Pag-aaral ng Doktrina
Panalangin
Tayong lahat ay mga anak ng Diyos. Mahal Niya tayo at alam Niya ang ating mga pangangailangan, at nais Niyang kausapin natin Siya sa pamamagitan ng panalangin. Sa Kanya lamang tayo dapat manalangin at wala nang iba pa. Kapag nakagawian nating manalangin sa Diyos, makikilala natin Siya at higit tayong mapapalapit sa Kanya at matatanggap natin ang mga pagpapala na handa Niyang ibigay sa atin kapag hiniling natin ang mga ito.
Buod
Tayong lahat ay mga anak ng Diyos. Mahal Niya tayo at alam Niya ang ating mga pangangailangan, at nais Niyang kausapin natin Siya sa pamamagitan ng panalangin. Sa Kanya lamang tayo dapat manalangin at wala nang iba pa. Iniutos ng Panginoong Jesucristo, “Kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan” (3 Nephi 18:19). Kapag nakagawian nating manalangin sa Diyos, makikilala natin Siya at higit tayong mapapalapit sa Kanya. Ang ating mga hangarin ay magiging katulad ng sa Kanya. Makatitiyak tayo na matatamo natin para sa ating sarili at para sa iba ang mga pagpapalang handa Niyang ibigay kung hihiling tayo nang may pananampalataya.
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Alituntunin ng Panalangin
Ang ating Ama sa Langit ay palaging handang makinig at tumugon sa ating mga panalangin. Ang kapangyarihan ng ating mga panalangin ay nakasalalay sa atin. Habang nagsisikap tayo na gawing bahagi ng ating buhay ang pananalangin, dapat tandaan natin ang payo na ito:
Gawing makabuluhan ang ating mga panalangin. Nagbabala ang propetang si Mormon na kung sinuman ang “mananalangin at walang tunay na layunin sa puso … ito ay walang kapakinabangan sa kanya, sapagkat ang Diyos ay walang tinatanggap na gayon” (Moroni 7:9). Upang maging makabuluhan ang ating mga panalangin, dapat manalangin tayo nang taimtim at “nang buong lakas ng puso” (Moroni 7:48). Iwasan natin ang “walang kabuluhang paulit-ulit” kapag nananalangin tayo (tingnan sa Mateo 6:7).
Gumamit ng pananalitang nagpapakita ng pagmamahal, paggalang, pagpipitagan, at pagiging malapit. Ang pagsunod sa alituntuning ito ay magkakaiba ayon sa wikang ginagamit. Kung nananalangin tayo sa wikang Tagalog, halimbawa, dapat gamitin natin ang mga panghalip sa mga banal na kasulatan kapag tinutukoy natin ang Diyos—Kayo, Inyo, at Ninyo, sa halip na mga karaniwang panghalip na ikaw, iyo, at mo. Anuman ang wika, iisa lamang ang alituntunin: Kapag nananalangin tayo, dapat gumamit tayo ng mga salitang angkop na nagpapahayag ng pagmamahal at pagsamba sa Diyos.
Palaging magpasalamat sa Ama sa Langit. Dapat tayong “mabuhay na nagpapasalamat araw-araw, sa maraming awa at pagpapalang ipinagkaloob niya sa [atin]” (Alma 34:38). Kapag nag-ukol tayo ng oras na alalahanin ang mga pagpapala sa atin, mapagtatanto natin kung gaano na karami ang nagawa ng Ama sa Langit para sa atin. Dapat ipahayag natin ang ating pasasalamat sa Kanya.
Hangarin ang patnubay at lakas ng Ama sa Langit sa lahat ng ginagawa natin. Ipinayo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman: “Magsumamo sa Diyos para sa lahat ng iyong pangangailangan; oo, hayaang ang lahat ng iyong gawain ay para sa Panginoon, at saan ka man magtungo ay hayaang sa Panginoon; oo, lahat ng iyong nasasaisip ay ituon sa Panginoon; oo, ang pagmamahal sa iyong puso ay mapasa-Panginoon magpakailanman. Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos; at kung gagawin mo ang mga bagay na ito, ikaw ay dadakilain sa huling araw” (Alma 37:36–37; tingnan din sa Alma 34:17–26).
Alalahanin ang mga pangangailangan ng iba sa ating panalangin. Dapat manalangin tayo “para sa [ating] kapakanan, at para rin sa kapakanan nila na nasa paligid [natin]” (Alma 34:27). Dapat hilingin natin sa ating Ama sa Langit na pagpalain at bigyan ng kapanatagan ang mga nangangailangan.
Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman natin kung ano ang isasama sa ating mga panalangin. Matuturuan tayo ng Espiritu Santo na manalangin at magagabayan Niya tayo sa mga bagay na sasabihin natin (tingnan sa Roma 8:26; 2 Nephi 32:8; 3 Nephi 19:9, 24). Matutulungan Niya tayong manalangin “alinsunod sa kalooban ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 46:30).
Kapag may hiniling tayo sa ating panalangin, dapat gawin natin ang lahat ng makakaya natin upang makatulong na maipagkaloob ito. Inaasahan ng Ama sa Langit na mas marami pa tayong gagawin kaysa sa paghiling lamang ng mga pagpapala sa Kanya. Kapag may mahalagang pasiya tayong gagawin, madalas Niyang iniuutos sa atin na “pag-aralan ito sa [ating] isipan” bago Siya magbigay sa atin ng sagot (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:7–8). Magiging epektibo lamang ang ating mga panalangin para sa patnubay kung sinisikap nating dinggin ang mga bulong ng Espiritu Santo. Ang ating mga panalangin para sa kapakanan ng ating sarili at ng ating kapwa ay mawawalan ng kabuluhan kung “tatalikuran natin ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi [natin] dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang [ating] kabuhayan, kung [tayo] ay mayroon, sa mga yaong nangangailangan” (Alma 34:28).
Kung may mahirap tayong gawain, nasisiyahan ang Ama sa Langit kapag tayo ay lumuluhod at humihingi ng tulong at pagkatapos ay tumitindig at kumikilos. Tutulungan Niya tayo sa lahat ng ating mabubuting ginagawa, ngunit bihira Niyang gagawin ang isang bagay para sa atin kung magagawa naman natin iyon nang mag-isa.
Personal na Panalangin
Sa Kanyang Sermon sa Bundok, ipinayo ni Jesucristo: “Pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka” (Mateo 6:6). Ang personal at pribadong panalangin ay mahalagang bahagi ng ating espirituwal na pag-unlad.
Kahit man lamang tuwing umaga at gabi, dapat maghanap tayo ng lugar na walang gambala at mapagpakumbabang lumuhod at manalangin sa ating Ama sa Langit. Bagama’t kung minsan ay kailangan nating manalangin nang tahimik, dapat pagsikapan nating manalangin nang malakas paminsan-minsan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:28; 20:51).
Ang panalangin ay isang uri ng komunikasyon kung saan ang dalawang kalahok ay parehong nagbibigay ng impormasyon. Kapag tinapos na natin ang ating mga panalangin, dapat mag-ukol tayo ng oras upang huminto at makinig sandali. Kung minsan, papayuhan, papatnubayan, o bibigyan tayo ng kapanatagan ng Ama sa Langit habang nakaluhod tayo.
Kailanman ay hindi natin dapat paniwalaan ang ideya na hindi tayo karapat-dapat na manalangin. Ang ideyang ito ay mula kay Satanas, na nagnanais na kumbinsihin tayo na hindi tayo dapat manalangin (tingnan sa 2 Nephi 32:8). Kung wala tayong ganang manalangin, dapat manalangin tayo hanggang sa magkaroon tayo ng ganang manalangin.
Iniutos ng Tagapagligtas, “Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay; oo, nang iyong mapagtagumpayan si Satanas, at nang iyong matakasan ang kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas na tumatangkilik sa kanyang gawain” (Doktrina at mga Tipan 10:5). Bagama’t hindi naman maaaring nakaluhod na lamang tayo palagi, at patuloy na nananalangin nang personal at pribado, maaari nating hayaan ang ating mga puso na “mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa [Diyos]” (Alma 34:27; tingnan din sa 3 Nephi 20:1). Sa buong maghapon sa bawat araw, maaari nating panatilihin ang ating pagmamahal para sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Maaari nating ipahayag nang tahimik ang ating pasasalamat sa ating Ama at hilingin sa Kanya na palakasin tayo sa ating mga responsibilidad. Sa oras ng tukso o pisikal na panganib, maaari tayong tahimik na humingi ng tulong sa Kanya.
Panalangin ng Pamilya
Bukod pa sa pag-uutos sa atin na manalangin nang mag-isa, pinayuhan tayo ng Tagapagligtas na manalangin kasama ang ating pamilya. Sabi Niya, “Manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama, lagi sa aking pangalan, nang ang inyong mga asawa at inyong mga anak ay pagpalain” (3 Nephi 18:21).
Dapat palagi nating gawing bahagi ng buhay ng ating pamilya ang panalangin ng pamilya. Tuwing umaga at gabi, dapat sama-sama tayong lumuhod nang may pagpapakumbaba, binibigyan ang bawat miyembro ng pamilya ng madalas na pagkakataong manalangin at nagkakaisa sa pasasalamat para sa mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit. Dapat din tayong magkaisa sa pananampalataya upang magsumamo para sa mga pagpapalang kailangan natin at manalangin para sa iba.
Sa pamamagitan ng palagiang panalangin ng pamilya, mapapalapit ang ating pamilya sa Diyos at sa isa’t isa. Matututo ang ating mga anak na makipag-usap sa kanilang Ama sa Langit. Mas magiging handa tayo na maglingkod sa ating kapwa at mapaglabanan ang mga tukso. Ang ating tahanan ay magiging lugar ng espirituwal na lakas, isang kanlungan mula sa masasamang impluwensya ng mundo.
Pananalangin sa Publiko
Kung minsan ay hihilingan tayong manalangin sa publiko, marahil sa miting o klase sa Simbahan. Kapag binigyan tayo ng ganitong pagkakataon, dapat alalahanin natin na nakikipag-usap tayo sa Ama sa Langit, at hindi nagsesermon sa mga tao. Hindi natin dapat alalahanin kung ano ang iisipin ng iba tungkol sa sasabihin natin. Sa halip, dapat mag-alay tayo ng simple at taos-pusong panalangin.
Pagtanggap ng mga Sagot sa Panalangin
Itinuro ng Tagapagligtas, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan: sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan” (Mateo 7:7–8). Sinabi Niya sa mga Nephita, “Anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo” (3 Nephi 18:20).
Naririnig ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin. Maaaring hindi Siya palaging sumasagot ayon sa inaasahan natin, ngunit talagang sumasagot Siya—sa sarili Niyang panahon at ayon sa Kanyang kalooban. Dahil alam Niya kung ano ang pinakamainam para sa atin, ang sagot Niya kung minsan ay hindi, kahit taimtim ang ating mga pagsamo.
Ang mga sagot sa panalangin ay dumarating sa maraming paraan. Madalas ay dumarating ang mga ito sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo (tingnan sa “Paghahayag”). Maaaring dumating ang mga ito sa mga kalagayan ng ating buhay o sa pamamagitan ng mabubuting gawa ng mga taong nasa paligid natin. Habang patuloy tayong napapalapit sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin, mas nagiging handa tayo na mahiwatigan ang Kanyang maaawain at matatalinong sagot sa ating mga pagsamo. Matutuklasan natin na Siya ang ating “kanlungan at kalakasan, isang handang saklolo sa kabagabagan” (Mga Awit 46:1).
Mga Kaugnay na Paksa
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Humingi,” “Panalangin”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Video
Mga Video ng Tabernacle Choir
“A Child’s Prayer [Panalangin ng Isang Bata]”
“Did You Think to Pray? [Naisip Bang Manalangin?]”
“I Need Thee Every Hour [Kailangan Ko Kayo]”
“Oh, May My Soul Commune with Thee [O, Nawa’y Makipagniig sa Inyo ang Aking Kaluluwa]”
Resources sa Pag-aaral
Mga Magasin ng Simbahan
Cesar H. Bonito Duarte, “Ang Himala sa Huling Sandali,” Liahona, Marso 2017
Jessica Larsen, “Eksperto sa Multiplication,” Liahona, Pebrero 2017
“Santiago 1:5–6,” Liahona, Enero 2017
Carlisa Cramer, “Limang Pangako ng Panalangin,” Liahona, Enero 2017
Margaret Willden, “Limang Bagay na Itatanong Kapag Tila Hindi Nasasagot ang mga Dalangin,” Liahona, Enero 2017
Marcos A. Walker, “Ang Nakapanunumbalik na Kapangyarihan ng Panalangin,” Liahona, Enero 2011
“Bakit ko pa kailangang magdasal nang mag-isa samantalang nagdarasal na akong kasama ang pamilya ko?” Liahona, Enero 2011
Janet Thomas, “Magsimula sa Pagdarasal,” Liahona, Oktubre 2009
Virgínia Augusta de Pádua Lima Pereira, “Ang Panalangin ng Aking mga Anak,” Liahona, Hunyo 2008
Daniel Openshaw, “Nagkaisa sa Pamamagitan ng Panalangin,” Liahona, Agosto 2007
R. Val Johnson, “Alam ni Ricardo,” Liahona, Setyembre 2006