“Panalangin,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Panalangin
Tapat at taos-pusong pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit
Marahil may maiisip ka na mga sandali sa iyong buhay na kinailangan mo ng banal na tulong o patnubay. Marahil may nawala sa iyo, may mahalagang tanong ka, o nadama mo na kailangan kang tulungan kaagad. At kung minsan maaaring naghahanap ka lang ng lakas o tapang para lang patuloy na makasulong. Ang panalangin ay pagbaling sa Diyos nang taos-puso at pagsasabi sa Kanya ng iyong mga nararamdaman, naiisip, at pangangailangan. Ang himala ng panalangin ay na kapag nagsumamo ka sa Ama sa Langit, naririnig ka Niya (tingnan sa Jeremias 29:12–13). Kahit sino ka man, anuman ang iyong mga pagkakamali o kakulangan, nais ng Ama sa Langit na kausapin mo Siya sa pamamagitan ng panalangin. Ang sakdal na pag-ibig ng Diyos ay tumitiyak na masasabi mo sa Kanya ang anumang bagay, at makikinig Siya.
Bahagi 1
Inaanyayahan ng Diyos ang Kanyang mga Anak na Manalangin Tuwina
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos Ama (tingnan sa Mateo 6:5–13; 3 Nephi 17:11–20). Iniutos sa atin ng Ama sa Langit na “manalangin tuwina” (Doktrina at mga Tipan 19:38), dahil mahal Niya tayo at nais Niya tayong pagpalain. Nais Niyang kagawian natin ang pagbaling sa Kanya sa araw-araw sa panalangin. Nais din Niyang patuloy tayong manalangin sa ating puso sa buong maghapon (tingnan sa Mosias 24:11–12; 3 Nephi 20:1). Kapag nananalangin tayo sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 18:19; 19:6), ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa ating Tagapagligtas at ang kahandaan nating sumunod sa Kanya. Samakatwid, mapitagan nating sinasabi ang pangalan ng Panginoon habang tinatapos natin ang panalangin, sinasabing “sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Dahil panalangin ang paraan ng paglapit natin sa Diyos Ama, sinisikap nating gamitin ang mga salitang nagpapakita ng katapatan at pagpipitagan. Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Sinabi ni Propetang Joseph Smith, ‘Napakagandang magtanong sa mga kamay ng Diyos, o makarating sa Kanyang kinaroroonan.’ … Ang espesyal na wika ng panalangin ay nagpapaalala sa atin ng kadakilaan ng pribilehiyong iyon.”1 Isinasaisip ang kasagraduhan ng panalangin, dapat gamitin natin ang mga “panghalip ng mga banal na kasulatan kapag tinutukoy natin ang Diyos—Kayo, Inyo, at Ninyo, sa halip na mga karaniwang panghalip na ikaw, iyo, at mo” bilang nararapat.2
Mga bagay na pag-iisipan
-
Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith, “Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay; oo, nang iyong mapagtagumpayan si Satanas, at nang iyong matakasan ang kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas na tumatangkilik sa kanyang gawain” (Doktrina at mga Tipan 10:5). Ano ang ibig sabihin ng manalangin tuwina? Ano ang ilang dahilan kung bakit kailangan ng bawat isa sa atin ang espirituwal na proteksyon ng Ama sa Langit?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming halimbawa tungkol sa panalangin. Basahin ang 2 Nephi 4:30–35 at Alma 34:17–27 kasama ang iba, at hanapin ang mga turo kung kailan tayo dapat manalangin at kung ano ang dapat nating ipagdasal. Paano nakakaimpluwensya ang huwaran ng panalangin na matatagpuan sa mga talatang ito sa pagpili nating manalangin?
Alamin ang iba pa
-
Awit 55:17; Mateo 7:7–11; 2 Nephi 32:8–9; Alma 37:36–37; 3 Nephi 18:15, 18–19; Doktrina at mga Tipan 19:28
-
M. Russell Ballard, “Subalit Maging Handa Kayo sa Bawat Panahon, na Nananalangin,” Liahona, Nob. 2020, 77–79
-
David A. Bednar, “Laging Manalangin,” Liahona, Nob. 2008, 41–44
Bahagi 2
Ang Taimtim na Panalangin ay Mas Maglalapit sa Iyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Kung minsan kapag nagdarasal tayo, mapapansin natin na paulit-ulit nating nagagamit ang parehong mga salita o parirala. Naiisip mo ba na gamitin ang mga salitang paulit-ulit o walang kabuluhan sa tuwing kakausapin mo ang iyong mga kaibigan o kapamilya? Ang ating mga pagsisikap na makipag-usap nang tapat sa ibang tao ay dapat magpaalala sa atin kung paano tayo dapat makipag-usap sa Ama sa Langit sa panalangin. Nais ng Diyos na maging tapat ang ating mga panalangin. Sa Aklat ni Mormon, ang propetang si Enos ay “ibinuhos [ang kanyang] buong kaluluwa sa Diyos” sa panalangin na sumasamo ng mga pagpapala (Enos 1:9). Sa gayunding paraan, bumabaling tayo sa Diyos para sa partikular na mga pagpapala para sa ating sarili at para sa iba.
Bilang uri ng pagsamba, ang panalangin ay may kapangyarihan na mas magpapalapit sa atin sa Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:62–64). Kapag ang taimtim na panalangin ay sinamahan ng pag-aayuno, matatanggap natin ang diwa ng paghahayag at ang ating puso ay mapapadalisay at mapapabanal (tingnan sa Alma 17:3; Helaman 3:35).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Itinuro ni Apostol Pablo sa mga Banal na “manalangin kayong walang patid” at “sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo” (1 Tesalonica 5:17–18). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “manalangin kayong walang patid”? Bakit mahalagang bahagi ng panalangin ang pagpapasalamat? Ano ang magagawa mo para ang iyong taimtim na panalangin ay mas maging bahagi ng iyong pagsisikap na mapalapit sa Ama sa Langit?
-
Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang bawat tapat na panalangin. Ang ilang panalangin ay tahimik; ang iba ay sinasambit nang malakas. Basahin ang mga sumusunod na halimbawa ng pagdarasal nang malakas: Mateo 26:39–44; Juan 17:1; 2 Nephi 4:24; Enos 1:4; Joseph Smith—Kasaysayan 1:14. Ano ang naranasan mo nang magdasal ka nang malakas? Ano ang nakatulong sa iyo sa pagdarasal nang malakas?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Basahin o panoorin ang “Ang Mithiing Tunay ng Kaluluwa” ni Sister Carol F. McConkie. Sa mensaheng ito, sinabi ni Sister McConkie, “May pananampalataya tayong nananalangin, nakikinig, at sumusunod, upang maging isa tayo sa Ama at sa Anak.”3 Talakayin kung ano ang natutuhan ng lahat mula sa mensaheng ito. Paano maituturing ang panalangin na pag-uukol ng oras sa Ama sa Langit?
Alamin ang iba pa
-
Russell M. Nelson, “Magsihingi, Magsihanap, Magsituktok,” Liahona, Nob. 2009, 81–84
-
David A. Bednar, “Humingi nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2008, 94–97
-
Neil L. Andersen, “Pinakikinggan Ko Siya sa Pamamagitan ng Taos-pusong Panalangin at Pagninilay,” Inspiration (blog), Dis. 27, 2021, ChurchofJesusChrist.org
Bahagi 3
Pinakikinggan at Sinasagot ng Ama sa Langit ang Iyong mga Panalangin
Naisip mo na ba kung ang iyong mga panalangin ay naririnig ng Diyos? Laging pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating tapat na panalangin: “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan” (Mateo 7:7). Ngunit sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin alinsunod sa Kanyang kalooban at itinakdang panahon (tingnan sa Mosias 7:33; Doktrina at mga Tipan 64:31–32).
“Ang panalangin ay isang gawain kung saan ang kalooban ng Ama at ang kagustuhan ng anak ay nagkakatugma sa isa’t isa. Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang maisiguro sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap.”4
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ano ang pinakadakilang mga hangarin ng iyong puso? Paano maaaring mapagbuti ang iyong mga hangarin at panalangin sa pag-ayon mo ng yong kalooban sa kalooban ng Diyos?
-
Karaniwang sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kung minsan sinasagot ang ating mga panalangin kapag binabasa at pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan. Kumikilos din ang Diyos sa pamamagitan ng ibang tao upang magbigay ng tulong o mga sagot na hinihingi natin. Basahin ang mga sumusunod na talata ng banal na kasulatan upang pag-isipan ang ilan sa mga paraan na maaaring dumating sa iyo ang pakikipag-ugnayan mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo: 1 Mga Hari 19:12; Doktrina at mga Tipan 8:2–3; 11:11–14. Kailan mo natanto na narinig ng Diyos ang iyong mga panalangin?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kasama ang iyong grupo, ilista ang ilan sa mga paraan na magagamit natin ang teknolohiya para makipag-ugnayan sa iba. Talakayin ang tanong na “Bakit kung minsan ay nahihirapan tayong makipag-ugnayan nang epektibo sa ating Ama sa Langit?” Basahin nang magkakasama ang 3 Nephi 14:7–11. Ano ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa kahandaan ng Ama sa Langit na sagutin ang ating mga panalangin?
Alamin ang iba pa
-
Thomas S. Monson, “Lumapit sa Kanya sa Panalangin at Pananampalataya,” Liahona, Mar. 2009, 5–9
-
“Prayer” (video), Gospel Library
-
Richard G. Scott, “Learning to Recognize Answers to Prayer,” Ensign, Nob. 1989, 30–32
-
James B. Martino, “Bumaling sa Kanya at Darating ang mga Sagot,” Liahona, Nob. 2015, 58–60
-
“Are You Really There?” (video), Gospel Library