Kabanata 4
Pagkamasunurin, Isang Sagradong Tungkulin
Hangga’t tumutupad tayo sa mga kautusan ng Diyos, hindi tayo dapat matakot; sapagkat sumasaatin ang Panginoon ngayon at sa kawalang hanggan.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Ipinamalas ni John Taylor ang kahandaang maging masunurin sa Diyos sa buong buhay niya. Ito ay lumitaw lalung-lalo na nang tumanggap siya ng tawag na iwan ang kanyang mga mahal sa buhay at maglingkod sa Panginoon bilang isang misyonero sa Inglatera.
Ang tawag ay dumating noong Hulyo 1838 sa isang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan bahagi 118. Sa paghahayag na ito, inutusan ang mga Apostol na humayo upang magmisyon mula sa pook na pagtatayuan ng templo sa Far West, Missouri, noong ika-26 ng Abril 1839. Ang pagsunod sa kautusang ito ay lubhang mahirap dahil sa pag-uusig at pagpapalayas sa mga Banal mula sa Missouri noong taglamig ng 1838–39. Gayunman, sa kabila ng panganib na kanilang kahaharapin sa pagbabalik sa Missouri, si Elder Taylor at ang kanyang kapwa mga Apostol ay nanalig sa Panginoon at nanatiling masunurin. Agad paglampas ng hating-gabi noong ika-26 ng Abril 1839, bumalik sila sa Far West at nagtipon sa pook na pagtatayuan ng templo, kung saan kanilang inilatag ang batong panulok para sa templo at umalis patungong Nauvoo upang tapusin ang mga paghahanda para sa kanilang misyon sa Inglatera.2
Umalis si Elder Taylor para sa kanyang misyon mula sa Montrose, Iowa, kung saan nakatira ang kanyang pamilya sa isang lumang gusaling dating kuwartel ng mga sundalo, sa kabila ng ilog mula sa Nauvoo. Bagama’t siya at ang kanyang pamilya ay maysakit na malarya, naging masunurin siya sa tawag na magmisyon sa Inglatera. Sa pagsasalita tungkol sa hirap ng pag-iwan sa kanyang pamilya, ganito ang kanyang sinabi: “Ang pag-iisip sa mga kahirapan na dinanas pa lamang nila, sa walang katiyakang makapagpapatuloy pa silang manahan sa bahay na kanilang tinitirhan— at ito ay iisang silid lamang—sa kumakalat na sakit, sa kadahupan ng mga kapatid, sa kanilang kawalang proteksiyon laban sa mga mandurumog, kasama na ang kawalang katiyakan kung ano ang mangyayari sa aking pagkawala, ay nagdulot ng napakabigat na damdamin. Ang ganitong damdamin ng pag-aalala, bilang isang ama at bilang isang asawa, ay pinatindi rin ng haba ng panahon at distansiya na maghihiwalay sa amin. Ngunit ang pagiisip na humayo sa pag-uutos ng Diyos ng Israel upang balikan ang aking bansang sinilangan, upang ipangaral ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan at ibalita ang mga bagay na ipinahayag ng Diyos alang-alang sa kaligtasan ng sanglibutan, ay nangibabaw sa damdaming ito.”3
Kumuha si Pangulong Taylor ng kanyang lakas mula sa kanyang matibay na patotoo sa ebanghelyo: “Nang una kong marinig ang ebanghelyo, napilitan akong tanggapin na makatarungan ito. Halos umasam akong hindi ito totoo. ‘Kung totoo ito,’ sabi ko, ‘bilang isang matapat na tao ay obligado akong sundin ito, kung hindi ay hindi ako magkakaroon ng tiwala sa aking sarili.’ ”4
Mga Turo ni John Taylor
Pinipili ng mga tunay na disipulo ni Cristo ang sumunod sa Kanyang kalooban.
Isasakatuparan ng Panginoon ang kanyang pambihirang mga layunin, at matutupad ang bagay na kanyang pinanukala. Pananagutan natin ang ipamuhay ang ating relihiyon, ang ganap na bigyang halaga ang ebanghelyong pinanghahawakan natin, at ang ganap na sundin ang mga hinihingi nito, magpasailalim sa mga batas nito, at magbigay-daan sa mga sinasabi nito. At sundin ang tagubilin ng banal na priesthood, na siyang may hawak sa mga susi ng mga hiwaga ng mga paghahayag ng Diyos, gampanan ang ating mga tungkulin, at igalang ang ating Diyos, upang makapaghanda tayong tuparin ang ating kapalaran sa lupa. At upang magkaroon ng kakayahang maging pagpapala sa mga nakapaligid sa atin, at ibuhos ang mga pagpapala sa ating mga inapo, at palaganapin ang dakilang mga alituntunin ng kawalang hanggan, na nilayon upang pagpalain, bigyang kakayahan, bigyang karangalan, at dakilain ang lahat ng susunod sa mga alituntuning ito.5
Sinabi ni Jesus, “Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin; sapagka’t ako ay maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. ” [Tingnan sa Mateo 11:29.] Ano ang pamatok na ipinapapasan sa mga tagasunod ni Jesus? Katulad na katulad din ng ipinapapasan sa inyo. …Ang sabi ay: Humayo kayo sa aking pangalan at sa aking pagaatas, at ang aking Espiritu ay sasainyo. At nangyari ito, at ang mga tao ay nagkaisa sa pananampalataya, doktrina, at panuntunan, tulad ng binabanggit ng Banal na Kasulatan. “Pasanin ninyo ang aking pamatok.” Ano ito? Wika Niya, “Mapapalad ang maaamo; sapagka’t mamanahin nila ang lupa. …Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka’t makikita nila ang Diyos.…Mapapalad ang nangangagutom at nangangauhaw sa katuwiran: sapagka’t sila’y bubusugin.” [Tingnan sa Mateo 5:5–6, 8.] Ito ang uri ng pamatok na ipinapasan sa kanila ni Jesus, at ang ganito ring uri ang ipinapapasan sa inyo— ang ibigin ang katwiran, tuparin ang mga utos ng Diyos, ipamuhay ang inyong relihiyon at sundin ang mga alituntunin ng katotohanan. Mabigat ba ang ganitong pamatok? Ito ang kinakailangan mula sa mga Banal sa mga Huling Araw. “Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin!” At paano niya ito ginawa? Sinunod niya ang kalooban ng kanyang Ama, at pagkatapos ay umasang susundin ng kanyang mga disipulo ang kanyang kalooban.6
Ang hindi pagsunod sa mga batas ng Diyos ay maghahatid ng kapinsalaan.
Alinsunod sa walang hanggang batas ng Diyos at sa walang hanggang pagkakasundo ng mga bagay sa pananatili ng mga ito kasama niya sa mga daigdig na walang hanggan at sa pananatili ng mga ito sa lupa, tayong lahat, gaya ng mga ito, ay o dapat na napasasailalim sa paggabay at pamamanutbay ng Diyos, at gaya ng mga ito, ay may obligasyong pakinggan ang kanyang batas at mapasailalim sa pamamahala ng kanyang mga pangaral at payo—at sa aking palagay ay dapat na higit pa—kaysa magagawa pa natin upang paramihin ang isang butil ng trigo o paramihin ang sampung libo o isang milyong butil, sapagkat hindi natin magagawa ito nang hindi nagpapasailalim sa mga kinakailangang batas upang makamtan ang pagdami ng mga butil.
Dagdag pa rito, tayo ay mga anak ng Diyos, hindi ba? Sa aking palagay ay sinasabi ng Banal na Kasulatan na, “Sapagka’t tayo nama’y sa kaniyang lahi; na Siya ang Diyos at Ama ng mga espiritu ng lahat ng laman;” [tingnan sa Mga Gawa 17:28; Sa Mga Hebreo 12:9] at bilang Diyos at Ama ng mga espiritu ng lahat ng laman, at makaraang lumikha ng isang mundo para panahanan ng lahat ng laman, at makaraang magkaloob ng panustos para sa ikabubuhay ng lamang iyon, para sa kanilang kakainin, idadamit, ika giginhawa, ikaluluwag at ikaliligaya, at makaraang bigyan sila ng katalinuhan at sabihin sa kanila na humayo at pamahalaan ang kasaganahan ng kalikasan para sa kanilang kapakinabangan, wala ba siyang karapatan na akayin at gabayan tayo, na hingin sa atin ang pagsunod sa kanyang batas? Hindi ba ito lehitimong karapatan, kung pag-iisipan natin ito?
Sasabihin ng mundo, Hindi, wala siyang karapatan. Ako ang panginoon ng aking sarili. Isa akong malayang tao. Tatahakin ko ang sarili kong landas, atbp. Ang ilan sa mga Banal sa mga Huling Araw ay halos magsabi rin ng ganito; hindi naman ganuong-ganoon, subalit nais nilang sabihin ang katulad niyon. “Ako ay isang malayang tao; Sumpain ako kung di ko gagawin ang aking kagustuhan, atbp.” Buweno, ikukuwento ko sa inyo ang isa pang bahagi ng kuwentong ito. Talagang isusumpa kayo kung inyong gagawin ang inyong kagustuhan, malibang ang inyong kagustuhan ay ang gawin at tuparin ang mga batas ng Diyos. Hindi natin maaaring labagin ang kanyang mga batas nang walang kaparusahan o yurakan sa ilalim ng mga paa ang mga walang hanggang alituntuning ito na nananatili sa lahat ng bagay. Kung ang lahat ng bagay ay kinakailangang mapasailalim sa batas ng Diyos, at kung hindi ay mawawalan, bakit hindi ang tao?7
Hindi natin maaaring gawin ang sarili natin kagustuhan at tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos. Ang bawat isa na magtatangka ng ganito ay matutuklasang nagkamali siya. Babawiin ng Diyos ang kanyang Espiritu mula sa mga taong ito, at maiiwan silang mag-isa upang mangapa sa dilim, at mapunta sa kapahamakan. Inaasahan sa atin na tayo ay lalakad sa higit na mataas na landas ng pamantayan, na ating madama na tayo ay mga anak ng Diyos, na ang Diyos ay ating Ama, at siya ay hindi mabibigyang kahihiyan ng suwail na mga anak, o ng mga yaong lumalaban sa kanyang mga batas at priesthood. Inaasahan Niya tayong ipamuhay ang ating relihiyon, sundin ang Kanyang mga batas at tuparin ang Kanyang mga kautusan.8
Kung tayo ang mga Banal ng Diyos, kinakailangang magsimula na tayong matutong gawin ang kalooban ng Diyos sa lupa, maging sa langit: sapagkat hindi ang bawat isa na nagsasabing, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng Ama na nasa langit [tingnan sa Mateo 7:21]. Inaakala natin kung minsan na magagawa natin ang ating kagustuhan. Maaari nating gawin ang ating kagustuhan, at gayon din, gagawin ng Diyos ang Kanyang kagustuhan; sapagkat ang bawat salita at ang bawat lihim na iniisip ay ipagsusulit sa araw ng paghuhukom, sinabi sa atin. …
Hindi tayo naririto upang gawin ang ating kalooban, kundi ang kalooban ng Ama sa Langit. Ang ilang tao na nag-aakalang ayos lang ang kanilang ginagawa, at ginagawa iyon ayon nga sa “anumang gustuhin nila” ay matutuklasan isang araw na hindi pala nila ginagawa ang kalooban ng Diyos. Maaaring akalain nila na mayroon silang asawa at mga anak, ngunit magigising silang wala na ang mga ito, at pinagkaitan na sila ng maraming dakilang pagpapala na inaasam nilang makamit. Dahil sa lubos nating pagkamahabagin, kabutihan at pagkamaawain sa ating mga kapatid na lalaki at babae, hindi natin magagawang labagin ang batas ng Diyos, o suwayin ang mga alituntuning Kanyang inilatag, nang hindi tayo mananagot sa paglabag na ito. Inaasahan Niyang gagawin natin ang mga bagay na katanggap-tanggap sa Kanya, at kung hindi natin ito gagawin, dapat nating harapin ang kaparusahan ng ating paglihis mula sa wastong alituntunin.9
Kung magkakaroon ang Panginoon ng mga tao na tutupad sa kanyang mga batas, may pagkakataong maitatatag ang kanyang kaharian sa lupa. Kung hindi, ang tanging paraan upang kanyang maitatag ang kanyang kaharian ay alisin sila mula sa lupa, o ipagpaliban na muna ang kanyang kaharian hanggang sa iba pang panahon, sapagkat hindi maaaring maitatag ang kanyang kaharian kung hindi magkakaroon ng mga taong masunurin sa kanya. …
. …Kung saan walang diwa ng pagkamasunurin, ang Espiritu ng Diyos ay babawiin. Hindi ito maaaring mapanatili ng mga tao habang naghihimagsik sila laban sa mga awtoridad at sa mga payo ng simbahan at ng kaharian ng Diyos.10
Ang pagkamasunurin ay nagdudulot ng mga pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang hanggan.
Ano ang tungkulin ng tao dito? Ito ay ang maging masunurin sa mga tagapagsalita ng Diyos na nasa kalipunan natin, at hang ga’t tumutupad tayo sa mga kautusan ng Diyos, hindi tayo dapat matakot; sapagkat sumasaatin ang Panginoon ngayon at sa kawalang hanggan.11
Sinabi ni Jesucristo, “ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo.” (Juan 14:27.) Kung saan umiiral ang kapayapaang ito, nag-iiwan ito ng impluwensiya na nakapagbibigay ginhawa at nakapapanariwa sa mga kaluluwa ng mga nakikibahagi rito. Ito ay tulad ng hamog sa umaga para sa isang uhaw na halaman. Ang kapayapaang ito ay kaloob na nanggagaling sa Diyos lamang, at ito ay matatanggap lamang mula sa kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga batas. Kung may sinumang naghahangad na makapagdala ng kapayapaan sa kanyang pamilya o sa kanyang mga kaibigan, hayaang payabungin niya ito sa kanyang puso, sapagkat ang dalisay na kapayapaan ay matatamo lamang alinsunod sa lehitimong pamamahala at kapangyarihan ng langit, at sa pagsunod sa mga batas nito.12
Natutuhan natin ito, na ang Diyos ay buhay. Natutuhan natin na kung tayo ay tatawag sa kanya ay pakikinggan niya ang ating mga panalangin. Natutuhan natin na ang pinakamataas na antas ng kaligayahan ng tao ay ang matakot sa Diyos at tumupad sa kanyang mga batas at kautusan. Natutuhan natin na isang tungkuling iniatang sa atin ang sikapin at gawing maligaya at matalino ang lahat ng tao, na kung aling kaligayahan at katalinuhan ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng Diyos.13
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala tayong ipinanumbalik ang ebanghelyong ito, at higit pa, nababatid natin na pinanghahawakan natin ito. Isa ako sa mga naniniwala rito, at gayon din naman kayo. At sa pamamagitan ng pagsunod sa mga panuntunan nito at ng pagtanggap sa Banal na Espiritu, kayong mga Banal sa mga Huling araw ay nakababatid na ito ay gawain ng Diyos. At kung hindi ninyo ito nababatid, ito ay dahil hindi ninyo ipinamumuhay ang inyong relihiyon at tinutupad ang mga kautusan ng Diyos. “Kung sinumang tao ay nag-iibig gumawa ng kaniyang kalooban,” wika ni Cristo, “ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Diyos, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.” [Juan 7:17.]14
Pananagutan nating gampanang mabuti ang ating mga tungkulin, at maliban na tayong lahat ay mapasailalim sa paggabay at pamamatnubany ng Pinakamakapangyarihan, hindi natin ito magagawa— ibig sabihin, ang mga hindi nagpapasailalim sa batas ng Diyos, ay hindi magagawa ang bagay na ito. Ngunit ang mga nagpapasailalim sa batas ng Diyos ay magagawa ito, at magagawa itong madali, sapagkat sinabi ni Jesus: “Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” [Mateo 11:29–30.] Ngayon, kung pipiliin nating sumunod sa Diyos at sa espiritu niya na nananahan sa atin, samakatwid ang ating liwanag ay magiging tulad ng sa matwid na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw. Ngunit kung hindi tayo magiging masunurin sa batas at salita at orden ng Simbahan at Kaharian ng Diyos sa lupa, ang liwanag na sumasaatin ay magiging kadiliman, at samakatwid, gaya ng sinasabi, gaano kalaki ang kadiliman! [Tingnan sa Mateo 6:23.]15
Kapag ang mga tao ay mapagpakumbaba, dalisay at walang dungis, at naghahanap sa Diyos para sa Kanyang paggabay, para sa liwanag ng Kanyang Espiriu Santo upang akayin sila sa mga landas ng buhay, upang maunawaan nila ang Kanyang batas, ang Kanyang salita at ang Kanyang kalooban—at susundin ito ayon sa pagkakahayag nito sa kanila—ang mga taong ito, ang mga yaong kapatid na lalaki at babae na sumusunod sa planong ito ay malamang isang libong ulit na makauunawa sa mga bagay ng Diyos kaysa sa mga yaong walang pag-iingat, walang pakialam, hangal, at naliligaw, at mga nagpapabaya sa mga pagpapala at mga pagkakataong iniaalok sa kanila. Ang liwanag na nasa mga taong yaon ay nagiging kadiliman, samantalang ang landas ng iba ay gaya ng liwanag ng matwid na nagliliwanag nang nagliliwanag hanggang sa ganap na araw. [Tingnan sa D at T 50:24.]16
Ang ating kaligtasan at kaligayan at ang ating kayamanan ay nakasalalay sa ating pagsunod sa Diyos at sa Kanyang mga batas, at ang ating kadakilaan ngayon at sa kawalang hanggan ay nakabatay rin dito. Kung may ipinagkakaloob na pagkakataon sa ating mga kamay, hilingin natin sa ating Ama na bigyan tayo ng kakayahang gumawa ng tama sa pamamagitan nito, at, gaya ng nasabi ko, ay hihiling tayo sa Kanya ng ating makakain sa araw-araw at pasalamatan Siya para rito, tulad ng ginawa ng mga anak ng Israel. Dinalhan sila na manna ng mga anghel sa pana-panahon. Hindi ko alam kung anong uring gilingan ng harina mayroon sila at kung sino ang kanilang panadero, basta’t dinadala nila ang manna. “Ang namulot nang marami ay walang higit, at ang namulot nang kaunti ay hindi nagkulang.” [Exodo 16:18.] Sa aking palagay ay ganito ang nangyayari sa ilan sa atin kung minsan. Hindi naman tayo sadyang dinadalhan ng mga anghel ng manna, ngunit inaalagaan tayo ng Diyos, at nadarama ko tuwina na pagpalain ang pangalan ng Diyos ng Israel. Kung matatakot tayo sa Diyos at gagawa nang matwid. …tayo, ang mga tao ng Sion, ang magiging pinakamayaman sa lahat ng tao.17
Naaalala ko nang unang ipangaral sa akin ang Ebanghelyo— bago ako binyagan. May narinig akong pagtuturo na ganito: “Ngayon, wala kaming anumang tiyak na bagay na maipapangako sa inyo, maliban sa pagkalugod ng Diyos kung kayo ay mamumuhay nang matwid at tutupad sa Kanyang mga kautusan. Maaari kayong usigin, pahirapan, o ipiit o patayin dahil sa patotoo na inyong ibabahagi para sa relihiyong iniutos na inyong sundin. Ngunit maipangangako namin sa inyo na kapag ganito ang nangyari, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.”18
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa inyong palagay, bakit nais ng Panginoon na maging masunurin tayo? Anu-ano ang ilan sa mga pagpapalang Kanyang ipinangako kung magiging masunurin tayo?
-
Anu-anong karanasan ang nangyari sa inyo na nagdulot sa inyo ng mga pagpapalang bunga ng pagkamasunurin? Sa inyong palagay, bakit nagiging mabuti ang inyong pakiramdam kapag kayo ay sumusunod?
-
Bakit mahalagang bahagi ng pagsunod ang kalayaang pumili? Sa anu-anong paraan ginagawa tayong malaya ng pagkamasunurin?
-
Sa anu-anong paraan nakatutulong sa atin ang pagkamasunurin na mapalakas ang ating mga patotoo? Anu-anong epekto ang naidudulot ng hindi pagiging masunurin sa patotoo ng isang tao? Sa inyong palagay, ano ang ibig ipakahulugan ni Pangulong Taylor nang sabihin niyang, “Hindi natin maaaring gawin ang sarili natin kagustuhan at tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos”?
-
Sa pagkakabatid na ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa ating pagkamasunurin, anu-ano ang ating magagawa upang maturuan ang ating mga anak ng ganitong alituntunin?
-
Bakit ang mga masunurin ay nakararanas pa rin ng mga pagsubok? (Tingnan din sa D at T 58:2–5.) Bakit mahalagang manatiling masunurin kahit nasa gitna ng matitinding pagsubok?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Mateo 11:29–30; Juan 7:17; 14:15; 1 Nephi 3:7; Alma 3:26–27; D at T 58:26–29; 130:20–21