Kabanata 9
Si Joseph Smith, ang Propeta ng Pagpapanumbalik
Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sinumang tao na kailanman ay nabuhay dito.1
Mula sa Buhay ni John Taylor
Noong Marso 1837, pumunta si John Taylor sa Kirtland, Ohio, at nagkaroon ng pagkakataon na makita si Propetang Joseph Smith sa unang pagkakataon at matuto nang higit pa tungkol sa mga alituntunin ng pinanumbalik na ebanghelyo. Sa panahon ng pagdalaw ni John Taylor sa Kirtland, maraming miyembro ng Simbahan ang naging mapamuna kay Propetang Joseph Smith. Maging ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawa ay naging bahagi ng ganitong diwa ng di-pagkakaisa, kabilang si Parley P. Pratt, na noong una ay nagturo ng ebanghelyo kay John Taylor. Nang lapitan siya ni Elder Pratt at ibahagi sa kanya ang ilan sa kanyang mga pag-aalinlangan nito tungkol sa Propeta, sumagot si Kapatid na Taylor:
“Nagulat ako sa sinabi mo, Kapatid na Parley. Bago ka umalis sa Canada ay nagbahagi ka ng malakas na patotoo tungkol kay Joseph Smith bilang Propeta ng Diyos, at tungkol sa katotohanan ng mga gawain na kanyang pinasimulan, at sinabi mong nalalaman mo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahayag, at sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Nag-iwan ka ng mahigpit na tagubilin na bagamat ikaw o isang anghel mula sa langit ang mangangaral ng bagay na naiiba dito, hindi ko ito dapat paniwalaan. Ngayon, Kapatid na Parley, hindi tao ang aking sinusunod, kundi ang Panginoon. Ang mga alituntuning itinuro mo sa akin ang nag-akay sa akin papunta sa Kanya, at ako ngayon ay may gayunding patotoo gaya mo noon. Kung ang gawain ay totoo anim na buwan na ang nakalilipas, totoo ito ngayon; kung si Joseph Smith ay propeta noon, isa siyang propeta ngayon.”2 Sa kapurihan ni Elder Pratt, hindi nagtagal ay nagsisi siya sa kanyang mga nadama at nagpatuloy sa pagiging magiting na tagapaglingkod ng Panginoon.
Nanatiling tapat si John Taylor kay Propetang Joseph Smith mula sa araw na makilala niya ito, at magkasama sila nang paslangin ang Propeta. Sa isang talumpati na kanyang ibinigay halos 20 taon pagkatapos mamatay si Joseph, sinabi ni Elder Taylor, “Kahit walang isa mang tao sa ilalim ng langit ang nakaaalam na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, nalalaman ko ito, at pinatotohanan ko ito sa Diyos, sa mga anghel at sa mga tao.”3 Sa kabuuan ng ministeryo ni John Taylor, nagagalak siyang ituro na “Pinanumbalik ng Diyos ang kanyang sinaunang Ebanghelyo kay Joseph Smith, at binigyan ito ng mga paghahayag, binuksan ang kalangitan para sa kanya, at ipinakilala sa kanya ang plano ng kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng tao.”4
Mga Turo ni John Taylor
Si Joseph Smith ay noon pa inordenan na maging propeta ng Pagpapanumbalik.
Walang anumang bagay na pambihira tungkol kay Joseph Smith. Siya ay isang lalaking gaya ng karamihan sa atin. Ngunit ang Panginoon, sa kanyang sariling mga kadahilaan, sa aking palagay, ay pinili siya upang maging kanyang tagapagsalita sa mga bansa sa panahong ito ng sanglibutan. Marahil si Joseph, gayon din naman ang iba pa, ay itinalaga sa isang katungkulan bago pa man likhain ang mundo. Si Cristo ay ang Kordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan. Si Abraham ay itinalaga sa kanyang katungkulan, at maraming pang iba sa ganito ring paraan; at si Joseph Smith ay pumarito upang gampanan ang kanyang gawain.5
Itinuturing natin si Joseph Smith bilang isang propeta ng Diyos. Tinawag siya upang punan ang katungkulan na kanyang ginampanan. Gaano katagal na ito? Libu-libong taon na ang na kalipas bago likhain ang mundong ito. Ipinopropesiya ng mga propeta ang kanyang pagdating, na may isang taong darating na ang pangalan ay Joseph, at na ang pangalan ng kanyang ama ay Joseph, at na siya ay isang inapo ng yaong Joseph na ipinagbili sa Egipto. Ang propesiyang ito ay inyong matatagpuang nakatala sa Aklat ni Mormon [tingnan sa 2 Nephi 3:15]. Siya ay binigyan ng Panginoon ng mahahalaga at napakadakilang mga pangako.6
Pinanumbalik ng Panginoon ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Nasa anong kondisyon ang mundo bago naipakilala ang ebanghelyo na ating ipinangangaral ngayon? … Saan tayo makasusumpong ng anumang bagay na nakakahawig ng mga yaong itinuro ni Jesus? Wala ito sa balat ng lupa. Ang mga apostol, propeta, pastor, guro, atbp. ay hindi matagpuan. Alam ko ba ito? Alam ko dahil nabuhay ako sa mundo nang panahong iyon! Alam ko ang nangyayari noon. Nakasama ko ang kanilang mga mangangaral at nakilalang ganap ang iba’t ibang samahan at organisasyon. Naroon ba sa kanila ang ebanghelyo na nakasulat sa mga banal na kasulataan? Wala.7
Hindi ko alam na kinakailangan ng mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan hanggang sa ituro ito sa akin ng ebanghelyo, bagama’t alam ko ang Biblia mula A hanggang Z. Nakabasa ako ng maraming bagay tungkol sa mga propesiya, at kaya kong tuusin ang tungkol sa milenyo at sa pagtitipon ng Israel, ngunit hindi ko batid ang unang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. At walang isa mang taong narito ang nakaaalam noon. Naglakbay ako sa maraming lugar sa mundo at hindi nakakilala sa alinmang bansa ng isa mang pari, o siyentipiko na nakaaalam ng unang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Cristo.
Ano ang magagawa ng Panginoon sa ganoong pulutong ng mga hangal na tulad namin noon? May isang tao na may kaunting sentido-komun at kapirasong pananampalataya sa mga pangako ng Diyos, at siya ay si Joseph Smith—isang taong walang gaanong alam sa mga pamamaraan ng mundo. Naniwala siya sa isang bahagi ng banal na kasulatan na nagsasabi—“Nguni’t kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat.” [Tingnan sa Santiago 1:5.] Sapat ang kanyang kahangalan sa paningin ng mundo, at sapat ang kanyang karunungan sa paningin ng Diyos at mga anghel at ng lahat ng matatalino upang pumunta siya sa isang kubling lugar upang humiling ng karunungan sa Diyos, na naniniwalang pakikinggan siya ng Diyos. Tunay na pinakinggan siya ng Panginoon, at sinabi sa kanya kung ano ang dapat gawin.8
Isang mensahe ang ipinahayag sa atin ni Joseph Smith ang Propeta, isang paghahayag mula sa Diyos kung saan kanyang sinabi na nagpakita sa kanya ang mg banal na anghel at ipinahayag ang walang katapusang Ebanghelyo ayon sa pagkakairal nito noong mga nakaraang panahon; at na ang Diyos Ama at ang Anak ay nagpakita rin sa kanya: itinuro ng Ama ang Anak at nagsabi, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” [Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.] Si Moroni, isang propeta na nabuhay sa kontinenting ito, ay inihayag sa kanya ang mga lamina na naglalaman ng Aklat ni Mormon, at sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, nagawa ni Joseph na isalin ang mga ito na siyang nakilala bilang Aklat ni Mormon. …
… Makaraang ipakilala ng Ama ang Kanyang Anak kay Joseph Smith, at utusan siya na pakinggan Siya, naging masunurin si Joseph sa tungkuling ito na mula sa Diyos, at pinakinggan ang maraming pakikipagtalastasan ng kalalakihang may hawak ng Banal na Priesthood sa iba’t ibang panahon sa ilalim ng pangangasiwa ng Bugtong na Anak. Siya at si Oliver Cowdery ay inutusan na binyagan ang isa’t isa, na kanilang ginawa. Dumating si Juan Bautista upang ipagkaloob sa kanila ang Aaronic Priesthood. Pagkaraan, sina Pedro, Santiago at Juan, na siyang pinagkalooban ng mga susi ng Melchizedek Priesthood noong panahon ng Tagapagligtas, ay pumarito at ipinagkaloob sa kanila ang Melchizedek Priesthood. Pagkatapos, sina Adan, Noe, Abraham, Moises, Elijah, Elias, at marami pa sa mga pangunahing tauhan na nabanggit sa Banal na Kasulatan, na naglingkod sa iba’t ibang dispensasyon, ay pumarito at ipinagkaloob kay Joseph ang iba’t ibang susi, kapangyarihan, karapatan, pribilehiyo at proteksiyon na kanilang ginamit noong mga panahon nila.
Muli, inutusan si Joseph na ipangaral ang Ebanghelyong ito at ibahagi ang kanyang patotoo sa sanglibutan. Tinuruan siya ng gayunding mga alituntunin na itinuro kay Adan, ng mga alituntunin na itinuro kay Noe, kay Enoc, kay Abraham, kay Moises, sa mga Propeta, at kay Elijah; ang gayunding mga alituntunin na itinuro ni Jesucristo at ng mga Apostol noong sinaunang mga panahon …, kalakip ng gayunding Priesthood at ng gayunding organisasyon, kumpleto nga lamang, sapagkat ang kasalukuyang dispensasyon ay kombinasyon ng iba’t ibang dispensasyon na umiral na sa iba’t ibang panahon ng mundo, at na tinukoy sa Banal na kasulatan bilang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung saan titipunin ng Diyos ang lahat ng bagay sa isa, maging ito man ay mga bagay sa langit o mga bagay sa lupa. Samakatwid, anumang antas ng kaalaman, ng katalinuhan, ng Priesthood, ng mga kapangyarihan, ng mga paghahayag ang ipinagkaloob sa mga taong yaon sa iba’t ibang panahon, ay pinanumbalik muli sa lupa sa pangangasiwa at sa pamamagitan ng mga yaong mayhawak ng Banal na Priesthood ng Diyos sa iba’t ibang dispensasyon kung saan sila nabuhay.9
Si Joseph Smith ay tinuruan ng Panginoon.
Sino si Joseph Smith? Isang kabataang walang pormal na pinag-aralan. May magagawa ba siya upang maisakatuparan [ang pagtatatag ng kaharian ng Diyos]? Wala, hangga’t hindi ito ipinahahayag ng Diyos sa kanya. Humiling siya ng karunungan mula sa Diyos at tinanggap niya ito. Hanggang sa panahong iyon, ang nalalaman niya tungkol sa mga bagay na ito ay hindi hihigit sa mga nalalaman mo o nalalaman ko. Ang Diyos at tanging ang Diyos lamang ang gumawa sa mga bagay na ito. “Makukuha niya ang mga bagay na mahihina sa sangibutang ito, ang mga bagay na mabababa at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga, upang walang laman na magmapuri sa kanyang harapan.” [Tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:28–29.] Kanyang pinili si Joseph. Bakit? Dahil dumating na ang panahon upang simulan ang isang gawain, na kung saan kalahok ang lahat ng mayhawak ng banal na Priesthood ng Diyos na nabuhay sa mga nakaraang panahon. Si Joseph ang instrumentong binigyang karangalang mapili upang simulan ito.10
Si Joseph Smith ay taong walang pormal na edukasyon. Wala siyang pormal na edukasyon noong siya ay bata pa. Lumaki siya sa luntiang mga bundok ng Vermont, at hindi siya nagkaroon ng anumang pagkakataon sa tinatawag nating edukasyon. Tinanggap siya ng Diyos sa Kanyang paaralan, at tinuruan Niya ito ng mga bagay na nakikita kong hindi mauunawaan ng pinakamarunong na mga siyentipiko, ng pinakamalalim na mga tagaisip, at ng pinakamaalam na mga taong nakilala ko sa mundong ito. Bakit? Dahil tinuruan siya ng Diyos. Saan tumutukoy ang mga alituntuning ito? Sa daigdig kung saan tayo nabubuhay; sa mga elemento kung saan ito ginawa; sa kalangitan sa itaas; sa mga Diyos na naroon sa mga daigdig na walang hanggan; sa mga alituntunin kung paano itinatag, sinang-ayunan, tinanggap at pinamahalaan ang daigdig, at ang mga kaugnayan nito sa iba pang planeta at mga sistema ng mga planeta; at kung pag-uusapan ang tungkol sa mga pamahalaan, mga batas at alituntunin, mayroon siyang higit na katalinuhan sa siyamnapu’t siyam na bahagdan ng mga tao sa ngayon. At hinangad niyang turuan ang iba.11
Si Joseph Smith ay isang kagalang-galang at marangal na tao na inusig dahil sa mga prinsipyong kanyang itinuro.
Kasama ko si Joseph Smith sa loob ng ilang taon. Nakasama ko siya sa mga paglalakbay, nakasama ko siya sa mga lakaring pribado at pampubliko; nakasama ko siya sa lahat ng uri ng mga konseho; napakinggan ko nang daan-daang ulit ang kanyang mga pagtuturong pampubliko, at ang kanyang payo sa mga kaibigan at mga kasama sa mga mas pribadong bagay. Nakapunta ako sa kanyang bahay at nakita ang pakikitungo niya sa kanyang pamilya. Nakita ko siyang isinakdal sa mga hukuman sa bansang ito, at nakita siyang marangal na napawalang-sala, at nakaligtas mula sa mapanirang hininga ng paninirang-puri, at ng mga sabwatan at kabulaanan ng masasama at tiwaling mga tao. Nakasama ko siya noong siya ay nabubuhay pa, at kasama ko siya nang siya ay mamatay, nang siya ay paslangin sa Piitan ng Carthage ng walang habag na mga mandurumog. …
Nakita ko siya noon, sa ilalim ng iba’t ibang pangyayari, at nagbibigay-patotoo ako sa harapan ng Diyos, mga anghel, at mga tao, na siya ay isang mabuti, kagalang-galang, at marangal na tao—na ang kanyang mga doktrina ay mabuti, naaayon sa banal na kasulatan, at kaaya-aya—na ang kanyang mga tuntunin ay tulad ng sa isang tao ng Diyos—na ang kanyang karakter pampubliko at pampribado ay hindi mapararatangan—at na siya ay nabuhay at namatay bilang isang tao ng Diyos at isang maginoo. Ito ang aking patotoo. Kung may sasalungat dito, iharap ako sa isang taong may karapatang magtala ng isang sinumpaang pahayag, at gagawa ako ng isa na ganito ang nilalaman. Samakatwid ay nagpapatunay ako sa mga bagay na aking nalalaman at sa mga bagay na aking nakita.12
Nang mapagmuni-muni kong ang ating marangal na pinuno, ang Propeta ng buhay na Diyos, ay namatay, at nang makita ko ang kanyang kapatid na patay na, tila ba may napalaking kawalan sa mundo para sa akin, at nagkaroon ng isang malalim na hukay sa Simbahan, at naiwan tayong mag-isa. O, kay lungkot ng damdaming iyon! Kay lamig, kahapis-hapis, at kapanglaw! Sa gitna ng mga kahirapan, siya palagi ang nauunang kumilos; sa mahahalagang sitwasyon, ang kanyang payo ay palaging hinihingi. Bilang ating Propeta, lumapit siya sa Diyos, at natamo para sa atin ang kanyang kalooban. Ngunit ngayon, ang ating propeta, ang ating tagapayo, ang ating heneral, ay wala na, at sa gitna ng matitinding pagsubok na dapat nating kaharapin noon, naiwan tayong mag-isa na wala ang kanyang tulong, at bilang ating gabay sa hinaharap para sa mga bagay na espirituwal at temporal, at para sa lahat ng bagay tungkol sa sanglibutang ito, o sa susunod, siya ay nagsalita sa huling pagkakataon dito sa lupa.
Ang mga pag-iisip na ito at isang libong iba pa ay sumasagi sa aking isipan. Naisip ko, bakit ang isang maharlika ng Diyos, ang asin ng lupa, ang pinakadakila sa sangkatauhan, at ang isang ganap na halimbawa ng kahusayan, ay naging biktima ng malupit, napakasamang pagkapoot ng mga taong tila diyablo?13
Si Joseph Smith ay isang marangal, may paninindigan, at kagalang-galang na tao, isang maginoo at isang Kristiyano. Gayunpaman nagpakilala siya ng mga alituntunin na sumasapol sa pinakaugat ng mga bulok na sistema ng mga tao. Ito ay di maiwasang hindi tumama sa mga bagay na nagbibigay kasiyahan sa kanila, sa kanilang mga maling opinyon, at sa kanilang mga interes. At dahil hindi nila magawang baliktarin ang kanyang mga prinsipyo, kanilang tinuligsa ang kanyang karakter. At ito ang dahilan kung bakit napakaraming aklat ang naisulat laban sa kanyang karakter, nang hindi tinatalakay ang kanyang mga prinsipyo, at gayon din ang dahilan kung bakit naghaharap tayo sa napakaraming kalaban. Ngunit ang katotohanan, ang walang hanggang katotohanan, ay hindi maaaring masira. Hindi ito maaaring sirain, ngunit gaya ng luklukan ni Jehova, malalagpasan nito ang lahat ng panunuligsa ng mga tao, at mabubuhay magpakailanman.14
Ang pagkamartir ni Propetang Joseph ay hindi makapipigil sa pagsulong ng kaharian ng Diyos.
Naaalala kong malinaw ang panahon nang mamatay si Joseph Smith. … Ngunit ang mga bagay na ito ay mga usapin, na bagamat lubhang mahalaga sa atin, ay walang gaanong kinalaman sa pagtatayo ng Simbahan at ng kaharian ng Diyos sa lupa, at sa Kanyang gawain na ginagampanan nating lahat ngayon.
Nang ipahayag ng Diyos ang walang katapusang Ebanghelyo kay Joseph Smith, ipinakita niya sa kanya ang kanyang mga layunin at panukala tungkol sa daigdig kung saan tayo nabubuhay, at binigyan siya ng kaalaman tungkol sa kanyang batas at sa mga ordenansa ng Ebanghelyo at sa doktrina nito. Ito ay hindi lamang sa layunin na gawin siyang nakatataas bilang isang tao, kundi ito ay ginawa para sa kapakanan ng lipunan, sa kapakanan ng mundo, at sa kapakanan ng mga buhay at mga patay, alinsunod sa utos at panukala ni Jehova na kanyang binuo bago pa man likhain ang mundo, o bago pa man sabay-sabay na nagsiawit ang mga bituing pang-umaga.
Ang Panginoon ay may mga plano tungkol sa daigdig at sa mga nakatira dito, at sa mga huling araw na ito ay ipinasiya niyang nararapat na ihayag at ipanumbalik, sa pamamagitan ng kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith, ang tinatawag natin na bago at walang katapusang Ebanghelyo. Ito ay bago sa daigdig sa kasalukuyan, dahil sa kanilang mga tradisyon, sa kanilang mga kalokohan at kahinaan, at kanilang mga paniniwala, pananaw, at akala, ngunit walang katapusan dahil ito ay umiral na kasama ng Diyos, at dahil ito ay umiral na kasama niya bago pa likhain ang mundo, at magpapatuloy sa kabila ng maraming pagbabago dito sa daigdig, at kapag natubos na ang daigdig at ang lahat ng bagay ay ginawang bago, at habang ang buhay at pag-iisip at tao ay nagpapatuloy, at nananatili ang imortalidad.
Samakatwid, bagamat ang Ebanghelyo ay bago sa sanglibutan, ito ay walang katapusan. At ito ay ipinakilala, gaya ng nasabi ko na, sa kapakanan ng sangkatauhan—ng ating mga ama, ng mga sinaunang Propeta at Apostol, at ng mga tao ng Diyos na nabuhay sa iba’t ibang kapanahunan ng mundo, na nangasiwa sa banal na Priesthood habang nabubuhay sila sa lupa, at sa ngayon ay nangangasiwa sa kalangitan, at may bahagi sa pagpapasimula ng gawaing ito, kasama ng Diyos ang ating Ama sa Langit, at ni Jesus, ang Tagapamagitan ng Bagong Tipan. At sa ngayon ay interesado sila sa pagpapalaganap ng gawaing ito, at sa pagsasakatuparan ng mga layuning ito na pinanukala ng Diyos bago pa sa pagkakatatag ng daigdig. At dahil sa Diyos at sa kanyang Anak, at sa mga taong iyon, tayo ay may pagkakautang para sa liwanag at katalinuhan na ipinatalastas sa atin, at sa kanila ay magkakautang tayo habang panahon para sa gayunding uri ng kaalaman at katalinuhan na magpapalakas at mamamatnubay sa atin.15
Ang ideya na magkakagulo at mawawala ang pagkakaisa sa Simbahan dahil sa pagkamatay ng Propeta at ng patriyarka ay katawa-tawa. May binhi ng imortalidad sa loob ng Simbahan. Ito ay hindi sa tao ni gawa ng tao—ito ay bunga ng Diyos. Ito ay itinatag ayon sa balangkas ng mga bagay na makalangit, sa pamamagitan ng alituntunin ng paghahayag; sa pamamagitan ng pagbubukas ng kalangitan; sa pamamagitan ng pangangasiwa ng mga anghel, at ng mga paghahayag ni Jehova. Ito ay hindi apektado ng pagkamatay ng isa o dalawa, o limampung tao. Ito ay may priesthood alinsunod sa orden ni Melchizedek, at may kapangyarihan ng buhay na walang katapusan, “walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon.” [ D at T 84:17.] Ito ay itinatag sa layuning iligtas ang henerasyong ito at ang mga nakalipas na henerasyon. Ito ay nananatili sa ngayon at mananatili sa kawalang hanggan. Babagsak ba ang simbahang ito? Hindi! Ang mga araw at panahon ay maaaring magpalit-palit, ang mga rebolusyon ay maaring sundan ng mga rebolusyon, ang mga luklukan ay maaring bumagsak; ang mga kaharian ay maaaring mabuwag; ang mga lupa ay mabiyak ng lindol mula sa gitna hanggang sa gilid nito; ang mga bundok ay maaaring maitulak mula sa kanilang kinatatayuan, at ang malawak na karagatan ay mailipat mula sa kinalalagyan nito, ngunit sa kalagitnaan ng pagkawasak ng mga mundo at pagkasira ng mga bagay, ang katotohanan, ang walang hanggang katotohanan, ay mananatiling hindi nagbabago, at ang yaong mga alituntunin na ipinahayag ng Diyos sa kanyang mga banal ay mananatiling walang galos sa gitna ng naglalaban-labang mga elemento, at mananatiling matatag gaya ng luklukan ni Jehova.16
Mga Mungkahi para sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang nakikintal sa inyong isipan tungkol sa mga damdamin ni John Taylor tungkol kay Propetang Joseph Smith? Sa anuanong paraan natin masusunod ang kanyang halimbawa ng pagtatanggol kay Propetang Joseph?
-
Bakit mahalaga para sa inyo na malaman na si Joseph Smith ay noon pa inordenan na maglingkod bilang isang propeta? (Tingnan din sa D at T 138:53–56.)
-
Bakit mahalaga na magkaroon ng patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos? Paano ninyo natamo ang inyong patotoo sa katotohanang ito?
-
Paano ninyo matutulungan ang mga yaong nahihirapang makatamo o mapanatili ang kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph? Anu-anong pagpapala ang inyong naranasan sa inyong pagbabahagi ng patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith?
-
Bakit isinasalarawan ang ating kapanahunan bilang “dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon”?
-
Paano kayo at ang inyong pamilya pinagpala ng mga katotohanan at kapangyarihan na pinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith?
-
Bakit hindi kinailangan ni Joseph Smith na magkaroon ng pormal na edukasyon? (Tingnan din sa D at T 1:24–28; 136:32–33.) Anu-anong katangian mayroon si Joseph Smith na nakatulong upang maihanda siyang gampanan ang kanyang tungkulin? Paano makatutulong ang halimbawang ito sa atin na magampanan ang ating mga tungkulin?
-
Ano ang halaga para sa inyo na mabatid na ang Simbahan ay nagpatuloy na lumaki sa kabila ng pagkamatay ng Propetang Joseph Smith?
Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: D at T 1:29–30, 38; 21:1–8; 65:2; 128:19–23; 135; Joseph Smith— Kasaysayan 1:1–75