Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 11: Paghahanap ng Kaligayahan sa Buhay


Kabanata 11

Paghahanap ng Kaligayahan sa Buhay

Nararapat sikapin ng mga Banal na matamo ang bawat bagay na mabuti at pinanukala upang lumigaya ang sangkatauhan.1

Mula sa Buhay ni John Taylor

Noong huling bahagi ng Hunyo 1847, isang malaking pulutong ng mga Banal na pinamunuan nina Elder John Taylor at Parley P. Pratt ang lumisan sa Winter Quarters upang maglakbay patungong Kanluran. Pagsapit ng Setyembre 1847 ay narating nila ang silangang bahagi ng Rocky Mountains, mga 300 hanggang 400 kilometro ang layo sa Lambak ng Salt Lake. Sa unang linggo ng Setyembre, bumagsak ang ilang pulgada ng niyebe, at marami sa mga Banal ang pinanghinaan ng loob. Sa panahong ito, si Pangulong Brigham Young at ilang miyembro ng Labindalawa ay umalis sa Lambak ng Salt Lake pabalik sa Winter Quarters at nakasalubong ang pulutong nina Elder Taylor. Sa gitna ng niyebe at panghihina ng loob ng mga yaong naglalakbay patungong Lambak ng Salt Lake, hinikayat ni Elder Taylor ang bawat isa na maging masaya at makipagpulong at tumanggap ng payo mula kay Pangulong Young, sa kasamang mga miyembro ng Labindalawa at sa iba pang namumunong kapatid sa grupo.

Habang nagpupulong ang mga kapatid, napawi ang mga ulap at di nagtagal ay tinunaw ng araw ang niyebe. Nang hindi sinasabi sa ibang kasama sa pulutong, ilan sa mga kapatid na babae ang pumunta sa isang kubling lugar na napaliligiran ng mga palumpong. Doon ay inayos nila ang pansamantalang mga hapag kainan na tinakpan ng puting tela at nilagyan ng magagandang pinggan, kutsara at kubyertos. Isang talang pangkasaysayan ang nagsaad na “isang ‘pinatabang guya’ ang kinatay, naghanda ng maraming karne at isda, at inilabas ang mga prutas, halaya, at iba pang minatamis na nakalaan para sa espesyal na mga okasyon hanggang sa magkaroon ng isang engrandeng handaan.”

Nang matapos ang pagpupulong, ang mga kapatid na lalaki na nasa miting at mahigit sa 100 miyembro ng pulutong ay dinala sa sorpresang handaan, kung saan nasiyahan sila sa isang masarap na hapunan. Ganito ang isinaad ng tala: “Nang matapos ang hapunan at makapag-ayos na, naghanda para sa sayawan; at di nagtagal ay nasaliwan ang masayang tawanan at kuwentuhan ng masiglang tunog ng biyolin. … Ang sayawan ay nahaluan ng mga pag-awit at pagbigkas. ‘Aming nadama na kami ay kapwa lumakas at pinagpala,’ ang sulat ni Elder Taylor, ‘aming binigyang puri ang Panginoon at pinagpala ang bawat isa.’”2

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay palagiang naniniwala sa paghahanap ng kaligayahan sa buhay, maging ito man ay sa pagkakaroon ng kasiyahan sa kagandahan at kasaganaan ng kalikasan, pagtitipon para sa kaaya-ayang mga gawaing sosyal, o pagmumuni-muni sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Itinuro ni John Taylor, “Ang ‘buhay at paghahangad ng kaligayahan’ ang dapat paggugulan ng pansin ng lahat ng matalino.” Bagamat naniwala siya na maari nating maranasan ang malaking kagalakan sa buhay na ito, kanya ring itinuro na “ang pinakadakilang kaligayahan na ating makakamtan ay ang matamo ang pagsang-ayon ng ating Ama sa Langit, ang pagkatakot sa Diyos, ang makilala ang kanyang mga batas—kasama ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan, at yaong mga bagay na itinuturing nating pinakamainam na makapagdudulot hindi lamang ng ating temporal, kundi ng ating walang hanggang kaligayahan.”3

Mga Turo ni John Taylor

Nais ng Diyos na masiyahan tayo sa buhay.

Nais natin ng kasiyahan dito sa lupa. Tama ito. Pinanukala ng Diyos na magkaroon ng kasiyahan ang ating sarili. Hindi ako naniniwala sa isang relihiyon na ginagawang malungkot, mapanglaw, miserable, at walang kasiyahan ang mga tao. … Wala akong maisip na anumang dakila o mabuti na maiiugnay sa ganito, dahil ang lahat ng mga bagay sa paligid, ang mga puno, mga ibon, mga bulaklak at luntiang mga bukirin ay kasiya-siya, ang mga kulisap at mga bubuyog ay humuhugong at lumilipad, ang mga tupa ay nagkakatuwaan at naglalaro. Kung ang lahat ng bagay ay may kasiyahan sa buhay, bakit hindi tayo magkaroon din ng ganito? Ngunit nais nating gawin ito nang tama at huwag bigyan ng maling kahulugan ang mga alituntunin na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan.4

Mayroon bang nakalulungkot sa anumang bagay na nilikha ng Diyos? Saan man tayo bumaling, makakakita tayo ng pagkakasundo, kariktan, kasayahan, at kagandahan.

Ang mga pagpapala ng Diyos ay nilikha para sa tao at sa kanyang kasiyahan; inilagay siyang pangunahin sa lahat ng nilalang. Para sa kanya ay hitik na hitik ang daigdig ng kasaganaan—ang ginintuang mga butil, ang makatas na mga prutas, ang pinakapiling mga ubas. Para sa kanya, pinalalamutian ng mga damo at mga bulaklak ang daigdig, pinalalabas ang kanilang mahalimuyak na bango, at ipinamamalas ang kanilang pambihirang kagandahan; … Para sa kanya, namumukadkad at namumunga ang mga palumpong at mga ubas, at binibihisan ng kalikasan ang kanyang sarili ng pinakamaganda niyang kasuotan. Ang maalun-along sapa, ang dalisay na bukal, ang malinaw na ilog ay umaagos para sa kanya, at ipinakikita ang kalikasan ang kanyang buong karilagan at inaanyayahan siya na makibahagi sa kanyang kagalakan, kagandahan, at kawalang kasalanan, at sambahin ang kanyang Diyos.

May mga tao na naniniwalang dapat na magkaroon ng kalungkutan sa pagkatakot sa Diyos at sa paglilingkod sa kanya! Ang katiwalian ng sanglibutan ang siyang nagdudulot ng kalungkutan sa mga tao. At ang kabulukan ng relihiyon ang nagdudulot ng kapanglawan dito: ito ang mga kalungkutang nilikha ng tao, at hindi ng pagpapala ng Diyos. At tungkol sa kalungkutan! May kalungkutan ba sa pag-aawitan ng mga ibon, sa pagtalon-talon ng kabayo, sa paglalaro ng mga tupa o ng maliliit na kambing, sa kagandahan ng mga bulaklak, o sa anuman sa mga kaloob o kariktan ng kalikasan, o sa Diyos na lumikha sa mga ito, o sa paglilingkod sa kanya?5

Ang kasiyahang sosyal ay maaaring makibagay sa tunay na relihiyon.

Bakit may mga tao na nagsasabing ang biyolin, halimbawa, ay isang kasangkapan ng diyablo at masamang gamitin ito? Hindi ko ipinapalagay na ganito ito dahil naniniwala akong ito ay isang bagay na napakagandang sabayan ng sayaw. Ngunit may mga taong naniniwalang hindi tayo dapat sumayaw. Dapat tayong sumayaw, dapat na masiyahan tayo sa buhay sa anumang paraang magagawa natin. May mga taong tumututol sa musika. Bakit, samantalang ang musika ay nandoroon sa kalangitan, at kasama ng mga ibon! Pinuno sila ng Diyos ng musika. Wala nang bagay ang kasiya-siya at kaaliw-aliw pa sa pagpunta sa kakahuyan o sa mga palumpong sa madaling araw at pakinggan ang awitan at ang matamis na kantahan ng mga ibon, at ang bagay na ito ay ganap na naaayon sa likas nating paghanga.

Wala tayong ideya sa kahusayan ng musika na matatamasa natin sa kalangitan. Sa bagay na ito ay masasabi natin, kagaya ng pagkakasalita ng isa sa mga Apostol tungkol sa iba pang bagay— “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, Ni hindi pumasok sa puso ng tao, Anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.” [Tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:9.] Wala tayong ideya sa kahusayan, kagandahan at tamis ng musika sa kalangitan.

Ang ating hangarin ay makamtan at kumapit sa lahat ng bagay na mabuti, at tanggihan ang lahat ng bagay na masama. Ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga taong relihiyoso sa sanglibutan ay umaayaw sa musika at teatro ay dahil sa mga katiwalian na naiiugnay sa kanila. May mga masasamang taong kilala sa kanilang kaugnayan sa musika at teatro, at dahil sa kanila ay nasisira ang mga bagay na ito. Ngunit ito ba ay sapat na dahilan upang ang mga Banal sa mga Huling araw ay hindi na magkaroon ng kasiyahan sa mga kaloob ng Diyos? Ito ba ay isang tumpak na alituntunin? Tiyak na hindi. Dapat nilang sikaping matamo ang bawat bagay na mabuti at pinanukala upang lumigaya ang sangkatauhan. …

Sa lahat ng ating paglilibang, dapat nating tiyakin na ang mga bagay ay ginagawa nang tama, at hindi tayo dapat makalimot na kumilos bilang mga ginoo at binibini. Dapat nating iwasan ang pagiging hindi masunurin at kawalan ng paggalang sa iba, at palaging tratuhin ang lahat nang may kabaitan, kabutihan, at paggalang.6

Ang mga kasiyahan at dibersiyong sosyal ay hindi nangangahulugang di bagay sa tamang pamumuhay at tunay na relihiyon. Sa halip na ipagbawal ang teatro at ipasara ang mga ito, dapat na maging adhikain ng mga Banal sa mga Huling araw na pangasiwaan ito at iwasan itong mahaluan ng masasamang impluwensiya, at pangalagaan ito bilang isang lugar kung saan maaaring magtipon ang lahat para sa isang kaaya-ayang dibersiyon. Samakatwid, pumunta ang ating mga pinuno sa mga ganitong lugar upang sa pamamagitan ng kanilang presensiya ay matigil ang anumang mga gawain o impluwensiya na makapapahamak sa kabataan at mga bagong henerasyon. Dapat na matiyak na ang kalayaan sa pagpapahayag ay hindi maging lisensiya ng kasamaan, at huwag hahayaan na ang mga bagay na nagdudulot ng kasiyahan at aliw ay maging isang paraan ng di kanais-nais na mga tukso o pagkawasak ng moralidad. … Ang mga kasapi ng mga lupon at mga opisyal na may tungkuling mangasiwa sa mga bagay na ito ay dapat tiyakin na ang mga sayawan, ano man ang uri, ay ginagawa sa mga paraang mahinhin at maayos at walang anumang asal ang papayagan kung ito ay magdudulot ng kasamaan o makasisira sa espirituwalidad o moralidad.7

Ang pagkakaisa sa ebanghelyo ay nagdudulot sa atin ng galak.

Lubhang kasiya-siya para sa mga Banal ng Diyos na pagmunimunian ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan na naituro sa kanila. Kung mayroon mang isang bagay na may kaugnayan sa kaligayahan ng sangkatauhan, kung mayroon mang isang bagay na nilayong palawakin ang pananaw at damdamin ng sangkatauhan, upang iangat ang ating mga pag-asa at hinahangad, at upang makapagdulot ng kapayapaan, galak, at lakas ng loob, ito ay ang pag-iisip na ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang mga tuntunin ng walang hanggang katotohanan. At na ang mga ito ay Kanyang inihasik sa ating mga puso at ibinigay sa atin nang may katiyakan sa mga bagay na pinaniniwalaan, at nalalaman natin.8

Wala na akong maisip na gaganda at higit na makalangit pa sa isang nagkakaisang kapatiran, na inorganisa alinsunod sa balangkas na inilatag sa Doktrina at mga Tipan, na kapag tayo ay kumikilos para sa kapakanan ng lahat—kapag habang iniibig natin ang Diyos ng ating buong puso ay iniibig natin ang ating kapwa gaya ng ating sarili. Kung saan ang ating panahon, ang ating mga talino, at ang mga kakayahan ng ating mga katawan at isipan ay iniuukol sa kabutihan ng lahat. Kung saan walang sinumang nagsasamantala sa kapwa. Kung saan may pagkakaisa sa mga interes, may iisang pondo, o may iisang pinagkukunan ng pondo. Kung saan, gaya ng kanilang ginawa sa kontinenteng ito, ay sinasabing “ang bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa” at ang lahat ay gumawa para sa pangkalahatang kapakanan, “kung saan ang bawat tao sa bawat dako ay makatatagpo ng isang kapatid at isang kaibigan.” Kung saan ang bukas-palad at maawaing impluwensiya at damdaming likas sa atin ay nagagamit, at ang pag-iimbot, kayabangan, galit, at kapalaluan, at bawat kasamaan ay nadadaig at napasasailalim sa kalooban at Espiritu ng Diyos. Ang mga alituntuning ito ay napakaganda at makapagdudulot ng labis na kaligayahan sa isang komunidad, sa isang teritoryo, sa isang estado, bansa, o sa sanglibutan.9

Nadarama kong ako ay magagalak sa Panginoon, at pinupuri ko ang pangalan ng Diyos ng Israel na ako ay nabilang sa kanyang simbahan at kaharian sa lupa. Ang mga damdaming ito ay nais kong itangi sa aking puso at dalhin sa aking buong buhay. At naniniwala akong may daan-daan, kung hindi man libu-libo, na naririto ngayon na may ganito ring diwa at damdamin at ganito ring mga pagnanasa…

Ano ang nagdudulot sa atin ng mga damdaming maligaya at nagagalak sa mga pagkakataong ganito? … Ito ay dahil may pagsasanib ng magagandang damdamin, magagandang pagnanasa, at paghahangad at ang ng isang diwa ay nagbibigay inspirasyon sa lahat, at ito ay nakabubuo ng isang hanay [o organisadong katawan] ng lakas, ng pananampalataya, at ng Espiritu ng Panginoon. Ang iisang mitsa [o kandila] ay nakapagbibigay ng ilaw, at kaaya-ayang pagmasdan ito, ngunit ang isang libo ng ganitong uri ay magbibigay ng pangkalahatang liwanag. Sa atin, ito ay panahon ng pagkakaisa, ng liwanag, ng buhay, ng katalinuhan, ng Espiritu ng buhay na Diyos. Iisa ang ating damdamin, iisa ang ating pananampalataya, at ang isang dakilang kawan ng mga tao na may ganitong pagkakaisa ay bumubuo ng isang hukbo ng kapangyarihan na hindi makakayanan o madadaig ng anumang lakas dito sa sanglibutan o sa impiyerno. …

Naniniwala tayo na tayo bilang nagkakaisang mga tao, na bumubuo sa iba’t ibang korum ng simbahan at kahariang ito, ay gumagawa sa isang dakilang gawain ito. At dahil dito ay may damdamin ng pananampalataya, pagkakaisa, at kalakasan, o kapangyarihan, kung ipahihintulot ninyo, ng Espiritu ng Diyos na buhay, na nagpapasigla at nagbibigay-buhay sa isipan, nagbibigay ng lakas sa katawan, at galak sa kaluluwa. Sa mga bagay na ito ay nais nating makalahok. Naririto ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Espiritu at kapangyarihan, at nagagalak ang ating mga puso.10

Ang pagkakaunawa sa mga alituntunin ng katotohanan ay nagdudulot ng kaligayahan at galak.

Kung tama ang ating pagtingin sa ating sarili—kung tama ang pagkakaunawa natin sa mga alituntunin ng ebanghelyo—mayroon pa bang bagay na hindi natin isasakripisyo alang-alang sa pagtatamo ng kaligtasan? Kapag ang Espiritu ay pumukaw nang malakas sa puso ng mga banal—kung ipinahayag ang liwanag at katalinuhan ng kalangitan—kung ang Panginoon ay pumuspos sa mga kaluluwa ng mga banal na nagkakatipon, ano ang kanilang nadarama? na sila ang pinagpala ng Panginoon. Madalas na sa kanilang pagkakatipon sa mga natatanging okasyon upang tumanggap ng ilang mga pagpapala mula sa mga kamay ng Diyos ay sumasakanila ang espiritu ng paghahayag; at ang hinaharap ay nabubuksan sa kanilang pananaw, sa buong kagandahan, kaluwalhatian, kayamanan, at kahusayan nito; at kapag ang kanilang mga puso ay nakadarama ng init ng espiritung iyon, anong galak ang kanilang nadarama! Anong tuwang tinitingnan nila ang mga bagay ng sanglibutan, at ang pagkakataong naghihintay sa kanila! at ang kanilang mga pribilehiyo bilang mga banal ng Kataastaasang Diyos, at ang mga kaluwalhatiang kanilang mamanahin kapag sila ay magiging matapat hanggang sa katapusan!

Maaring narasanan na ninyo ang damdamin na likas na nililikha sa inyong mga puso ng ganitong mga pag-iisip at pagkakataon. Bakit sa ano mang panahon ay nakadarama tayo ng kabaligtaran nito? Ito ba ay dahil nakalilimutan nating manalangin at tumawag sa Diyos at ilaan ang ating sarili sa kanya, o dahil nahulog tayo sa bitag ng kasalanan, nakagawa ng kasamaan, at nawalan ng Espiritu ng Diyos, at nakalimutan ang maluwalhating pag-asa ng pagkakatawag sa atin? Ngunit kung sa lahat ng pagkakataon ay ating nakikita at napagtatanto at nauunawaan ang ating tunay na kalagayan sa harapan ng Diyos, ang ating mga isipan ay walang tigil na maghahangad ng mga bagay ng Diyos. At palagi nating hahanapin sa buong maghapon kung ano ang ating magagawa upang maisulong ang kaligayahan at kaligtasan ng mundo, kung ano ang ating magagawa upang magampanan ang ating mga tungkulin—upang igalang ang priesthood ng Anak ng Diyos, at kung ano ang gagawin upang igalang ang ating Diyos; at upang lubos na mapakinabangan ang nalalabing panahon natin sa sanglibutang ito, at ang mga lakas ng ating katawan para sa pagsasakatuparan sa kanyang mga layunin, at sa pagpapalaganap ng kanyang kaharian—para sa pagsusulong ng kanyang mga mithiin. Upang sa ating pagtayo sa kanyang harapan, kanyang sasabihin sa atin, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” [Tingnan sa Mateo 25:21.]11

Kung ako ang tatanungin, ako ay naririto bilang isang kandidato para sa kawalang hanggan, para sa langit at para sa kaligayahan. Nais kong tiyakin sa pamamagitan ng aking mga gawa ang isang kapayapaan sa kabilang mundo na magdudulot ng kaligayahan at katahimikan na aking ninanasa.12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Itinuro ni Pangulong Taylor na nilikha ng Diyos ang daigdig at ang kagandahan nito para sa ating kasiyahan. Anu-ano ang naranasan mo kung saan nakadama ka ng kagalakan sa kagandahan ng daigdig at nadamang higit kang naging malapit sa Panginoon?

  • Paano nakapagpapagalak sa atin ang kaaya-ayang musika, tula, drama, o iba pang anyo ng paglilibang? Anu-ano ang ating magagawa upang madala sa ating buhay at sa buhay ng mga miyembro ng ating pamilya ang lakas at galak sa dulot na nagpapasiglang musika? Paano natin masusuportahan at maitataguyod ang mga kaaya-ayang paglilibang?

  • Sa inyong palagay, bakit lubhang mahalaga ang musika sa ating pagsambang pangrelihiyon? Paano nakapagbigay ng ginhawa o lakas sa inyo ang mga himno ng Simbahan sa panahon ng mga pagsubok?

  • Paano nakapagdulot sa inyo ng galak ang pakikipagkaibigan sa mga kapwa Banal? Anu-ano ang inyong magagawa upang magkaroon ng higit na pagkakaisa ang mga miyembro ng inyong ward o branch?

  • Ano ang ibig sabihin para sa inyo ng makadama ng “magagalak sa Panginoon”? Anu-ano ang ilan sa mga doktrina ng ebanghelyo na nagdudulot sa inyo ng galak? Habang naghahanap tayo ng kagalakan sa buhay na ito, bakit mahalagang isipin din ang kawalang hanggan?

  • Anu-ano ang ilan sa mga pangyayari sa inyong buhay na nakapagdulot sa inyo ng galak? Anu-ano ang ating magagawa upang mapanatili ang diwa ng kagalakan sa ating mga buhay sa kabila ng mga pagsubok? Anu-ano ang ating magagawa upang matulungan ang ating mga anak na makasumpong ng kagalakan sa kanilang buhay?

Kaugnay na mga talata sa Banal na Kasulatan: Mga Awit 118:24; Isaias 12:2–3; Mateo 25:21; 2 Nephi 2:25; Mosias 2:41; Mga Saligan ng Panampalataya 1:13

Mga Tala

  1. Deseret News (Lingguhan), ika-15 ng Ene. 1873, 760.

  2. Tingnan sa B. H. Roberts, The Life of John Taylor (1963), 186, 188–92; tingnan din sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 3:293–98.

  3. The Gospel Kingdom, mga seleksiyon, G. Homer Durham (1943), 342.

  4. Deseret News (Lingguhan), ika-15 ng Ene. 1873, 760.

  5. The Government of God (1852), 30.

  6. Deseret News (Lingguhan), ika-15 ng Ene. 1873, 760.

  7. Sa James R. Clark, tinipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (1965–75), 3:121–22.

  8. Deseret News (Lingguhan), ika-8 ng Nob. 1871, 463.

  9. The Gospel Kingdom, 258.

  10. Deseret News (Lingguhan), ika-28 ng Dis. 1859, 337.

  11. Deseret News (Lingguhan), ika-25 ng Mayo 1854, 2; binago ang pagkakaayos ng mga talata.

  12. Deseret News (Lingguhan), ika-11 ng Abr. 1860, 41.

pioneers dancing

Pinanukala ng Diyos na magkaroon ng kasiyahan ang ating sarili. Hindi ako naniniwala sa isang relihiyon na ginagawang malungkot, mapanglaw, [o] miserable ang mga tao…