Kabanata 6
Ang Kapangyarihan ng Pagbabayad-Sala sa Ating Sarili
Sa pamamagitan ng dakilang pagbabayad-sala, ang pagbabayad-salang sakripisyo ng Anak ng Diyos, nagkaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, mapanumbalik, mabuhay na mag-uli at dakilain sa mataas na kalagayan na nilayon para sa kanya sa paglikha.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Madalas na magturo si Pangulong John Taylor tungkol sa mga epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa buong sangkatauhan. Nagsalita rin siya tungkol sa kagalakan na personal niyang nadama habang kanyang pinagmumuni-munihan ang mga awa ng Pagbabayad-sala. “Nagagalak ako na mayroon tayong Tagapagligtas na may sapat na pag-ibig upang pumarito at tubusin tayo,” wika niya, “at ako ay nagagalak na mayroon tayong Tagapagligtas na umaasam pa sa pagtubos sa sanglibutan.”2
Ilang panahon bago siya pumanaw, isinulat ni Pangulong Taylor ang sumusunod sa mga miyembro ng kanyang pamilya, na nagpapahayag ng pag-asang mayroon siya sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala:
“Nananalangin ako sa Diyos ang Amang Walang Hanggan na kapag natapos na natin ang pagsubok dito sa lupa, ay maihaharap tayo sa Panginoon nang walang kapintasan o dungis, bilang dalisay at marangal na mga kinatawan ng Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa, at pagkatapos ay magmana ng isang kaluwalhatiang selestiyal sa kaharian ng ating Diyos, at magtamasa ng isang walang hanggang kaligayahan kasama ng mga dalisay at matwid sa mundong may walang hanggang liwanag, sa pamamagitan ng kabutihan at pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, sa mga daigdig na walang hanggan.”3
Mga Turo ni John Taylor
Sa Pamamagitan ng Pagbabayad-Sala ni Jesucristo, ang Buong Sangkatauhan ay mabubuhay na mag-uli.
Naging tungkulin natin ngayon ang alamin…kung ano ang naisakatuparan ng pagbabayad-sala.
Una, ang Pagkabuhay na mag-uli. Ang parusa ng nilabag na batas noong panahon ni Adan ay kamatayan, at ang kamatayan ay nadala sa ating lahat. Ang salita ng Panginoon ay, “Sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.”[Genesis 2:17; tingnan din sa Moises 3:17.] Ang pagbabayadsala na ginawa ni Jesucristo ay nagdala ng pagkabuhay na maguli mula sa patay at nagpanumbalik sa buhay. Kung kaya’t sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y namatay, gayon ma’y mabubuhay siya;” [Juan 11:25] at si Jesus mismo ang naging unang bunga ng mga yaong natulog.
Ang susunod na itinanong ay, gaano kalawak ang saklaw ng alituntuning ito at kanino ito sumasaklaw? Ito ay sumasaklaw sa lahat sa sangkatauhan, sa lahat ng tao sa bawat bansa.4
Ang lahat ay dapat na bumangon mula sa libingan, sa magkakaibang panahon, sa ganoon ding mga katawan na mayroon sila habang nabubuhay dito sa lupa. Ito ay magiging gaya ng pagsasalarawan ni Ezekiel—buto ay nangagkalapit sa buto, at ang laman at litid ay tumakip sa ibabaw, at sa pag-uutos ng Panginoon ang hininga ay sasanib sa katawan, at lalabas na tayo, ang karamihan sa atin, ay kagilagilalas sa ating mga sarili [tingnan sa Ezekiel 37:1–14].
Narinig kong sinabi ni Joseph Smith, noong naghuhukay siya ng isang libingan sa Nauvoo, na kanyang inaasahan, kapag dumating na ang panahon na magsisibangon ang mga patay mula sa libingan, na babangon siya at yayakapin ang kanyang ama at ina, at makikipagkamay sa kanyang mga kaibigan. Kanyang isinulat ang kanyang kahilingan na kapag namatay na siya, ay tiyakin ng ilang mababait na kaibigan na ilibing siya malapit sa libingan ng mga taong pinakamamahal niya, upang kapag bumangon na siya sa umaga ng unang pagkabuhay na mag-uli, mayayakap niya sila na nagsasabing, “Aking ama! Aking ina!”
Anong kaaliwan ang idinudulot nito sa mga yaong nagdalamhati bunsod ng pagkamatay ng mga mahal na kaibigan, ang mabatid na tayo ay muling makikisalamuha sa kanila! Gaano ito nagpapalakas ng loob sa lahat ng yaong nabubuhay alinsunod sa mga naihayag na alituntunin ng katotohanan, lalung-lalo na marahil sa mga yaong ang buhay ay magwawakas na, na nagtiis nang matagal hanggang sa katapusan, na malaman na hindi magtatagal ay kakawala tayo sa mga hadlang ng libingan, at babangon bilang mga kaluluwang buhay at imortal, upang magsaya sa piling ng ating subok at tapat na mga kaibigan, at hindi na makadaranas ng kamatayan, at upang matapos ang gawaing pinagagawa sa atin ng Ama.5
Ang Pagbabayad-Sala ay nagbibigay ng kakayahan sa matatapat na mapanagumpayan ang kamatayang espirituwal at makamtan ang kadakilaan.
Ang plano ng Diyos tungkol sa tao ay ang mahulog siya, at makaraang mahulog at makatamo ng kaalaman ng mabuti at masama, (na kung aling kaalaman ay hindi niya sana natamo kung hindi siya inilagay sa ganoong katayuan), samakatwid ay kinakailangang mabatid niya ang tungkol sa pagbabayad-sala at pagtubos na magaganap sa pamamagitan ni Jesucristo.6
Paano, at sa anu-anong paraan nakikinabang ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabayad-sala at pagkabuhay na mag-uli? Sa ganitong mga paraan: dahil pinanumbalik ang tao ng pagbaba-yad-sala sa dati niyang katayuan sa harapan ng Panginoon, inilagay siya nito sa katayuan na maaari niyang makamtan ang kadakilaan at kaluwalhatian na imposible sana niyang makamtan kung wala ito; ang maging anak ng Diyos sa pamamagitan ng pag-ampon; at dahil isang anak samakatwid ay tagapagmana ng Diyos, at tagapagmanang kasama ni Jesucristo [tingnan sa Mga Taga Roma 8:16–17.] At sa ganito, dahil si Cristo ay nagtagumpay, ginawa Niyang maaaring makamtan, at inilagay ito sa kapangyarihan ng mga maniniwala sa Kanya, ang managumpay rin. At gaya niya na binigyang karapatan na magmana sa kaluwalhatian ng Kanyang Ama na suma-Kanya bago pa ang mundo, sa pamamagitan ng Kanyang katawang nabuhay na mag-uli, gayon din naman sa pamamagitan ng pag-ampon ay managumpay nawa tayo at umupong kasama Niya sa Kanyang luklukan, tulad ng Kanyang pananagumpay at pag-upo sa luklukan ng Kanyang Ama. …
…Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabayad-sala, ang mga naniniwala kay Cristo, at ang mga yaong sumusunod sa Kanyang batas, nakikibahagi sa Kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, ang siyang mga tagapagmana ng Panguluhang Diyos. Samantalang ang mga yaong hindi sumusunod sa Kanyang mga batas, bagama’t nabuhay na mag-uli ay hindi makamamana ng kadakilaang ito; magbabangon sila mula sa mga patay, ngunit hindi makamamana ng isang kaluwalhatiang selestiyal kung hindi naging masunurin sa batas na selestiyal. …Sinabi ni Jesus, “Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw; At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.” [Lucas 24:46–47.]7
Ang Pagbabayad-sala ay tumutubos sa mga bata at sa yaong mga tao na namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo.
Ang Manunubos mismo, noong nananahan sa laman, ay nagsabi sa Kanyang mga disipulo…,“Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anumang paraan.” [Lucas 18:16–17.] At pagkaraan ng Kanyang pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, Kanyang inulit ang ganitong paalaala sa Kanyang mga disipulong Nephita: “At muli sinasabi ko sa inyo, kailangan na kayo ay magsisi, at magpabinyag sa aking pangalan, at maging katulad ng isang maliit na bata, o hindi kayo magmamana ng kaharian ng Diyos sa anumang paraan.” [3 Nephi 11:38.]
Kung wala ang paglabag ni Adan, ang mga batang yaon ay hindi sana nabuhay; sa pamamagitan ng pagbabayad-sala, inilagay sila sa isang kalagayan ng kaligtasan nang wala silang anumang gagawin. Ito ay kabibilangan, ayon sa opinyon ng mga nag-aaral ng estadistika, ng higit sa kalahati ng sangkatauhan, na mailalagay lamang ang kanilang kaligtasan sa pamamagitan at pagbabayadsala ng Tagapagligtas. Samakatwid, gaya ng nasabi na sa ibang pagkakataon, sa mapaghimala at hindi maunawaang paraan, inako ni Jesus ang isang pananagutan na likas sanang nakaatang kay Adan; ngunit maaari lamang maisakatuparan sa pamamagitan ng Kanyang sarili, at sa pag-ako sa Kanyang sarili ng kanilang mga pagdadalamhati, sa pagsagot sa kanilang mga pananagutan, at pagpasan sa kanilang mga paglabag o kasalanan.
Sa isang paraan na para sa atin ay hindi maunawaan o hindi maipaliwanag, kanyang pinasan ang bigat ng mga kasalanan ng buong sanglibutan, hindi lamang ang kay Adan, kundi ang mga kasalanan din ng mga inapo niya. At sa paggawa nito, Kanyang binuksan ang kaharian ng langit hindi lamang sa lahat ng naniniwala at sa lahat ng sumusunod sa batas ng Diyos, ngunit sa higit sa kalahati sa sangkatauhan na nangamatay bago sila umabot sa sapat na gulang, at gayon din naman sa mga pagano, na dahil nangamatay nang walang batas, ay, sa pamamagitan Niya, ay mabubuhay na mag-uli nang walang batas, at hahatulan nang walang batas, at samakatwid ay makababahagi, alinsunod sa kanilang kakayahan, gawa at pagiging karapat-dapat, sa mga biyaya ng Kanyang pagbabayad-sala.8
Dahil ang Tagapagligtas ay “nahabag sa mga damdamin ng ating kahinaan,” ganap Niyang nauunawaan ang ating mga pagsubok.
Kinakailangan noong narito ang Tagapagligtas sa lupa na siya ay tuksuhin sa lahat ng bagay, tulad din natin, at “mahabag sa mga damdamin ng ating kahinaan,” [Sa Mga Hebreo 4:15] upang maunawaan ang mga kahinaan at kalakasan, ang mga kaganapan at hindi kaganapan ng kahabag-habag at nahulog na kalikasan ng tao. At makaraang maisakatuparan ang bagay na ipinunta niya dito sa lupa, makaraang makaranas ng pakikipagbuno sa pagkukunwari, katiwalian, kahinaan at kalokohan ng tao, makaraang makaranas ng tukso at pagsubok sa lahat ng uri at managumpay, siya ay naging isang “dakilang saserdote” [Sa Mga Hebreo 2:17] upang mamagitan para sa atin sa walang katapusang kaharian ng kanyang Ama.
Alam niya kung paanong tuusin at pahalagahan ang kalikasan ng tao, dahil siya, matapos mailagay sa katayuang tulad ng sa atin, ay nakaalam kung paanong tiisin ang ating mga kahinaan at karupukan, at ganap na nakauunawa sa lalim, kapangyarihan at lakas ng mga paghihirap at pagsubok na kahaharapin ng mga tao sa sanglibutang ito. At dahil sa kanyang pagkakaunawa at karanasan, matitiis niya ang mga ito.9
Ang mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay kinakailangan upang ating matanggap ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala.
Matapos makita ang dakilang mga pagpapala, pribilehiyo, kapangyarihan at kadakilaan na inilagay upang maabot ng tao, sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, susunod naman nating tungkulin ang alamin kung ano ang kinakailangan sa tao upang mapasakanya ang mga ito. …
Ang mga pasubaling kinakailangan sa sangkatauhan upang mapasakanila ang mataas na kadakilaan na dahil sa pagbabayad-sala ay maaari nilang matanggap, ay: Una, Pananampalataya sa Diyos bilang ating Ama at Kataas-taasang Mananakop ng sansinukob na nasa kanyang mga kamay ang kapalaran ng sangkatauhan, at sa kaniya tayo’y nangagbubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao. At sa Kanyang Anak na si Jesucristo, bilang Kordero na pinatay bago pa sa pagsisimula ng mundo, ay siyang dakilang Tagapamagitan at dakilang pagbabayad-salang sakripisyo na ipinagkaloob ng Ama bago pa ang paglalang, at naging ganap sa paghahandog ng Kanyang sarili sa krus. Sapagkat “Gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” [Juan 3:16.] O, kung gagamitin ang mga salita ni Haring Benjamin:
“Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon.” [Mosias 4:9.]
O gaya ng pagkakasulat ni Pablo, “Sapagka’t ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap.” [Sa Mga Hebreo 11:6.]
Ang ikalawang alituntunin ng Ebanghelyo ng kaligtasan ay pagsisisi. Ito ay isang taos puso at mala-Diyos na pamimighati para sa kasalanan at pagwaksi nito, na kasama ang buong layunin ng puso na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Katulad ng isinulat ni Propeta Isaias, “Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.” [Isaias 55:7.] At kung sisispi mula sa Aklat ni Mormon:
“At muli, maniwala na kayo ay kinakailangang magsisi ng inyong mga kasalanan at talikdan ang mga ito, at magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos; at humingi nang taos sa puso nang kayo ay kanyang patawarin; at ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin.” [Mosias 4:10.]
Ikatlo, Pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ng ating mga pansariling paglabag, na sa pamamagitan ng paraang ito, na ipinagkaloob dahil sa habag ng Diyos, ay mapapawi dahil sa pagbabayad-sala. Kung gagamitin ang mga salita ni Pablo: “Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din namang tayo’y makalalakad sa panibagong buhay. Sapagka’t kung tayo nga ay naging kalakip niya dahil sa kawangisan ng kaniyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo dahil sa kawangisan ng kaniyang pagkabuhay na mag-uli.” [Mga Taga Roma 6:4–5.]
Ang kasunod ay ang pagtanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga yaong nakatanggap ng Banal na Priesthood, at binigyang karapatan, inordenan, at binigyang kapangyarihan na ipagkaloob ang basbas na ito. Ganito ang ipinangaral ni Pedro sa araw ng Pentecostes:
“Mangagsisi kayo at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasa-lanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng ating Panginoong Dios sa kaniya.” [Ang Mga Gawa 2:38–39.]
Ito ang pambungad o unang mga alituntunin ng walang katapusan at hindi nagbabagong Ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, na ito at ganito rin ang para sa lahat ng tao sa lahat ng bansa, sa lahat ng panahon, kung kailan at kung saan itinuro ito sa pamamagitan ng karapatang mula sa langit. Kung kaya’t mababasa nating: Ito ay “ipinangaral mula sa simula, na ipinahayag ng mga banal na anghel na isinugo mula sa kinaroroonan ng Diyos, at sa pamamagitan ng kanyang sariling tinig, at sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. At sa gayon pinagtibay kay Adan ang lahat ng bagay, sa pamamagitan ng isang banal na ordenansa, at ang Ebanghelyo ay ipinangaral, at isang utos ang ipinadala, na ito ay nararapat na manatili sa daigdig, hanggang sa wakas niyon.” [Tingnan sa Moises 5:58–59.]10
Tumatanggap tayo ng sakramento bilang pag-alaala sa pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Ang mga handog, na inihain mula pa noong mga araw ni Adan…ay kumakatawan sa dakilang pagbabayad-salang sakripisyo na Kanyang gagawin sa pamagitan ng pagsasakripisyo sa Kanyang sarili. Napakaraming uri, anino, at anyo na Siya ang pinakahalimbawa—ang sustansiya, ang katoohanan na ibinadya at sinagisag ng mga sakripisyo na inihain mula pa sa simula. …
Ngunit bago ang paghahain sa Kanyang sarili, bilang dakilang pagbabayad-salang sakripisyo, matapos matupad ang mga batas na nagbigay-dangal dito, at matapos maipakilala ang Ebanghelyo, Siya ay nakipagpulong sa Kanyang disipulo…upang kumain sa Paskua. Pagkakain ay sinabi Niya sa kanila, “Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuang ito bago ako maghirap.” [Lucas 22:15.] Upang kumain ng ano na kasalo ninyo? Ng Paskua. Upang kumain ng ano na kasalo kayo? Ng Sakramento ng Hapunan ng Panginoon. …Ang dalawang seremonya ay nakatuon sa Kanya, siya ang kumakatawan sa dalawa. Siya ang Nilalang na ipinagkaloob mula sa pagsisimula ng sanglibutan, at ipinopropesiya ng mga tao ng Diyos sa lahat ng panahong nakalipas; at gayundin ang ulat ng paghahain ng lahat ng tagapaglingkod ng Panginoon, mula sa pagkahulog ni Adan hanggang sa panahong iyon. At ang lahat ng mga sakripisyo na inihain hanggang sa panahong iyon ay nakaturo sa Kanya, na dahil sa Kanya ay ginawa at sa Kanya ang mga ito ay nakatuon. Sa kabilang dako, Siya yaong nagpakilala ng higit na ganap na batas, at sa paghahandog sa Kanyang sarili nang minsan para sa lahat sa isang walang hanggang pagbabayad-sala, Siya, sa pamamagitan ng sakripisyong ito, ay naisakatuparan ang yaong nilayon ng Makapangyarihan bago pa ang pagkakatatag ng mundo, at na kung alin ang dugo ng mga toro, ng mga kambing at ng mga kordero ay mga simbolo lamang.
Dahil sa mga pangyayari na magaganap kaagad, Kanyang pinasimulan ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon bilang pagalaala sa dakila at pinakahuling gawaing ito ng pagtubos. Noong nasa dulang, “Siya ay dumampot ng tinapay, at nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila na sinasabi, Ito’y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagalaala sa akin;” [Lucas 22:19]. Pagkatapos, “Dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan; Sapagka’t ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos para sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.” [Mateo 26:27–28.]…
Mula sa pagsisimula ng mundo hanggang sa panahong pinasimulan ang Paskua, ang mga sakripisyo ay inihandog bilang alaala o sagisag ng sakripisyo ng Anak ng Diyos; kaya’t mula sa panahon ng Paskua hanggang sa panahong Siya ay pumarito upang ihandog ang Kanyang sarili, ang mga sakripisyo at mga sagisag at mga anino ay maingat na sinunod ng mga Propeta at Patriyarka, alinsunod sa utos na ibinigay kay Moises at sa iba pang mga tagasunod ng Panginoon. At Kanya rin mismong tinupad ang pangangailangang ito at ipinagdiwang ang Paskua gaya rin ng iba. At ngayon tayo, matapos ihandog ang dakilang sakripisyong iyon, ay tumatanggap ng Sakramento ng Hapunan ng Panginoon bilang pag-alaala dito. Samakatwid, ang gawaing ito ay dakilang buklod sa pagitan ng na karaan at ng hinaharap. Samakatwid ay Kanyang sinunod ang batas, naibigay ang mga kinakailangan ng katarungan, at sinunod ang mga kinakailangan ng Kanyang Ama sa Langit.11
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang naisakatuparan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
-
Sa anu-anong paraan nagbibigay sa inyo ng kaaliwan ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli?
-
Paanong nakaapekto sa inyo nang personal ang Pagbabayadsala? Paano makatutulong sa inyo ang malaman na ang Tagapagligtas ay “ganap na nakauunawa sa lalim, kapangyarihan at lakas ng [inyong] mga paghihirap at pagsubok”? Anu-anong karanasan mayroon kayo na nakapagpalakas sa inyong patotoo sa Pagbabayad-sala?
-
Ano ang ibig ipakahulugan ng pagiging anak na babae o lalaki ni Cristo sa pamamagitan ng “pag-ampon”? (Tingnan din sa Mosias 5:1–9, 15; D at T 25:1.)
-
Ano ang kinakailangan sa atin upang ating matanggap ang “mga dakilang pagpapala, pribilehiyo, kapangyarihan at kadakilaan” na maaari nating makamtan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala? (Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3–4.)
-
Ano ang kaugnayan ng sakramento at ng Pagbabayad-sala?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan:Mateo 26:26–28; Mosias 15:22–25; Alma 34:13–15; 3 Nephi 18:1–12; Moroni 10:32–33; Moises 5:4–8