Ang Buhay at Ministeryo ni John Taylor
Nang mamatay si Brigham Young noong ika-29 ng Agosto 1877, 68 taong gulang na si John Taylor. Sa loob ng sumunod na tatlong taon, pinamunuan ni Pangulong Taylor ang Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa isang pangkalahatang kumperensiya noong ika-10 ng Oktubre 1880, sinang-ayunan siya bilang propeta, tagakita, tagapaghayag, at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang katungkulang kanyang ginampanan hanggang sa kanyang pagpanaw noong ika-25 ng Hulyo 1887. Sa loob ng panahong siya ang Pangulo, at sa naunang mga dekada ng kanyang paglilingkod bilang Apostol, laging handa si John Taylor na ituro at ipagtanggol ang katotohanan. Sa loob ng isa sa pinakamahirap na yugto sa kasaysayan ng Simbahan, siya ay nagbigay ng lakas at direksyon sa mga Banal.
Pagsasalarawan kay Pangulong Taylor
Inilarawan si Pangulong Taylor na magandang lalaki, may taas na mga anim na talampakan at may tila mukhang anghel. Kasing puti ng niyebe ang kanyang buhok at di gaanong maputi ang kanyang balat. May maginoo at kagalang-galang na pag-uugali, “siya ay isang lalaking hindi nababagay na tampalin sa likod o paikutin at pilipitin ang kamay kung nakikipagkamay sa kanya, gaano ka man kalapit sa kanya bilang kaibigan; ang paggawa ng ganito sa kanya ay wala sa lugar, katulad din ng paggawa ng ganito sa isang kagalang-galang na hari.”1 Gayunman, walang kapalaluan sa kanyang pag-uugali; siya ay mapagbigay, magalang, at palakaibigan sa lahat. “Sinuman ang humarap sa kanya, maging sa pribado man o sa publiko, ay makadarama na siya ay humaharap sa isang dakilang tao, isang taong may karangalan at kagalingan.”2
Si Sir Richard Burton, isang manunulat na taga-Britanya at manlalakbay sa buong mundo, na nakilala si Pangulong Taylor, ay isinalarawan ito bilang “matipuno, magandang lalaki, isang ginoong may katandaan na, may mga maawaing matang kulay abo, may maaliwalas na mukha, at mataas na noo.”3 Isa pang mananalaysay ang sumulat, “Nang ipakilala ako sa kanya noong 1884, si G. Taylor, na noon ay pitumpu’t pitong taong gulang, ay lumapit…isang taong may maputing buhok, isang lalaking mukhang maawain na may katamtamang taas at mahusay na hubog ng katawan, may kahabaang mukha, malalim at maningning na mga matang kulay abo, malapad na noo, at nakatikom na mga labi; mababakas sa kanya ang determinasyon at bahagyang kalungkutan na maaasahan sa isang taong dumanas ng maraming kahirapan.”4
Ang Kanyang Kabataan
Ipinanganak noong 1808 sa rehiyong Westmoreland sa hilagang kanluran ng Inglatera, si John Taylor ay may mapagpakumbaba, mababait, at mapagmahal na mga magulang na nagturo sa kanyang bumasa at maniwala sa Biblia, manalig sa Diyos, at magkaroon ng pag-asa kay Cristo. Pinabinyagan siya ng kanyang mga magulang na sina James at Agnes Taylor sa Iglesia ng Inglatera hindi nagtagal matapos siyang isilang. Ang pagpapalaki sa kanya sa Iglesia ng Inglatera ay nagdulot sa kanya ng malaking pagpapahalaga sa mga sagradong liriko at musika, sa pormal na pagaaral ng Biblia, at sa panalanging pansarili at pampubliko. Ang malalim na katapatan at pagmamahal sa Diyos ay mga katangiang nabuo kay John Taylor noong bata pa siya. “Sa murang gulang ng aking buhay, natutuhan kong lumapit sa Diyos,” ang kanyang sinabi sa mga Banal sa mga Huling Araw matapos siyang maging Pangulo ng Simbahan. “Maraming pagkakataong pumunta ako sa bukirin at makaraang magtago sa mga palumpong, lumuluhod ako sa harapan ng Panginoon at tumatawag sa Kanya upang patnubayan at gabayan ako. At Kanyang dininig ang aking panalangin. … Ganoon ang aking gawain noong bata pa ako. … Ang aking espiritu ay palagiang naghahanap sa Diyos noon; at ganoon pa rin ang aking pakiramdam ngayon.”5
Noong siya’y bata pa, kanyang nakita “sa isang pangitain ang isang anghel sa kalangitan, na may pakakak sa kanyang bibig, at nagpapahayag ng isang mensahe sa mga bansa.” Bagama’t naunawaan lamang niya ang ibinabadyang kahulugan ng pangitaing iyon nang tumanda na siya, patuloy siyang naging malapit sa Diyos sa panahon ng kanyang kasibulan. “Madalas kapag nag-iisa,” isinulat niya, “at paminsan-minsan kung may mga kasama, nakaririnig ako ng matamis, maganda, at magiliw na musika, na tila ba tinutugtog ng mga anghel o ng mapaghimalang mga nilalang.”6
Noong siya ay mga 16 na taong gulang na, kanyang nilisan ang Iglesia ng Inglatera at naging isang Metodista. Nang sumunod na taon, itinalaga siya bilang tagahikayat, o isang di-propesyonal na mangangaral ng simbahang iyon—isang pambihirang tungkulin para sa isang kabataan. Noon pa man, isang katatagang bunsod ng matibay na paniniwala ang naging katangian ng kanyang buhay—isang paniniwalang batay sa sarili niyang karanasan. Sa panahong ito ng kanyang buhay, nakatanggap siya ng isang malakas na impresyon na tinawag siya ng Diyos upang balang araw ay ipangaral ang ebanghelyo sa Estados Unidos ng Amerika.
Ang Kanyang Paghahanap sa Kaharian ng Diyos
Noong 1830, ang mga magulang at iba pang kapamilya ni John Taylor ay nangibang bansa sa Toronto, Canada, at naiwan siya sa Inglatera upang ipagbili ang kanilang sakahan at pangasiwaan ang iba pang mga bagay-bagay pampamilya. Nang maisagawa niya ito, kanyang nilisan ang Inglatera at lumulan ng isang barko patungong Lungsod ng New York. Habang naglalayag, kinaharap ng barko ang isang matinding bagyo na sumira na ng ilang barko sa dakong iyon. Inasahan ng kapitan at ng iba pang mga opisyal ng barko na lulubog sila, ngunit nagpatotoo ang tinig ng Espiritu kay John Taylor, “Kailangang makarating ka sa Amerika at mangaral ng ebanghelyo.” Naalala ni Pangulong Taylor: “Lubhang malakas ang paniniwala ko sa aking kapalaran, kung kaya’t pagdating ng hating-gabi ay umakyat ako sa kubyerta, at kahit nasa gitna ako ng nagngingitngit na panahon ay nakadama ako ng kapayapaan na para bang nagpapahinga lamang ako sa bahay. Naniwala akong mararating ko ang Amerika at gagampanan ang aking gawain.”7 Ligtas siyang nakarating sa New York at pagkaraan ng ilang buwan ay nagsama-sama silang muli, siya at ang kanyang magulang sa Toronto, kung saan nagpatuloy siya sa kanyang pananampalatayang Metodista at nagsimulang mangaral. Sa panahong ito, nakilala niya si Leonora Cannon, na isa ring debotong Metodista na kalilipat lamang sa Canada mula sa Inglatera. Dahil sa magkatulad na paniniwala sa relihiyon at pagkagiliw sa pag-aaral, kultura, at sa isa’t isa, nagpakasal sila noong ika-28 ng Enero 1833 sa Toronto.
Habang nasa Canada, lumahok siya kasama ng mga kaibigan sa isang seryosong pag-aaral ng Biblia at pagpapalalim ng kanyang pagkakaunawa sa katotohanan. Sa panahong ito ng matinding pagsasaliksik nang ipadala si Elder Parley P. Pratt, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa isang misyon sa Toronto.
Sa kanyang pagdating sa Toronto, humiling si Elder Pratt sa mga ministro at opisyal ng lungsod ng isang lugar kung saan siya makapapangaral, ngunit tinanggihan ang kanyang hiling. Kahit na si John Taylor, na nakarinig na ng ilang kuwento tungkol sa Simbahan, ay di-interesado kay Elder Pratt noong una. Dahil tila di siya magtatagumpay, ipinasiya ni Elder Pratt na lisanin ang Toronto at dumaan siya sa tahanan ng mga Taylor upang mamaalam. Dahil nakadama ng impresyon na si Elder Pratt ay isang tao ng Diyos, pinatuloy at pinakain ng isang kapitbahay ni John Taylor si Elder Pratt, at pinahintulutan itong magdaos ng mga pagpupulong. Tinanggap ni Elder Pratt ang alok at di naglaon ay ipinakilala siya sa mga kaibigan ni John Taylor na madalas magtipun-tipon sa pagsasaliksik ng katotohanan.
Nagsimula si John Taylor sa isang masusing pagsusuri ng mga doktrina ng Simbahan. “Araw-araw kong ginawa ito sa loob ng tatlong linggo,” wika niya, “at sinundan si Kapatid na Pratt sa kung saan-saang lugar.” Kanyang itinala at pinag-aralan ang mga sermon ni Kapatid na Pratt at inihambing ang mga ito sa banal na kasulatan. Matapos ang ilang panahon, pinatotohanan ng Banal na Espiritu ang mensahe ni Elder Pratt, at bininyagan sina John at Leonora Taylor noong ika-9 ng Mayo 1836. Nang maglaon ay nagpatotoo siyang “kailanman ay hindi niya pinag-alinlanganan ang alinmang alituntunin ng Mormonismo mula noon.”8
Isang Matapat na Bagong Miyembro at Pinuno
Hindi nagtagal makaraang sumapi sa Simbahan, tinawag si John Taylor upang maglingkod bilang punong tagapangasiwa ng Simbahan sa Canada, isang tungkuling ginampanan niya nang higit sa isang taon. Dahil sa kanyang mga tungkulin, kinailangan niya ang madalas na pagbiyahe, ngunit walang kapagurang ipinangaral niya ang ebanghelyo at pinangasiwaan ang maraming espirituwal at temporal na bagay tungkol sa Simbahan sa bansang iyon. Sa panahong ito, ang isa sa pinakamatinding pagnanais niya ay makita ang Propetang Joseph Smith. Noong Marso 1837, naglakbay siya patungong Kirtland, Ohio, kung saan tinanggap siya sa tahanan ng Propeta. Kanyang inilarawan na “parang nakuryente” siya nang kamayan niya ang Propeta bilang pagbati sa isa’t isa.9 Sa tahanan ng mga Smith, tinuruan siya ng Propeta ng marami pang katotohanan tungkol sa gawain sa mga huling araw. Mabilis na umusbong sa pagitan ng dalawang lalaki ang pagkakaibigan at pagtitiwalang kailanman ay hindi nasira.
Habang nasa Kirtland, nasaksihan ni John Taylor ang maraming pagbatikos laban kay Propetang Joseph Smith. Ang mga taong lubusang tumalikod sa Simbahan ay madalas na magdaos ng mga pagpupulong kung saan ay kanilang binabatikos ang Propeta. Nang patapos na ang isa sa mga ganitong pagpupulong sa Templo ng Kirtland, humingi si Elder Taylor ng pahintulot na makapagsalita at buong katapangang ipinagtanggol niya ang Propeta. “Si Joseph Smith, sa ilalim ng Pinakamakapangyarihang Diyos, ang siyang bumuo ng pangunahing mga alituntunin,” sabi niya, “at sa kanya tayo dapat umasa para sa karagdagang mga tagubilin. Kung ang espiritung kanyang ipinakikita ay hindi makapagdudulot ng mga pagpapala, sa aking palagay ay di rin makapagdudulot ng pagpapala ang espiritung ipinakikita ng mga yaong nagsalita. Ang mga anak ng Israel, noong unang panahon, matapos na masaksihan ang kapangyarihan ng Diyos na ipinakita sa kanilang harapan ay naghimagsik at sumamba sa mga diyusdiyosan, at may napakalaking panganib na gagawin din natin ang ganoon.”10 Bagama’t marami sa mga taong lubusang tumalikod sa katotohanan ang nagpatuloy sa kanilang landas, ang matatapat na Banal ay napalakas ng katapatan at pananalig ni Elder Taylor.
Ang Kanyang Panunungkulan at Paglilingkod Bilang Apostol
Noong taglagas ng 1837, tumanggap ng kalatas si Elder Taylor mula kay Joseph Smith na lumipat sa Far West, Missouri, upang punan ang bakanteng puwesto sa Korum ng Labindalawang Apostol (siya ay pormal na inordenan noong Disyembre 1838). Tungkol sa pagkakataon na makapaglingkod bilang isang Apostol, sinabi ni John Taylor: “Tila napakalaki ng gawain, at napakahirap at napakabigat ng mga tungkulin. Nadama ko ang sarili kong kahinaan at kawalang-halaga, ngunit determinado ako, dahil ang Panginoon ang aking katulong, na pagsumikapang gampanan ito.”11 Ang pagiging mapagpakumbaba sa harapan ng Diyos at tuwinang paghahangad ng Kanyang pamamatnubay ang magiging mga tatak ng paglilingkod ni Elder John Taylor. Matapos siyang maging Pangulo ng Simbahan, kanyang sinabi sa mga Banal: “Wala akong mga ideya, maliban sa mga ideyang ibinibigay ng Diyos sa akin; dapat ding ganyan kayo. May mga taong ipinagpipilitang gawin ang sarili nilang mga pamamaraan at isagawa ang sarili at kakaiba nilang mga nasasaisip. Wala akong iniisip na ganito, ngunit hinahangad ko, sakali mang may dumating na ganito, na alamin ang kalooban ng Diyos at isagawa ito.”12
Isang Saksi sa Pagkamartir
Bilang isang Apostol, si Elder John Taylor ay isang matapat at pinagkakatiwalaang kasamahan ni Propetang Joseph Smith. Tungkol sa pagkakaibigan nina Elder Taylor at ng Propeta, sinabi ni Elder Franklin D. Richards ng Labindalawa, “Iilan lang ang kalalakihang nagkaroon ng ganoong kainit at kapersonal na relasyon tulad ng natamo at nagawa niya kay Propetang Joseph Smith hanggang sa mamatay ito, at ang kuwento ng matalik na pagkakaibigang iyon ay nagwakas sa mga punglong tumama sa kanya sa Piitan ng Carthage kasama ng Propeta.”13
Ang isa sa mga pinakamabigat na pangyayaring naganap sa buhay ni Elder Taylor ay ang pagkamartir ni Propetang Joseph Smith. Kusang-loob na pumunta si Elder Taylor sa Piitan ng Carthage kung saan ilegal na ibinilanggo ang Propeta at ang kanyang kapatid na si Hyrum noong ika-25 ng Hunyo 1844. Hindi nagtagal at naging malinaw na walang hangad ang mga mandurumog sa Carthage na sila ay palayain at nalagay sila sa panganib. Noong ika-27 ng Hunyo, ang iba pang miyembro ng Simbahan na pumunta sa Carthage mula sa Nauvoo ay may iba’t ibang nilakad upang tumulong na makatamo ng katarungan. Nang hapong iyon, tanging sina Elder Taylor at Apostol Willard Richards na lamang ang natira sa piitan kasama nina Joseph at Hyrum. Binalak ni Elder Taylor na ipunin ang mga kapatid sa Simbahan sa Nauvoo upang iligtas mula sa piitan si Propetang Joseph, at kanyang sinabi, “Kapatid na Joseph, kung papayag ka, at sabihin mo lamang, mailalabas kita sa piitang ito sa loob ng limang oras, kahit na kailanganing gibain ang piitang ito mailabas ka lamang.”14 Hindi pumayag si Joseph sa balak na ito.
Sa paglipas ng mga oras nang hapong iyon ng ika-27 ng Hunyo, isang matinding kalungkutan ang bumalot sa apat na kalalakihan. Dahil sa kanyang mahusay na tinig tenor, hiniling nang dalawang ulit kay Elder Taylor na awitin ang “Isang Taong Manlalakbay” upang gumaan ang kanilang pakiramdam. Hindi nagtagal matapos ang ikalawa niyang pag-awit ng himno nang pwersahang akyatin ng mga mandurumog na may mga mukhang kinulayan ng itim ang hagdan ng piitan. Kaagad na iniharang nina Hyrum Smith at Willard Richards ang kanilang mga katawan sa pinto upang hindi ito mabuksan. Nang tumagos sa pinto ang mga naunang putok, tinamaan si Hyrum at namatay. Nagpatuloy sa pagpapaputok ang mga mandurumog at kaagad na iniumang ang kanilang mga riple sa bahagyang nabuksang pintuan. Tumayo si Elder Taylor malapit sa pinto at sa pamamagitan ng isang tungkod ay tinangkang itulak ang dulo ng mga riple upang mailihis ang pagkakatutok ng mga ito sa silid. “Iyon ay isang tagpong tunay na nakatatakot,” itinala ni Elder Taylor. “May mga apoy na galing sa mga baril na tila kasinlaki ng aking mga braso ang dumaan malapit sa akin, at… tila ba tiyak na kamatayan na iyon. Nadama kong para bang oras ko na, ngunit hindi ko alam kung kailan, wala akong natatandaang anupamang mapanganib na sitwasyon, na ako ay napakalmado, di naliligalig, masigla, at kumilos nang maagap at may katiyakan.”15
Sa gitna ng ganitong eksena, si Propetang Joseph, na nagtatangka ring ipagtanggol ang sarili laban sa mga mandurumog, ay nagsabi kay Elder Taylor, “Tama iyan, Kapatid na Taylor, sanggain mo sila sa abot nang iyong makakaya.”16 Iyon ang mga salitang pinakahuling narinig niyang binigkas ng Propeta dito sa lupa.17 Nang mapagtantong hindi na magtatagal ang kanilang katayuan sa likod ng pinto, tumakbo si Elder Taylor palapit sa bintana. Nang tatalon na siya, isang putok mula sa loob ng piitan ang tumama sa kanyang kaliwang hita. Sa loob ng ilang sandali, nakahandusay siyang walang kakilos-kilos sa pasamano ng bintana at mahuhulog na nang isang putok mula sa labas ng piitan ang tumama sa orasan na nasa bulsa sa kanyang dibdib, at dahil dito ay nalaglag siyang pabalik sa silid. Sa ganitong kalagayan, tinangka ni Elder Taylor na gumapang sa ilalim ng higaan sa silid. Nasa ganoong kalagayan siya nang siya ay paputukan pa ng tatlong ulit. Isang bala ang tumama mababa nang konti sa kanyang kaliwang tuhod, at ito kailanman ay hindi na naalis. Ang isa ay pumasok sa palad ng kaliwa niyang kamay. Ang pangatlong bala ay tumama sa malamang bahagi ng kanyang kaliwang tagiliran at pumunit ng ilang pulgada ng laman. Bagama’t malubhang nasugatan at dumanas ng matinding sakit, nakaligtas si Elder Taylor sa paglusob na iyon at kinalaunan ay iniuwi sa Nauvoo ng ilan sa mga Banal.
Sa loob ng ilang saglit matapos mabaril si Elder Taylor, tinangka rin ng Propeta na tumalon sa bintana ngunit kaagad itong binaril at nalaglag sa lupa sa labas ng piitan. Itinala ni Elder Taylor kinalaunan na nang mabatid niya ang naging kapalaran ng Propeta, siya ay nagkaroon ng “matamlay, malungkot, at masakit na pakiramdam.”18
Nilalaman ng Bahagi 135 ng Doktrina at mga Tipan ang salaysay ng pagkamartir na isinulat ni Elder Taylor. Ang bahaging ito ay hindi nakikitaan ng maraming detalye sa pangyayaring iyon, ngunit ito ay nagsisilbing malakas na patotoo kay Propetang Joseph: “Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig, kaysa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito… Siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao; at gaya ng karamihan sa mga hinirang ng Panginoon noong mga sinaunang panahon, ay tinatakan ang kanyang misyon at ang kanyang mga gawain ng kanyang sariling dugo.”19
Tagapagtanggol ng Pananampalataya
Sa pagiging miyembro ng Korum ng Labindalawa, inilaan ni Elder Taylor ang kanyang panahon at talino sa pagpapahayag at pagtatanggol sa ebanghelyo. Ginamit niya ang kanyang galing sa panulat at naglingkod bilang patnugot ng Times and Seasons, Wasp, at Nauvoo Neighbor, na pawang mga pahayagan sa Nauvoo. Kinalaunan, habang nangangasiwa sa Simbahan sa silangang Estados Unidos, kanyang pinamatnugutan at inilathala ang The Mormon, isang lingguhang pahayagan sa New York na naglalahad sa mga doktrina ng Simbahan. Ang kanyang mga panulat na sing-haba ng mga aklat ay kinabilangan ng dalawang eksposisyong doktrinal, The Government of God at An Examination into and an Elucidation of the Great Principle of Mediation and Atonement of Our Lord and Savior Jesus Christ (na inilathala noong siya ay Pangulo ng Simbahan). Ang husay ni Elder Taylor sa panulat at pamamatnugot ay nagbigay sa kanya ng mga titulong “Tagapagtanggol ng Pananampalataya” at “Kampiyon ng Katotohanan” mula sa mga miyembro ng Simbahan. Ang sabi ni Pangulong Brigham Young tungkol kay Elder Taylor, “Masasabi kong siya ay isa sa pinakamatalinong tao na makikilala natin; siya ay isang napakagaling na tao, isang makapangyarihang tao. … Isa siya sa mga pinakamahusay na patnugot na nakapagsulat.”20
Bilang karagdagan sa pagpapahayag ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsulat, naglingkod si Elder Taylor ng apat na fulltime na misyon: dalawa sa Great Britain, isa sa Pransiya at Alemanya, at isa sa New York. Sa kabuuan, ang kanyang mga fulltime na misyon ay umabot nang higit sa pitong taon. Bagama’t kinailangan ang malaking sakripisyo sa matatagal na pagkawalay na ito sa mga mahal sa buhay, ang paniniwala ni Elder Taylor sa gawain ng Panginoon ay hindi nanghina kailanman. Sa isa sa kanyang mga liham sa kanyang pamilya habang nasa isa sa kanyang mga misyon, isinulat niya: “Ginagampanan ko ang gawain ng aking Panginoon; isa akong ministro ni Jehova upang ipahayag ang Kanyang kalooban sa mga bansa. Ipinakikita ko ang landas tungo sa buhay na walang hanggan sa isang dakilang bansa, upang ipahayag sa milyun-milyong tao ang mga alituntunin ng buhay, liwanag, at katotohanan, katalinuhan at kaligtasan, upang kalagan ang kanilang mga gapos, palayain ang mga naaapi, sagipin ang mga naliligaw, iwasto ang kanilang mga pananaw, palakasin ang kanilang moralidad, iligtas sila sa pagkakalugmok, pagkawasak, at kawalang pag-asa, at gabayan sila tungo sa liwanag, buhay, at kaluwalhatiang selestiyal. Hindi ba’t nadarama rin ng inyong espiritu ang nadarama ko? Alam kong nadarama ninyo ang mga ito.”21
Bilang Asawa at Ama
Sa kabila ng malaking panahon na kinakailangan sa kanyang paglilingkod sa Simbahan, si John Taylor ay isang maasikaso at mapagmahal na asawa at ama. Labis niyang ikinasiya ang panahong naigugugol niya sa piling ng kanyang pamilya at madalas gamitin ang mga pagkakataon na magsaya sa piling nila at turuan sila. Dahil dito, labis siyang minahal ng kanyang pamilya. Sa paglipas ng mga taon, sumulat ang kanyang anak na si Moses W. Taylor, “Mataas ang pagtingin sa kanya ng kanyang mga anak kaya nga ang mabigyan siya ng kagalakan ang siyang kanilang pinakamimithi.”22
Sa kanyang pakikisalamuha sa mga bata, si John Taylor ay isang halimbawa ng pagmamahal, kabaitan, at malinis na pagpapatawa. Naalala ng kanyang anak na si Ezra Oakley Taylor ang ganitong karanasan:
“Noong lumalaki pa lamang ako, kaugalian ang magdaos ng pagpupulong sa Tabernakulo tuwing Linggo nang hapon. Inaasahan kaming lahat na dumalo roon, at pagkatapos ay magulat kung sino ang nagbigay ng sermon, kung ano ang paksa nito, kung sino ang nagbigay ng panalangin, at kung anong mga himno ang inawit. Noong Linggong iyon, nagpasiya kaming lumiban sa pagpupulong kahit minsan lamang at magtanong na lang sa aming mga kaibigan ng kinakailangang impormasyon. Dumating ang pagpupulong ng pamilya at kagaya ng inaasahan ay tinanong ako ni Itay tungkol sa sermon, at kung sino ang nagbigay nito. Handang-handa ako, dahil ayon sa aking kaibigan ay hindi niya ito masyadong naintindihan, kung kaya’t inulit ko lang ang sinabi niya, ‘A… isa siyang matandang taong madaldal at di ko matandaan ang kanyang pangalan, ang natitiyak ko ay nakakawalang interes ang mga sinabi niya.’ Naaaliw na sinabi ni Itay, ‘Ang matandang taong madaldal na iyon ay ang iyong ama’ at ipinagpatuloy niya ang pagpupulong ng pamilya.”23
Bilang Apostol, at kinalaunan bilang Pangulo ng Simbahan, palagiang hinikayat ni Pangulong Taylor ang mga Banal na mahalin at palakasin ang kanilang mga pamilya. Hinimok niya ang mga miyembro ng Simbahan na maglaan ng isang gabi bawat linggo para sa pag-aaral ng ebanghelyo at pag-aaliw bilang isang pamilya, at pinangakuan niya sila ng isang “kapayapaan at pagibig, isang kadalisayan at kagalakan na gagawing kalugod-lugod ang kanilang mga tahanan” kung matapat nilang gagawin ang bagay na ito.24
Pangungulo sa Simbahan
Sa loob ng mga taon na si Pangulong Taylor ay namuno sa Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa at pagkatapos bilang Pangulo ng Simbahan, nagpatuloy siya sa paglilingkod na may kalakasan at katapatan sa kanyang pagpupunyaging palakasin ang mga Banal.
Kaayusan at Pagkamatwid sa Priesthood
Isa sa mga pinakamahalaga niyang gawain bilang Pangulo ay kinabilangan ng pagsasaayos sa mga korum ng priesthood at paghihikayat sa kanila na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Kanyang tinagubilinan ang mga bishop na magdaos ng lingguhang pagpupulong ng priesthood sa kanilang mga ward at pinayuhan ang mga stake president na magdaos ng buwanang pagpupulong ng priesthood. Itinala ni Elder B. H. Roberts, “Sino ba ang hindi makaaalala sa panghihikayat nang may buong kasigasigan at lakas na nakaugalian niyang gawin sa mga Stake President at bishop sa mga kumperensiya at pagpupulong na isaayos ang priesthood at mga institusyong nasa ilalim ng kanilang pamamahala?”25
Sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Pangulong Taylor noong Oktubre 1882, tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal, lalung-lalo na ang mga kapatid sa priesthood, na ayusin ang kanilang mga sarili at lumakad nang may kabanalan sa Kanyang harapan. Ang sumusunod na mga talata ay sinipi mula sa paghahayag na iyon:
“Padalisayin ng mga Stake President ang kanilang mga sarili, at ang priesthood at mga tao sa stake na kanilang pinangunguluhan, at isaayos ang priesthood sa kani-kanilang mga stake alinsunod sa aking batas, sa lahat ng departamento nito, sa mga Mataas na Konseho, sa mga korum ng mga elder, at sa mga bishop at kanilang mga konseho, sa mga korum ng mga priest, teacher, at deacon, upang ang bawat korum ay ganap na mabuo alinsunod sa kaayusan ng aking Simbahan. …
“Padalisayin ng mga Stake President ang kanilang mga sarili, at ang priesthood at mga tao sa stake na kanilang pinangungulu-han, at isaayos ang priesthood sa kani-kanilang mga stake alin-sunod sa aking batas, sa lahat ng departamento nito, sa mga Mataas na Konseho, sa mga korum ng mga elder, at sa mga bish-op at kanilang mga konseho, sa mga korum ng mga priest, teach-er, at deacon, upang ang bawat korum ay ganap na mabuo alin-sunod sa kaayusan ng aking Simbahan. …
“Magpakumbaba ang aking priesthood sa aking harapan, at huwag hangarin ang kanilang kalooban kundi ang sa akin; sapagkat kung ang aking priesthood na aking pinili, at tinawag, at pinagkalooban ng espiritu at mga kaloob ng kanilang iba’t ibang tungkulin, at ng mga kapangyarihan nito, ay hindi ako kikilalanin, hindi ko sila kikilalanin, wika ng Panginoon; sapagkat ako ay igagalang at susundin ng aking priesthood.
“At, pagkatapos, tinatawagan ko ang aking priesthood, at ang lahat ng aking mga tao, na magsisi sa lahat ng kanilang mga kasalanan at pagkukulang, ng kanilang pag-iimbot at kapalaluan at paghahangad sa kanilang kalooban, at sa lahat ng kanilang kasamaan kung saan nagkasala sila laban sa akin; at hangarin nang may buong pagpapakumbaba na tuparin ang aking batas, bilang aking priesthood, aking mga banal at aking mga tao; at tinatawagan ko ang mga puno ng mga pamilya na isaayos ang kanilang mga tahanan alinsunod sa batas ng Diyos, at gampanan ang iba’t ibang tungkulin at pananagutan na kaakibat nito, at padalisayin ang kanilang mga sarili sa aking harapan, at alisin ang kasamaan mula sa kanilang mga pamamahay. At babasbasan at sasamahan ko kayo, wika ng Panginoon, at kayo ay magtitipun-tipon sa inyong mga banal na lugar kung saan kayo nagtitipon upang tumawag sa akin, at hihiling ng mga bagay na matwid, at didinggin ko ang inyong mga panalangin, at ang aking Espiritu at ang kapangyarihan ay mapasasainyo, at ang aking pagpapala ay mananatili sa inyo, sa inyong mga pamilya, sa inyong mga tirahan at mga pamamahay, sa inyong mga kawan at langkay at mga bukirin, sa inyong mga taniman ng punong kahoy at mga ubasan, at sa lahat ng bagay na sa inyo; at kayo ay magiging aking mga tao at ako ay magiging inyong Diyos.”26
Paggawang Ganap sa mga Banal
Upang mapalakas ang pag-unawa at paniniwala ng mga Banal sa ebanghelyo, nagtakda si Pangulong Taylor ng mga kumperensiya ng mga stake tuwing ikatlong buwan sa buong Simbahan. Hangga’t maaari, dumadalo siya sa mga kumperensiyang ito. Kapag hindi niya ito magawa, nagpapadala siya ng miyembro ng Korum ng Labindalawa. Tungkol sa ganitong gawain, itinala ni Elder B. H. Roberts ng Pitumpu: “Nakatanggap ang mga Banal ng labis na pagtuturo at tagubilin mula sa mga Apostol kaysa anupamang panahon sa kasaysayan ng Simbahan. Ang naging bunga nito ay isang malakas na espirituwal na pagkagising ng mga Banal.”27 Ang isa pa sa mga mahalagang pangyayaring naganap sa unang bahagi ng kanyang pagkapangulo ay ang pormal na pagkakatatag ng Primary noong 1878 upang lalong maging mabisa ang pagtuturo sa mga bata sa Simbahan. Nagpatuloy rin si Pangulong Taylor sa pagbibigay-halaga sa gawaing misyonero, at tumaas ang bilang ng mga elder na ipinadala upang magpahayag ng ebanghelyo.
Sa marami sa kanyang mga pangangaral, patuloy na hinikayat ni Pangulong Taylor ang mga Banal na gampanan ang kanilang mga tungkulin sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay, maging sa pamilya, sa pagiging miyembro ng Simbahan, bilang magkakapitbahay, o bilang mga mamamayan. Kanyang itinuro sa mga Banal na kung sila ay magiging masunurin at magtitiwala sa Panginoon, wala silang dapat ikatakot. Nagturo siya na “Ang Diyos ay papanig lamang sa Israel kapag ang Israel ay nasa panig ng katwiran.”28
Pagtanggol sa Kalayaan
Gaano man kalakas ang mga paniniwala ni Pangulong Taylor, palagi niyang iginagalang at ipinaglalaban ang karapatan ng mga tao. Noong kapanahuan ng kanyang pagiging Apostol sa Nauvoo, tinawag siyang “Kampiyon ng Kalayaan,” at bilang Pangulo ng Simbahan patuloy siyang naging karapat-dapat sa titulong ito. Sa panahong ang mga Banal sa mga Huling Araw ang bumuo ng napakalaking mayorya sa Utah, paulit-ulit na ipinangaral ni Pangulong Taylor ang kalayaan sa relihiyon at kalayaan sa pani-niwala para sa lahat. Kanyang sinabi: “Kung minsan ay nagkakaroon tayo ng padalus-dalos na pagtingin laban sa mga taong iba ang paniniwala kaysa atin. Sila ay may karapatang maniwala ayon sa nais nila; at ganoon din naman tayo. Samakatwid, kung ang paniniwala ng isang tao ay hindi kagaya ng paniniwala ko, wala akong pakialam sa kanya. At kung ang aking paniniwala ay hindi kagaya ng paniniwala niya, wala siyang pakialam sa akin. Maipagtatanggol mo ba ang isang taong iba ang paniniwala kaysa iyo? Oo, hanggang sa huli. Siya ay dapat na makatanggap ng patas na katarungan mula sa akin; at dahil dito ay makaaasa akong ipagtatatanggol din niya ako sa aking mga karapatan.”29
Para kay Pangulong Taylor, ang kahalagahan ng kalayaan ay umiiral din sa loob ng Simbahan. Sa mga konseho, palagi niyang hinikayat ang mga miyembro na malayang sabihin ang kanilang mga nasasaisip. Bagama’t lubos niyang naunawaan ang kahalagahan ng pagkakaisa, naniniwala siyang ang tunay na pagkakaisa ay natatamo sa pamamagitan ng kalayaan.
Mga Panahon ng Pagsubok
Ang kalagayan ng mga Banal sa Estados Unidos ay naging isang hamon sa pagpapahalagang ito sa kalayaan. Sa ilalim ng pamamatnubay ng Panginoon, ipinagpatuloy sa Simbahan ng mga Banal ang pag-aasawa nang higit sa isa na pinasimulan noong kapanahunan ni Joseph Smith sa Nauvoo. Noong mga dekada 1860 at 1870, nagpasa ng batas ang pamahalaan ng Estados Unidos na nagbawal sa pag-aasawa nang higit sa isa at nagkait na maging estado ang Teritoryo ng Utah at ang mga karapatan ng mga mamamayan nito. Dahil kumbinsidong ang batas na ito ay labag sa kalayaan ng relihiyon na binabanggit sa Saligang Batas, ginamit ng Simbahan ang impluwensiya nito upang madala ang usaping ito sa Korte Suprema ng Estados Unidos. Noong 1879, dalawang taon matapos na magsimulang manungkulan si Pangulong Taylor bilang pinuno ng Simbahan, kinatigan ng Korte Suprema ang batas ng pamahalaang pederal laban sa poligamya ng 1862. Noong 1882, at muli noong 1887, nagpalabas ng karagdagang mga batas ang Kongreso ng Estados Unidos na nagbigay-kapangyarihan sa pamahalaang pederal na alisin ang legal na katayuan ng Simbahan bilang isang korporasyon at kumpiskahin ang lahat ng pag-aari ng Simbahan na humigit sa $50,000 (kabilang ang apat na templo na nasa iba’t ibang yugto ng pagtatayo, ang Tabernakulo, mga bahay-pulungan, at marami pang ari-arian). Ipinasa ang batas upang maalis ang pangunahing mga karapatang sibil ng mga miyembro ng Simbahan, kabilang na ang karapatang bumoto. Ang mga pangyayaring ito ay lumikha ng mga kaparaanang legal upang usigin ang mga Banal sa mga Huling Araw na nag-aasawa nang higit sa isa. Patuloy na gumawa ng mga apilang legal ang Simbahan, ngunit walang nangyari sa mga ito.
Sa gitna ng umiinit na hidwaan dahil sa usapin ng poligamya, ipinagbigay alam kay Pangulong Taylor na binabalak ng mga opisyal na arestuhin siya sa lalong madaling panahon. Dahil sinubok na niya ang lahat ng kaparaanang legal, kailangan niyang magpasiya kung susundin niya ang Diyos o ang tao. Sa kanyang pinakahuling talumpating pampubliko, kanyang sinabi sa mga Banal, “Hindi ko magagawa, bilang isang marangal na tao, na suwayin ang Diyos… at yurakan sa ilalim ng aking mga paa itong mga banal at walang hanggang pananagutan na ibinigay ng Diyos sa akin upang aking sundin; ang mga ito ay may epekto sa kawalang hanggan.”30 Mula sa araw nang bigkasin niya ang sermong ito hanggang sa araw ng kanyang pagkamatay pagkalipas ng halos dalawa at kalahating taon, nagtago siya sa iba’t ibang lugar sa buong Utah. Sa halip na tumalikod sa mga tagubilin ng Panginoon tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa, pinili ni Pangulong Taylor na magtago bilang paraan ng pagsunod sa Panginoon at sa pag-asang huhupa ang pag-uusig laban sa Simbahan. Itinala ni Elder B. H. Roberts, “Nang mawala si Pangulong Taylor sa paningin ng publiko noong gabi ng ika-1 ng Pebrero 1885, ito ay hindi dahil sa pag-aalala sa sarili niyang kaligtasan, o dahil sa paghahangad ng kaginhawaan at katiwasayan, kundi para sa kabutihan ng nakararami at sa interes ng kapayapaan.”31
Bagama’t nawala sa paningin ng publiko, nagpatuloy si Pangulong Taylor sa pamumuno sa Simbahan sa pamamagitan ng mga liham at berbal na tagubilin sa kanyang mga pinagkakatiwalaang kasamahan. Gayunman, ang kanyang pagtatago, ang pagkakahiwalay sa kanyang pamilya at mga kaibigan, at ang bigat ng kanyang mga pananagutan ay lubos na nakaapekto sa kanya. Noong unang bahagi ng 1887, nagsimulang humina ang kanyang kalusugan. Sa loob ng ilang buwan, kanyang nilabanan ang karamdaman at sinabi sa iba na hindi magtatagal ay makababawi siya ng lakas, ngunit pagsapit ng Hulyo, naging malinaw na malubha na ang kanyang kalagayan. Noong gabi ng ika-25 ng Hulyo 1887, mapayapang pumanaw si Pangulong Taylor sa tahanan ni Thomas Roueché sa Kaysville, Utah.
Mga Papuri kay Pangulong Taylor
Ang ilan sa mga nababagay na paglalarawan sa ministeryo ni John Taylor ay ibinigay ng mga yaong nanungkulang kasama niya at naturuan niya. Sa kanyang pagsasalita sa libing ni Pangulong Taylor, sinabi ni Elder Franklin D. Richards ng Korum ng Labindalawa: “Si Pangulong Taylor ay isang taong matapang at walang takot para sa katotohanan. Wala siyang kinatatakutan… Noong kaming dalawa ay magkasama sa aming misyon sa Europa, naglingkod siya sa Pransiya. … Masigasig siyang nanungkulan sa pook na iyon; minsan, ilang mangangaral ang nagsamasama upang wasakin ang mga doktrina at paniniwala ng Mormon. Dahil sa bantog niyang katapangan, pumayag si Pangulong Taylor na harapin ang buong pulutong. … Nakayanan niya ang mga ito at nailabas niya ang katotohanan.”32
Si Elder Daniel H. Wells, na nanungkulan bilang tagapayo kay Brigham Young, ay nagsalita tungkol kay Pangulong Taylor nang ganito: “Nabuhay siya nang walang kinatakutan, nang marangal at nang tulad ng Diyos—ang mga nabubuhay ngayon ay nararapat na sumunod sa kanyang marangal na halimbawa. … Naging kampiyon siya ng karapatang pantao, kampiyon ng kalayaan, katotohanan, at kasarinlan. Nabuhay siya nang marangal at kapakipakinabang, punong-puno ng kadakilaan at kapurihan sa kanyang sarili at pamilya, na isang kasiyahan para sa mga tao at kaluwalhatian sa Diyos. Isang kasiyahan para sa akin na ibahagi ang patotoong ito tungkol sa katapatan at debosyon ni Pangulong Taylor, tungkol sa kanyang integridad sa Diyos at sa pagmamahal sa kanyang mga tao.”33
Si Angus M. Cannon, pangulo ng Salt Lake Stake, ang huling tagapagsalita sa libing ni Pangulong Taylor at ibinigay ang sumusunod na parangal sa taong ito na gumugol ng maraming taon sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos: “Natapos na ang kanyang paghihirap. Nahihimlay na siya sa Diyos; at aking nakikinita ang pagbukas ng pintuan ng langit sa kanyang pagpasok. … Dala ni Kapatid na Taylor ang patotoong ibinigay sa kanya ni Joseph, na sinabi ni Jesus kay Joseph, na inutos ng Diyos kay Joseph na pakinggan ang mga sasabihin ng kanyang minamahal na Anak—at kanyang ibinahagi ang balitang ito sa malalayong lupain, at pinatibok ang ating mga puso sa mga salitang kanyang binigkas. Masasabi kong napakalaki ng kasiyahan at kagalakang nadama ni Pangulong Taylor sa piling ng kanyang mga kapwa tagapaglingkod, napaliligiran ng mga Apostol ni Jesucristo, sa kabilang buhay.”34