“Sambahin ang Diyos Ama,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Sambahin ang Diyos Ama
Pagpapakita ng ating pagmamahal at katapatan sa Diyos
Nang tanungin si Jesucristo kung ano ang pinadakilang kautusan, itinugon Niya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo” (Mateo 22:37). Ipinakita nang perpekto ni Jesus sa buong panahong nabuhay Siya sa mundo kung paano mahalin ang Diyos Ama. Ginawa Niya “ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula” (3 Nephi 11:11). Kapag pinagnilayan mo kung gaano karami ang nagawa ng Ama sa Langit para sa iyo, madarama mo na nadaragdagan ang pagmamahal mo sa Kanya at ang pagnanais mong sundin Siya (tingnan sa Mosias 2:20–24). Ang pagsamba ay isang mahalagang paraan ng pasasalamat natin sa pagmamahal ng Ama at nagpapakita na sinisikap nating mapalapit sa Kanya.
Bahagi 1
Sinasamba Natin ang Diyos Ama sa Pangalan ni Jesucristo
Ang Diyos Ama ang Pinakadakilang Nilalang sa sansinukob. Dahil dito, bumuo Siya ng plano para sa kaligtasan at kadakilaan ng Kanyang mga anak. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa mundo upang gumawa ng nagbabayad-salang sakripisyo para sa ating lahat. Upang matanggap ang mga pagpapala ng plano ng Ama, dapat tayong maniwala sa Kanya at magsikap na gawin ang lahat ng iniuutos Niya.
Iniutos kay Moises na “sambahin ang Diyos, sapagkat siya lamang ang iyong paglilingkuran” (Moises 1:15). Makalipas ang maraming siglo, nang tuksuhin ng diyablo si Jesus na sambahin siya, sumagot si Jesus, “Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran” (tingnan sa Mateo 4:8–10). Mula sa simula, iniutos ng Diyos Ama sa Kanyang mga anak na “gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak” (Moises 5:8). Sa ating panahon, iniutos kay Joseph Smith, “Sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo [ang Diyos]” (Doktrina at mga Tipan 59:5).
Ang iprayoridad nang higit sa lahat ang Ama sa Langit sa ating buhay ay tumutulong sa atin na mapalapit sa Kanya. Iniutos ng Diyos sa mga anak ni Israel, “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko” (Exodo 20:3). Ang pagsamba sa mga diyus-diyusan na binanggit sa mga banal na kasulatan ay nangyayari ngayon kapag mas binibigyan natin ng importansya ang mga bagay o tao kaysa sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Exodo 20:4–5; Doktrina at mga Tipan 1:15–16). Sa kabilang banda, kapag ipinapakita natin sa Diyos na minamahal natin Siya nang buong puso, tulad ng pagmamahal Niya sa atin, mas napapalapit tayo sa Kanya at nagiging mas katulad Niya tayo. Ang pinakamahalagang paraan para makasamba tayo sa Diyos Ama ay lumapit sa Kanyang Anak na si Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi at pagsisikap na tahakin ang landas tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 17:3). Ang mga taong nakatuon lamang ang pagsamba sa Ama sa Langit ay maaaring maging katulad Niya balang araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:19–20).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang pagpiling maniwala na ang Ama sa Langit ay buhay at nagtitiwala sa Kanyang karunungan at kapangyarihan ay mahalaga sa mapagpakumbabang paglapit sa Diyos sa pagsamba. Basahin ang Mosias 4:9–10. Kailan ka nahikayat ng iyong paniniwala sa Diyos na hingin ang Kanyang tulong at kapatawaran? Bakit ang pagsisikap na palaging magsisi at talikuran ang mga kasalanan ay mahalagang aspeto ng tunay na pagsamba?
-
Noong panahon na Siya ay nasa mundo, ipinakita sa atin ni Jesucristo kung paano sambahin ang Ama sa Langit. Basahin ang Juan 5:19–20, at isipin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagsamba. Ano ang ilang paraan na natututuhan natin ang tungkol sa mga gawain ng Ama at ng Anak? Paano ka maihahanda sa pagsamba sa Kanya ng pag-aaral ng gawain ng Diyos na nakatala sa mga banal na kasulatan?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Panoorin ang video na “I Am a Son of God” (6:30). Talakayin ang nadama ng lahat nang malaman nila ang tungkol sa sagradong karanasan ni Moises sa Diyos. Paano tayo mapoprotektahan laban sa tukso kapag binigyan natin ng pinakamataas na prayoridad ang pagmamahal sa Diyos? Paano tayo maihahanda sa pagharap sa mga problema ng ating mga pagsisikap na sambahin ang Diyos?
Alamin ang iba pa
-
Mateo 6:24; Juan 14:6–9, 23; 2 Nephi 9:37; Doktrina at mga Tipan 20:17–19, 29
-
Dallin H. Oaks, “Walang Ibang mga Diyos,” Liahona, Nob. 2013, 72–75
-
““Huwag Kang Magkakaroon ng Ibang mga Dios sa Harap Ko”,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2011), 174–84
Bahagi 2
Maaari Kang Magtamo ng Espirituwal na Lakas Kapag Nakiisa ka sa Iba sa Pagsamba sa Diyos
Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtitipon tuwing Linggo sa mga lokal na kongregasyon upang manalangin, tumanggap ng sakramento, kumanta ng mga himno, matutuhan ang ebanghelyo, at palakasin ang kanilang pagsasamahan. Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na “magtungo sa palanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw” (Doktrina at mga Tipan 59:9). Ang mga pangkalahatang kumperensya, na ginaganap nang dalawang beses bawat taon, ay mahahalagang pangyayari kung saan ang mga lider ng Simbahan ay nagbibigay ng inspiradong tagubilin para sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang pakikibahagi sa organisadong mga serbisyo ng Simbahan ay itinuturing na napakahalagang paraan para sambahin ang Diyos Ama.
Bukod pa sa pagsamba sa araw ng Sabbath, sumasamba rin ang mga miyembro ng Simbahan sa templo. Sa bahay ng Panginoon, tumatanggap ang mga miyembro ng Simbahan ng mga ordenansa ng priesthood na naghahanda sa kanila para sa buhay na walang hanggan. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipang nauugnay sa mga ordenansang iyon ay naghahanda sa atin na makipag-ugnayan sa Diyos, ibig sabihin madarama natin ang Espiritu ng Panginoon at makatatanggap ng kapayapaan, lakas, at maging ng personal na paghahayag.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Inilalarawan sa Aklat ni Mormon kung paano nagtipon ang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo upang sama-samang sumamba. Basahin ang Moroni 6:5–9. Sa paanong paraan natutulad ang kanilang huwaran ng pagsamba sa ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan ngayon? Paano mo ilalarawan ang mga pagpapala ng pagsamba sa araw ng Sabbath sa isang taong nais mong anyayahan sa Simbahan?
-
Sa paglalaan ng Kirtland Temple noong 1836, ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith na “ang lahat ng taong papasok sa pintuan ng bahay ng Panginoon ay madama ang kapangyarihan [ng Diyos]” (Doktrina at mga Tipan 109:13). Kailan nakatulong sa iyo ang pag-uukol ng oras na sumamba sa bahay ng Panginoon para madama ang kapangyarihan ng Diyos?
-
Basahing muli ang mensaheng “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba” ni Bishop Dean M. Davies,1 na inaalam kung paano makatutulong ang tapat na pagsamba para umunlad ka bilang disipulo ni Jesucristo. Habang binabasa mo ang mensahe, anong mga ideya o impresyon ang naisip o nadama mo tungkol sa sarili mong pagsisikap na sumamba?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa ating panahon upang pagpalain ang Kanyang mga tagasunod. Tinalakay ni Pangulong Dallin H. Oaks ang pangangailangan sa isang simbahan sa isang mensaheng ibinigay niya sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2021.2 Basahing muli nang sama-sama ang “Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan,” na hinahanap ang ilan sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsamba kasama ang iba pang mga nagsisisampalataya. Ano ang ilang dahilan kung bakit mahalaga ang pakikibahagi sa mga pagsamba sa Simbahan para sa espirituwal na pag-unlad at progreso ng isang tao?
Alamin ang iba pa
-
1 Corinto 11:25–28; 12:20–27; Efeso 2:19–22; 4:11–13; Doktrina at mga Tipan 25:11–12; 43:8–10; 88:77–78
-
Russell M. Nelson, “Worshiping at Sacrament Meeting,” Liahona, Ago. 2004, 11–14
-
Richard G. Scott, “Pagsamba sa Templo: Ang Pinagmumulan ng Lakas at Kapangyarihan sa mga Oras ng Pangangailangan,” Liahona, Mayo 2009, 43–45
-
Dallin H. Oaks, “Worship through Music,” Ensign, Nov. 1994, 9–12
-
“Sacrament Worship” (video), ChurchofJesusChrist.org
Bahagi 3
Ang Pagsamba sa Diyos ay Maaaring Maging Bahagi ng Iyong Buhay sa Araw-araw
Ipinangaral ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon ang ebanghelyo sa mga maralitang tao, na itinaboy palabas ng mga pinagsasambahan “dahil sa kagaspangan ng kanilang kasuotan” (Alma 32:2; tingnan din sa mga talata 1–12). Ipinaliwanag niya na ang pagsamba ay higit pa sa pagdalo sa mga pagpupulong: “Masdan, sinabi ninyong hindi kayo makasamba sa inyong Diyos dahil sa kayo ay itinaboy palabas ng inyong mga sinagoga. … Kung inaakala ninyong hindi kayo makasasamba sa Diyos, kayo ay labis na nagkakamali” (Alma 33:2). Bukod pa sa regular na pagsamba sa mga serbisyo ng Simbahan sa araw ng Sabbath, maaari mong madama na sinasamba mo ang Diyos sa lahat ng ginagawa mo. Mapagyayaman mo ang ugaling masambahin kapag bumaling ka sa Ama sa Langit sa panalangin (tingnan sa Alma 32:3–11; 37:36) at kapag nagpapasalamat ka para sa iyong mga pagpapala (tingnan sa Alma 34:38). Ang pakikinig sa nakasisiglang musika ay makapaghahanda sa iyo na makipag-ugnayan sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 25:12).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Inakala ng babaeng Samaritana sa may balon na ang pagsamba ay magagawa lamang sa mga sagradong lugar. Basahin ang Juan 4:19–26. Ano ang itinuro ni Jesus sa babaeng ito tungkol sa tunay na pagsamba? Ano ang ilang paraan na mapag-iibayo mo ang damdamin ng pagsamba sa Diyos sa iyong buhay?
-
Ibinahagi ni Elder D. Todd Christofferson, “Napakahalaga sa akin, na sa anumang sandali at sa anumang sitwasyon sa pamamagitan ng panalangin ay makalalapit ako sa luklukan ng biyaya, na maririnig ng aking Ama sa Langit ang aking kahilingan, na ang aking Tagapamagitan, siya na walang ginawang kasalanan, na ang dugo ay nabuhos, ang magsusumamo sa aking kapakanan.”3 Paano makakaapekto ang pagbaling sa Tagapagligtas sa pagnanais mong sambahin ang Ama sa Langit?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang pakikinig sa mabuting musika ay makatutulong sa atin na magkaroon ng pagnanais na sambahin ang Diyos. Maaaring maituon ng nakasisiglang mga salita ang ating isipan sa Ama sa Langit at sa mga pagpapalang maawaing ibinigay Niya. Gumawa ng listahan ng mga awitin na nakatulong sa iyo na madama ang pagmamahal ng Diyos. Sama-samang talakayin ang ilang posibleng dahilan kung bakit itinuturing ng Diyos ang “awit ng mabubuti” na katulad ng isang panalangin (Doktrina at mga Tipan 25:12).
Alamin ang iba pa
-
“Mga Elemento ng Pagsamba,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay (2011), 34–43