang ating mga damdamin at pag-aalala na malayo sa mga makamundong bagay. Dahil sa pakikibahagi natin sa sakramento ay hindi lamang natin inaalaala ang kamatayan at pagdurusa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ngunit ating inaasam ang panahon na muli siyang paparito at tayo ay makikipagtipon at makikisalo sa kanya sa pagkain ng tinapay sa kaharian ng Diyos [tingnan sa Lucas 14:15; Mateo 26:29]. Samakatwid, kapag tayo ay nagkakatipon, maasahan nating tumanggap ng paggabay at mga pagpapala mula sa Diyos.11

Ang sinaunang mga tao ng Diyos, na sa kung kaninong mga puso ay naglagablab ang apoy ng inspirasyon ay umasam sa pambihirang kaganapan na ang Kordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan ay iaalay ang kanyang sarili bilang handog, gayon din namang inaalaala natin ang ganoon ding kaganapan. Nagpuputol-putol tayo ng tinapay at kumakain, at umiinom tayo ng tubig kasama ng bawat Banal sa mga Huling Araw, at ginagawa natin ito bilang pag-alaala sa sugatang katawan at dugong tinigis ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. At magpapatuloy na gagawin natin ito hanggang sa muli siyang pumarito. Kung pumarito na siya, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay makaaasa na mapapabilang sila sa kinagigiliwang mga tao na makakasalo niya sa pagkain at pag-inom sa sarili niyang dulang sa kaharian ng ating Ama. Inaasam ko ito, gaya ng pagasam ko sa pagkain ng aking hapunan mamayang gabi.12

Dapat tayong mag-ingat na hindi tayo nakikibahagi sa mga sagisag [ng sakramento] tungo sa ating kahatulan. Nakikipagtalo ba kayo sa inyong mga kapatid, o kumikilos sa paraang nakasasakit kayo ng mga damdamin, o nakabibitaw ng hindi magagandang pananalita sa isa’t isa, o nakagagawa ng anupamang bagay na hindi tama, at pagkaraan ay magkakatipon sa isang taimtim na paglapastangan sa Diyos at kumain ng kapahamakan sa inyong mga kaluluwa? Nais nating maging maingat sa mga bagay na ito at samakatwid ay dapat nating maunawaan na kapag inihahandog natin ang ating hain sa dambana, at doon ay maalaala natin na tayo ay may laban sa ating kapatid, nararapat na bumalik tayo at makipagkasundo sa kanya at pumunta at ihandog ang ating hain [tingnan sa Mateo 5:23–24]. Huwag pupuntang may dalang anumang anyo ng pagkukunwari, kundi pumuntang may malilinis na kamay at dalisay na mga puso, at makadamang sabihin na “O Diyos, suriin ako at subukin ako at patunayan ako, at kung may anumang kasamaan sa akin, iwaksi ito, at papangyarihing ako ay maging tunay na kinatawan ninyo sa daigdig, at hayaan akong makibahagi sa diwa na nananahan kay Cristo, at mamuhay na kinasisiyahan ito dito sa lupa; at na kung siya ay paparitong muli, ako at ang aking mga kapatid ay sasalubungin siyang may malinis na mga kamay at dalisay na mga puso.”13

Upang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos, kailangang gumawa tayo nang higit sa pagdalo sa mga pagpupulong at pagtanggap ng sakramento lamang.

Napakarami sa atin ang sumusunod sa mga paniniwala ng mundo. Makapagbibigay ba ang mundo ng liwanag na inyong tinanggap, at ng ebanghelyo at mga pag-asa ng langit na inyong tinanggap, at ng priesthood na inyong tinanggap? At inyo bang ipagpapalit ang mga bagay na ito sa isang mangkok ng lugaw, at malubid sa dumi, katiwalian, kasalanan, at kasamaan na napakarami sa sanglibutan? Ano ang dahilan ng pagparito natin? Ang sambahin ang Diyos at tuparin ang kanyang mga kautusan. At paano ito sa napakarami sa atin? Nalilimutan natin, sa maraming pagkakataon, ang maluwalhating pag-asa ng pagkakatawag sa atin, at nagbibigay-daan tayo sa mga kalokohan, karupukan, kahinaan, at kasalanan, at tayo, humigit kumulang, ay napasasailalim sa pag-iimbot, paglalasing, paglapastangan sa araw ng Sabbath, at iba’t ibang anyo ng kasamaan. Kung minsan ay nakakakita ako ng mga Elder ng Israel na nagsisibak ng kahoy o naghahakot ng dayami sa araw ng Sabbath. Ano, isa itong napakatinding kahihiyan sa mga mata ng Diyos, sa mga banal na anghel, at sa iba pang matatalinong tao. … Ano ang masasabi ninyo sa isang nagsisinungaling na Elder, isang nagmumurang Mataas na Saserdote, isang Pitumpu na lumalapastangan sa araw ng Sabbath, at isang mapag-imbot na Banal? Ang mga kaluluwa ng mga taong ito ay dapat na makatanggap ng inspirasyon sa liwanag ng paghahayag, at dapat silang maging mga buhay na saksi, mga halimbawa sa lahat kung ano ang wastong pamumuhay! Sa palagay ba ninyo ay maipamumuhay ninyo ang inyong relihiyon, matatamo ang Espiritu ng Diyos at matatanggap ang buhay na walang hanggan, at ginagawa ang mga bagay na ito? Sinasabi ko sa inyo, hindi.14

Kaugalian ng mga taong hinirang sa sanglibutan ang magsalita sa araw ng Linggo tungkol sa mga espirituwal na bagay, kung kailan sila nakasuot ng kanilang mga damit pang-Linggo sa pagtitipon, at pagdating ng Lunes ay isinisilid nila sa baul kasama ng kanilang mga damit pang-Linggo ang kanilang relihiyon, at wala na silang gagawin dito hanggang sa susunod na Linggo. … O, ang kalokohan ng tao sa hindi pagkilala sa Diyos sa lahat ng bagay, sa pagsasaisang tabi sa Diyos at sa kanyang relihiyon, at sa pagtitiwala sa sarili nilang pag-iisip at katalinuhan.15

May isang bagay na higit pa sa inaakala natin kung minsan. At ito ay, samantalang sinasabi nating mga tagasunod tayo ng Panginoon, samantalang sinasabi nating tinanggap natin ang Ebanghelyo at nagpapasakop tayo dito, ang pagsasabi ay walang halaga hangga’t hindi pa natin nahuhugasan ang ating mga damit at pinaputi ito sa dugo ng Kordero. Hindi sapat sa atin na maiugnay sa Sion ng Diyos, dahil ang Sion ng Diyos ay binubuo ng mga taong dalisay ang puso at dalisay ang buhay at walang dungis sa harapan ng Diyos, o kundi man, ay ito ang tinutungo. Wala pa tayo doon, ngunit dapat na marating natin ito bago tayo makahandang makapagmana ng kaluwalhatian at kadakilaan. Samakatwid, ang isang anyo ng kabanalan ay mangangahulugan nang napakaliit para sa atin, sapagkat ang yaong nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, at hindi naghanda, at hindi gumawa nang alinsunod sa kanyang kalooban ay papaluin nang marami [tingnan sa Lucas 12:47]. “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” [Mateo 7:21.] Ito ay mga doktrina ng Ebanghelyo ayon sa pagkakaunawa ko sa mga ito. At hindi sapat para sa atin ang tumanggap ng Ebanghelyo at makipagtipon dito sa lupain ng Sion at makipag-ugnay sa mga tao ng Diyos, dumalo sa mga pagpupulong at tumanggap ng Sakramento ng hapunan ng Panginoon, at magsumikap na makisama sa kanila nang walang gaanong paghihirap. Sapagkat sa kabila ng mga bagay na ito, kung ang ating mga puso ay hindi matwid, kung hindi dalisay ang ating mga puso sa harapan ng Diyos, kung wala tayong dalisay na mga puso at dalisay na mga isip, kung hindi tayo natatakot sa Diyos at tumutupad sa Kanyang mga kautusan, hindi tayo, maliban na magsisi tayo, makababahagi sa mga pagpapala na aking nabanggit, na pinatotohanan ng mga Propeta.16

Tungkulin natin ang maging mga Banal. At upang maging karapat-dapat sa pagtataguring ito ay tungkulin natin na ipamuhay ang mga alituntunin ng kabutihan, katotohanan, katapatan, kabanalan, kadalisayan, at karangalan upang sa lahat ng sandali ay tiyak nating matamo ang pagsang-ayon ng Makapangyarihang Diyos. At upang ang Kanyang mga pagpapala ay sumaatin at mapasaating mga puso, upang ang kapayapaan ng Diyos ay mapasaating mga tahanan,. … at tayo, bilang mga tao, ay mapasailalim sa Kanyang makalangit na pag-iingat.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Anu-ano ang ilan sa mga pagpapala na mararanasan natin mula sa matapat na paggunita sa araw ng Sabbath? (Tingnan din sa D at T 59:9–13.) Paano kayong personal na nabiyayaan sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath?

  • Anu-ano ang inyong magagawa upang makasamba nang lubos sa araw ng Sabbath? Paano ninyo maihahanda ang inyong sarili upang higit na maimpluwensiyahan ng Banal na Espiritu Santo bago magsimula ang mga pagpupulong ng Simbahan?

  • Anu-ano ang magagawa ng mga magulang at mga lolo at lola upang maimpluwensiyahan ang kanilang mga anak at apo na panatilihing banal ang Sabbath? Paano natin magagawang naiiba ang araw ng Sabbath sa ibang araw para sa ating mga pamilya? Paanong ang pagunita sa Sabbath ay nakapagpapalakas sa mga pamilya at nakapagbibigay sa atin ng proteksiyon mula sa sanglibutan?

  • Bakit kinakailangang matuto sa pamamagitan ng Espiritu sa ating pagsamba sa araw ng Sabbath? Anu-ano ang inyong magagawa sa inyong tungkulin bilang isang guro o mag-aaral upang maanyayahan ang impluwensiya ng Banal na Espiritu sa araw ng Sabbath?

  • Anu-anong tipan ang ating pinapasukan sa pagtanggap natin ng sakramento? (Tingnan din sa Moroni 4–5 o D at T 20:76–79.) Ano ang kaugnayan ng mga tipang ito sa ating mga tipan sa pagbibinyag? (Tingnan din sa Mosias 18:7–10.)

  • Bakit mahalaga na palagian tayong tumanggap ng sakramento? Anu-ano ang inyong magagawa upang mas mapalapit kayo sa Panginoon sa inyong pagtanggap ng sakramento?

  • Ano ang kaibahan ng pagdalo lamang sa mga pagpupulong kaysa tunay na pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath? Paano ninyo mapananatili sa inyong sarili ang diwa ng Sabbath sa isang buong linggo?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Exodo 20:8–11; Isaias 58:13–14; Mateo 12:10–13; 3 Nephi 18:1–12; D at T 27:1–14; 59:9–20.

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-15 ng Mar. 1881, 1.

  2. Tingnan sa B. H. Roberts, The Life of John Taylor (1963), 188–92.

  3. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 339.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, ika-18 ng Okt. 1881, 1.

  5. Deseret News: Semi-Weekly, ika-26 ng Peb. 1884, 1.

  6. Deseret News: Semi-Weekly, ika-29 ng Mar. 1870, 2.

  7. The Gospel Kingdom, 275.

  8. The Gospel Kingdom, 226.

  9. The Gospel Kingdom, 45–46.

  10. The Gospel Kingdom, 109.

  11. The Gospel Kingdom, 227.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, ika-20 ng Mar. 1877, 1.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, ika-31 ng Ago. 1880, 1.

  14. Deseret News: Semi-Weekly, ika-1 ng Peb. 1876, 1.

  15. Deseret News (Lingguhan), ika-25 ng Nob. 1863, 142; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, ika-17 ng Mar. 1885, 1.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, ika-9 ng Hul. 1881, 1.

taking the sacrament

“Sa pakikibahagi natin sa sakramento ay hindi lamang natin inaalaala ang kamatayan at pagdurusa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ngunit ating inaasam ang panahon na muli siyang paparito.”

people outside church

Isang lumang litrato ng Pinto Ward, St. George Utah Stake. Nagturo si Pangulong Taylor na ang Sabbath ay panahon ng ating pamamahinga at pagpapalalakas ng ating kaugnayan sa Diyos.