Library
Paghatol, Paghuhukom


“Paghatol, Paghuhukom,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

babaeng nagpapaaraw

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Paghatol, Paghuhukom

Paghahanda sa pagharap sa Diyos

Naisip mo na ba kung paano nakaiimpluwensya sa iyong mga pagpili at pag-uugali ang pag-unawa sa layunin ng buhay at paniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan? Paano naapektuhan ang iyong buhay dahil alam mo ang plano ng Ama sa Langit? Sa premortal na daigdig, ipinaliwanag ni Jehova na paparito tayo sa lupa upang subukin “upang makita kung [ating] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] ng Panginoon [nating] Diyos” (Abraham 3:25). Subalit walang sinuman ang palaging sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Kaya nga isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin. Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi ng ating mga kasalanan, matatanggap natin ang awa, biyaya, at kapatawaran ng Diyos. Ang mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo ay na tayo ay matutubos at mapapabanal dahil sa Kanyang pagmamahal at nagbabayad-salang sakripisyo at matatagpuang karapat-dapat na tumayo nang may tiwala sa harapan ng Diyos sa araw ng paghuhukom.

Ano ang Paghatol, Paghuhukom?

Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli, kapag muling ibinalik ang ating espiritu sa ating imortal na katawan, tayo ay tatayo sa harapan ng hukumang-luklukan ng Diyos. Iyon ay sa sandaling ipahahayag ng Panginoon ang ating walang hanggang gantimpala batay sa ating mga gawa, sitwasyon, at hangarin ng ating puso. Bagama’t ang Diyos ang tunay na Hukom ng lahat ng tao, magagabayan tayo ng Espiritu Santo na gumawa ng mga personal na paghatol tungkol sa mga ideya, sitwasyon, at ginagampanan ng iba sa ating buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:12). Tayo ay nagiging higit na katulad ni Jesucristo kapag mahal natin ang iba at hindi natin sila hinuhusgahan.

Buod ng paksa: Paghatol, Paghuhukom

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Plano ng Kaligtasan, Pagkabuhay na Mag-uli, Buhay na Walang Hanggan, Kalayaang Pumili, Pagsunod, Kapatawaran, Pagpapatawad

Bahagi 1

Balang-araw ay Tatayo Ka sa Harapan ng Diyos upang Hatulan

si Jesucristo na nakikipag-usap sa isang babae sa tabi ng daan

Itinuturo ng mga banal na kasulatan na kasunod ng Pagkabuhay na Mag-uli, bawat isa sa mga anak ng Diyos ay tatayo sa Kanyang harapan sa araw ng paghuhukom (tingnan sa 2 Nephi 9:12–13, 15, 20–22). Isang talaan ng iyong buhay ang ilalahad kapag “binuksan ang mga aklat” sa araw na iyon (tingnan sa Apocalipsis 20:12–13; Doktrina at mga Tipan 128:6–7). Pananagutin tayo para sa ating mga inisip, sinabi, at ginawa (tingnan sa Mosias 4:30; Alma 12:14). Dahil nauunawaan ng Diyos ang maraming mahihirap na kalagayan na kinakaharap ng bawat tao sa buhay na ito, matitiyak Niya na ang Kanyang mga anak ay hahatulan kapwa sa kanilang mga gawa at “alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” (Doktrina at mga Tipan 137:9). Ang Huling Paghuhukom na ito ang magtatakda ng kaharian ng kaluwalhatian na inihanda ng mga pagpili natin na mamanahin sa kawalang-hanggan—ang kahariang selestiyal, terestiyal, o telestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:20–32).

Ang Ama sa Langit ay magbibigay ng banal na paghatol sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa Juan 5:21–30). Ipinahayag din ng Panginoon na tutulungan Siya ng ilan sa Kanyang mga tagapaglingkod bilang mga hukom ng mga anak ng Diyos (tingnan sa Mateo 19:28; 1 Nephi 12:9–10; Mormon 3:18–20).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Dagdag pa sa paglilingkod bilang Hukom, si Jesucristo ay magsisilbing Tagapamagitan natin sa Diyos Ama. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:3–5, na isinasaisip na ang isang tagapamagitan ay “isang taong nagsusumamo para sa kapakanan ng iba” (Bible Dictionary, “Advocate”). Ano ang nagpamarapat kay Jesucristo para magsumamo sa Ama alang-lang sa iyo bilang iyong Tagapamagitan? Ano ang ipinapadama sa iyo ng scripture passage na ito tungkol kay Jesucristo?

  • Ang pag-iisip tungkol sa Huling Paghuhukom ay maaaring magpabalisa sa iyo o magpahina ng loob mo. Basahin ang Enos 1:27 at Moroni 10:34, at isipin kung bakit makakaranas ng kapayapaan at kagalakan ang ilan sa araw na iyon. Ipinaalala sa atin ni Elder Gerrit W. Gong: “Sa pag-ibig at batas ng Diyos, pananagutan natin ang ating mga pinipili at ang mga kahihinatnan nito. Ngunit ang nagbabayad-salang pagmamahal ng Tagapagligtas ay ‘walang katapusan at walang hanggan.’ Kapag tayo ay handa nang umuwi, kahit tayo ay ‘nasa malayo pa,’ handa tayong tanggapin ng Diyos nang may malaking habag, nagagalak na ibigay sa atin ang pinakamainam na mayroon Siya.” Paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala at pagtutuon sa pagmamahal at pagkahabag ng Panginoon sa paghahanda mo para sa Huling Paghuhukom? Bakit mahalaga ring tandaan na responsable ka sa sarili mong mga pagpili at sa mga ibinunga nito? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:78).

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Si Jesucristo ang Dakilang Tagapamagitan ng lahat ng anak ng Diyos (tingnan sa 2 Nephi 2:26–28). Panoorin ang “The Mediator” (10:44) bilang isang grupo. Ang video na ito ay batay sa mensaheng ibinigay ni Pangulong Boyd K. Packer. Talakayin kung ano ang itinuturo sa atin ng analohiya ni Pangulong Packer tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang misyon upang matugunan ang mga hinihingi ng katarungan at awa. Paano nakatutulong sa atin ang mensaheng ito na mas maunawaan ang tungkulin ni Jesucristo bilang ating Hukom (tingnan sa Moroni 10:34) at Tagapamagitan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:5)?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Inihahanda Ka ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa Pagharap sa Diyos

kalalakihan sa sacrament meeting

Sa araw ng paghuhukom, tatanggap tayo ng mana sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang kaharian ng kaluwalhatian na matatanggap natin sa Huling Paghuhukom ay batay sa mga batas na pinili nating sundin sa mapagmahal na plano ng ating Ama sa Langit [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:22–24]. Sa ilalim ng planong iyon ay may maraming kaharian upang lahat ng Kanyang mga anak ay maitalaga sa isang kaharian kung saan sila maaaring ‘manahanan.’”

Ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay naglalaman ng bawat batas na kailangan nating sundin sa buhay na ito upang mamana ang kahariang selestiyal. Kapag pinipili nating sundin si Jesucristo at namumuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo, naghahanda tayong tumayo nang walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos sa hukumang-luklukan (tingnan sa 2 Nephi 9:13–15; 3 Nephi 27:20–21).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang pagsisisi ay napakahalagang bahagi ng paghahanda para sa Huling Paghuhukom. Basahin ang Alma 34:31–35. Bakit napakahalagang hindi ipagpaliban ang pagsisisi? Ano sa palagay mo ang makatutulong sa iyo na “maghanda sa pagharap sa Diyos”?

  • Ang Panginoon ay nagtakda ng mga pamantayan upang makatulong sa pagsukat ng espirituwal na kahandaan ng isang tao para sa binyag, ordenasyon sa priesthood, paglilingkod sa isang tungkulin, o pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo. Kailan nakatulong sa iyo ang pagkakataong makausap ang isang priesthood leader para maragdagan ang iyong personal na pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo? Bakit angkop na pag-isipan ang araw-araw na buhay bilang araw ng paghuhukom?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang pagsusuri sa inyong buhay ay mahalagang paraan ng paghahanda para sa Huling Paghuhukom. Anyayahan ang iyong mga kagrupo na basahin ang Alma 5:14–26 at tukuyin ang mga tanong na makatutulong sa atin na pag-isipan ang ating espirituwal na katayuan sa harapan ng Panginoon. Talakayin ang ilan sa mga paraan na inanyayahan ni Alma ang kanyang mga tao na maghanda para sa panahon na makakaharap nila ang Diyos. Sa paanong mga paraan tayo tutulungan ng Tagapagligtas kapag nagsisikap tayo na maghanda sa pagharap sa Diyos?

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Iniutos sa Iyo ng Tagapagligtas na Humatol nang Matwid

mga lalaking nag-uusap

Gumagawa tayo ng mga desisyon araw-araw batay sa ating pinakamahusay na paghatol. Kapag nagpapasiya sa pagitan ng tama at mali o mabuti at masama, kailangan natin ang Espiritu Santo para magabayan ang ating mga desisyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:12). Kung minsan kailangan nating gumawa ng mga desisyon tungkol sa ibang tao at sa papel na ginagampanan nila sa ating buhay, tulad ng pagpili ng magiging mga kaibigan o ng mapapangasawa. Sa ganyang mga sitwasyon, dapat nating tandaan ang tagubilin ng Panginoon na “huwag hahatol nang di makatarungan, upang huwag kayong hatulan; datapwat humatol nang makatarungan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:2).

Ang pambabatikos, masasakit na salita, at hindi magandang kaisipan ay hindi nararapat. “Tiyaking ikaw ay maawain sa iyong mga kapatid; makitungo nang makatarungan, humatol nang makatwiran, at patuloy na gumawa ng mabuti” (Alma 41:14). Sa mga sandali na kailangan ang paghatol sa pakikipag-ugnayan natin sa iba, dapat nating sikaping ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks: “May dalawang uri ng paghatol: kaagad na paghatol na ipinagbabawal sa ating gawin, at mga paghatol sa nararapat gawin na ipinagagawa sa atin, ngunit ayon sa matwid na mga alituntunin.” Ano ang ilan sa “matwid na mga alituntunin” na makatutulong sa iyo na maiwasan ang maling paghatol sa iba o paghatol nang hindi matwid?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ipakita o basahin ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

    “[Umaasa] kami na ang ating mga kapatid ay magiging sensitibo sa damdamin ng isa’t isa, at mamumuhay sa pagmamahal, na iginagalang ang isa’t isa nang higit kaysa sarili, tulad ng iniutos ng Panginoon. …

    “Kung iwawaksi ninyo ang lahat ng pagsasalita ng masama, paninirang-puri, at masasamang isipan at damdamin: magpapakumbaba, at lilinangin ang bawat alituntunin ng kabutihan at pagmamahal, mapapasainyo ang mga pagpapala ni Jehova, at masasaksihan pa ninyo ang mabuti at maluwalhating mga panahon; ang kapayapaan ay nasa loob ng inyong bakuran, at kasaganaan ang nasa inyong mga hangganan.”

    Talakayin kung paano nagdudulot ng kapayapaan at mga pagpapala ang pagsisikap nating iwasan ang hindi matwid na paghatol at pagkundena sa iba. Kailan ninyo nadama na pinagpala kayo sa pagsisikap ninyong humatol nang matwid?

Alamin ang iba pa

Mga Tala

  1. Gerrit W. Gong, “Muling Magtiwala,” Liahona, Nob. 2021, 99.

  2. Boyd K. Packer, “The Mediator,” Ensign, Mayo 1977, 54–56.

  3. Dallin H. Oaks, “Banal na Pagmamahal sa Plano ng Ama,” Liahona, Mayo 2022, 102.

  4. Dallin H. Oaks, “‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 7.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 402, 403.