Pag-aaral ng Doktrina
Paghatol sa Kapwa
Buod
Ang paghatol ay mahalagang paggamit ng ating kalayaang pumili at nangangailangan ng higit na pag-iingat, lalo na kapag hinahatulan natin ang ibang tao. Lahat ng paghatol natin ay dapat ginagabayan ng matwid na mga pamantayan. Tanging ang Diyos lamang, na nakaaalam sa puso ng bawat tao, ang makagagawa ng huling paghatol sa mga indibiduwal.
Kung minsan nadarama ng mga tao na maling hatulan ang iba sa anumang paraan. Bagama’t totoo na hindi natin dapat kundenahin o hatulan ang iba nang di-makatwiran, kakailanganin natin gumawa ng mga paghatol tungkol sa mga ideya, sitwasyon, at tao sa buong buhay natin. Ang Panginoon ay nagbigay ng maraming kautusan na hindi natin masusunod nang hindi gumagawa ng paghatol. Halimbawa, sinabi Niya: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta. … Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga” (Mateo 7:15–16) at “Kayo ay lumayo mula sa masasama” (Doktrina at mga Tipan 38:42). Kailangan nating gumawa ng mga paghatol tungkol sa mga tao sa marami sa mahahalagang desisyon natin, tulad ng pagpili ng mga kaibigan, pagboto para sa mga lider ng pamahalaan, at pagpili ng asawa.
Nagbigay ang Panginoon ng babala para gabayan tayo sa paghatol natin sa iba: “Sapagkat sa kahatulang ihahatol ninyo, kayo ay hahatulan, at sa panukat na isusukat ninyo, iyon ang ipanunukat na muli sa inyo. At bakit mo minamasdan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan na nasa iyong sariling mata? O paano mo sasabihin sa iyong kapatid: Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata—at masdan, isang tahilan ay nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang tahilan na nasa sarili mong mata; at sa gayon malinaw mong makikita ang pag-aalis ng puwing sa mata ng iyong kapatid” (3 Nephi 14:2–5).
Itinuturo ng Panginoon sa scripture passage na ito na ang isang kamaliang nakikita natin sa iba ay kadalasang parang napakaliit na dumi sa mata ng taong iyon, kumpara sa sarili nating mga kamalian, na tulad ng isang napakalaking tahilan sa ating mga mata. Kung minsan nakatuon tayo sa mali ng iba gayong ang dapat ay nagsisikap tayong pagbutihin ang ating sarili.
Ang ating matwid na paghatol tungkol sa iba ay maaaring magbigay ng kinakailangang patnubay para sa kanila at, sa ilang pagkakataon, proteksyon para sa atin at sa ating pamilya. Dapat tayong humatol nang may pag-iingat at pagkahabag. Hangga’t kaya natin, dapat nating hatulan ang mga sitwasyon ng mga tao sa halip na ang mga tao mismo. Kung maaari, iwasan nating humatol hanggang sa magkaroon tayo ng sapat na kaalaman sa katotohanan. At dapat tayong maging sensitibo sa Banal na Espiritu, na gagabay sa ating mga desisyon. Ang payo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton ay isang makatutulong na paalala: “Tiyaking ikaw ay maawain sa iyong mga kapatid; makitungo nang makatarungan, humatol nang makatwiran, at patuloy na gumawa ng mabuti” (Alma 41:14).
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkilala, Kaloob na,” “Awa, Maawain,” “Pagkaunawa”
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hatol, Paghatol”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Mga Video
Resources sa Pag-aaral
Pangkalahatang Resources
Mga Magasin ng Simbahan