Ang Himala sa Huling Sandali
Ang awtor ay naninirahan sa Aragua, Venezuela.
Bata pa ako noon, walang karanasan, at wala nang gaanong oras. Talaga bang makakagawa ng himala ang simpleng panalangin?
Noong 16 anyos ako, nag-hayskul ako sa isang technical school para magtamo ng associate’s degree sa electronics. Dahil kailangan sa kurso ko, kinailangan kong kumumpleto ng 30-araw na internship sa isang lokal na kumpanya para ipakita ang technical skills ko.
Ang internship ko ay sa isang kumpanyang gumagawa ng mga produktong gawa sa papel. Nagsimulang lumago ang hangarin kong maglingkod sa full-time mission, at makakatulong ang trabahong ito para kumita ako ng sapat na pera para makaalis. Ngunit tatlo kaming intern, at isa lang ang pipiliin ng kumpanya para sa isang full-time position.
Ang kumpanya ay may isang makina na sira na. Noong maayos pa ang andar ng makina, kaya nitong tumapos ng trabahong kasindami ng ginagawa ng tatlong makinang katulad nito. Matagal-tagal na ring hindi umaandar ang makinang ito, at nag-order na ng mga piyesa ang kumpanya mula sa ibang bansa na ipapalit sa mga nasirang bahagi para mapaandar itong muli—ngunit hindi pa rin ito umandar. Tinanggap ko ang hamon na subukang kumpunihin iyon.
Araw-araw, ilang oras kong pinag-aralan ang makina. Ngunit kumplikado ito, at hindi madaling malaman sa loob lang ng 30 araw kung bakit nasira ito, lalo na para sa isang katulad ko na wala pang karanasan. Gayunman, nadama ko na kaya kong gawin ito. Tuwing umaga bago magtrabaho, nagbasa ako ng mga artikulo mula sa magasing Liahona at nanalangin sa aking Ama sa Langit. Naging kaibigan ko ang boss ko, isang mahusay na electrical engineer, na humingi ng pahintulot na makapag-uwi ako ng mga kopya ng mga blueprint tuwing Sabado’t Linggo. Pinag-aralan kong mabuti ang mga ito.
Nang malapit nang matapos ang internship, natapos ng dalawang kasamahan ko ang ibinigay na mga proyekto sa kanila at lalo akong nakaramdam ng pressure. Ngunit sa kabila ng negatibo (at mapanlait pa nga) na mga komento sa paligid ko, hindi ako nagduda kailanman. Ang Biyernes na naging tanda ng pagtatapos ng internship namin ay mabilis na dumating. Bagama’t nalutas ko ang ilang isyu, hindi pa rin umandar ang makina. Nagtiwala ako na malapit ko na itong mapaandar, kaya sinabi ko sa boss ko na kung papayagan akong magtrabaho sa Sabado, mapapaandar ko na ang makina sa Lunes.
Gulat na gulat ang boss ko sa sinabi ko kaya siya mismo ang humingi ng pahintulot mula sa presidente ng kumpanya. Pagkatapos ay ipinaalam sa akin ng boss ko na kinabukasan, magtatrabaho kaming tatlo—ang presidente ng kumpanya, ang boss ko, at ako—pero hanggang tanghali lang. “Tayo pong tatlo?” tanong ko. Ipinaliwanag niya na ang presidente ng kumpanya, na isang electronics engineer, ay interesado sa panukala ko dahil napakarami nang nabigong ayusin ang makina kaya sumuko na siya sa pagkukumpuni nito.
Kinabukasan, talagang naasiwa akong makatrabaho ang dalawang mahuhusay na inhinyero. Bata pa ako at hindi pa gaanong mahusay. Gayunman, nagprisinta silang maging mga assistant ko; naasiwa ako at, kasabay nito, nadama ko na napakalaking pribilehiyo niyon.
Ilang minuto na lang bago magtanghali nang matanto ng presidente at ng amo ko na nasayang ang mga pagsisikap namin. Nagpaalam ako at nagpunta sa banyo. Lumuhod ako, at nagdasal nang buong taimtim sa aking Ama. Nakadama ako ng di-maipaliwanag at kamangha-manghang lakas. Hiniling ko sa Kanya na tulungan akong matanggap sa trabaho dahil kailangan ko ito para makaipon para sa misyon ko.
Lumabas ako ng banyo na masiglang-masigla; pero nang sandaling iyon, naisara na ng mga assistant ko ang mga circuit compartment at nailigpit na ang mga kagamitan. Muli kong binuksan ang makina at tiningnan kong mabuti ang 15 circuit card sa loob. Napansin ko na may isang simpleng pin na kasama sa mahigit 4,000 pin sa system na hindi nakakonekta sa card. Ikinonekta ko ito, inilagay sa tamang lugar, at pinaandar ang makina. Umandar ito! Isang himala iyon.
Isang di-malilimutan at nakaaantig na sandali iyon. Niyakap ako ng boss ko, at kinamayan ako ng presidente ng kumpanya at masigla akong binati.
Nakapagtrabaho ako para sa kumpanyang iyon nang halos dalawang taon, nakaipon ako ng sapat na perang kailangan ko, at humayo na sa aking pinakahihintay na misyon. Nang ipaliwanag ko ang dahilan ng pag-alis ko, nagpaalam sa akin ang presidente ng kumpanya at nagsabing, “Alam mo na kung saan ka muling magtatrabaho pagkatapos ng misyon mo. Sana’y magtagumpay ka.”
Ipinakita sa akin ng karanasang ito na walang imposible sa Diyos. Kung hindi tayo mag-aalinlangan, ipapamalas ang mga himala, ngunit matapos lamang subukin ang ating pananampalataya—kahit sa huling sandali. Oo, nangyayari ang mga himala.