Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Priesthood, ang Pamahalaan at Kapangyarihan ng Diyos


Kabanata 13

Priesthood, ang Pamahalaan at Kapangyarihan ng Diyos

Ang Priesthood … ay isang buhay na kapangyarihan.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Para kay John Taylor, ang priesthood, bukod sa pagiging karapatan na kumilos sa pangalan ng Diyos, ay isang malakas na kapangyarihan na sa pamamagitan nito ay nagagawa ang malalaking bagay. Kanyang itinuro na ang mga may tangan ng priesthood ay nararapat na maging aktibo sa paggamit ng priesthood upang paglingkuran ang iba at isakatuparan ang matwid na mga layunin ng Diyos. Kanyang hinikayat ang lahat ng mayhawak ng priesthood na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at nagsabing “ang teacher o deacon na gumaganap sa kanyang mga tungkulin ay higit na marangal kaysa isang pangulo o sino man sa labindalawa na hindi gumaganap.”2

Kinilala at binigyang halaga rin ni Pangulong Taylor ang karapatan ng mga yaong ginagamit ang kanilang priesthood upang paglingkuran siya at ang kanyang pamilya. Ang kanyang mapagpakumbabang paggalang sa priesthood ay makikita sa isang halimbawa na ikinuwento minsan ng kanyang anak na si Moses W. Taylor tungkol sa pagdalaw isang gabi sa bahay ng mga Taylor ng mga home teacher. “Ang isa sa kanila ay isang batang lalaking la binganim na taong gulang,” naalala ng nakababatang Taylor, “at ng gabing iyon ay oras niya upang mangulo. Tinawag ni Ama ang buong pamilya at ipinaalam sa mga home teacher na nandoroon na kaming lahat at nagsabing: ‘Kami ay sumasailalim sa inyong mga kamay at naghihintay ng inyong mga tagubilin.’”

Nagtanong ang batang lalaki kay Pangulong Taylor kung sila ay nananalangin bilang isang pamilya at sa kanilang sarili, kung ti natrato nilang maayos ang kanilang mga kapwa, kung palagiang dumadalo sa simbahan, at kung sumusuporta sa mga awtoridad ng Simbahan. “Ang mga tanong ay isa-isang sinagot ni Ama nang mapagpakumbaba, katulad nang mapagpakumbabang pagsagot sa mga ito ng pinakabata sa pamilya. Nang matapos na ang gawain ng mga home teacher ay humiling sila sa aking ama na bigyan sila ng mga tagubilin.

“Sinabi niya sa siya ay nasisiyahan sa kanila dahil sa kanilang katapatan at pinasalamatan sila sa pagdalaw at hinikayat sila na dumalaw sa kanyang pamilya nang madalas hangga’t sa makakaya nila dahil kanyang napagtanto ang malaking kabutihang magagawa ng isang may tangan ng priesthood—na siyang kapangyarihan ng Diyos—sa kanyang pamilya. Kanyang sinabi sa kanila na walang anumang katungkulan sa simbahan ang makapagdudulot ng kabutihan sa isang tao nang higit kaysa isang guro. Sinabi niya sa kanila na tingnang mabuti ang kanyang mga anak at payuhan ang mga ito bilang ama.

“‘Madalas na wala ako sa bahay,’ sabi niya, ‘dahil palagi akong tinatawag ng aking mga tungkulin sa simbahan at natatakot ako na kapag ang aking mga anak ay hindi makatanggap ng mabuting payo nang madalas, maliligaw sila ng landas.’”3

Mga Turo ni John Taylor

Ang priesthood ay kapangyarihan ng Diyos.

Ano ang priesthood? … Sasagutin ko nang maikli na ito ang pamahalaan ng Diyos, maging sa lupa o sa langit man, dahil sa pamamagitan ng kapangyarihan, karapatan, o alituntuning ito ay pinamamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa at sa langit, at sa pamamagitan ng kapangyarihang ito ay pinagtitibay at sinasangayunan ang lahat ng bagay. Pinamamahalaan nito ang lahat ng bagay—pinangangasiwaan nito ang lahat ng bagay—sinasangayunan nito ang lahat ng bagay—at ito ay may kinalaman sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa Diyos at sa katotohanan. Ito ang kapangyarihan ng Diyos na ipinagkatiwala sa mga katalinuhan sa kalangitan at sa mga tao sa lupa. Sa ating pagdating sa kahariang selestiyal ng Diyos ay matatagpuan natin ang pinakaganap na kaayusan at pagkakaisang naroroon, dahil naroon ang pinakaganap na balangkas, ang pinakaganap na kaayusang isinasagawa sa isang pamahalaan. At kung saan man sa lupa pinaiiral ang mga alituntuning ito ay makikita natin ang idinudulot nilang mga pagpapala at kaligtasan sa sangkatauhan, alinsunod kung gaano kalawak ang pagpapairal sa mga ito. At kung ang pamahalaan ng Diyos ay ganap nang pinaiiral, at kung ang panalangin ni Jesus na kanyang itinuro sa kanyang mga disipulo ay tinugon na, at kung ang kaharian ng Diyos ay pumarito na sa lupa, at ang kanyang kalooban ay ginagawa dito maging sa langit man [tingnan sa Mateo 6:10], samakatwid, ay doon lamang mangingibabaw ang pangkalahatang pagibig, kapayapaan, pagkakasundo, at pagkakaisa.4

[Ang priesthood] ay … ang alituntunin at kapangyarihan na sa pamamagitan nito ay inaayos, sinusupil, dinidiktahan at pinangangasiwan ng [Diyos] ang Kanyang mga gawain, ang Kanyang mga mundo, ang Kanyang mga kaharian, ang Kanyang mga pamunuan, ang Kanyang mga kapangyarihan, ang Kanyang mga katalinuhan, at ang lahat ng bagay na napasasailalim sa Kanya at napasasaibabaw na Kanya, at na siyang dapat Niyang gawin.5

Ang kapangyarihang ipinakikita ng priesthood ay siya ring kapangyarihan ng Diyos, sapagkat siya ang ulo ng priesthood … ; at sa alituntuning ito ay naisakatuparan ang lahat ng gawain ng Diyos, maging sa lupa o sa langit man. At ang anumang ipinakikitang kapangyarihan sa pamamagitan ng priesthood dito sa lupa ay isa lamang ipinagkatiwalang kapangyarihan mula sa priesthood sa langit, at habang ang priesthood sa lupa ay higit na nagiging kagaya at napasasailalim sa priesthood sa langit, ang higit pa sa kapangyarihang ito ay mapasasaatin.6

Ang buhay na priesthood sa lupa ay pinangangasiwaan mula sa langit.

Inorganisa ng Diyos ang isang priesthood, at ang priesthood na ito ang namamahala sa lahat ng bagay tungkol sa lupa at sa langit; ang isang bahagi nito ay umiiral sa langit, at ang isa pang bahagi ay sa lupa. Magkasama sila sa pagtatayo ng Sion, sa pagtubos ng mga patay at mga buhay, at sa pagsasakatuparan sa “mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay;” [tingnan sa Mga Gawa 3:21]. At sa dahilang lubos silang nagkakaisa, kinakailangan na magkaroon ng pakikipagtalastasan sa pagitan ng isa’t isa. Ang yaong mga nasa lupa ay dapat na tumanggap ng mga tagubilin mula sa yaong mga nasa langit, na nakakikilala sa mga bagay na makalupa gayon din naman sa mga bagay na makalangit, sapagkat ang mga ito ay may karanasan kapwa sa mga bagay sa langit at sa lupa dahil noon ay nangasiwa sila sa ganoon ding priesthood dito sa lupa.7

Sa pamamagitan ng pakipagugnayan at pakikipagtalastasan ng priesthood sa langit, nabibigyan ng kapangyarihan, buhay, at bisa ang buhay na priesthood sa lupa, at kung wala ang mga ito ay magiging patay tulad ng mga sangang nangatuyo. At kung ang sinumang tao ay may buhay, o kapangyarihan, ito ang kapangyarihan at buhay ng priesthood, ang kaloob at kapangyarihan ng Diyos na ipinatatalastas sa pamamagitan ng mga pangkaraniwang pamamaraan ng priesthood, maging sa langit at o sa lupa. At kung hahangarin ang buhay nang wala ito, ito ay tulad ng isang sapa na naghahangad ng tubig samantalang tuyo na ang bukal nito, o gaya ng sanga na naghahangad ng pagkain samantalang ang puno ay pinutol na sa ugat: at ang pagbanggit sa isang simbahan na wala ito ay pagbanggit sa isang bagay na walang kuwenta—isang tuyong bukal, isang patay at tuyong sanga.8

Walang sinumang makapamamatnubay sa kahariang ito. Hindi niya ito magagawa hanggat ang Diyos ay hindi sumasakanya at napasasapanig ng mga elder ng Israel. Ngunit kung siya ay nasa kanilang panig, ang lahat ng bagay ay kikilos nang tama, at ang katalinuhan ng mga paghahayag ng Diyos ay bubuhos. Ang kanyang batas ay makikilala at ang mga alituntunin ng katotohanan ay magliliwanag. Kung wala ang mga ito ay hindi ito kaharian ng Diyos. Kung kayat tayong lahat ay nararapat na magpakumbaba sa harapan ng Diyos, at hangarin ang pamamatnubay ng Makapangyarihan. …

Isang alituntuning kaugnay sa kaharian ng Diyos ang pagkilala sa Diyos sa lahat ng bagay, at ang pagkilala sa priesthood sa lahat ng bagay, at ang lahat na hindi gagawa nito ay nararapat na magsisi, kung hindi ay wala silang pagsulong. Sinasabi ko ito sa inyo sa pangalan ng Panginoon. Huwag akalain na marunong kayo at magagawa ninyong patakbuhin at imanipula ang priesthood, sapagkat hindi ninyo ito magagagawa. Ang Diyos ang dapat na magpatakbo, umayos, magdikta, at mamuno at ang bawat tao ay dapat na manatili sa kanyang katayuan. Ang kaban ng Diyos ay hindi nangangailangang hawakan upang maging pantay [tingnan sa II Samuel 6:3, 6–7], lalunglalo na ng mga kalalakihang walang kakayahan at walang paghahayag at walang kaalaman sa kaharian ng Diyos at sa mga batas nito. Isang dakilang gawain ang kinakaharap natin, at dapat na ihanda natin ang ating sarili para sa gawaing nasa ating harap, at kilalanin ang Diyos, ang kanyang karapatan, ang kanyang batas at ang kanyang priesthood sa lahat ng bagay.9

Nais nating mangasiwa sa pangalan ng Diyos sa ngayon at sa buong kawalang hanggan na darating. Nagsimula na tayo, at susubukin natin ito sa pamamagitan ng tulong ng Diyos at ng liwanag ng Kanyang Banal na Espiritu, at ng mga paghahayag na ipagkakaloob Niya sa atin sa panapanahon—susubukin nating gampanan ito at makikipagtulungan sa Priesthood sa mga daigdig na walang hanggan, maging ito may ay sa lupa o sa langit. Gagampanan natin ito hanggang ang gawaing ipinanukala ng Diyos para sa lupa ay naisakatuparan na, at nailigtas na ang mga buhay at mga patay, alinsunod sa pagiging karapatdapat nilang maligtas ayon sa mga walang hanggang batas na umiiral sa langit, at ayon sa mga pasiya ng Makapangyarihan. …

Palagi kong sinasabi, “O Diyos, akayin ako sa tamang landas; O Diyos, ilayo ako sa mga pagkakamali; O Diyos, ako ay isang taong mahirap, mahina, walang lakas, na napaliligiran ng mga tukso at kahinaan. Kinakailangan ko ang Inyong tulong sa buong maghapon. O Diyos, tulungan ako.” Ganito ang aking nadarama, at ang nadarama ng aking mga kapatid sa Unang Panguluhan, at ng La bindalawa, at ng iba pa. Nadarama namin na aming kailangan ang tulong ng Makapangyarihan. Pagsusumikapan namin na maging mapagpakumbaba, at maging tapat at masunurin sa aming mga tipan. At kung ating pakikinggan ang payo at susundin ang mga batas ng Diyos, at gagawin ang mga bagay na ipinagagawa Niya sa atin, tutulungan at pagpapalain Niya tayo, at pagpapalain Niya ang Sion at iingatan ang Israel.10

Ibinigay ang Priesthood upang magawa nating itayo ang Sion.

Bakit ibinigay sa atin ang priesthood? Upang magawa nating itayo ang Sion ng ating Diyos. Para ano? Upang tapusin ang katiwalian, kalaswaan, pagsisinungaling, pagnanakaw, kawalang katapatan, at pag-iimbot, at kasama ang lahat ng kasamaan. At gayon din naman ay palaganapin ang pananampalataya, kababang-loob, pagibig sa kapwa, kadalisayan, kabaitang tulad ng sa kapatid, pagiging makatotohanan, integridad, katapatan, at lahat ng bagay na nilayon para sa pagpapadakila at pagbibigaykarangalan sa sangkatauhan. At dahil dito, tayo ay maging mga tunay at nararapat na kinatawan ng Diyos ang ating Ama dito sa lupa at upang matutuhan nating alamin ang kanyang kalooban at gawin ito, upang ang kanyang kalooban ay gawin dito sa lupa, maging sa langit.11

Ang pagsasakatuparan sa kanais-nais na adhikaing ito—ang ibalik ang mga nilalang sa kanilang naunang kadalisayan at kagandahan at upang matupad ang layunin ng paglikha—upang tubusin, iligtas, dakilain, at bigyang kaluwalhatian ang tao—upang iligtas at tubusin ang mga patay at ang mga buhay, at ang lahat ng mabubuhay alinsunod sa mga batas nito, ang siyang layunin at adhikain ng pagtatatag ng priesthood dito sa lupa sa mga huling araw. Ito ay para sa layuning isakatuparan ang hindi pa nagagawa hanggang sa ngayon—na ang mga gawain ng Diyos ay maging ganap—na ang mga panahon ng pagpapanumbalik sa lahat ng mga bagay ay mangyari, at, sa pamamagitan ng pakikipagugnayan sa walang hanggang priesthood sa kalangitan (sapagkat tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap), ay ating maisakatuparan ang lahat ng bagay na nasa isipan ng Diyos, o sinalita ng Espiritu ng Diyos, sa pamamagitan ng mga bibig ng mga banal na propeta magmula pa noong simula ng daigdig …

Ang priesthood sa kalangitan ay nakikipagkaisa sa atin upang maisakatuparan ang mga layuning ito, at ang mga ito ay pinamamahalaan ng ganoon ding mga alituntunin, upang ang ating mga ginagawa ay magtugma—upang magkaroon ng pagtutulungan sa mga paggawa, upang ang kalooban ng Diyos (sa ganang atin) ay magawa sa lupa ganoon din naman sa langit. Ito ang siyang dapat nating matutuhan, at ito ang siyang dapat nating gawin upang magampanan ang pagkakatawag sa atin. At ito ay upang maging katanggap-tanggap ang ating gawain sa mga mata ng Diyos at ng mga banal na anghel, at gayon din naman sa mga mata ng ating mga kapatid, na kasama natin sa priesthood sa kaharian ng Diyos sa lupa.12

Ang priesthood ay inilagay sa simbahan para sa ganitong layunin, ang “magbungkal, magtanim, at mag-alaga,” magturo ng tamang mga alituntunin, at itatag ang orden ng kaharian ng Diyos, labanan ang mga diyablo, at sang-ayunan at suportahan ang mga awtoridad ng simbahan ni Cristo dito sa lupa. Tungkulin nating kumilos nang nagkakaisa upang makabuo ng isang malaking samahan—isang malaki at nagkakaisang yunit [o organisadong katawan], na nanumpang magiging matapat sa kaharian ng Diyos. Kapag ganito, ang lahat ay kikilos nang matahimik, mapayapa, at maayos, at magkakaroon ng katiting na kaguluhan lamang.13

Ang priesthood ay ipinagkaloob para sa pagpapala ng sangkatauhan.

Ang priesthood, sa lahat ng pagkakataon, ay ipinagkaloob para sa pagpapala ng sangkatauhan. Sinasabi ng mga tao na tila ba ito ay ipinagkaloob para sa tanging kapakanan ng ilang mga indibidwal. Ano ang sinabi tungkol kay Abraham? “Sa iyo at sa iyong mga binhi”—ano? Ipagkakaloob ko sa iyo ang mga pagpapala. O, ayos lamang ito kung ganoon nga ito. Ngunit, “sa iyo at sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo.” [Tingnan sa Abraham 2:11.] Kumilos tayo bilang mga tagapagkaloob ng pagpapala, at kung tayo ay inapo ni Abraham, sumunod tayo sa kanyang mga yapak at gawing karapat-dapat ang ating sarili sa mga pangako. Ating palawakin ang paghahangad na makatulong sa mga buhay at sa mga patay, at hangaring makapagbigay pagpapala, makapagpalakas, at mabigyang karangalan ang lahat ng nakapaligid sa atin, upang tayo ay sabay-sabay na magalak at dakilain ng ganoong ding mga alituntunin na inihayag alangalang sa kapakibangan ng lahat ng tao …

Kung ako ay isang Bishop—hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, ngunit alam ko kung ano ang dapat kong gawin. Dapat na madama kong sabihin na, Ama, ipinagkatiwala ninyo ang ilang bilang ng mga kaluluwa sa aking pangangalaga; tulungan akong mapangalagaan ang kanilang mga pangangailangang temporal at maisulong ang kanilang kapakanang espirituwal, at matiyak na sila ay natuturuan nang wasto sa mga batas ng buhay. Tulungan din akong turuan ang mga guro na pumaparoon sa mga tao, na sila ay humayo na puspos ng ng Banal na Espiritu upang pagpalain at makinabang ang mga tao, at sa tulong ng aking mga kapatid ay maging Tagapagligtas ako sa kanila. Ang dapat kong madama at dapat kong gawin kung ako ay isang Bishop. At ganito rin ang dapat ninyong madama at dapat ninyong gawin, kayong mga Bishop, at mapagpakumbabang gawin ito na naghahangad na makagawa ng mabuti. At kung ako ay isang Priest, Teacher, o Deacon, at pumaparoon sa mga tao upang magturo, maghahangad ako na mapangalagaan ang kanilang kapakanan.14

[Sinabi ni Jesus], “Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig.” Kung iniibig mo ako, kung ikaw ay aking kaibigan at disipulo, “Pakanin mo ang aking mga tupa.” Hindi gaanong mahirap gawin ito; natawag siya para sa ganitong layunin. “Sinabi niya sa kaniyang muli sa ikalawa, Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga tupa.” At sa ikatlong ulit ay ibinigay ng Panginoon kay Pedro ang ganoon ding tanong, at matapos siyang sagutin nang ganoon din, sinabi niya sa kanya, “Pakanin mo ang aking mga tupa.” [Tingnan sa Juan 21:15–17.] Ano ang tungkulin ng mga Apostol, ng mga Stake President, ng mga High Priest, ng Pitumpu, lalung-lalo na ng mga yaong nangungulo sa pangkalahatan? Kung naririto si Jesus, sasabihin niya sa inyong isantabi ang mga walang kuwentang bagay, ang inyong mga kalokohan, ang inyong mga kahinaan, at kumilos nang higit pa bilang mga tao at mga Banal, at humayo at gumawa at “Pakanin ang aking mga tupa.”15

Ipinagkakaloob ng Diyos ang kapangyarihan sa mga yaong gumaganap sa priesthood.

Kung nauunawaan natin ang ating sarili at ang ating katayuan, nararapat na ang ating prayoridad ay, una ang kaharian ng Diyos at pagkatapos ay ang ating sarili. Kung matututo tayong makagawa ng maliit na bagay, malamang na sasabihin sa atin ng Panginoon na gumawa nang higit na malaki, dahil nakahanda na tayong gawin ito. … Kung tayo ang mga tao ng Diyos, at ipinagkakatiwala niya sa atin na gawin ang dakilang mga layuning ito, kailangang gumawa tayo nang higit kaysa mga nagawa na natin, at nararapat na tayo ay nakahanda at masunurin sa mga panghihikayat ng Espiritu ng Panginoon at ng kanyang mga tagapaglingkod na kanyang ipinadala sa atin. Kung gagawin natin ito, ang bawat gawain na ating gagampanan ay magiging kagalakan at kaaya-aya para sa atin, ang kapayapaan ay mamamayani sa ating mga puso at ang kapayapaan ng Diyos ay mapapasa ating mga tahanan. Ang Espiritu ng Panginoon ay maghahari sa atin, at tayo ay mapupuspos ng galak at kagalakan sa buong araw, at magpapatuloy ito hanggang sa katapusan ng panahong ito. Wala na akong alam na ibang paraan upang magampanan ang lahat ng gawaing ito, maliban sa turuan ng Panginoon, at alang-alang sa layuning ito ay kanyang itinatag ang kanyang priesthood.16

Maraming tungkulin ang nakaatang sa mga priest, teacher, deacon, at sa mga yaong nasa mababang priesthood gaya din naman ng nakaatang sa iba pang mga miyembro ng simbahan. Kung hindi nila gagampanan ang kanilang mga tungkulin, ano ang kalalabasan nito? Pumupunta ang mga tao sa labindalawa, o sa Unang Panguluhan. Lalaktawan nila ang mga awtoridad na dapat munang daanan, at ang kalituhan at kaguluhan ay iiral. Ang napakahalagang oras ay nasasayang. … at ito ay dahil lamang sa pagkukulang ng mga tao na alamin ang kanilang mga tungkulin at gampanan ang mga ito.

At habang hindi natin pinagkakasunduan ang maliliit na bagay, ano ang nangyayari sa atin? Nawawala ang ating pansin sa ating mga tungkulin. Nalilimutan natin na ang kahariang ito ay itinatag sa lupa para sa layuning pairalin ang katuwiran at ang mga batas ng langit sa lupa, at pagpalain ang sangkatauhan at iligtas ang mga buhay at ang mga patay. Nalilimutan natin kung bakit tayo naririto, at kung bakit itinatag ang kaharian Diyos. Ito ay hindi para sa iyo o para sa akin o para kanino lamang. Ito ay para sa interes ng sanglibutan at para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Inaasahan sa atin, sa bawat isa sa atin, na gampanan ang iba’t ibang tungkulin at pananagutan na nakaatang sa atin. Kung pababayaan natin ang mga ito, hindi ba tayo nagkakasala sa harapan ng Diyos? Bakit ba dumarating ang mga paghihirap na nararanasan natin? Dahil, gaya ng nasabi ko na sa maraming pagkakataon, hindi ginagampanan ng priesthood ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila mapagbantay at matapat.17

Napansin ko sa aking mga pagbiyahe ang mga yaong, gaya ng mga disipulo ni Cristo noong una, ay nagpapahiwatig ng malaking paghahangad sa kapangyarihan, at nagpapakita ng isang matinding pagnanais na mabatid kung sino ang pinakadakila sa kanila. Kalokohan ito, sapagkat ang karangalan ay nanggagaling hindi sa katungkulan, kundi sa taong gumaganap sa kanyang katungkulan at pagkakatawag. Kung mayroon man tayong karangalan na nanggaling mula o sa pamamagitan ng priesthood, ito ay buhat sa Diyos, at tiyak na magiging palalo tayo sa pag-angking ito ay sa atin samantalang ito ay hindi atin, kundi tinanggap lamang natin. Kung ito ay nagbuhat sa Diyos, dapat na sa kanya ang kaluwalhatian at hindi sa atin, at ang ating pagganap sa pagkakatawag sa atin ang siyang tanging paraan upang makatamo tayo ng karangalan o impluwensiya.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang priesthood ng Diyos? Anu-anong pagpapala ang ating matatamo sa pamamagitan ng priesthood? Ano ang inyong nadarama kung inyong naiisip na ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ang kapangyarihan ng priesthood?

  • Anu-ano ang magagawa ng mga miyembro ng pamilya upang mapalakas ang kapangyarihan ng priesthood sa tahanan?

  • Bakit mahalaga na ang mga may tangan ng priesthood ay palagiang tumanggap ng paggabay mula sa Panginoon?

  • Paano nakatutulong ang priesthood upang “tubusin, iligtas, dakilain, at bigyang kaluwalhatian ang tao”?

  • Paano kayo at ang inyong mga mahal sa buhay nabiyayaan sa pamamagitan ng matwid na paggamit ng priesthood? Paano makababahagi ang kababaihan sa mga biyaya ng priesthood?

  • Anu-anong pagkakataon mayroon sa inyong lugar upang makapagsilbi ang priesthood? Anu-ano ang magagawa ng mga may tangan ng priesthood upang mapalakas ang mga tahanang walang may tangan ng priesthood?

  • Basahin ang D at T 84:33–34. Ano ang ibig sabihin ng gampanan ang tungkulin ng priesthood? Ano ang ibig sabihin ng gampanan ang anumang tungkulin sa Simbahan? Sa anuanong paraan natin matutulungan ang mga nagsisikap na gampanan ang kanilang mga tungkulin sa ating ward o branch?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 4:20; I Kay Timoteo 4:12–16; Jacob 1:18–19; D at T 58:26–28; 84:18–21, 26–27, 33–34; 107:99–100.

Mga Tala

  1. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 127.

  2. The Gospel Kingdom, 166.

  3. “Stories and Counsel of Prest. Taylor,” Young Woman’s Journal, Mayo 1905, 219; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  4. The Gospel Kingdom, 129.

  5. Deseret News (Lingguhan), ika-28 ng Dis. 1859, 338.

  6. The Gospel Kingdom, 130.

  7. “On Priesthood,” Millennial Star, ika-1 ng Nob. 1847, 323.

  8. The Gospel Kingdom, 130.

  9. The Gospel Kingdom, 166.

  10. Deseret News (Lingguhan), ika-18 ng Hun. 1884, 339; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  11. The Gospel Kingdom, 130–31.

  12. The Gospel Kingdom, 132.

  13. The Gospel Kingdom, 129.

  14. Deseret News: Semi-Weekly, ika-18 ng Okt. 1881,1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, ika-19 ng Ago. 1879, 1.

  16. The Gospel Kingdom, 131–32.

  17. The Gospel Kingdom, 154.

  18. The Gospel Kingdom, 133.

Jesus bestowing priesthood

Dapat na maalaala ng mga may tangan ng priesthood ang pinagmulan ng lahat ng kapangyarihan ng priesthood. Kagaya ng itunuro ni Pangulong Taylor, “Kung mayroon man tayong karangalan na nanggaling mula o sa pamamagitan ng priesthood, ito ay buhat sa Diyos.”