Kabanata 23
Walang Hanggang Katotohanan
Wala nang mas mahalaga sa akin kaysa mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Isa sa pinakakahanga-hangang katangian ni John Taylor ay ang kanyang pagmamahal sa katotohanan, anuman ang opinyon ng iba. “Walang gaanong impluwensiya ang papuri o pamimintas ng iba sa isipan ni John Taylor kung ito ay ukol sa katotohanan,” isinulat ni Elder B. H. Roberts “Mas maraming taong namumuhi [sa katotohahanan], mas tumitindi ang kanyang debosyon.”2 Ang mga pangyayaring bumabalot sa pagbabalik-loob ni John Taylor sa ebanghelyo ay nagbibigay ng isa sa mga unang halimbawa ng kanyang pagmamahal sa katotohanan.
Ipinakilala ni Parley P. Pratt ang ebanghelyo kay John Taylor sa Canada. Ang mga turo ni Elder Pratt ay ikinatuwa ni John Taylor at ng kanyang mga kaibigan, na nagtataglay ng ganoon ding mga paniniwala ukol sa pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo. Gayunman, nang ituro ni Elder Pratt sa kanila ang tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon, marami sa mga kaibigan ni John Taylor ang nag-atubiling matuto pa, at ang iba naman ay tumangging magsuri pa tungkol sa Aklat ni Mormon at sa mga turo nito. Matapang na nagsalita si John Taylor sa grupo ng ganito:
“Narito tayo, hindi ba upang hanapin ang katotohanan. Hanggang ngayon ay ganap nating sinusuri ang ibang paniniwala at doktrina at pinatunayan nating ang mga ito ay mali. Bakit tayo natatakot na suriin ang Mormonismo? Ang ginoong ito, si G. Pratt, ay naghatid sa atin ng maraming doktrina na naaayon din sa sarili nating pinaniniwalaan. … Nanalangin tayo upang padalahan tayo ng Diyos ng sugo, kung mayroon Siyang tunay sa Simbahan sa mundo. Dumating sa atin si G. Pratt nang walang salapi o supot ng pagkain, tulad ng ginagawang paglalakbay ng mga apostol noong sinauna; at wala ni isa sa atin ang nakagawang pasinungalingan ang kanyang mga doktrina sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan o pangangatwiran. Ninanais kong suriin ang kanyang doktrina at ang ipinahayag niyang awtoridad. … Kung mapatutunayan kong tunay ang kanyang relihiyon, tatanggapin ko ito, anuman ang maging bunga nito.” Ang masusing pagsisiyasat ni John Taylor ay nauwi sa pagbibinyag sa kanya noong ika-9 ng Mayo, 1836. Pagkaraan ay sinabi niya, “Hindi ko kailanman pinag-alinlanganan ang alituntunin ng Mormonismo mula noon.”3
Bilang miyembro at pinuno ng Simbahan, maaasahan tuwina si John Taylor na magturo at magtanggol ng katotohanan. “Ipinangaral niya ang ebanghelyo sa maraming lupain; at bilang tagapagtanggol ng katotohanan, nakahanda siyang humarap sa sinumang bumabatikos dito; harapin man niya ang kanyang mga kalaban sa porum, o harapin silang natitipon na tigib nang maling opinyon laban sa kanya, o sa pahayagan, matagumpay siyang nakipaglaban sa kanila sa pamamagitan ng makapangyarihang pagpapahayag ng katotohanan.”4
Mga Turo ni John Taylor
Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay pinagpapala ng kaalaman at kapangyarihan.
Nakatayo sa matatag na sandigan, pinalilibutan ng mantel ng katotohanan, ang tao ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay sumisilip sa hinaharap, hinahawi ang tabing ng kawalang hanggan, inaalis ang tabing ng hiwaga ng mga kalangitan, at mula sa madilim na kasaysayan ng mga di mabilang na taon, minamasdan ang layunin ng dakilang Elohim, habang ito’y nangyayari sa buong kamahalan at kapangyarihan at kaluwalhatian. Nakatayo sa maikling sandali ng panahon, na namamasdan ang kahapon, kasalukuyan at ang hinaharap, nakikita niya ang sarili bilang isang taong walang hanggan ang relasyon sa Diyos, isang anak ng Diyos, isang tilamsik ng apoy mula sa walang hanggang nagniningas na apoy ng Diyos. Minamasdan niya ang daigdig at ang sangkatauhan, sa lahat ng iba’t ibang anyo nito, batid niya ang kanyang interes, at may talino na mula sa kanyang Amang Selestiyal, batid niya ang kanilang pinagmulan at kapalaran. …
Ang kanyang talino, na pinasigla ng Diyos at pinag-ibayo, ay magiging kasing lawak ng daigdig at lalaganap sa buong sansinukob, ang kanyang batas ay batas ng pagmamahal; ang kanyang tuntunin, ang tuntunin ng karapatan para sa lahat. Mahal niya ang kanyang kapwa, at ginagawan niya sila ng kabutihan; mahal niya ang kanyang Diyos at dahil dito ay sinasamba siya; nakikita niya ang kapangyarihan ng katotohanan, na tulad ng liwanag ng Diyos, ay lumalaganap sa buong sansinukob, pinaliliwanag ang buong mundo, at lumalagos saan man naroon ang mga tao o anghel, ang Diyos o ang mga sansinukob; nangungunyapit siya rito. Ang katotohanan ay ang kanyang kalasag at baluti, ang kanyang bato, pananggalang, siya ay umiiral sa kasalukuyan at sa walang hanggan. Tinatawag siya ng mga taong hangal dahil hindi siya mapamahalaan ng kanilang kahangalan, ni mapasunod sa kanilang kamalian, at malupit na halimbawa. Subalit habang sinusunggaban nila ang anino, napasasakanya ang tunay na mahalaga. Samantalang nasisiyahan na sila sa mahina, mabuway na relihiyon, na uso sa sandaling panahon, ngunit walang kinalaman sa kawalang hanggan, at sinusugpo ang pinakamataas, pinakadakilang alituntunin ng tao, may lakas siya ng loob na kilalanin ang Diyos; at sa pagkilala sa kanya, may lakas ng loob siya na sumunod sa kanya at ipagtapat ang pananampalataya na ibinigay sa kanya ng Diyos. Inuunawa niya ang lahat ng katotohanan, tungkol sa tao at sa langit. Wala siyang kinakasihang paniniwala o paboritong doktrina na pinanghahawakan. Wala sa kanyang mawawala kundi kamalian, at walang makakamit kundi katotohanan. Hinuhukay, pinagtatrabahuhan, at hinahanap niya ito na parang isang nakatagong kayamanan; at samantalang ang iba na masaya na ipa at talupak ng dayami, sinasamsam niya ang butil, ang laman, at ang punto ng lahat ng mabuti, at nangungunyapit sa lahat ng nakararangal at nakadadakila sa sangkatauhan. …
Nakatagpo ba ng kaligayahan ang mga sinaunang tao ng Diyos sa katotohanan? Gayon din tayo. May paghahayag at pangitain ba sila? Gayon din tayo. Nagpropesiya ba sila? Gayon din tayo. Nakipag-usap ba ang Diyos sa kanila? Ginagawa rin niya ito sa atin. Nagpropesiya ba sila tungkol sa “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay?” [Tingnan sa Mga Gawa 3:21.] Sinasabi natin na nasa pintuan na ito. Nagpropesiya ba sila tungkol sa kaharian ng Diyos? Tumutulong tayong itayo ito. May naglingkod bang mga anghel sa kanila? Gayon din sa atin. May propeta, apostol, pastor, guro at mangangaral ba sila? Gayon din tayo. May diwa ba sila ng propesiya at paghahayag? Gayon din tayo. Hinintay ba nila ang ikalawang pagparito at ang maluwalhating pagdating ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo? Gayon din tayo. Inasahan ba nilang ihihiwalay ng Diyos ang masasama sa lupain at maghahari siya sa kabutihan? Gayon din tayo. Hinangad ba nila na maghari si Jesus at ang mga banal sa mundo? Gayon din tayo. Sa katotohanan, hinahangad natin ang lahat ng bagay na hinangad nila; hinahangad na malaman ang lahat ng alam nila, at mangyari ang lahat ng prinopesiya sa kanila, ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay, at magsinungaling at maghumiyaw at magsisigaw man ang mga tao; hindi nila mahahadlangan ang layunin ng Diyos, ni matitigil ang pag-unlad ng walang hanggang katotohanan ni sa isang saglit— patuloy itong susulong, SUSULONG, SUSULONG, at lalabanan nito ang oposisyon. …
Ang walang hanggang kapangyarihan ng walang hanggang katotohanan ay tatayong walang galos sa tingin ng natitipong hukbo, at malalaman ng lahat ng bansa na ang Diyos ang namamahala sa mga kalangitan.5
Ang katotohanan, walang hanggang katotohanan ang saligan ng pag-asa ng mga Kristiyano: ito lamang ang tanging tiyak na bato na kung saan kayo makasasandig. Kung tatalikuran ang sandigang ito para sa isang paboritong paniniwala, mahuhulog siya sa sapot ng kawalan ng paniniwala, pag-aalinlangan, kamalian, at maling paniniwala, at mapupunta sa landas ng pagkawasak. Tuwinang dadalo ang kapangyarihan ng Diyos sa mga taong nagmamahal sa katotohanan at tumutupad rito.6
Aakayin tayo ng ebanghelyo sa mga katotohanan.
Nilayon ang ebanghelyo upang akayin tayo sa mga katotohanan at sa mga katalinuhan, hanggang maisakatuparan ang banal na kasulatan na nagpapahayag na makikita natin gaya ng pagkakakita sa atin, makaaalam gaya ng pagkakaalam sa atin [tingnan sa D at T 76:94], hanggang sa di na kailangang sabihin natin sa iba na, kilalanin mo ang Panginoon, bagkus lahat ay makakikilala sa Kanya mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakadakila [tingnan sa Jeremias 31:34], hanggang sa magliwanag ang ilaw at karunungan ng Diyos sa lahat, at lahat ay mainitan sa sinag ng walang hanggang katotohanan.7
Tungkol sa ating relihiyon, sasabihin ko na niyayakap nito ang lahat ng alituntunin ng katotohanan at katalinuhan na nauukol sa atin bilang mga moral, intelektuwal, mortal, at imortal na tao, ukol sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. Bukas tayo sa lahat ng uri ng katotohanan, saan man ito nanggagaling, saan man ito nagmumula, at sino man ang mga naniniwala rito. Ang katotohanan, kapag pinangunahan ng maliit na salitang “lahat,” ay sumasakop ng lahat ng bagay na umiral, o lahat ng bagay na iiral pa at makikilala ng tao at sa kalipunan ng tao sa panahong ito at hanggang sa walang katapusang panahon ng kawalang hanggan. At tungkulin ng lahat ng intelehenting tao na responsible at may pananagutan sa Diyos sa kanilang mga kilos, na maghanap ng katotohanan, hayaang itong umimpluwensiya sa kanila at sa kanilang mga kilos at pamumuhay, nang malaya sa lahat ng pagkiling at kuru-kuro, kahit na ito’y waring mababaw o kapani-paniwala.
Tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala, una, sa ebanghelyo, at malaking bagay na sabihin iyan, dahil niyayakap ng ebanghelyo ang lahat ng alituntunin na mas malalim, mas laganap, at mas malawak kaysa anupamang bagay na maiisip natin. Itinuturo sa atin ng ebanghelyo ang pag-iral at katangian ng Diyos. Itinuturo rin nito sa atin ang ating relasyon sa Diyos at ang iba’t ibang tungkulin natin sa kanya bilang kanyang mga anak. Itinuturo nito sa atin ang iba’t ibang tungkulin at responsibilidad natin sa ating mga pamilya at kaibigan, sa komunidad, at sa mga buhay at mga patay. Ipinahahayag nito sa atin ang mga alituntunin ukol sa hinaharap. Sa katotohanan, ayon sa sinabi ng isang disipulo noong sinauna, ito’y “nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira” [tingnan sa II Kay Timoteo 1:10], nagpapahayag ito ng kaugnayan natin sa Diyos, na inihahanda tayo para sa kadakilaan sa walang hanggang daigdig.8
Naghayag ang Diyos sa atin ng mga dakila at maluwalhating katotohanan, at handa Siyang maghayag ng mas marami pa kung ipasasailalim natin ang ating sarili sa Kanyang patnubay at direksiyon. Hangaring sundin ang alituntunin na laging itinuturo ni Jesus—gawin ang kalooban ng ating Ama na nasa langit, na nagsabi, “Hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.” [Juan 5:30.] Naririto tayo sa gayon ding kadahilanan kung bakit Siya naririto, at tulad Niya tungkulin din nating sumunod sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Dapat nating ipailalim ang ating sarili sa batas ng Diyos, sa salita ng Diyos, at sa kalooban ng Diyos.9
Hindi tayo dapat matakot na magsakripisyo alang-alang sa katotohanan.
Noon pa ma’y lagi nang laban sa katotohanan ang mga anak ng tao, dahil ito’y nakababangga sa masasamang hangarin at gawain. Tuwinang inuusig ang mga propeta; at bakit? dahil may lakas sila ng loob na ipangaral ang salita ng Panginoon sa mga tao. Sa pagsasalita ni Esteban tungkol sa bagay na ito, sinabi niya, “Alin sa mga propeta ang hindi pinagusig ng inyong mga magulang? At kanilang pinatay ang nangagpahayag ng una ng pagdating ng Matuwid na Ito; na sa kaniya’y kayo ngayon ay nangaging mga tagapagkanulo at mamamatay-tao?” [Tingnan sa Mga Gawa 7:52.] “Ngunit sa panahong ito,” sabi ng mga tao, “alam naming masasama sila at hindi namin iyon magagawa.” Ganito rin ang sinabi ng mga Judio kay Jesus, gayon pa man kanila siyang ipinako sa krus. …
Ipinanumbalik ng Panginoon ang Ebanghelyo kung paano ito umiral noong panahon ng mga Apostol. Ang Ebanghelyong ito ay hindi naaayon sa sistema ng tao, na salu-salungat at iba’t iba; at sa halip na kilalanin, ng matatapat na tao, ang mga katotohanan na nakapaloob sa Biblia, na kanilang ipinahahayag na kanilang pinaniniwalaan, ngunit sa katotohanan ay hindi, tinatangka nilang pagtakpan ang kanilang mahihinang sistema at teoryang hindi batay sa mga banal na kasulatan, upang ipagtanggol ang kanilang huwad na kabutihan. … Ngunit lahat ng katotohanan ay maihahayag; at ang matatapat ang puso ay magmumulat sa kanilang pagkatulog; at ang mga layunin ng Diyos ay matutupad; at ang kaharian ng Diyos ay maitatatag, at … ang katotohanan ay tatayong marangal at matatag, … at walang kapangyarihan ang makahahadlang sa pag-unlad nito.10
Sasabihin ko sa inyo ngayon ang ilan sa mga damdamin ko nang bago pa lamang ako sa simbahan. Matagal na ito. Nang una kong narinig ang ebanghelyo, napilitan akong umamin na may katuturan ito. Muntik ko nang ipagdasal na hindi sana ito totoo. “Kung totoo ito,” sabi ko, “bilang isang matapat na tao dapat kong sundin ito, kung hindi, hindi ako magkakaroon ng tiwala sa aking sarili.” Nang suriin ko ang paksang ito, at nakumbinsi na ito’y totoo, sinabi ko, “Naniniwala ako rito; Kailangan kong yakapin ito; hindi ko matatanggihan ang alituntunin ng walang hanggang katotohanan.” At sasabihin ko pa na sa buhay ko ay hindi kailanman ako tumanggi sa katotohanan na inihayag sa akin ng sinumang tao, handa akong sumunod rito noon at handa akong sumunod rito ngayon.
Kung may sinumang tao na mula sa anumang sekta ng relihiyon, o pulitika, o mula sa mundo ng siyensya, na magpapahayag sa akin ng totoong alituntunin, handa akong tanggapin ito, saan man ito nanggaling. Tanong ng isa, naniniwala ka ba sa Biblia? Oo. Naniniwala ka ba sa Aklat ni Mormon? Oo. Naniniwala ka ba sa Doktrina at mga Tipan? Oo. Naniniwala ako sa lahat ng sinabi at isinulat ng Diyos, lahat ng nakatala, at handa akong maniwala sa lahat ng ipahahayag niya sa sangkatauhan. Ipinahahayag nating naniniwala tayo sa lahat ng katotohanan, at pinamamahalaan tayo ng lahat ng katotohanan.11
Inasahan ko na pagsapi ko sa simbahang ito, na ako ay uusigin at iiwasan. Inasahan kong uusigin ang mga tao. Ngunit naniniwala ako na nagsalita ang Diyos, at ipinahayag Niya ang walang hanggang alituntunin, at may gawain ang Diyos na taliwas sa mga ideya, pananaw, at kuru-kuro ng tao, at hindi ko alam kung pagbabayaran ko ito ng buhay ko bago ako makatapos. … Kung pinatay nila si Jesus noong unang panahon, hindi ba’t ang gayon ding damdamin at impluwensiya ay maaaring magbunga rin ng gayon sa panahong ito? Inisip ko ang lahat ng maaaring mangyari sa akin nang una akong sumapi, at nakahanda akong harapin ang mga ito.12
Ang Panginoon, sa pamamagitan ng simpleng paraan ay napangangalagaan at naililigtas ang kanyang mga tao, ngunit kailangan nilang magkaroon ng ganap na pananampalataya at tiwala sa kanya, at kapag sila’y nalagay sa gipit na kalagayan hindi sila dapat matakot na magsakripisyo alang-alang sa pagpapanatili ng katotohanan, at lahat ay magiging mabuti para sa atin na nabubuhay o nasa bingit ng kamatayan, sa panahong ito o sa kawalang hanggan.13
Dapat tayong magpatuloy sa paghahanap at pagtanggap sa katotohanan.
Naghahanap tayo ng katotohanan. Nagsimula tayong maghanap nito, at lagi tayong naghahanap nito, at agad natin tinatanggap ang anumang totoong alituntunin na inihayag ng sinumang tao, ng Diyos, o ng mga banal na anghel, at ginagawa natin itong bahagi ng ating paniniwala sa ating relihiyon.14
Ang taong naghahanap ng katotohanan ay walang partikular na sistemang itinataguyod, walang partikular na doktrinang ipinagtatanggol o teoryang itinatangi. Tinatanggap niya ang lahat ng katotohanan, tulad ng araw sa kalangitan, ang kanyang matinding liwanag ay lumaganap sa lahat ng nilikha. Kung aalisin ng tao mula sa kanilang sarili ang pagkiling at masamang opinyon sa iba, at madasalin at taimtim na hahanapin ang katotohanan, matatagpuan nila ito saan man nila hanapin ito.15
Isang malaking dahilan kung bakit madalas natitisod ang mga tao sa paghahanap ng katotohanang pilosopikal ay dahil hinahanap nila ito sa pamamagitan ng kanilang sariling karunungan, para sa pagpapaluwalhati ng kanilang katalinuhan, at hindi nila hinihingi ang karunungan ng Diyos na siyang pumupuno at namamahala sa sanglibutan at sa lahat ng bagay dito. Ito ang isa sa mga malaking problema ng mga pilosopo sa mundo, na umiiral din ngayon, dahil inaangkin ng tao na siyang ang lumikha ng lahat ng bagay na kanyang natuklasan. Anumang bagong batas o alituntunin na kanyang natuklasan ay aangkinin niya sa halip na ibigay ang karangalan sa Diyos.16
Walang bagay na mas mahalaga pa sa akin kaysa sa mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan; kaysa sa mga alituntunin ng buhay na walang hanggan; walang hanggang kaligtasan, at walang hanggang kadakilaan sa kaharian ng Diyos. Ngunit tungkulin nating maunawaan ang mga ito, dahil kung hindi natin nauunawaan ang mga ito, gaano man kahalaga ng katotohanan, hindi tayo makikinabang dito.17
Bukas tayo sa pagtanggap ng lahat ng katotohanan, anumang uri nito, hinahangad nating makamtam at ariin ang mga ito, hinahanap ang mga ito na parang mga nakatagong kayamanan; at gamitin ang lahat ng kaalamang ibinigay sa atin ng Diyos upang mapasaatin ang lahat ng katalinuhan na ibinigay niya sa iba; at hilingin ang tulong niya upang ipahayag ang kanyang kalooban, ukol sa mga bagay na nilayon nang mabuti upan magbigay sa atin ng kaligayahan at para sa ikabubuti ng sangkatauhan.
Kung may alinmang mabuting alituntunin, alinmang pilosopiya sa moralidad na hindi pa natin nakakamtan, hinahangad nating matutuhan ang mga ito. Kung may alinmang bagay sa larangan ng siyensiya na hindi natin nauunawaan, hinahangad nating maunawaan ang mga ito. Kung may alinmang sangay ng pilosopiya na naglalayong pagbutihin ang sangkatauhan, na hindi pa natin napanghahawakan, hinahangad nating mapasaatin ito. Kung may alinmang bagay na ukol sa pamamalakad at pamamahala ng mga bansa, o sa pulitika, sa ibang salita, na hindi pa natin alam, ninanais nating mapasaatin ito. Kung may alinmang ideya sa relihiyon, alinmang katotohanan sa teolohiya, alinmang alituntunin ukol sa Diyos, na hindi pa natin natututuhan, magtatanong tayo sa tao, at mananalangin sa Diyos, sa ating Ama sa Langit, na maliwanagan ang ating isipan upang tayo ay makaunawa, makaalam, makatanggap, at makapamuhay sa mga ito bilang bahagi ng ating relihiyon. Kaya nga’t ang ating mga ideya at kaisipan ay sumasaklaw sa lahat ng sulok ng mundo, tumatanggap sa lahat ng bagay na nauukol sa liwanag o buhay na ukol sa mundong ito o sa mga mundong darating. … Hahangarin ng mga ito ang katalinuhan ng mga Diyos sa mga daigdig na walang hanggan. Sasaklawin ng mga ito ang lahat ng mabuti at marangal at mahusay at nagpapaligaya at nilayon para sa kapakanan ng sangkatauhan.
Walang sinuman ni isang grupo ng tao na nagturo ng daan na dapat nating tahakin, tungkol sa mga bagay na ito. Walang doktrina ni teorya na umiiral sa mundo na ipinahahayag nating pinakikinggan natin, maliban na lamang ang mga ito ay mapatutunayan ng mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan. Maingat nating minamasdan, sinisiyasat, pinupuna, at sinusuri ang lahat ng nakikita natin, at anuman ang katotohanang matatagpuan natin dito, maluwag nating itinuturing itong bahagi ng sistemang kinabibilangan natin.18
Kung may ilanmang katotohanan sa langit, lupa, o impiyerno, nais kong tanggapin ito; walang halaga sa akin anuman ang anyo nito, sino ang may dala nito, o sinuman ang mga naniniwala dito; popular man ito o hindi, minimithi kong magpakatuwa at magtamasa ng katotohanan, walang hanggang katotohanan.19
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Anu-ano ang pinagkukunan natin ng walang hanggang katotohanan? Paano ninyo mapabubuti ang paraan ng pagtanggap ninyo sa mga mapagkukunang ito?
-
Paano tayo aakayin ng ebanghelyo sa “mga katotohanan”? Anuanong pagbabago ang nakita ninyo sa inyong buhay habang natututo at tumatanggap kayo ng mga bagong katotohanan?
-
Anu-anong sakripisyo ang ginawa ninyo o ginawa ng mga taong kilala ninyo alang-alang sa katotohanan? Anu-anong pagpapala ang dumating dahil dito?
-
Maraming tao ng Diyos ang namatay para sa katotohanan. Paano tayo makapamumuhay sa katotohanan nang may gayon ding dedikasyon at debosyon?
-
Sa palagay ninyo, bakit madalas labanan ng mundo ang walang hanggang katotohanan? Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga bata na makilala at tumanggap ng walang hanggang katotohanan? Ano ang magagawa natin bilang pamilya upang mapalakas ang paninindigan natin sa katotohanan?
-
Bakit mahalagang patuloy nating dagdagan ang pag-unawa natin sa katotohanan? Sa anu-anong paraan natin maaaring sundin ang payo ni Pangulong Taylor ukol sa patuloy na paghahanap ng katotohanan? Paano natin makikilala ang katotohanan sa kamalian?
-
Anu-ano ang ilang katotohanan sa ebanghelyo na sa palagay ninyo’y nagbibigay ng inspirasyon at nagpapalakas sa inyo? Bilang miyembro ng Simbahan paano ninyo matutulungan ang iba na makaunawa at tumanggap ng katotohanan?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Taga Filipos 4:8; I Mga Teselonica 5:21; Alma 32:28–29; Moroni 10:4–5; D at T 45:57;93:24; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13