Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 21: Pagpapalakas ng mga Pamilya


Kabanata 21

Pagpapalakas ng mga Pamilya

Pangalagaan nang mabuti ang inyong sarili at inyong pamilya, at ang inyong mga anak; at hangarin nating gawin ang tama.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Noong ika-1 ng Pebrero 1885, kusang nagtago si John Taylor upang maiwasan ang pag-uusig ng mga awtoridad-pederal. Bagaman inaasahan niyang mababawasan ang mga pang-aaping nararanasan ng Simbahan sa kanyang pagtatago, batid din niyang ilalayo siya nito sa kanyang pamilya sa loob ng nalalabi pa niyang buhay sa mundo. Gayunpaman, sa panahong ito, nanatili pa rin siyang nag-aalala para sa kanilang kapakanan. “Sabihin mo sa kanila na inaalala ko sila tuwina,” sinabi niya sa pamangkin niyang si Angus M. Cannon bago siya mamatay. “Mahal ko ang bawat isa sa kanila, at kailanman ay hindi ako titigil sa pagsusumamo ko sa Diyos para sa kanilang kapakanan.”2

Mapagmahal at maalalahaning asawa at ama si Pangulong Taylor. Isinulat ng anak niyang si Moses W. Taylor ang sumunod tungkol sa kanya: “Malakas ang pagnanais niyang mapasailalim kaming mga anak niya sa impluwensiya ng pamilya at nagpagawa siya ng mga palaruan para sa amin. Maging noong mahigit na pitumpung taon na siya, nakikipaglaro pa rin siya sa amin. Naglagay siya rito ng isang malaking kahon ng buhangin para sa maliliit na bata. Kung mayroon man noon akong mas mabuti pang bagay na dapat paglaanan ng oras kaysa sa paghuhukay sa buhangin, hindi ko na naisip pa itou …

“Hindi ko kailanman narinig na nakipagtalo siya sa sinumang miyembro ng kanyang pamilya; hindi ko kailanman narinig siya at ang aking ina na nag-away o di nagkasundo sa harap ng kanilang mga anak. Kapag nagsasalita siya tungkol sa mga tungkulin namin sa simbahan, lagi itong ginagawa sa pamamagitan ng pagpapayo. Madalas niyang sabihin, ‘Ikagagalak ko kung ikaw ay magiging isang matapat na Banal sa mga Huling Araw.’ Mataas ang pagtingin sa kanya ng kanyang mga anak kaya nga ang mabigyan siya ng kagalakan ang siyang kanilang pinakamimithi.”3

Itinuro ni Pangulong Taylor sa mga Banal ang kahalagahan ng pagiging mabuting halimbawa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Minsan nagsalita ang anak niyang si Frank Y. Taylor tungkol sa pagiging mabuting halimbawa sa kanyang buhay ng kanyang ama: “Kapag naiisip ko ang maingat na pagpapalaki sa akin, ang kahanga-hangang halimbawang ipinakita niya sa akin, noong aking kabataan, nararamdaman kong walang dahilan para hindi ko gawin ang tama sa buhay ko, dahil alam kong binigyan ako ng perpektong halimbawa na dapat kong sundin. Gayunman, noong bata pa ako, natukso rin ako tulad ng ibang batang lalaki; ngunit walang dungis at dalisay at malinis ang buhay ng aking ama na kapag may tukso sa harap ko, waring nakikita ko ang kahanga-hangang katauhan niya na tulad ng isang bantayog, at hindi ko na makuhang gawin ang tuksong nakaharap sa akin dahil nararamdaman kong ikalulungkot ng ama ko ang bagay na ito dahil walang anumang bagay sa buhay niya ang magbibigay-dahilan sa akin na gumawa ng bagay na hindi magiging katanggap-tanggap sa ating Ama sa langit. Nararamdaman ko, habang pinag-iisipan ko ang buhay niya, na nais kong mabuhay nang tulad niya, upang ako ay maging liwanag sa kadiliman sa aking mga anak.”4

Mga Turo ni John Taylor

Walang hanggan ang kasal at ang mga ugnayan sa pamilya.

Walang hanggan ang ebanghelyong ipinangangaral natin; mula pa ito noong nagdaang kawalang hanggan; ito’y umiiral ngayon at aabot pa ito hanggang sa mga kawalang hanggang darating. Lahat ng bagay na nauugnay rito ay walang hanggan. Ang ating mga ugnayan sa pamilya, halimbawa, ay walang hanggan. Pumunta kayo sa ibang sekta ng relihiyon ngayon at malalaman ninyo na ang tipan nila sa kasal ay nagtatapos sa buhay na ito; wala silang ideya tungkol sa pagpapatuloy ng ating mga ugnayan sa kabilang buhay; hindi sila naniniwala sa bagay na ito. Tunay na may likas na katangian sa buhay ng tao na nagbibigay sa kanila ng pag-asa na sana ay ganito nga; ngunit wala silang alam tungkol dito. Binubuklod ng ating relihiyon ang mga lalaki at babae sa buhay na ito at sa kawalang hanggan. Ito ang relihiyon na itinuro ni Jesus—may kapangyarihang magbuklod sa lupa at sa langit, at may kapangyarihang kalagan ang anumang bagay sa lupa at sa langit [tingnan sa Mateo 16:19]. Naniniwala tayo sa alituntuning ito, at inaasahan natin sa pagkabuhay na mag-uli, tayo’y mabubuhay na kasama ang ating asawa at ibubuklod sa atin ang mga anak natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na priesthood, nang sila ay makasama natin sa buong panahon at magpakailanman.5

Nang ipakilala at ipangaral ang ebanghelyo kay Adan pagkatapos ng pagkahulog, sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi lamang siya nagtagumpay sa kamatayan, naging abot-kamay rin niya, at mapapasa kanya ang walang hanggang katangian, hindi lamang ng mundo, kundi gayon din ng buhay sa langit; hindi lamang ng sa mundo, kundi gayon din ng pamamahala sa langit; at sa pamamagitan ng batas ng ebanghelyong ito (at hindi lamang siya, kundi lahat ng kanyang inapo) na matamo, hindi lamang ang kanyang unang kalagayan, kundi gayon din ang mas mataas na kadakilaan sa mundo at sa kalangitan. Ang mga ito ay hindi mapasasakanya kung hindi siya nahulog; ang mga kapangyarihan at pagpapala na nauugnay sa pagbabayad-sala na ganap na kakaiba at mataas pa sa anumang kaligayahan o pribilehiyo na mapapasakanya sa kanyang unang kalagayan. Dahil dito, siya at ang kanyang katuwang ang naging ama at ina ng buhay—buhay na temporal, buhay na espiritwal, at buhay na walang hanggan, at nalagay sa posisyong maging Diyos, oo, ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos, at ang dami at lawak ng kanilang pamamahala ay magiging walang hangganan; sa buong panahon at sa walang hanggan.6

Ano pa ang higit na kahanga-hanga at kanais-nais kaysa sa dalisay, inosente, magiliw na pagmamahalan na inilagay ng Diyos sa mga puso ng lalaki at babae, na pinag-isa sa kasal na ayon sa batas, nang may pagmamahal at pagsinta, dalisay tulad ng pagmamahal ng Diyos, dahil ito’y mula sa kanya, at ito’y kaloob niya: nang may malinis at marangal na mga katawan, at anak, na maganda, malusog, dalisay, inosente, at walang bahid-dungis: nagtitiwala sa isa’t isa, magkasamang namumuhay nang may takot sa Diyos, tinatamasa ang mga kaloob ng kalikasan nang dalisay at walang bahiddungis tulad ng bagong patak na mga niyebe, o malinaw na sapa. Mag-iibayo pa ang kaligayahan nila kung mauunawaan nila ang kanilang kapalaran, ang layunin ng Diyos, at kanilang mapag-isipan ang walang hanggang pagsasama nilang dalawa sa kabilang buhay, ang ugnayan nila ng kanilang mga anak, na nagsimula rito, at mananatili magpakailanman, at ang lahat ng kanilang pamilya, ugnayan, at pagmamahalan ay pinalakas pa.

Nakadarama ng malaking kaligayahan ang isang ina kapag minamasdan niya ang kanyang anak, at tinitingnan ang maganda nitong anyo; nag-uumapaw sa kaligayahan ang puso niya sa kaalamang mapapasa kanya ang anak na ito magpakailanman. At kung mauunawaan lamang natin ang ating kalagayan, ito na ang layunin kung bakit tayo isinilang sa mundo. Marami na akong isinulat tungkol dito, at ang layunin ng kaharian ng Diyos ay ang itatag muli ang lahat ng banal na alituntuning ito.7

Umaabot sa mga darating na henerasyon ang impluwensiya ng mga magulang.

Hindi lamang personal na pagpapaperpekto ang buhay ng isang banal, mayroon din itong papel sa kabuuang plano ng pagtubos sa mundo. Walang sinuman ang maliligtas nang nag-iisa, nang siya lamang, nang hindi tinutulungan o tumutulong sa iba. Ang bigat ng impluwensiya natin ay magiging para sa kabutihan o kasamaan, magiging tulong o pinsala sa gawain ng pagpaparami ng sangkatauhan, at habang nagkakaron tayo ng pananagutan, bumubuo ng ugnayan, pumapasok sa mga tipan, nagkakaanak, nagkakaroon ng mga pamilya, lumalaki ang ating impluwensiya, gayon din ang lawak at bigat nito.8

Ang unang kautusan na ibinigay sa tao ay “Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa.” [Genesis 1:28.] At yamang ang tao ay walang hanggan, at lahat ng kanyang kilos ay may kinalaman sa kawalang hanggan, nararapat niyang maunawaang mabuti ang kanyang kalagayan, upang magampanan niya ang layunin niya sa buhay: yamang siya at ang kanyang anak ay nakatadhanang mabuhay hanggang sa walang hanggan, hindi lamang sarili niyang ikinikilos ang pananagutan niya, kundi gayon din ang karamihan sa ikinikilos ng kanyang mga anak; sa pagsasanay ng kanilang isipan, pamamahala ng kanilang moralidad, pagbibigay sa kanila ng tamang halimbawa, at pagtuturo sa kanila ng tamang alituntunin, at lalung-lalo na ang pagpapanatiling dalisay ng kanyang sariling katawan.

At bakit? Dahil kung aabusuhin niya ang kanyang katawan at dudumihan ang kanyang sarili hindi lamang niya sinasaktan ang kanyang sarili kundi gayon din ang kanyang kabiyak o mga kasamahan, at naghahatid din ito ng hindi masukat na kahirapan sa kanyang mga inapo, … at hindi lamang sa buhay na ito, kundi hanggang kawalang hanggan. Kaya nga’t nagbigay ang Panginoon ng mga batas na namamahala sa kasal, at kalinisan ng puri, na napakahigpit, na naghatid na ng pinakamatinding parusa sa iba’t ibang panahon sa mga yaong umabuso sa sagradong ordenansang ito. … At bakit? Dahil may kalayaan ang taong pumili para sa kanyang sarili, nang madakila niya ang kanyang sarili at ang kanyang mga inapo, sa buhay na ito at sa kawalang hanggan, kung aabusuhin niya ang kapangyarihang ito, hindi lamang niya naaapektuhan ang kanyang sarili, kundi gayon din ang mga hindi pa isinisilang na mga katawan at espiritu; dinudumihan ang daigdig, at binubuksan ang pintuan ng bisyo, imoralidad, at inilalayo tayo sa Diyos. … Ngunit kapag ginagawa ang utos ng Diyos, nagiging kanais-nais ang kalagayan ng mga bagay-bagay.9

Kung ako … ang ulo ng pamilya, nanaisin kong turuan ang pamilya ko ng tama at ituro sa kanila ang mga alituntunin ng kabutihan, kabanalan, kadalisayan, karangalan at integridad, nang sila ay maging marapat na mga mamamayan, at nang makatayo sila sa harap ng Diyos, na kapag sila at ako ay nawala na sa mundong ito, magiging marapat naming makilala ang mga hinirang ng Diyos (yaong mga pinili niya mula sa mga bansa sa mundo), at ang mga Diyos sa walang hanggang daigdig. Samakatwid, tuwing umaga, bilang ulo ng pamilya, iniaalay ko ang aking sarili at aking pamilya sa Diyos.10

Dapat nating iwasan sa ating pamilya ang masasakit at malulupit na salita at kilos.

Hindi kayo kailanman dapat bumanggit ng salita o gumawa ng isang bagay na hindi ninyo nais tularan ng inyong anak. Ang mga taong nagsasabi na sila raw ay may takot sa Diyos, at ang ilan sa kanila ay mga Elder sa Israel, na sugapa sa pagmumura, … ay kahiya-hiya sa langit, at ito ay ginagawa minsan sa harap ng kanilang pamilya; kahiya-hiya ito. At pagkatapos ang iba sa kanila ay nagdadahilan at nagsasabing mainit lamang ang ulo nila. Babayaran ko ang taong makapag-aalis sa akin nito. Magiging maingat ako nang sa gayon lahat ng kilos at gawain ko ay tama. …

Dapat nating pakitunguhan nang tama ang mga asawa nating babae. Isa siyang masamang lalaki na nang-aabuso sa isang babae. … Hindi ba’t nakipagtipan kayo sa inyong asawa para sa buhay na ito at sa kawalang hanggan? Oo, ginawa ninyo ito. Hindi ba ninyo gusto na sa pagpanaw ninyo sa buhay na ito, masasabi ninyong, Maria, Juana, Ana, o anumang pangalan, hindi kita kailanman sinaktan sa buong buhay ko. At kung mga asawang babae naman kayo, hindi ba ninyo gustong sabihin, Jose, o Juan, hindi kita kailanman sinaktan sa buong buhay ko. At, pagkatapos, ay magsasama kayo hanggang sa kawalang hanggan.11

Mga lalaki, minamahal ba ninyo ang inyong asawa, at pinakikitunguhan sila nang tama, o iniisip ninyo na kayo’y isang hari na may kapangyarihang ipilit ang pagnanasa ninyo sa kanila? … Dapat ninyong pakitunguhan sila nang may kagandahang-loob, habag, at pagpapahinuhod, at hindi maging malupit at masama ang loob, at sa anumang paraan nagnanais na magpakita ng inyong awtoridad. Pagkatapos, kayong mga babae, pakitunguhan nang tama ang inyong asawa, sikapin ninyong paligayahin at gawing komportable sila. Sikapin na maging langit ang tahanan ninyo, sikaping mahalin ang mabuting Espirtu ng Diyos. Pagkatapos, bilang magulang palakihin natin ang ating mga anak na may takot sa Diyos at ituro sa kanila ang mga batas ng buhay. Kung gagawin ninyo ito, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa ating puso, kapayapaan sa ating pamilya, at kapayapaan sa ating mga kapaligiran.12

Alisin sa inyong sarili ang masasakit at malulupit na salita, huwag hayaang magkaroon ng masamang damdamin sa inyong puso, o sa lugar na inyong pinaninirahan. Mahalin ang isa’t isa, at habang pinagsisikapan ng bawat isa na mapabuti pa ang kapakanan ng iba, mamamayani ang pagmamahal sa inyong pamilya, at gayon din ang madarama ng inyong mga anak, at kanila ngayong tutularan ang inyong mabuting halimbawa, at kanilang ipamumuhay ang mga bagay na natutuhan nila sa tahanan.13

Dapat nating ituro at ipamuhay sa ating pamilya ang mga alituntunin ng kabanalan.

Mga magulang maging matapat; bigyan ninyo ng tiwala ang inyong mga anak sa inyong salita, nang sa gayon anuman ang sabihin ng kanilang ama o ina, sasabihin nila, “kung iyan ang sinasabi ni Itay o ni Inay, alam kong tama ito, dahil sinabi ito ni Itay o ni Inay, at kailanman ay hindi sila nagsinungaling o nagsabi ng di totoo.” Ganito ang damdaming nais nating hikayatin sa ating pamilya.

At muli nais nating maging malinis ang ating pagkatao, sa ating tahanan at sa lahat ng bagay. At mga ina, dapat ninyong itanim sa inyong puso ang diwa ng kapayapaan; dapat kayong maging tulad ng mga anghel ng Diyos, puno ng lahat ng kabutihan. At mga ama dapat ninyong pakitunguhan nang tama ang kanilang mga ina. May pagkukulang ba siya? Oo. At maging ang mga ama rin. … Gawin ninyong masaya ang inyong tahanan. Ipakita sa inyong mga anak na nagmamahalan kayo, nang lumaki silang may gayon ding damdamin, at maakay ng alituntunin na igalang ang kanilang ama at ina. Ang ganitong mga damdamin ang siyang magdadakila sa atin.14

Nananalangin ba ang inyong pamilya?. … Kapag ginagawa ninyo ito, ginagawa ba ninyo ito nang mekanikal lamang, o mapagkumbaba kayong tumutungo at taos pusong naghahangad ng mga pagpapala ng Diyos sa inyo at sa inyong pamilya? Ito ang dapat nating gawin, at magtanim ng diwa ng pagmamahal at tiwala sa Diyos, iniaalay ang ating sarili sa kanya, at naghahangad ng kanyang mga pagpapala.15

Iniutos sa ating ng Panginoon na, isaayos natin ang ating bahay. Mga Apostol, mga Stake President at mga Bishop, ginawa na ba ninyo ito sa inyong sariling bahay? Ipinagagawa rin ba ninyo ito sa mga Banal? Binigyang-diin ba ninyo sa mga taong nasa inyong pamamahala ang mahigpit na pangangailangan na maging dalisay kung ninanais nila ang pagpapala at pangangalaga ng Pinakamataas? Mas higit ang panganib na kinakaharap ng mga miyembro ng inyong ward at stake mula sa mga taong naghahangad na sumira sa kanila kaysa sa panganib na kinakaharap ng kawan ng mga tupa at kordero mula sa isang tuso at gutom na lobo. Batid ba ninyo ang panganib na ito, at ginagawa ba ninyo ang lahat ng pag-iingat laban dito?

Mga magulang, ganap ba kayong matapat sa lahat ng alituntunin ng kabanalan, at pinalilibutan ba ninyo ang inyong mga anak ng lahat ng uri ng pananggalang laban sa panlilinlang ng masama? Itinuturo ba ninyo sa kanila na ang kalinisan ng puri sa lalaki at babae ay higit pang pinahahalagahan kaysa sa buhay? O pinababayaan ninyo sila sa kamangmangan at kawalang karanasan na makihalubilo kaninumang nais nila, sa anumang oras na gusto nila, at malantad sa mga patibong ng manlilinlang at masama? Ang mga tanong na ito ay inyong sasagutin sa inyong kahihiyan at paghahatol o sa inyong kagalakan at walang hanggang kaligayahan. Alamin ito, na ang Diyos, na nagbibigay sa atin ng mahahalagang pagpapala, ay humihingi mula sa atin ng naaangkop na kabayaran. Sa pagtanggap natin sa mga ito, nagkakaroon tayo ng pananagutan. Kung hindi ito magagampanan, tiyak na darating ang paghahatol.16

Mga magulang pakitunguhan nang tama ang inyong mga anak; palakihin silang may takot sa Panginoon; mas mahalaga sila sa inyo kaysa anupamang bagay na pagkakaabalahan ninyo.

At kayo, mga anak, sundin ang inyong magulang; igalang ang inyong ama at ina. Inaalagaan kayo ng iyong ina, at hangad ng inyong ama ang inyong ikabubuti, at ang kanilang puso, damdamin at pagmamahal ay nakatuon sa inyo. Huwag ninyo silang bigyan ng pasakit sa pamamagitan ng paglihis sa tamang alituntunin; bagkus ay lumakad sa landas ng buhay. At mga magulang, at mga anak, asawang lalaki at asawang babae at lahat ng tao, matakot sa Diyos, magtiwala sa kanya, ipamuhay ang mga alituntunin ng inyong banal na relihiyon na ipinahayag sa atin ng Diyos.17

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paanong makaiimpluwensiya sa inyong tahanan ang kaalaman tungkol sa walang hanggang katangian ng kasal at ugnayan ng pamilya? Paano nakatulong ang kaalamang ito upang kayo ay maging mas mabuting asawa o miyembro ng pamilya?

  • Anu-ano ang tiyak na bagay na maaaring gawin ng isang asawa upang kanyang masunod ang tipan ng kanilang kasal?

  • Sa anu-anong paraan maaaring turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng mga alituntunin na kinakailangan para sa kanilang kaligtasan? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na rebelde o nakagawa ng mabibigat na pagkakamali?

  • Basahin ang Mga Kawikaan 3:5–6. Paano maihahanda ng mga magulang, lolo at lola ang kanilang sarili sa pakikinig sa Espiritu nang mapayuhan nila nang tama ang kanilang mga anak at apo? Sa anong paraan kayo natulungan ng Espiritu Santo sa paggawa ng desisyon na nakaimpluwensiya para sa kabutihan ng inyong mga anak o apo?

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa halimbawa ng inyong mga magulang?

  • Basahin o awitin ang himnong “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno blg. 189). Paano makaaapekto sa pakikitungo natin sa ating mga anak ang kaalamang lahat tayo ay espiritung anak ng Ama sa Langit? sa ating asawa?

  • Nagbabala si John Taylor laban sa malulupit na salita at kilos sa ating pamilya. Paano natin magagawang ligtas ang tahanan natin sa mga bagay na ito?

  • Bakit isang mabigat na kasalanan ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa asawa o sa anak? Paano malulutas ang mga sitwasyon ng pang-aabuso?

  • Paano tayo makapagtatamin ng pagmamahalan at kapayapaan sa ating tahanan? Anu-anong pagpapala ang napasa inyong tahanan kapag nasa inyo ang Espiritu ng Diyos? Paano makatatagpo ng kapayapaan sa kanilang buhay ang mga taong nakatira sa magugulong tahanan?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Awit 127:3–5; Mateo 18:1–6; 3 Nephi 18:21; D at T 68:25–28; 93:40–43; 132:19–20

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-23 ng Peb. 1883, 1.

  2. B. H. Roberts, The Life of John Taylor (1963), 459.

  3. “Stories and Counsel of Prest. Taylor,” Young Woman’s Journal, Mayo 1905, 219; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1919, 156.

  5. Deseret News: Semi-Weekly, ika-30 ng Mar. 1869, 3.

  6. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 278–79.

  7. “Extract from a Work by John Taylor about to Be Published in France,” Millennial Star, ika-15 ng Mar. 1851, 82; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  8. Sa James R. Clark, tinipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 tomo. (1965–75), 3:87.

  9. “Extract from a Work by John Taylor,” Millennial Star, ika-15 ng Mar. 1851, 81–82; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, ika-18 ng Okt. 1881, 1.

  11. Deseret News: Semi-Weekly, ika-10 ng Mar. 1885, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  12. The Gospel Kingdom, 284.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, ika-16 ng Apr. 1878, 1.

  14. Deseret News: Semi-Weekly, ika-3 ng Ene.1882, 1; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  15. The Gospel Kingdom, 284.

  16. The Gospel Kingdom, 282–83.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, ika-1 Hunyo 1880, 1; binago ang pagkakaayos ng talata.

father and daughter reading

“Bilang magulang palakihin natin ang ating mga anak na may takot sa Diyos at ituro sa kanila ang mga batas ng buhay. Kung gagawin ninyo ito, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa ating puso, kapayapaan sa ating pamilya, at kapayapaan sa ating mga kapaligiran.”