Kabanata 5
Ang Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Ang tao, sa pamamagitan ng anumang bagay na kanyang magagawa o maisasakatuparan, ay maaari lamang padakilain ang kanyang sarili alinsunod sa karangalan at kakayahan ng tao, at samakatwid ay nangangailangan ito ng pagbabayad-sala ng Diyos, bago ganap na mapadakila ang tao …1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Isang Linggo, sa isang pagpupulong ng mga miyembro ng Simbahan, nagsalita si Elder John Taylor tungkol sa galak na kanyang nasumpungan sa pagbubulay-bulay sa Pagbabayadsala ni Cristo: “Natutuwa akong makasama ang mga Banal. Nais kong kumain ng tinapay kasama nila bilang pag-alaala sa pinagputol-putol na katawan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay gayon din ang makibahagi sa saro sa pag-alaala sa dugong kanyang ibinuhos. At pagkatapos ay pagmuni-munihan ang mga bagay na may kinalaman dito. Ang ating kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo; ang ating kaugnayan sa isa’t isa bilang mga miyembro ng katawan ni Cristo, at ang ating mga pag-asa para sa hinaharap; ang pangalawang pagpapakita ng ating Panginoong Jesucristo, kung kailan, ayon sa ipinauunawa sa atin, siya ay magbibigkis sa sarili at maghihintay sa atin, at tayo ay kakain ng tinapay at iinom ng alak kasama niya sa kaharian ng kanyang Ama. Nais kong pagmuni-munihan ang lahat ng ito at ang isang libo pang mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, kaligayahan at kadakilaan ng mga Banal ng Diyos sa daigdig na ito, at sa daigdig na darating.”2
Mga Turo ni John Taylor
Nakipagtipan si Jesus na isakatuparan ang plano ng Ama sa pamamagitan ng pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanglibutan.
Sa Konseho sa kalangitan, ang plano na isasagawa para sa mga anak ng Diyos na noon ay mga espiritu pa, at hindi pa nagkakaroon ng mga katawan, ay masusing pinag-aralan. Sa dahilan ng pagkakalikha ng mundo at paglalagay ng mga tao rito, kung saan maaari silang makatamo ng mga katawan, at sa pamamagitan ng mga katawang ito ay masunod ang mga batas ng buhay at sa ganoon ding katawan ay muling dakilain sa piling ng mga Diyos, sinabi sa atin na sa pagkakataong iyon, “nagsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan.” [Job 38:7.] Ang tanong ngayon ay, batay sa anong alituntunin nararapat na isakatuparan ang kaligtasan, kadakilaan at walang hanggang kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos?
Maliwanag na sa Konsehong iyon, may ilang mga tiyak na plano ang isinulong at tinalakay, at makaraan ang buong talakayan ng mga alituntuning ito, at ang pagpapahayag ng Ama hinggil sa Kanyang layunin, lumapit si Lucifer sa Ama na may sariling panukala, at nagsabing, “Masdan [naririto ako], isugo ninyo ako, ako ang inyong magiging Anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.” [Moises 4:1.] Ngunit si Jesus, nang marinig ang ganitong pahayag ni Lucifer, ay nagsabi, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.” [Moises 4:2.]
Mula sa pahayag na ito na sinabi ng pinakamamahal na Anak, maaaring tayong maghinuha na sa pagtalakay sa usaping ito, ipinaalam ng Ama ang Kanyang Kalooban at binuo ang Kanyang plano at layunin hinggil sa mga bagay na ito, at ang tanging nais ng Kanyang pinakamamahal na anak ay isakatuparan ang kalooban ng Kanyang Ama, ayon sa pagkakalahad ng Ama sa mga ito. Kanya rin ninais na ang kaluwalhatian ay mapasa-Kanyang Ama, na, bilang Diyos at Ama, at bilang nagpasimula at lumikha ng plano, ay may karapatan sa lahat ng karangalan at kaluwalhatian.
Ngunit ninais ni Lucifer … na salungatin ang kalooban ng kanyang Ama, at mapangahas na naghangad na ipagkait sa tao ang kalayaang pumili nito, at sa gayon ay gawin siyang alipin, at ilagay siya sa isang katayuan kung saan imposible para sa kanya na matamo ang kadakilaan na pinlano ng Diyos na mapasatao, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas na Kanyang iminungkahi. … Kung ang tao ay hindi nagkaroon ng kalayaang pumili o pinagkaitan ng kanyang kalayaang pumili, hindi sana siya maaaring tuksuhin ng diyablo, o anupamang kapangyarihan. Sapagkat kung namayani ang kalooban ng Diyos, at naisakatuparan nang wala ang pagkilos o kalayaang pumili ng tao, naging imposible sana para sa kanya na makagawa ng anumang bagay na mali, sapagkat napagkaitan siya ng kapangyarihan na gawin ang maling iyon. Ganito ang kalagayang ninais mangyari ni Satanas, hindi lamang ng mga espiritu sa kalangitan, kundi ng sangkatauhan din sa lupa. At sinabi ni Satanas, “Tiyak na maililigtas ko ang bawat isa sa kanila, samakatwid ay ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.”3
Ang plano ni [Satanas] … ay tinanggihan dahil salungat sa payo ng Diyos, ang kanyang Ama. Pagkaraan ay nagsalita ang pinakamamahal na Anak sa Ama, at sa halip na ipanukala na magsakatuparan ng sarili niyang plano, dahil batid Niya kung ano ang kalooban ng Kanyang Ama, ay nagsabing, “Masusunod ang inyong kalooban; Isasakutaparan ko ang inyong plano at ang inyong mga layunin, at, sa pagkahulog ng tao, aking ihahandog ang aking sarili bilang pagbabayad-sala alinsunod sa inyong kalooban, O Diyos. Hindi ko hinahangad ang karangalan, ngunit mapasainyo ang kaluwalhatian;” [tingnan sa Moises 4:2] at isang tipan ang pinasok ng Anak at ng Kanyang Ama, kung saan ay sumang-ayon Siyang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sanglibutan, at Siya sa gayon, tulad ng nasabi na, ay naging Kordero na pinatay mula sa pagkakatatag ng daigdig [tingnan sa Moises 7:47].4
Kinakailangan natin ang Pagbabayad-sala upang mapanagumpayan ang mga epekto ng Pagkahulog.
Sa pangyayaring ang tao ay may kalayaan at napasailalim sa kapangyarihan ng tukso, sa kahinaan ng laman, sa mga pang-aakit ng sanglibutan, at sa mga kapangyarihan ng kadiliman, nabatid na siya ay tiyak na mahuhulog. At sa pagkahulog, magiging imposible para sa kanya na tubusin ang kanyang sarili. At alinsunod sa walang hanggang batas ng katarungan, mangangailangan ng walang hanggang pagbabayad para sa mga kasalanan upang matubos ang tao, upang mailigtas siya sa mga epekto at pagkawasak bunsod ng Pagkahulog, at mailagay siya sa isang katayuan kung saan siya ay maibabalik sa kaluguran ng Diyos, alinsunod sa walang hanggang batas ng katarungan at habag, at mahanap na muli ang kanyang daan pabalik sa kinaroroonan ng Ama. …
At samakatwid ay sinabi mismo ni Jesus, “Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw: at ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.” [Lucas 24:46–47.]5
Sa pamamahala ng Diyos at sa plano na isinulong ng Pinakamakapangyarihan, nakasaad na ang tao ay mapasasailalim sa isang simpleng batas, ngunit ang pagsubok ng batas na yaon ay may kaakibat na napakatinding mga kalalabasan. Ang pagtalima sa batas na iyon ay magbibigay katiyakan sa buhay na walang hanggan, at ang parusa sa paglabag sa batas na yaon ay kamatayan. … Kung hindi nilabag ang batas na yaon [sa pamamagitan ng Pagkahulog], patuloy sanang nabuhay ang tao; ngunit doon ba sa pagkabuhay na iyon ng tao ay magkakaroon siya ng kakayahan na mapadami ang kanyang lahi, at sa gayon ay maisakatuparan ang layunin ng Diyos na maghanda ng mga katawan para sa mga espiritu na nilikha sa mundo ng mga espiritu? At dagdag pa rito, mangangailangan ba sila ng isang tagapamagitan na kikilos bilang pambayad [o pagbabayad-salang sakripisyo] para sa paglabag ng batas na ito, na lumilitaw sa mga pangyayari ay naitadhanang labagin. O maipagpapatuloy ba ang walang hanggang pagdami at kalikasan ng tao, at naisakatuparan ba ang kanyang mataas na kadakilaan tungo sa pagka-Diyos, kung wala ang pagbabayad-sala at sakripisyo ng Anak ng Diyos?6
Kung hindi dahil sa pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang sakripisyo na kanyang ginawa, ang buong sangkatauhan ay maililibing sa hukay sa buong kawalang hanggan nang walang anumang pagasa. Ngunit dahil ipinagkaloob ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, ang pamamaraan kung paano tayo mapanunumbalik sa sinapupunan at sa kinaroroonan ng Ama, at lumahok kasama niya sa piling ng mga Diyos sa mga mundong walang hanggan—makaraan niyang ipagkaloob ito, ay kanya ring ipinagkaloob ang pagkabuhay na mag-uli. Kanyang ipinahayag ang sarili bilang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay. Kanyang sinabi, “Ako ang pagkabuhay na maguli at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y namatay, gayon ma’y mabubuhay siya.” (Juan 11:25.) Hindi maglalaon, ang mga libingan ay mabubuksan at maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at babangon sila na gumawa ng mabuti sa pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti, at sila na gumawa ng masama sa pagkabuhay na mag-uli ng masasama.7
Upang maisakatuparan ang Pagbabayad-sala, inako ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan at namatay sa laman.
Sinabi sa atin na “maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran” ng mga kasalanan [Sa Mga Hebreo 9:22]. Ito ay lagpas sa ating pagkakaunawa. Kailangang alisin ni Jesus sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng Kanyang sarili, ang mga kasalanan ng mga matwid at di matwid … Dahil siya sa Kanyang pagkatao ay inako ang mga kasalanan ng lahat, at nagbayad-sala para sa kanila sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng Kanyang sarili, kung kaya’t napasakanya ang bigat at panggigipuspos ng mga panahon at mga salinlahi. Ito ang hindi maisalarawang panggigipuspos na kasunod ng dakilang pagbabayad-salang pagsasakripisyo na ito kung saan Kanyang inako ang mga kasalanan ng sanglibutan, at tiniis sa Kanyang sariling pagkatao ang mga bunga ng paglabag ng tao sa isang walang hanggang batas ng Diyos. Samakatwid ang Kanyang napakatinding pamimighati, ang Kanyang hindi maisalarawang panggigipuspos, ang Kanyang mapanggaping paghihirap, na dinanas lahat sa pagpapasailalim sa … mga kinakailangan ng isang hindi mababaling batas.
Ang paghihirap ng Anak ng Diyos ay hindi lamang paghihirap sa personal na kamatayan, sapagkat sa pagtanggap sa katungkulan na Kanyang ginawa sa pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanglibutan, Kanyang inako ang bigat, ang pananagutan, at ang pasanin ng mga kasalanan ng lahat ng tao, na para sa atin, ay hindi maaarok. Gaya ng nakasaad, “ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao;” [tingnan sa D at T 18:11] at sinabi ni Isaias: “Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan,” gayon din, “Ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat,” at muli, “Kaniyang idinulot ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at ibinilang na kasama ng mga mananalangsang: gayon ma’y dinala niya ang kasalanan ng marami;” [tingnan sa Isaias 53:4, 6, 12]. O kagaya ng nasusulat sa Ikalawang Aklat ni Nephi: “Masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan;” [2 Nephi 9:21] samantalang sa Mosias ay ipinahayag: “Siya ay magdaranas ng mga tukso, at sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod, nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan; sapagka’t masdan ang dugo ay lumalabas sa bawat butas ng kanyang balat, napakasidhi ng kanyang magiging pagdurusa dahil sa kasamaan at karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao.” [tingnan sa Mosias 3:7.] …
… Bilang Diyos, Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay, at ipinasakop ang kanyang sarili sa kondisyong likha ng pagkahulog ng tao; bilang isang tao, Kanyang kinaharap ang lahat ng pangyayari na kaakibat ng Kanyang mga pagtitiis sa sanglibutan. Pinahirang ganap ng langis ng kasayahang higit sa Kanyang mga kasamahan, nakibaka Siya at napanagumpayan ang kapangyarihan ng mga tao at mga diyablo, at ng pinagsamang lupa at impiyerno. At sa tulong ng nakatataas na kapangyarihan ng Panguluhang Diyos, Kanyang napanagumpayan ang kamatayan, impiyerno at libingan, at tumayong matagumpay bilang Anak ng Diyos, na siya ring Amang walang hanggan, ang Mesiyas, ang Prinsipe ng kapayapaan, ang Manunubos, ang Tagapagligtas ng sanglibutan; matapos na magampanan ang gawain tungkol sa pagbabayad-sala, na ipinagawa sa Kanya ng Kanyang Ama bilang Anak ng Diyos at Anak ng tao. Bilang Anak ng Tao, Kanyang tiniis ang lahat ng maaaring matiis ng laman at dugo; bilang Anak ng Diyos, napanagumpayan Niya ang lahat, at umakyat sa may kanang kamay ng Diyos magpakailanman.8
Ang Tagapagligtas, samakatwid, ang naging panginoon ng sitwasyon—nabayaran ang pagkakautang, nagawa ang pagtubos, natupad ang tipan, naibigay ang kinakailangan ng katarungan, at ang lahat ng kapangyarihan ay naibigay lahat ngayon sa mga kamay ng Anak ng Diyos—ang kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, ang kapangyarihan ng pagtubos, ang kapangyarihan ng kaligtasan, ang kapangyarihang magpairal ng mga batas para sa pagsasakatuparan at kaganapan ng layuning ito. Samakatwid, ang buhay at buhay na walang hanggan ay nadala sa liwanag, ang Ebanghelyo ay naipakilala, at Siya ang naging may-akda ng buhay na walang hanggan at kadakilaan. Siya ang Manunubos, ang Nagbibigay ng pagkabuhay na mag-uli, ang Tagapagligtas ng tao at ng sanglibutan. …
Ang plano, ang pagkakaayos, ang kasunduan, ang tipan ay ginawa, pinasok at tinanggap bago sa pagkakatatag ng mundo, at ito ay ibinadya ng mga sakripisyo na kahalintulad ng sakripisyo ni Cristo na naisakatuparan at naging ganap sa krus.
Samakatwid, bilang tagapamagitan ng Diyos at ng tao, Siya ay nagkaroon ng karapatan na maging tagadikta at tagapangasiwa sa lupa at sa langit para sa mga buhay at para sa mga patay, sa kasalukuyan at sa hinaharap, tungkol sa tao sa kanyang kaugnayan sa lupa o sa kalangitan, sa ngayon at sa kawalang hanggan, ang sakdal ng ating kaligtasan, at Apostol at Dakilang Saserdote na ating kinikilala, ang Panginoong Tagabigay ng buhay.
Nalapastangan ba ang katarungan? Hindi. Naibigay ang kinakailangan nito, nabayaran ang pagkakautang. Naisangtabi ba ang katuwiran? Hindi, ito ay isang gawang makatwiran. Ang lahat ng kinakailangan ay natupad. Nalabag ba ang kahatulan? Hindi, ang mga kinakailangan nito ay natupad? Matagumpay ba ang habag? Hindi, inangkin lamang nito ang kanya. Ang katarungan, kahatulan, habag at katotohanan ay nagkakasama bilang mga katangian ng Diyos. “Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; Katuwiran at kapayapaan ay naghalikan.” [Tingnan sa Mga Awit 85:10.] Nanagumpay ang katarungan at kahatulan, gayon din naman ang habag at kapayapaan. Ang lahat ng katangian ng Diyos ay nagsama-sama sa dakila, napakalaki, makasaysayan, makatarungan, may karampatan, may kahabagan at karapat-dapat na gawang ito.9
Si Jesucristo lamang ang maaaring magsakatuparan ng Pagbabayad-sala.
Maaring maitanong, Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Anak ng Diyos, bilang Anak ng Diyos, ang Manunubos, at sa mga yaong naniniwala sa Kanya at nakikibahagi sa mga pagpapala ng Ebanghelyo?
Isang bagay, ayon sa ating mababasa, ang Ama ay nagbigay sa Kanya ng kapangyarihan na magkaroon ng buhay sa Kanyang sarili: “Sapagka’t kung paanong ang ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili;” [Juan 5:26] at higit pa, Siya ay may kapangyarihan, kapag ang buong sanglibutan ay mawalan ng kanilang buhay, na ipanumbalik ang buhay sa kanila. Kung kaya’t Siya ang Pagkabuhay na mag-uli at ang Buhay, at walang sinumang tao ang may ganitong kapangyarihan.
Ang isa pang kaibahan ay, dahil Siya ay may buhay na ganito sa Kanyang sarili, Siya ay may kapangyarihan, tulad ng sinabi Niya, na mag-alay ng Kanyang buhay at bawiin itong muli, na kung aling kapangyarihan ay ipinagkaloob sa Kanya ng Ama. Ito ay isang kapangyarihan na walang sinumang tao na naririto sa lupa ang mayroon nito.
Muli, Siya ang sinag ng kaluwalhatian ng Kanyang Ama at tunay na larawan ng kanyang pagka-Diyos. Gayundin, Kanyang ginagawa ang Kanyang makitang gawin ng Ama, samantalang atin lamang nagagawa ang mga bagay na Kanyang pinahihintulutan at binibigyang karapatan.
Siya ang Hinirang, ang Pinili, at isa sa Panguluhan sa kalangitan, at sa Kanya ay nananahan ang kabuuan ng katawan ng Panguluhang Diyos, na hindi maaaring sabihin sa atin ang alinman sa mga bagay na ito.
At isa pa, ang lahat ng kapangyarihan ay ipinagkaloob sa Kanya sa langit at sa lupa, at walang sinumang tao sa lupa ang makapagsasabi ng ganito.
Sinasabi rin na si Lucifer ay una pa kay Adan; ganoon din naman si Jesus. At si Adan, at ang lahat ng naniniwala, ay inutusan na gawin ang lahat ng kanyang ginawa sa pangalan ng Anak, at manawagan sa Diyos sa Kanyang pangalan magpakailanman. Ang ganitong karangalan ay hindi angkop sa sinumang makalupang hari.
Siya, bunsod ng malapit Niyang kaugnayan sa Ama, ay tila nakalagay sa isang posisyon na walang sinumang tao ang nakahawak. Binabanggit Siya bilang pinakamamahal na Anak, bilang Bugtong ng Ama—hindi ba ito nangangahulugang bugtong ayon sa laman? Kung siya ang panganay at masunurin sa mga batas ng Kanyang Ama, hindi ba Niya minana bilang karapatan ang maging kinatawan ng Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanglibutan? At hindi ba Kanyang kakaibang karapatan at pribilehiyo bilang panganay, ang lehitimong tagapagmana ng Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na lumantad, gawin at isakatuparan ang mga layunin ng Kanyang Ama sa Langit tungkol sa pagtubos, kaligtasan at kadakilaan ng tao? At dahil Siya mismo ay walang kasalanan (na walang sinumang taong mortal ang nakatulad), Kanyang tinanggap ang tungkulin na Tagapagligtas at Manunubos, na ayon sa karapatan ay para sa Kanya bilang panganay. At hindi ba nararapat na sa pagkakaroon ng katawang inihanda nang natatangi, at dahil anak ng Diyos, sa katawan at sa espiritu, tumayo siyang nakatataas sa katungkulan ng Anak ng Diyos, o sa kalagayan ng Diyos, at isang Diyos, at samakatwid ay siyang angkop at tanging nilalang na may kakayahang gumawa ng walang katapusang pagbabayad-sala?. …
… Bagama’t ang iba ay maaaring mga anak ng Diyos sa pamamagitan Niya, gayunman ay kinakailangan ang Kanyang katawan, ang Kanyang pagtupad sa batas, ang sakripisyo o paghahandog sa katawang iyon sa pagbabayad-sala, bago ang lahat ng iba pa, na mga anak din ng Diyos sa pagkakasilang sa mundo ng mga espiritu, ay makatamo ng katayuan bilang mga anak ng Diyos tulad Niya, at sa paraan lamang ng kanyang pamamagitan at pagbabayad-sala. Samakatwid ay sa Kanya, tungkol sa Kanya, at sa pamamagitan Niya, sa paraan ng prinsipyo ng pag-aampon, matatamo lamang natin ang yaong katayuan na binanggit ni Juan: “Mga minamahal, ngayon ay anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging kaulad niya: sapagka’t siya’y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili.” Samakatwid, ang Kanyang pagbabayad-sala ay nagbigay ng pagkakataon para sa atin na makatamo ng kadakilaan, na hindi natin makakamtan kung wala ito.10
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Nang ating mabatid ang plano ng Ama sa Langit—na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas—“nagsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan” [Job 38:7.], sa inyong palagay, bakit nakadama tayo ng labis na kagalakan?
-
Pinanukala ni Satanas na alisin sa sangkatauhan ang kalayaang pumili, ngunit tinanggihan ng Ama sa Langit ang panukalang ito. Bakit kailangan natin ang kalayaang pumili upang makatamo ng kadakilaan? (Tingnan din sa D at T 29:39–44.)
-
Ano ang ating matututuhan mula sa tugon ng Tagapagligtas sa kalooban ng Ama sa Langit doon sa Dakilang Konseho sa Langit?
-
Dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, ang lahat ng tao ay napasailalim sa kamatayang pisikal at kamatayang espirituwal, o pagkawalay mula sa Diyos. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas upang mapanagumpayan ang mga epekto ng Pagkahulog?
-
Ano sana ang naging kapalaran ng buong sangkatauhan kung wala ang Pagbabayad-sala? (Tingnan din sa 2 Nephi 9:6–10.)
-
Bakit si Jesucristo lamang ang maaring magsakatuparan ng Pagbabayad-sala?
-
Ano ang inyong nadarama kapag inyong pinagmununi-munihan ang pagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas? Paanong ang kaalaman sa Pagbabayad-sala ay nakapagbibigay ng pag-asa at katiyakan sa pamumuhay natin sa araw-araw?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Juan 5:26; Sa Mga Hebreo 1:1–3; 2 Nephi 2:6–8, 25–29; 3 Nephi 11:10–11; D at T 19:15–19; Abraham 3:24–28