Kabanata 18
Paglilingkod sa Simbahan
Lahat tayo ay interesado sa dakilang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at tayong lahat ay dapat makilahok dito.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Mula sa sandaling nagbalik-loob siya, nangako si John Taylor na ibibigay niya ang kanyang buong buhay sa gawain ng Panginoon. Sa pag-alala sa pagkatawag niya bilang Apostol noong 1837, ibinahagi niya ang mga kaisipang ito: “Tila napakalaki ng gawain, at napakahirap at napakabigat ng mga tungkulin. Nadarama ko ang sarili kong kahinaan at kawalang halaga, ngunit determinado ako, dahil ang Panginoon ang aking katulong, na pagsumikapang gampanan ito. Nang una akong pumasok sa Mormonismo, ginawa ko ito nang bukas ang aking mga mata. Pinag-isipan ko ang lahat ng kakailanganin nito sa akin. Itinuring ko itong isang habang-buhay na gawain, at isinaalang-alang na hindi lamang ako tinawag na maglingkod sa buhay na ito, kundi gayon din sa kawalang hanggan, at hindi ko nais na umurong ngayon, bagama’t nararamdaman kong hindi ko ito kaya.”2
Nagkatotoo ang inasahan niyang “panghabang-buhay na gawain.” Sa loob ng ilang dekada niyang paglilingkod, nagtiwala si John Taylor sa Panginoon, dahil batid niya na kung maglilingkod siya nang tapat, itataguyod siya ng Panginoon at magagampanan niya ang Kanyang utos. Isang halimbawa kung paano itinataguyod ng Panginoon ang mga naglilingkod sa kanya ay nangyari noong nangangaral si Elder Taylor ng ebanghelyo sa Isle of Man, isang isla sa Inglatera. Nagpalimbag siya ng ilang polyeto na isinulat niya bilang sagot sa maling pagpaparatang laban sa Simbahan at kay Propetang Joseph Smith. Gayunman, tumangging ihatid ng manlilimbag ang mga polyeto hanggang hindi pa siya nakababayad nang buo. Sabik na maipamahagi ang mga pol-yeto sa lalong madaling panahon, nanalangin si Elder Taylor para sa tulong ng Panginoon, na agad namang ibinigay.
“Ilang minuto pagkatapos niyang manalangin may isang kabataang lalaki ang dumating sa kanyang pintuan, at pagkaraan itong papasukin ay inabutan si Elder Taylor ng sobre at agad na umalis. Hindi niya kilala ang kabataang ito. Sa loob ng sobre ay may salapi at isang maikling sulat na nagsasabi: ‘Ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan.’ Wala itong lagda. Pagkalipas pa ng ilang minuto isang mahirap na babae na nagtitinda ng isda ang dumating sa kanyang bahay at nagbigay ng isang maliit na halaga upang makatulong sa kanyang gawain sa ministeryo. Sinabi ni Elder Taylor sa babae na maraming salapi sa mundo at hindi na niya nais pang kunin ang salapi nito. Iginiit ng babae na higit siyang pagpapalain ng Panginoon at ikasisiya niya kung tatanggapin ni Elder Taylor ang salapi. Tinaggap ni Elder Taylor ang alay, at sa kanyang pagkabigla nang pagsamahin niya ang lepta ng abang babaeng ito at ang salaping ibinigay sa kanya ng kabataang lalaki, eksakto ang mga ito sa halaga na kailangan niya upang mabayaran ang balanseng kulang niya sa manlilimbag.”3
Mga Turo ni John Taylor
Bawat isa sa atin ay may pananagutang maglingkod sa Simbahan at gumawa ng ating tungkulin.
Hindi tamang isipin na ang buong tungkulin sa pagpapatakbo ng kaharian ay nakasalalay lamang sa labindalawa o sa Unang Panguluhan, o sa mga pangulo ng stake, o high priest, o sa mga pitumpu, o sa mga bishop, o sa iba pang pinuno sa simbahan at kaharian ng Diyos, anuman ang hinihingi ng pagkakataon. Kabaligtaran ito. Lahat tayo ay may iba’t ibang tungkuling dapat gampanan. At maaari pa akong magdagdag ukol sa mga tungkulin ng mga lalaki, at gayon din ukol sa mga tungkulin ng mga babae; lahat ay may tungkuling dapat gampanan sa Diyos. Layunin ng organisasyon ng simbahang ito at ng kaharian na bigyan ang bawat miyembro ng tungkulin, at inaasahan ang bawat isa sa kanila na tumupad sa kanilang tungkulin at pagkakatawag.4
Kung hindi ninyo gagampanan ang inyong mga tungkulin, papanagutin kayo ng Diyos sa mga maaari sana ninyong nailigtas kung ginawa ninyo ang inyong tungkulin.5
Ano ang ibig sabihin ng maging isang Banal? At hanggang saan ko, at hanggang saan ninyo ginagampanan ang mga obligasyong nakaatas sa atin bilang mga Banal ng Diyos, bilang mga Elder ng Israel, bilang mga ina at ama ng tahanan? Itanong natin ito sa ating sarili. Ginagawa ba natin ang ating iba’t ibang tungkulin sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, sa pagpapalaganap ng kanyang gawain sa lupa? At ano ang ginagawa natin upang maisakaturapan ang kaluwalhatian sa mga huling araw? Alin sa mga gawa natin ang nakaambag na dito? Ang ilan lamang ba sa mga ito, o lahat nang ito? At ano nga ba ang tunay nating posisyon? Ang mga bagay na ito ay dapat nating pag-isipan, isaalang-alang at ikonsidera upang malaman natin ang ating tunay na responsibilidad.6
Hindi sapat … na bininyagan tayo at pinatungan ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo. At hindi pa rin sapat na tumanggap tayo ng ating [mga ordenansa sa templo]. Kailangang arawaraw at oras-aras at sa lahat ng oras ay ipamuhay natin ang ating relihiyon, pagyamanin ang Espiritu ng Diyos at panatilihin itong lagi sa atin ‘maging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan,’ [tingnan sa Juan 4:14] na nagaganap, lumalaganap at nagpapakita ng mga layunin at hangarin ng Diyos sa atin. Upang tayo’y makalakad nang nararapat sa pagkakatawag na sa ati’y itinawag, bilang mga anak ng Diyos. … Mahirap para sa isang indibidwal, sa sarili lamang niyang lakas, na gumawa ng tama, na mag-isip ng tama, magsalita ng tama at tumupad sa kalooban at batas ng Diyos sa lupa. Kaya nga’t kinakailangan ang organisasyon ng simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa, ang wastong pagkakatatag ng priesthood, ang pagkakaroon ng tamang pinagmumulan, mga limitasyon, at lawak ng awtoridad, ang makilala ang mga batas at pamahalaan na itinatag ng Pinakamakapangyarihan sa kanyang simbahan at kaharian, para sa patnubay, tagubilin, pangangalaga, kapakanan, pagtatatag at pagunlad ng kanyang simbahan at kaharian sa lupa. …
… Tulad ito ng mga sanga ng puno, at ng ugat at katawan ng puno. Lumalago ang mga sanga kapag malusog ang puno, at ang isang sanga na may ilang luntiang dahon at isang maliit na bunga, ay lubos na produktibo, maganda at kanais-nais na masdan. Ngunit bahagi lamang ito ng puno, hindi pa ito ang buong puno. Saan ito kumukuha ng sustansya? Mula sa ugat at sa katawan o sanga, at sa iba pang sanga na mayroon ang puno. …
Bilang mga Banal ay sasabihin ninyo, “Sa palagay ko ginagawa ko ang aking tungkulin at mabuti naman ang kalagayan ko.” Maaaring maging gayon nga. Nakikita ninyo ang isang maliit na tangkay; luntian ito, malusog at ganap na halimbawa ng buhay, ginagawa nito ang tungkulin niya sa puno. Nakakabit ito sa mga sanga at ugat; ngunit mabubuhay ba ang puno kung wala ito? Oo, ito’y mabubuhay. Hindi siya makapagmamapuri sa kanyang sarili at maging mayabang at sabihin “napakaluntian ko at napakayabong, malusog ako, maganda ang kalagayan ko at ako’y nasa dapat kong kalagyan.” Ngunit maaari ba siyang mabuhay kung wala ang ugat? Hindi; dapat mong tuparin ang tungkulin at posisyon mo sa puno. Tulad din ito sa mga tao. …
Mahusay itong halimbawa sa simbahan at kaharian ng Diyos. Nabubuklod tayo, nagkakaisa sa iisang tipan. Mahalaga tayong bahagi ng simbahan at kaharian ng Diyos na inilagay ng Panginoon sa mundo sa mga huling araw para sa katuparan ng kanyang mga layunin at pagtatatag ng kanyang kaharian, at pagpapanumbalik ng lahat ng bagay na winika ng bibig ng lahat ng banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig. Tayong lahat ay nakatayo sa ating dapat na kalagyan.
Habang ginagampanan natin ang ating mga tungkulin, iginagalang natin ang Diyos. Habang ginagampanan natin ang ating tungkulin napasasaatin ang isang bahagi ng Espiritu ng Diyos; habang ginagampanan natin ang ating tungkulin tayong lahat ang bumubuo sa puno; habang ginagampanan natin ang ating tungkulin dumadaloy sa atin ang Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng tamang daraanan na kung saan at sa pamamagitan nito ay tinatanggap natin ang mga tamang pagkain, at nakatatanggap ng mga tagubilin para sa mga bagay na nauukol sa ating kapakanan, kaligayahan at interes sa daigdig na ito at sa daigdig pang darating.7
Lumalaki at dumarami ang gawain ng Diyos, at magpapatuloy ito hanggang matupad ang mga salita ng propeta na nagsabing, “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa: akong Panginoon, ay papapangyarihin kong madali sa kapanahunan” [Isaias 60:22]. Ngunit inaasahan Niya na ang bawat tao, sa kanyang katayuan, na gumanap ng kanyang tungkulin at magbigay-galang sa Diyos. At samantalang may masasama …, marami namang kabutihan, kabaitan, nagkakait sa sarili, at may malaking pagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos at tupdin ang Kanyang mga layunin. At dapat gawin ng bawat lalaki at babae ang kani-kanyang bahagi.8
Habang naglilingkod tayo sa Simbahan, dapat tayong sumunod sa salita, sa kalooban, at sa batas ng Diyos.
Tulad ni Jesus at narito tayo, hindi upang gawin ang sarili nating kalooban, kundi ang kalooban ng ating Ama na nagsugo sa atin [tingnan sa Juan 5:30]. Ipinadala niya tayo rito; mayroon tayong gawaing gagampanan sa ating sariling panahon at henerasyon, at walang bagay na mahalaga sa sinuman sa atin maliban ang mga bagay na may kaugnayan sa Diyos at sa Kanyang gawain, kahit na sa Pangulo ng Simbahan, sa Labindalawang Apostol, mga Stake President, Bishop, o kaninuman. Makapaglilingkod lamang tayo kung gagawin natin ang ipinag-uutos ng Diyos; habang pinamamahalaan at pinatatakbo ang gawain ng Kanyang Simbahan para sa kapakanan ng sangkatauhan, para sa mga buhay at mga patay, para sa mundong ating pinaninirahan ngayon, para sa mga taong naunang nabuhay sa atin at sa mga mabubuhay pa pagkamatay natin. Makagagawa lamang tayo kung tutulungan, papatnubayan at pamamahalaan tayo ng Panginoon. …
… Dapat tayong gumising at mag-ayos ng ating bahay at ng ating puso; dapat tayong sumunod sa salita, kalooban, at batas ng Diyos; dapat nating hayaang pamahalaan ng Diyos ang Sion, upang masulat ang Kanyang batas sa ating puso, at upang madama ang pananagutan ng dakilang gawain na inatas sa ating gawin. Tiyakin nating dalisay ang ating katawan at espiritu, at malinis tayo sa anumang uri ng kasalanan. Narito tayo upang itayo ang Sion ng Diyos, at para sa layuning ito dapat nating ipasailalim ang katawan at espiritu sa batas, salita, at kalooban ng Diyos. Narito tayo sa Sion at nais nating makita ang bagay na sinabi ni Jesus na ipanalanging mangyari ng Kanyang mga disipulo. “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.” [Tingnan sa Mateo 6:10.] Paano ito ginawa sa langit? Nagsalita ang Diyos at ang mga sanglibutan ay natatag ayon sa Kanyang salita. Sinabi ng Diyos na gawin natin ito, at ito pa, at ang iba pa, at gayon nga. Mayroon bang tumutol sa langit at nagsabi. “Sa palagay mo kaya mas mabuti pang ipagpaliban muna natin ito. Hindi ba mas mabuti ito?” Oo, sinabi ng diyablo, at patuloy pa ring nagsasabi ng ganito, at pinakikinggan siya minsan ng mga makasalanan at minsan ng mga Banal; dahil tayo ay nagiging tagapaglingkod ng mga yaong pinipili nating sundin [tingnan sa D at T 29:45]. …
… Ang kautusan ng Diyos ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa [tingnan sa Mga Awit 19:7], at dapat tayong pamahalaan ng batas na ito at isakatuparan ito, o panagutin sa Panginoon nating Diyos sa landas na ating tinahak, o sa paglimot sa pagganap ng ating mga tungkulin. Ganito ko tinitingnan ang mga bagay na ito, kung hindi nga ganito, bakit pa ibinigay sa atin ang mga batas na ito. Batas ba ito ng Diyos? Ganito nga ba ang pagkaunawa natin sa mga ito. Kung gayon gampanan natin ang ating mga tungkulin at mahusay na gawin ang mga ito nang makatayong sinasangayunan at kinikilala ng Panginoon. …
Bumangon! Kayong mga Elder ng Israel—kayong mga Priest, Teacher at Deacon, kayong mga Stake President, Bishop at High counselor, kayong mga Apostol at Unang Panguluhan, at lahat tayo—Bumangon! Gumawa tayo na may layong gampanan ang kalooban ng Diyos, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa; dahil kung gagawin man ito, saan ito magsisimula, sa palagay ninyo, hindi ba magsisimula ito sa atin? Inaasahan ito sa atin ng Diyos. Tigib tayo ng kahinaan at kasalanan. Bawat isa sa atin; ngunit nais nating malaman ang salita, ang kalooban, at batas ng Diyos, at sumunod sa salita, kalooban, at batas. Isulat ang batas sa ating puso. Hangaring magampanan ang ating tungkulin at igalang ang ating Diyos, at bahala na ang Panginoon sa iba pa. … Magtitiwala … tayo … sa buhay na Diyos, at tatahak sa matalino, masinop at matalinong landas. Hindi natin iluluwalhati ang ating sarili; kundi ang Panginoon ng mga Hukbo.9
Kailangan natin ang mapagtaguyod na kamay ng Makapangyarihang Diyos habang naglilingkod tayo.
Hindi tumitingin ang Diyos na gaya ng pagtingin ng tao; hindi siya nag-iisip nang tulad ng tao. Bagaman maaari nating mauna waan ang ilang bahagi ng ating indibidwal na mga tungkulin, hindi natin nauunawaan kung paano pamahalaan ang simbahan ng Diyos. Kailangan nito ang regular na organisasyon at Espiritung mamamahala sa pamamagitan ng wastong awtoridad.10
Kumikilos tayo kasabay ng Makapangyarihang Diyos, kasama ang mga apostol at propeta at mga tao ng Diyos na nabuhay na noong iba’t ibang yugto ng panahon, upang isakatuparan ang dakilang programa na inisip na ng Diyos ukol sa sangkatauhan bago ang sanglibutan ay naging gayon, at tiyak na mangyayari yamang ang Diyos ay buhay. Nadarama natin, gayon din, na nadadaig tayo ng mga sakit, kahinaan, kasalanan at karupukan ng likas na pagkatao, at sa maraming pagkakataon ay nagkamali sa pagpapasiya, at tuwina nating kinakailangan ang mapagtaguyod na kamay ng Makapangyarihang Diyos; at patnubay at pamamahala ng Kanyang Banal na Espiritu, at ang payo ng kanyang priesthood upang tayo ay maakay at mapangalagaan sa landas na naghahatid sa buhay na walang hanggan.11
Sinasabi nating tayo ay mga Banal ng Diyos, at tayo nga ay gayon. …Naniwala at naniniwala tayo na nagsalita ang Diyos, na nagpakita ang mga anghel at binuksan ng Diyos ang komunikasyon sa mga kalangitan at lupa. Bahagi ito ng ating pananampalataya at doktrina. Naniniwala tayo na ganap na babaguhin ng Diyos ang mundo, linisin ito mula sa lahat ng uri ng kasamaan at magpakilala ng lahat ng uri ng kabutihan, hanggang ganap na maipakilala ang dakilang milenyo. Naniniwala rin tayo na dahil sinimulan na ng Diyos ang kanyang gawain, patuloy siyang magpapahayag at magpapakita ng kanyang kalooban sa kanyang priesthood, sa kanyang simbahan at kaharian sa lupa, at sa kalipunan ng kanyang mga tao magkakaroon ng pagpapakita ng kabutihan, katotohanan, kabanalan, integridad, katapatan, karunungan at ng kaalaman tungkol sa Diyos.12
Nadarama kong isa akong kawal na nasa digmaan, sa digmaang tatagal sa buhay na ito hanggang sa buong kawalang hanggan; at kung ako ay tagapaglingkod ng Diyos, nasa ilalim ako ng direksiyon ng iba pang tagapaglingkod ng Diyos, na kanyang hinirang upang pumatnubay at magpayo sa akin sa pamamagitan ng paghahayag na mula sa kanya, karapatan nilang utusan at pa mahalaan ako sa lahat ng gawaing nauugnay sa kaharian ng Diyos; at higit pa, nararamdaman kong lahat ng bagay na espirituwal o temporal man, na may kaugnayan sa buhay na ito, o sa kawalang hanggan ay nauugnay sa kaharian ng Diyos. Dahil sa damdamin kong ito hindi mahalaga sa akin kung paano nangyayari ang mga bagay-bagay; hindi mahalaga kung ang mga ito ay nangyayari nang ganito, o nang ganoon, o kung paano man, baku-bako o patag man ang daan, tatagal lamang ito sa isang takdang panahon, at ako’y mabubuhay lamang sa isang takdang panahon; ang mahalaga sa akin ay kung paano ko mapananatili ang aking pananampalataya, at integridad, kilalanin ang aking tungkulin, at tiyakin na ako’y matagpuang matapat hindi lamang sa mga huling araw ng buhay na ito, kundi sa mga daigdig na walang katapusan; at magpatuloy na umunlad sa lahat ng katalinuhan, kaalaman, pananampalataya, pagtitiyaga, kapangyarihan, at kadakilaan.13
Dapat nating suportahan ang ibang miyembro ng Simbahan sa kanilang mga tungkulin.
Lahat ng opisyal sa Simbahan ay unang tinawag sa pamamagitan ng paghahayag o ng mga may awtoridad, ayon sa kalikasan nito, at pagkatapos sinasang-ayunan ng mga taong kanilang pamumunuan. Bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng kapangyarihan ayon sa posisyon na kanilang kinalalagyan; at inaasahan na lahat ng taong may kaugnayan dito ay igagalang ang kanyang paghatol at desisyon.14
Itinataas natin ang ating kanang kamay kapag sumasang-ayon tayo bilang palatandaan sa harap ng Diyos na ating susuportahan ang ating mga sinang-ayunan. At kung nadarama nating hindi natin sila masusuportahan, hindi natin dapat itaas ang ating mga kamay, dahil kung gagawin natin ito ito’y pagkukunwari lamang. …
Ano ang ibig sabihin ng pagsuporta sa isang tao? Nauunawaan ba natin ito? Simpleng bagay lamang ito sa akin, hindi ko alam kung ano ito sa inyo. Halimbawa, kung guro ang isang tao, at sumangayon ako na susuportahan ko siya sa kanyang posisyon, kapag nakipagkita siya sa akin sa kanyang opisyal na kapasidad magiliw ko siyang tatanggapin at ituturing siya nang may pagsasaalang-alang, kabaitan, at paggalang. Kung kailangan ko ng payo, hihilingin ko ito sa kanya, at gagawin ko ang lahat ng magagawa upang suportahan siya. Ito ay tama lamang at ayon ito sa alituntunin ng kabutihan. Hindi ako magsasalita ng anumang bagay na makasisira sa kanyang pagkatao. Kung hindi ito tama, kailangan ko pang malaman kung ano ang nararapat na gawin. At kung sinuman sa harap ko ang magbubulong ng isang bagay tungkol sa kanya, na humahamak ng kanyang pagkatao, sasabihin ko, sandali lang! isa ka bang Banal? Oo. Hindi mo ba itinaas ang kamay mo na susuporta ka sa kanya? Oo. Kung gayon, bakit hindi mo ito ginagawa? Ngayon, tatawagin ko ang bagay na ito na pagsuporta sa kanya. Kung may sinumang tao na babatikos sa kanyang reputasyon—dahil mahalaga sa lahat ng tao ang kanilang reputasyon—ipagtatanggol ko siya sa ganitong paraan.
Kapag sinang-ayunan natin ang mga tao sa ganitong kapita-pitagang paraan na ginagawa natin, hindi ba tayo tutupad sa ating mga tipan? o lalabagin ba natin ang mga ito? Kung lalabagin natin ang mga ito, lumalabag tayo ng tipan. Linalabag natin ang ating pananampalataya sa harap ng Diyos at ng ating mga kapatid, ukol sa mga gawain ng mga taong nangako tayong ating susuportahan.
Ipalagay nating gagawa siya ng mali, ipalagay na mapatutunayang nagsinungaling siya o nandaya, o nanloko siya ng tao, o nagnakaw o anuman, o naging di dalisay sa kanyang mga kilos? Siya ba ay susuportahan pa rin ninyo? Tungkulin kong makipagusap sa kanya tulad ng gagawin ko kaninuman, at sabihin sa kanya ang mga bagay na nalalaman ko, na dahil sa mga bagay na ito hindi ko na siya masusuportahan. Kung malalaman kong mali pala ang impormasyon ko, iuurong ko ang bintang ko; ngunit kung hindi, tungkulin kong tiyakin na mabigyan siya ng hustisya, dalhin siya sa wastong hukuman upang managot sa mga bagay na ginawa niya; at kung hindi ganito ang sitwasyon, wala akong karapatang magsalita tungkol kanya.15
Ipanalangin ang mga taong inilagak ng Diyos sa iba’t ibang panunungkulan sa simbahang ito na kanilang magampanan ang kanilang iba’t ibang tungkulin. Itataguyod ng Panginoon ang kanyang mga tagapaglingkod at ibibigay sa kanila ang kanyang Banal na Espiritu at ang liwanag ng paghahayag, kung magsusumamo sila sa katulad na paraan ng kanyang pagkakahirang, aakayin niya sila at kayo sa tamang landas. Ito ang kaayusan ng kaharian ng Diyos, ayon sa aking pagkakaunawa. … Tungkulin natin na matutuhan ang kaayusang ito at sumunod dito.16
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Tinawag na ba kayo sa isang tungkulin na sa palagay ninyo ay hindi ninyo kayang gampanan? Paano kayo tumugon sa hamong ito? (Tingnan din sa 1 Nephi 17:50.) Paano natin ihahanda ang ating sarili sa paglilingkod sa Panginoon sa anumang kapasidad?
-
Binigyang-diin ni Pangulong Taylor na bawat isa sa atin ay may tungkuling dapat gampanan sa Simbahan. Bakit mahalaga sa bawat isa sa atin na maglingkod?
-
Sa papaanong paraan nakinabang ang inyong buhay sa inyong mga tungkulin sa Simbahan? Sa anu-anong paraan pa kayo mas ganap pang makapaglilingkod?
-
Paano kayo pinagpala ng isang miyembro ng Simbahan na tumutupad sa kanyang tungkulin? Ano ang nadarama ninyo para sa taong masigasig na naglilingkod sa inyo at sa inyong pamilya?
-
Anu-anong karanasan ang natamo ninyo nang tulungan kayo ng Panginoon habang kayo ay naglilingkod? Paano ninyo patuloy na matatanggap ang Kanyang patnubay habang kayo ay naglilingkod? Bakit mahalaga, habang tayo’y naglilingkod, na hindi natin ipinagkakapuri ang ating sarili, kundi ang Panginoon?
-
Paano natin aktibong masusuportahan ang iba sa kanilang mga tungkulin? Paano mapalalakas ang Simbahan kung nagpapakita tayo ng suporta sa isa’t isa? Ano ang magagawa natin sa loob ng ating tahanan na makatutulong sa ating pamilya na suportahan ang ating mga lider sa Simbahan?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Kawikaan 3:5–6; Mosias 2:17; D at T 4:2–7; 24:7; 64:33–34; 76:5