Library
Mga Banal na Kasulatan


“Mga Banal na Kasulatan,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Mga Banal na Kasulatan

Isang talaan ng mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak

Naranasan mo na bang maghanap ng talata sa banal na kasulatan na tila direktang nangungusap sa iyo? Ang mga banal na kasulatan ay may espirituwal na kapangyarihan (tingnan sa Lucas 24:32; 2 Nephi 32:3). Pinatototohanan ng mga ito na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos at inaakay tayo sa Kanya bilang pinagmumulan ng ating kaligtasan. Binigyan tayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ng banal na kasulatan upang ituro sa atin ang Kanyang plano para sa ating kaligayahan, tulungan tayong magkaroon ng patotoo tungkol sa Kanyang Anak na si Jesucristo, gabayan tayo, bigyan tayo ng pag-asa, at marami pang iba. Sa buong kasaysayan, itinala ng mga sinauna at makabagong propeta ang mga banal na mensaheng natatanggap nila at ang mga salaysay tungkol sa mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Mapalad tayong makatanggap ng salita ng Diyos sa ating panahon.

Ano ang Mga Banal na Kasulatan?

Ang mga banal na kasulatan ay mga sagradong aklat na naglalaman ng salita ng Diyos, mga turo ng mga propeta, at mga inspiradong salaysay tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak (tingnan sa 2 Pedro 1:20–21). Kabilang sa mga opisyal na mga banal na kasulatan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na tinatawag na “mga pamantayang aklat na mga banal na kasulatan,” ay ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas.

Buod ng paksa: Mga Banal na Kasulatan

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Biblia, Aklat ni Mormon, Mga Propeta, Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo ni Jesucristo

Bahagi 1

Ang Mga Banal na Kasulatan ay Mas Maglalapit sa Iyo sa Iyong Ama sa Langit at kay Jesucristo

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ipinahayag ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.”1 Ang mensahe at espirituwal na kapangyarihan ng mga banal na kasulatan ay umaakay sa atin tungo sa kaligtasan. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Ang salita ng Diyos, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, … ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at protektahan sila ng Espiritu upang mapaglabanan nila ang kasamaan, makapanangan sila sa mabuti, at magkaroon ng kagalakan sa buhay na ito.”2 Ang desisyon mong basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan ay mahalagang hakbang tungo sa pagiging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Itinuro ni Elder Robert D. Hales: “Kapag nais nating kausapin ang Diyos, nagdarasal tayo. At kapag gusto nating kausapin Niya tayo, sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan.”3 Kailan mo nadama na binigyan ka ng mga banal na kasulatan ng mga sagot? Ano ang ibabahagi mo sa iba para matulungan silang maunawaan na matutulungan sila ng mga banal na kasulatan na makatanggap ng mga sagot mula sa Diyos?

  • Itinala ng propetang si Nephi ang inaasahan niyang mararanasan ng mga magbabasa ng kanyang inspiradong mga isinulat. Basahin ang 1 Nephi 6:1–6. Paano nakakaimpluwensya ang pag-unawa sa layunin ni Nephi sa pagsulat ng kanyang salaysay sa paraan ng pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Magkasamang panoorin ang video na “President Nelson—The Scriptures Teach Us about Jesus Christ (for Youth)” (0:59), na inaalam ang mga katotohanang ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson na matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan. Ano ang sinabi niya tungkol sa kahalagahan ng pagtutuong mabuti ng ating sarili sa mga banal na kasulatan sa araw-araw?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Mga Banal na Kasulatan ay Isang Sagradong Koleksyon ng mga Salita ng Diyos sa Kanyang mga Anak

banal na kasulatan, mga

Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “naniniwala sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at … na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9). Marami sa mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga anak ay nakatala sa mga banal na kasulatan, na kinabibilangan ng Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Ang mga aklat na ito ay tinatawag na “mga pamantayang aklat” at itinuturing na opisyal, o kanonado, na mga banal na kasulatan ng Simbahan.

  • Ang Biblia ay talaan ng mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga tao, mula sa panahon ni Adan hanggang sa panahong nabuhay ang mga Apostol ni Jesucristo. Ito ay nahahati sa dalawang bahagi: ang Lumang Tipan at ang Bagong Tipan. Itinuturo sa Lumang Tipan na darating ang ipinangakong Mesiyas bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Nakatala sa Bagong Tipan ang buhay ni Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli. Kabilang din dito ang mga turo ng Kanyang mga Apostol sa mga miyembro ng Simbahan na itinatag ni Jesucristo sa panahong iyon.

  • Ang Aklat ni Mormon ay isang sagradong talaan ng mga taong nanirahan sa Western Hemisphere sa pagitan ng mga 2000 BC at AD 400. May subtitle ito na “Isa Pang Tipan ni Jesucristo.” Isinulat ito para sa layuning “[hikayatin] … [ang] mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon).

  • Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng maraming makabagong paghahayag na natanggap bilang bahagi ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Karamihan sa mga paghahayag na ito ay natanggap ni Propetang Joseph Smith noong ikalabingsiyam na siglo.

  • Ang Mahalagang Perlas ay naglalaman ng mga isinulat mula sa aklat ni Moises at sa aklat ni Abraham. Kabilang din dito ang bahagi ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, mga seleksyon mula sa kanyang pagsasalaysay tungkol sa Simbahan, at ang Mga Saligan ng Pananampalataya.

Bukod pa sa mga pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan, itinuturing ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga inspiradong salita at turo ng mga makabagong propeta na mga banal na kasulatan. “Anuman ang kanilang sasabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan” (Doktrina at mga Tipan 68:4).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang Alma 37:8–10, at alamin kung paano nakagawa ng kaibhan ang mga banal na kasulatan sa mga tao sa panahon ni Alma. Paano mo nakita ang gayunding mga pagpapala sa buhay mo at sa buhay ng mga tao sa paligid mo? Alin sa mga pagpapalang nakalista sa mga talatang ito ang inaasam mo na matanggap ngayon sa buhay mo?

  • Nakakita ang mga propeta sa Aklat ni Mormon na sina Lehi at Nephi ng isang pangitain kung saan ang salita ng Diyos ay sinisimbolo bilang gabay na bakal (tingnan sa 1 Nephi 811). Maaari mong rebyuhin ang mga kabanatang ito at isipin kung bakit ang isang gabay na bakal ay angkop na simbolo para sa salita ng Diyos. Kailan naging gabay na bakal ang mga banal na kasulatan para sa iyo?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Maaari mong panoorin ang bahagi o ang buong video ng “Scriptures Legacy” (22:29). Anyayahan ang grupo na ibahagi kung aling mga kuwento ang lubos na nagpahanga sa kanila tungkol sa mga taong tumulong na mapasaatin ngayon ang mga banal na kasulatan. Paano maiimpluwensyahan ng mga talang ito ang ating damdamin tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Pag-aaral ng Mga Banal na Kasulatan ay Makapagdudulot ng Liwanag at Katotohanan sa Iyong Buhay

mga kababaihang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Lahat ng propeta sa mga huling araw ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ay nagiging saganang pagpapala sa lahat ng naglalaan ng oras na magbasa at matuto mula sa mga ito. Kapag pinag-aralan natin ang mga salita ng mga propeta, matututuhan natin ang katotohanan at makatatanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo. Ang Panginoon ay nagbigay ng babala sa mga naunang Banal: “Ang inyong mga isipan sa mga nakaraang panahon ay naging madilim dahil sa kawalan ng paniniwala, at sapagkat inyong pinawalang-kabuluhan ang mga bagay na inyong tinanggap. … Magsisi at [inyong] alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon at ang dating mga kautusan na aking ibinigay sa [inyo]” (Doktrina at mga Tipan 84:54, 57). Ang mga banal na kasulatan ay may kapangyarihang iwaksi ang kadiliman sa pamamagitan ng espirituwal na liwanag na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag binabasa at pinag-aaralan natin ang mga ito.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa Aklat ni Mormon, ang pamilya ni Lehi ay ginabayan sa kanilang paglalakbay sa ilang sa pamamagitan ng isang bola o aguhon na tinatawag na Liahona. Nang manampalataya at magsumigasig sila, ipinakita ng Liahona ang landas na dapat nilang tahakin. Basahin ang Alma 37:38–47, at alamin kung paano ka mapaglilingkuran ng mga banal na kasulatan ngayon tulad ng ginawa ng Liahona para sa pamilya ni Lehi. Ano ang magagawa natin para matanggap ang lahat ng espirituwal na pakinabang ng mga banal na kasulatan, o mga salita ni Cristo?

  • Ang pagsasaulo ng isang talata sa banal na kasulatan ay makapagbibigay ng espirituwal na tulong at kapangyarihan sa oras ng pangangailangan. Rebyuhin ang mensahe ni Elder Richard G. Scott na “Ang Bisa ng Banal na Kasulatan.4 Ano ang natutuhan mo mula sa mensaheng ito na maaaring maghikayat sa iyo na pagbutihin ang paraan ng pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

Alamin ang iba pa

Iba pang Resources tungkol sa mga Banal na Kasulatan

Mga Tala

  1. D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 34.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 137.

  3. Robert D. Hales, “Mga Banal na Kasulatan: Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Ikaliligtas,” Liahona, Nob. 2006, 26–27.

  4. Richard G. Scott, “Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2011, 6–8.